Nagpakuha ng pictures ang mga turista kasama si Bop at si Benjamin tuloy ang ginawang tagakuha. Ang Taal naman ang kanilang background.
Pagkatapos pa ng isang oras ay tumulak na sila pabalik sa Malate upang ihatid sa kanilang hotel ang mga turista. Napasulyap naman siya sa kanyang relong pambisig nang maramdamang medyo malayo na sila sa Tagaytay.
May oras pa para makapagbihis siya. Pawisan kasi siya at sa pangalan pa ng hotel na sinabi ni Nicole sa kanya ay bigatin ang kanyang kliyente mamaya. Buti na lang ay may ilan siyang damit na iniwan sa isang malaking paper bag sa kanyang opisina upang magkaroon ng pampalit kung sakaling kakailanganin niya.
“Have a great night!” ang sabi pa niya sa mga turista nang pababa na ang mga ito sa bus.
Umalis din sila kaagad ni Benjamin mula roon. Idinaan na siya ng driver sa kanyang opisina bago ito gagarahe.
“Puwede ba kitang imbitahan para mag-dinner?” tanong pa ni Benjamin sa kanya bago siya makababa ng bus.
Napasimangot siyang napatingin dito. Alam niyang may gusto sa kanya ang lalaki at kilala na niya ito ng tatlong taon. Gayunpaman ay wala siyang intensyon na lalampas sa isang linya ang kanilang relasyon bilang magkatrabaho at hindi lang dahil sa hindi niya ito tipo.
“Sorry. May schedule ako ng special night tour mamaya,” turan naman niya rito.
Buti na lang at hindi na siya kailangan pang magsinungaling sa binata para lang magkaroon ng dahilan para tanggihan ito.
Napatango naman ito at saka nagpaalam na nang makababa siya ng bus. Sinundan na lang niya ito ng tingin bago siya pumasok sa opisina.
Dahil hindi pa oras ng sundo ni Nicole na dumating ay naratnan niya itong nanonood na naman ng news. Excited naman ang buntis na makita siya nang pumasok na siya sa loob saka sinalubong siya kaagad.
“Uy, alam mo ba?” bungad nito.
“Ang ano?” agad na usisa niya na medyo magkasalubong ang mga kilay.
“Bakit parang ang cranky mo ngayon?” naitanong tuloy nitong napaismid.
“Kasi na-late ako kanina. At saka… kahit papaano… I feel bad for Benjamin. Alam kong gusto na niya akong ligawan pero ayaw ko naman siya. ‘Di ko siya type, alam mo na ‘yan.” Napabuntong-hininga pa siya.
Napaismid naman itong muli. “Alam ko naman ‘yan pero pinipilit pa rin kitang itulak sa kanya o kahit kanino para lang may love life ka, ano? Kasi dapat namang nagka-countdown ka na dahil sa edad mo. Two years na lang at thirty ka na. Pero sige na nga, hindi na kita irereto kay Benjamin dahil may naisip na akong bagong Prince Charming… I mean, puwedeng maging Prince Charming mo… na puwedeng maging literal!”
Napakunot naman siya ng noo rito at saka kinuha ang paper bag mula sa ilalim ng kanyang mesa para pumili ng disenteng isusuot para sa kanyang tour mamaya.
“Asus! Ano ‘yon? Countdown to love or countdown to my marrying age? Tigilan mo na nga ako riyan, Nicole. Huwag mo na akong paalalahanan na wala akong love life. Hihintayin ko lang na kusang darating ‘yan. Hindi ako nape-pressure, baka akala mo!” Namataan pa niya ang isang slacks na seda na kulay beige at isang puting sleeveless na blouse. Sa tingin niya ay puwede na rito ang isang pares ng heels na extra niya na kulay beige din. Nakalagay iyon sa tabi ng kanyang paper bag.
“Hmm… sige na nga. Sasabihin ko pa naman sanang nakita ko ang press conference ng prime minister ng Spain sa Malacañang at isa ka sa mga topics ng media.”
Napatingin pa siya rito nang diretso na nanlaki ang mga mata. “Ano? Binanggit ang pangalan ko sa conference niya?” Hindi siya makapaniwala rito.
Napaismid naman ito habang tiningnan ang kanyang pampalit. “Well, no. Pero alam kong ikaw ang tinutukoy niyang gusto niyang protektahan kaya hindi niya sinabi ang pangalan mo. ‘Di ba nga binigyan mo ng calling card ‘yong driver niya? Kaya alam niya sana ang pangalan mo, kung saan ang address mo at kung ano ang negosyo mo. Pero wala siyang binanggit. And I quote, ‘I’m sorry but I cannot reveal her identity. You must understand that I don’t want to drag her name to my political affairs. She has the right to stay anonymous and be a private citizen. In addition to that, I have the right not to say anything more about this matter. Please consider it closed and private.’ O ‘di ba, ang bongga niya?”
Napamaang pa siya sa sinabi nito. “Talaga?” ang aniya at binuksan ang computer para mag-YouTube. Sigurado siyang may nag-upload na roon ukol sa conference na iyon. Gusto niyang makita kaya hinanap niya kaagad sa search bar habang nakapanood lang sa kanya si Nicole na napahalukipkip.
At tama nga ito. Ang galing pang mag-quote ni Nicole. Verbatim! Grabe, wala siyang masabi sa utak nito.
Napangiti naman siya habang nakatitig sa monitor at sa mukha ng sobrang guwapong prime minister. Nakinig din siya sa iba pang katanungan para rito at sa tingin niya ay isang mabuting tao ito at hindi mapagkunwari katulad ng ibang politiko. Tuloy ay napahanga siya rito nang lalo at hindi lang sa mga mata nitong kulay berde at guwapong mukha.
‘Ay, teka lang, Bop! Paano ka nakasisigurong hindi nga siya katulad ng ibang politiko? Nang dahil lang sa magandang mata niya na minsan mo nang natitigan? Kailan ka pa marunong bumasa o manghula kung mabuti nga ang tao o hindi?’
Parang gusto niyang batukan ang sarili. Nagiging biased yata siyang bigla dahil sa magandang mga salita nito. Malay ba niya kung prinotektahan nga ba siya ng lalaki at hindi lang lip service iyon para gumanda ang image nito? Politicians were just like celebrities who want to win people’s hearts. Malalaman lang ng isang tao kung mabuti nga ba itong politiko kung personal nang kilala.
“Sige, magbihis ka na kung gusto mong magbihis,” anang Nicole na sinulyapan ang sarili nitong relong pambisig.
Pumasok na nga siya sa banyo para magpahid ng wet wipes sa leeg, braso, dibdib at likod saka nagbihis nang mabilis. Nagpabango rin siya para wala namang masabi yaong ito-tour niya.
Nang dumating na si Dominic ay saka na rin siya nagtungo sa hotel ng kanyang kliyente. Hindi pa niya alam kung sino iyon dahil room number lang ang ibinigay ni Nicole sa kanya. Parang gusto niyang kabahan pero trabaho niya ito kaya go na lang siya.
“Pakitawag ng room na ‘to at pakisabing dumating na ang tour guide niya. Salamat po,” ang pakiusap niya sa receptionist sa may lobby nang dumating na siya sa hotel. Napatingin pa siya sa paligid habang tinatawag nito ang pakay niya. Maganda, sopistikada at elegante kahit lobby pa lang ng hotel. Napahanga siya. Unang punta niya pa lang doon.
Tumunog naman ang kanyang cell phone. Si Martin. Bahagya siyang napakunot ng noo na sinagot iyon.
“Are you free tonight?” agad na bungad na tanong nito.