Chapter 1
“Nicole, paki-confirm na nagpa-reserve ka na sa suki nating Filipino restaurant.” Kausap ng beinte y otso anyos na si Stephani Tomimbang ang kanyang empleyado at kaibigan sa cell phone. Ito lang ang naiwan sa kanilang maliit na opisina.
Si Stephani ang solong may-ari ng Day-Night Travel Bureau na itinayo niya tatlong taon na ang nakalipas, bagay na maipagmamalaki niya sa kanyang sarili.
Tiningnan pa ng dalaga ang kanyang relo habang naghihintay sa mga turistang bumalik sa bus. Ang may-ari nito ay partner niya sa mga guided tour sa Metro Manila.
Kalimitang package ang kanilang tinatanggap. Kung hindi man ay napag-usapan naman iyon ng magkabilang panig. At dahil sa summer ay maraming turistang nagpa-book sa kanyang mumunting travel agency. Dahil dito ay masasabi niyang masuwerte siya dahil ang Day-Night Travel Bureau ang pinili ng mga ito.
“Nagawa ko na, Bop,” ang tugon naman ni Nicole sa kanya na tinatawag siya sa kanyang palayaw. Malapit naman na sila isa’t isa dahil kasama na niya ito pag-umpisa pa lang niya sa kanyang negosyo.
“Okay. Thanks!” Pagkatapos ay napabaling siya sa moreno at guwapong driver ng bus na si Benjamin. Trenta anyos naman ito, walang pamilya at magkakilala na sila simula nang itayo niya ang Day-Night Travel Bureau. “I-che-check ko lang kung nandito na lahat at dederecho na tayo sa restaurant.”
Nasa Intramuros sila sa mga oras na iyon. At dahil tanghali na ay didiretso na sila sa restoran.
Nag-roll call na siya habang hawak ang kanyang folder na nakapaloob ang ilang papel na nakaprinta at naroon ang lahat ng impormasyon ng mga turista niyang galing China at ang kanilang itinerary. Bale dalawampu ang nasa bus ngayon. Nang makompirmang wala nang naiwan sa labas ng bus ay sumenyas na siya sa driver na aalis na sila.
“Okay. We’ll now proceed to a Filipino restaurant,” sabi niya sa wikang Chinese. Kaya hindi na niya kailangan pa ng interpreter. Nginitian pa niya ang mga pasahero habang nagsasalita sa mikropono para marinig ng lahat.
“Hope you’ll enjoy the Filipino dishes.” Saka napatingin siya sa labas. Binanggit na niya ang mga lugar na kanilang nadaanan papuntang restoran at sinabi ang ilang impormasyong nakuha niya tungkol sa mga iyon.
Pagkatapos niyong ay ibinigay na niya ang kopya ng menu sa mga turista upang matingnan at makuha nang advance ang order ng mga ito habang ipinaliwanag naman niya kung anu-ano ang mga dishes na iyon. Siya na ang nag-order para sa mga turista sa pamamagitan ng pagtawag lang sa numero ng restoran at nag-order na rin siya para sa kanila ni Benjamin, katulad ng dati.
“Pagkatapos nating magpunta sa Ocean Park, makakapagpahinga na rin tayo dahil ibabalik na natin sila sa kanilang hotel,” napangiti pang aniya sa bus driver na napatitig sa kanya nang saglit. Ngumiti rin ito sa kanya nang walang salita. Hindi naman kasi ito madaldal talaga.
Parehong nasa Pasay ang kanyang travel agency at ang Rent-A-Vehicle na kompanyang pinagtatrabahuhan nito kaya sabay na rin sila papunta roon pagkatapos nilang maihatid sa Malate ang mga turista.
***
Uminom na si Bop ng tubig pagkatapos kumain. Kinuha naman niya ang bayad mula sa nangungulo sa mga turista ang bayad at saka isinali na rin niya ang bayad para sa kinain nila ni Benjamin.
“The food is great!” ang sabi pa ni Mr. Chua na nakangiti. Halatang nag-enjoy nga ito.
“Thank you. I’ll definitely tell the owner that you liked the food.”
Naging suki na niya ang restoran na ito kaya palaging may discount ang mga turistang tangay niya rito.
Naglibot na sila sa Ocean Park, nanood sa mga divers, nanood pa ng sea lion show at kung anu-ano pa. Nakita naman ng dalagang aliw na aliw ang mga Intsik sa tour sa araw na iyon. Bukas naman ay ililibot niya ang mga ito sa Makati nang saglit at saka tutulak silang Tagaytay.
Pagka-alas kuwatro ay naghintay na siya sa bus habang nagpi-picture taking ang mga turista at saka bumalik na ang mga ito sa bus pagkatapos.
Nag-roll call siya ulit at umusad na ang bus patungo sa hotel ng mga ito sa Malate. Mas gusto niyang tawagin ang pangalan ng mga ito para mas personal kaysa seat number lang ang tinitingnan niya kung nandoon ang dapat na kliyente niya.
“Tomorrow, we’ll pick you up at 8 A.M.,” habilin pa niya bago ipinarada ni Benjamin ang bus nang hindi kalayuan sa entrance ng hotel.
Nang makababa na ang huling pasahero ay agad namang umalis ang bus pabalik sa kanilang destinasyon sa Pasay.
“Kumusta ang araw mo, Bop?” tanong ni Nicole sa kanya. Dahil buntis ito ay siya ang tumatayong taga-tour imbes na ito sana. Kaya madalas na siya ang lumalabas ngayon para sa pag-guide ng mga turista.
Ngunit iyon ay depende rin kung saan galing ang kanilang naka-book na mga turista. Mas lamang din kasi siya rito kapag languages ang pag-uusapan. Nagsikap talaga siyang matuto ng iba’t ibang lengguwahe para sa kanyang negosyo. Maliban doon ay may sideline din siyang translation online.
Pareho nilang alam ang Japanese, Chinese, Korean, English at French. Pero hindi alam ni Nicole ang Spanish at German. Ang English at French ay natutunan niya sa kanilang Foreign Language na subject noon sa college, kasama na ang Japanese. Pero sadya niyang pinag-aralan ang Chinese, Korean, Spanish at German sa isang private school. At sa kasalukuyan ay nais niyang matuto ng Romanian. Well, she had to admit that she was a sucker for studying foreign languages! Kung hindi siya nagta-translate ng documents online ay nag-aaral naman siya ng ibang wika sa kanyang free time habang nakikinig ng musika.
“Okay lang naman. Mababait naman ang mga Intsik na ‘yon. At bukas, pupunta kaming Tagaytay. Alam mo ‘yon. So, I think it’s going to be a long day for me and Benjamin,” nasabi pa niya habang umupo sa kanyang sariling brown swivel chair. Nasa harap iyon ng mesa kung saan nakapatong ang kanyang computer set at ilang dokumento. Ang mesa naman niya ay nasa tapat lang ng kay Nicole.
Pinindot niya ang remote control na hawak para buksan ang flat TV sa opisina. Iyon ang pampalipas oras nila kapag wala silang customer.
“Bakit ka ba palaging nasa CNN nakabukas?” ang tanong niya sa buntis at nakita roon ang isang balitang nasa Pilipinas pala ang prime minister ng Spain. Napalingon pa siya sa kaibigan at nakita niyang napamaang ito habang nakatitig sa screen samantalang napasimangot naman siya rito.
“Uy! Ang guwapo pala ng prime minister nila. At ang bata pa!”
Napatawa naman siya nang marahan at napatingin siya ulit sa TV ngunit hindi na niya nakita ito. Naiiling naman siya sa kanyang kaibigan-s***h-empleyada.
“May asawa kang tao at buntis pa, pinagpantasyahan mo pa ang isang prime minister?” napatawa pa ring aniya rito at inilipat na iyon sa isang music channel.
“Oy, hindi naman. Napahanga lang naman ako.”
“Aba, kahit na. Isa pa, baka marinig ka pa ng asawa mo riyan, lagot ka. ‘Tsaka, walang dudang may asawa na rin ‘yang sinasabi mong prime minister at baka nga may mga anak na.”
“Hmm… Bakit ba ‘yan ang pinag-uusapan natin? Ano ba naman ang masama kung palagi akong nanonood ng news sa TV, Madam Bop?” Itinikom nito ang bibig pagkabigkas ng palayaw niya.
“Puro negative lang ang makikita mo. At kapag negative, negative vibes din ‘yan kaya hindi mabuti para sa ‘yo.”
“Hay, naku! Maano ba naman kung may alam tayo sa mga current events?”
“Negative nga, eh. Okay na ‘yong nalalaman mo by word of mouth at ‘di ka nakababad sa TV,” ngising tugon niya.
“Hindi talaga ako mananalo sa amo ko,” nausal na lang ng empleyada niya habang naghahanda na para umuwi. Hinaplos nito ang tiyan at pansin niya ang sleeveless sundress na suot nito na pinaresan ng sandals.
'Magandang buntis talaga itong si Nicole,' natutuwang napaisip siya.
Susunduin ito mamaya ni Dominic Singh, ang kaibigan niya mula noong college na isang professional basketball player. Isa itong half-Indian at half-Filipino na ang ina’y isang Fil-Am. At dahil magkaibigan sila ay siya ang naging tulay na naging magkasintahan ito at si Nicole nang ma-love at first sight ito sa babae. At hindi na rin siya nagtaka pang na-inlababo kaagad si Nicole sa lalaki. Guwapo naman kasi at masigasig noon sa panliligaw sa kaibigan niya. Naikasal din sa wakas noong isang taon ang dalawa.
Gayunpaman, kahit malaking kita ng lalaki at ano pang pagkumbinse ng asawa nitong tumigil na si Nicole sa pagtatrabaho para sa kanya ay hindi ito nakinig dahil gusto rin daw nitong maging isang independent and career woman. Kaya wala na rin itong nagawa pagdating sa bagay na iyon.
“Hello, ladies!” ang bati ni Dominic na pumasok sa kanilang maliit na opisina. Tumunog pa ang maliliit na bells na nakabitin nang buksan nito ang salaming pintuan. Nakalagay kasi iyon sa ibabaw ng hamba para mapansin nila kaagad na may papasok na tao.
“Hello yourself! Buti at palagi mong sinusundo ‘yang asawa mo. Baka kung saan pa ‘yan nagpupupunta,” ngumising aniya nang pabiro sa kaibigang lalaki.
Parang lalong lumiit ang opisina nila dahil sa malaking bulas na pumasok. Halos maabot na ng ulo nito ang kisame. Nakasuot lang ito ng kaswal, jeans at T-shirt na pinaresan ng city slippers.
“Wala kasi akong magagawa, eh. Boss ko na ‘tong empleyada mo.” At saka hinalikan nito sa labi ang asawang buntis nang apat na buwan.
“Sinabi mo pa. Ako na nga ang nasa field simula nang binuntis mo ‘yan, eh! Kaya boss ko na rin ‘yan,” dagdag pa niya.
Napatawa sa kanya ang mag-asawa at nagpaalam na. Naghanda na rin siya para umuwi. Nang magsara na siya ay lumulan na siya kaagad sa kanyang kulay-mint green na Suzuki Alto na isang mini-car. Nagmaneho na siya pauwi sa kanyang bahay sa Makati na nasa isang katamtaman ang laki na subdivision. Hindi naman talaga iyon high-end pero okay na sa kanya. Ligtas, masinop at mababait ang mga kapitbahay. Kasama naman niya sa bahay ang kanyang lolang makalimutin at isang katulong.
Naisipan niyang huminto sa isang convenience store para bumili ng ice cream. Kalimitan niya ring ipinagbibili ang kanyang lola na may low sugar, taliwas sa kalimitang mga may edad at matatandang may diabetes. Sigurado ang dalaga na matutuwa ang abuela niya sa kanyang pasalubong.