NAGKALAT ang mga preso sa gilid ng ground sa pagsisimula ng palaro. Nakaupo ang ilan sa mga pahabang upuan samantalang ang karamihan ay nakatayo lamang habang nag-uusap kung kaya nga naglalaro sa hangin ang ingay ng mga ito. Hindi na rin nawala ang mga nagbabantay na guwardiya sa paligid.
Sa paghihintay niya kasama si Aristhon sa mahabang upuan at ang alalay nito ramdam niya ang init ng araw na dumadampi sa kaniyang balat. Nanunuot iyon hanggang sa ilalim ng kaniyang laman na siyang dumagdag sa init ng kaniyang katawan. Nagsisimula na rin siyang pagpawisan, namalisbis ang pawis mula sa kaniyang sintido paibaba ng kaniyang baba na kaniya namang pinahid kaagad. Hindi nga rin naman naliliman ang kanilang kinauupan. Hindi niya tuloy mapigilang magmura na ikinalingon sa kaniya ni Aristhon na nasa gawing kaliwa niya samantalang ang alalay nito ay nkatayo lamang sa likuran nila.
"May problema ba?" ang naitanong sa kaniya ni Aristhon nang sulyapan siya nito. Kahit ang mga nito ay nagtatanong.
Hindi ito nagpalit ng damit katulad niya. Kung ano ang suot nila nang sandaling iyon ay siyang isusuot nila sa paglalaro.
Nilingon niya ito sa pagpagpag niya ng suot nang kahit papaano ay mayroon siyang maramdaman na hangin sa kaniyanhlg dibdih.
"Sobrang init," maktol niya rito.
Inilagay niya ang kaniyang kamay sa itaas lamang ng kaniyang mga mata nang makatingin siya sa malayo.
Hindi na rin naman nagtaka si Aristhon sa lumabas sa kaniyang bibig dahil totoo rin naman talaga ang sinasabi niya. Ibang-iba nga ang init ng araw na iyon.
"Kung hindi mo kayang maglaro puwede namang huwag na tayong tumuloy," ang naisatinig ni Aristhon. "Maiintindihan naman ng mga nag-ayos kung bakit hindi. Hindi rin naman mahalaga ang magiging laro. Wala rin naman tayong makukuha maliban sa premyo."
Ibinaling niya ang tingin dito. "Wala naman akong sinabing hindi," aniya kay Aristhon sa pagbaba ng kaniyang kamay na nangalay.
"Akala ko ay aayaw ka na." Tinapik siya nito nang dalawang beses sa balikat. "Magsaya na lang tayo. Minsan lang itong mangyari. Kapag narito ka sa piitan. Kailangang salihan mo ang lahat nang malibang ka. Dahil kung hindi mabubuang ka nang tuluyan."
Inalis niya ang kamay nitong ipinatong nito sa kaniyang balikat.
"Matagal ka nang baliw. Hindi mo na dapat sinasabi ang ganiyan," paalala niya rito. "Kahit ngayon lumalabas ang pagiging siraulo mo."
Gumuhit ang manipis na ngisi sa labi nito. "Gustong-gusto ko talaga kung paano mo ako kausapin. Hindi ko alam kung bakit. Hindi ka natatakot na mayroon akong gagawin sa iyo," sabi pa nito nang isandig nito ang likod. Idinipa nito ang dalawang kamay sa sandigan habang nakabukaka ang dalawang paa. Nasagi pa nito ang kaniyang likod dahil doon.
"Wala naman kasing dapat katakutan. Pareho lang tayong tao. Kung ano ang kaya mong gawin, magagawa ko rin nang pantay," ang makahulugan niyang sabi sa pagsalubong niya sa mapanuri nitong tingin. "Hindi ka isang diyos. Tingin mo ba sa sarili mo isa kang diyos kaya kahit anong sabihin mo nasusunod?"
"Ni minsan hindi ko naman tiningnan ang sarili ko bilang diyos. Pero mas lamang ako sa nakakarami," saad ni Aristhon sa kaniya na ikinakunot ng kaniyang noo.
"Masyado namang mataas ang tingin mo sa sarili mo," komento niya rito kapagkuwan ay tiningnan niya ito nang maigi. "Ngayong tinitingnan kita masasabi kong hindi na nga nakapagtatakang ganoon ka mag-isip. Kung ako sa iyo dapat mong baguhin ang sarili mo para kapag bumagsak ka hindi gaanong magiging mahirap sa iyo ang bumangon." Nang mapagtanto niya ang isang bagay dugtong niya, "Bakit ba ako nakikipag-usap sa iyo tungkol sa personalidad mo? Kahit ano namang sabihin ko hindi naman mababago ang takbo ng isip mo."
"Malay mo naman mabago mo nga. Pagbigyan kaya kita?" ang naisatinig nito sa kaniya.
Lalo lamang nagsalubong ang kaniyang dalawang kilay sa huling nasabi nito sa kaniya.
"Para namang makikinig ka talaga sa akin."
"Bakit hindi mo subukan?"
Lumipad lamang sa hangin ang nasabi nito sa kaniya nang baliwalain niya ang mga iyon.
Hindi na niya nakausap pa ito nang mabaling niya ang kaniyang tingin sa kabilang ibayo ng ground kung saan naroon ang inilagay na tolda. Sa loob niyon ang warden na nakaupo sa likuran ng mahabang mesa kasama ang nagpalaro na babaeng marangya ang suot na pulang blusa. Hindi sa mga ito napako ang kaniyang tingin kundi sa matandang lalaki na si Gustavo na lumapit sa mga ito. Mayroong sinabi ang matandang lalaki sa warden na ikinagalit ng huli. Makikita namang nagpaliwanag ang matandang lalaki. Matapos ng mga sinabi nito nakipag-usap ang warden sa babae bago nito ibinalik sa matanda ang atensiyon. Sa pagwasiwas ng kamay nito na busangot ang mukha lumakad na papalayo ang matanda mula sa tolda. Sa paghakbang ng matanda pabalik sa grupo nito nakuha pa nitong tumingin sa gawi nila ni Aristhon. Gumuhit ang makahulugang ngiti sa labi na naintindihan niya kung bakit nang lumapit ito sa mga makakalaban nila ni Aristhon. Malalaki ang pangangatawan ng tatlong lalaki na batak sa pagbubuhat. Mukha pang mga asong nauulol kaya siguradong hindi gagawa nang matino ang mga ito sa paglalaro.
"Hindi ka ba nag-aalala? Tingnan mo nga iyang makakalaro natin na isinali ni Gustavo?" ang nasabi niya kay Aristhon nang ibalik niya ang atensiyon dito. "
Tumingin nga ito sa kinalalagyan ng matandang lalaki't tatlong tauhan nito. Blangko lamang emosyon sa mukha nito.
"Inasahan ko na isasali niya ang mga iyan," sabi ni Aristhon nang alisin nito ang pagkadipa sa mga kamay. "Nakalimutan ko ring sabihin sa iyo na walang sinusunod na alintuntunin sa paglalaro rito. Ang kailangan mo lang gawin ay ang ipasok ang bola sa net."
"Ano ang ibig mong sabihin?" nagtataka niyang tanong.
Tumayo ito nang tuwid na hinuhubad ang polong asul. Iniwan nito ang sandong puting pangloob na siyang nagpalitaw sa mga braso nitong napalamutian ng mga tatu.
"Maiintindihan mo rin mamaya," sabi na lamang nito sa kaniya na malinaw niya namang narinig.
"Bakit pa ba pumayag na sumali?" ang naisatinig niya dulot ng pagkadismaya.
Tinapon nito sa mukha niya ang hinubad nitong polo. Inalis niya rin naman iyon at isinampay sa sandigan ng upuan.
Nahuhulaan na niya kung ano ang mangyayari dahil sa nasabi nito. Sa palagay niya ay magiging mahirap ang laro nila laban sa grupo ni Gustavo lalo na't higit na malalaki ang tatlong lalaki sa kanila. Sa pagpagitna ng presong magsisilbing referee tumayo na rin siya mula sa kinauupuan. Tumabi siya sa kinatatayuan ni Aristhon na hindi inaalis ang polong kaniyang suot, inalis niya lamang ang butones nang makahinga ang kaniyang dibdib. Lumipat din sa likuran nila ang alalay ni Aristhon.
Hindi na nga nagtagal pa't hinipan ng referee ang pito na siyang maririnig sa paligid. Dahil doon nagsilakad na sila patungo sa gitna ng ground kasabay ang tatlong lalaki sa kabila.
"Magaling ka bang sumipa?" ang naitanong sa kaniya ni Aristhon sa kanilang paghakbang.
"Hindi ko alam," sagot niya naman dito. "Ngayon nga lang ako makakapaglaro ng soccer."
Tiningnan siya nito na kunot ang noo. "Basta sipain mo lang ang bola. Pero siguraduhin mong papasok sa net. Ako na ang bahalang humarap sa dalawa."
"Goalie na lang ako," suhestiyon niya rito.
"Hindi puwede," saad nito sa kaniya nang ibalik nito ang tingin sa harapan. Magaling na gaolie iyang si Ismael kaya huwag mong agawan."
Sa narinig pinagmasdan niya si Ismael na masama ang tingin sa kaniya. Inalis din naman niya ang atensiyon dito.
"Ikaw ang bahala," ang nasabi niya na lamang dahil wala na rin siyang ibang opinyon sa bagay na iyon sapagkat iyon nga naman ang unang pagkakataon na makakapaglaro nga siya ng soccer.
Sa hindi nila pagtigil nakarating na sila sa kinatatayuan ng referee hawak ang bola sa isang kamay. Nauna sila nang bahagya sa tatlong lalaki. Pagtigil ng mga ito'y doon na nagsalita ang referee.
"Alam niyo naman siguro ang kalakaran sa laro na ito," anang referee sa kanila. "Ang unang makadalawa ng score ang siyang mananalo."
Wala naman sa referee ang kaniyang atensiyon kundi sa tatlong lalaking nakangisi sa kanila. Hindi rin naman nagsasalita si Aristhon kaya mas pinili niyang manahimik na rin lamang. Hindi na nga pinatagal pa ng referee ang laro. Sinimulan na nito iyon sa muli nitong pag-ihip sa pito. Sa lapit niya rito tila pinupunit ng ingay niyon ang kaniyang kawawang tainga.
Sinundan iyo ng paglalakad ni Ismael patungo sa net kasabay ng goalie ng kalaban. Samantalang sila naman ay pumuwesto na.
"Bakit hindi mo na lang ibigay sa kanila ang bola?" ang nasabi ng lalaking kalaban na natatalian ang mahabang buhok sa likod. "Pagbibigyan namin sila ng pagkakataon para maka-iskor.'
Tumingin dito ang referee na tumagal din ng ilang segundo. "Sigurado kayo?" paniniguro nito.
"Oo naman. Ibigay mo na sa kanila. Mananalo pa rin naman kami kahit anong gawin at galing nila," tugon naman ng lalaking mahaba ang buhok.
Sinamaan niya ng tingin ang lalaking mahaba ang buhok dahil hindi niya nagustuhan ang pangmamaliit nito sa kanila. "Huwag kang magsalita ng ganiyan dahil kakainin mo ang mga salita mo," sabi niya naman dito.
"Makikita mo mamaya na nagsasabi ako nang totoo," saad ng lalaking mahaba ang buhok. Nakuha pa nitong ngumisi nang masama para sa kaniya.
Sinunod pa rin naman ng referee ang sinabi ng lalaking mahaba ang buhok. Ibinigay nga nito ang bola sa kanila ni Aristhon, sinipa nito iyon patungo sa kaniya kaya gumulong iyon nang hindi gaanong mabilis. Nang matigil sa paggulong ang bola tinapakan niya iyon ng kanang paa sabay baling ng tingin kay Aristhon na hindi mababanaagan ng ano mang pangamba ang mukha. Isinenyas nito ang ulo na ikinakunot ng kaniyang noo, hindi niya maintindihan kung ano ang gusto nitong sabihin sa kaniya. Imbis na unawain pa ang ipagkahulugan niyon ibinaba niya na lamang ang kaniyang tingin sa bola na natatapakan ng kaniyang paa kapagkuwan ay ibinaling sa dalawa nilang kalaban. Huminga siya nang malalim pagtapak niya ng paa sa lupa. Bago pa man siya tumakbo pinasa-pasa niya ang bola sa dalawa niyang mga paa na siya ring paghahanda ng dalawang lalaki.
Pagtingin niya kay Aristhon tumakbo na ito patungo sa net ng kalaban. Sumunod siya kaagad ngunit natigil nang makitang sasalubungin siya nang takbo ng dalawang lalaki sa balak ng mga ito na banggain siya. Nang hindi siya matumba ng mga ito huminto siya't naghintay na makalapit ang dalawa. Sa paglapit nga ng lalaking mahaba ang buhok sa kaniya sinipa niya ang bola patungo kay Aristhon. Nagawa naman nitong masalo iyon ng kanang paa na sinundan kaagad nito nang takbo. Hindi siya nakasunod nang tuluyan nga siyang mabangga ng lalaking mahaba ang buhok samantalang ang kakampi nito ay hinabol naman si Aristhon. Sa lakas ng pagbangga sa kaniya bumagsak nga siya sa lupa na nagpatakas ng ungol sa kaniyang bibig. Hindi man lang siya basta binagga ng lalaki dahil sinuntok pa siya nito nang makailang ulit sa tagiliran. Hindi na rin naman siya nagulat sa nangyayari dahil inasahan na niya iyon. Kung kaya nga nang lumayo ito sa kaniya, sinipa siya ito sa dibdib. Tumayo na rin naman ito nang makasunod ng habol kay Aristhon. Hindi na rin naman siya tumagal sa pagkahiga sa lupa. Bumago na rin naman siya binilisan ang pagtakbo papalapit kay Aristhon. Sa puntong iyon nakahabol na nga ang dalawang lalaki rito. Hindi pa rin naman nagawa ng dalawa na makuha ang bola sapagkat pinalusot ni Aristhon iyon sa ilalim ng mga paa ng lalaking mahaba ang buhok patungo sa kaniya. Hindi niya nakuha ang bola dahil malayo nang ilang hakbang sa kaniya kaya lumampas iyon. Sinuntok ni Aristhon ang lalaking mahaba ang buhok sa mukha na ikinaatras nito. Hindi na lumapit ang ikalawa at hinabol na naman siya. Dahil dito dinagdagan niya ang bilis ng kaniyang pagtakbo. Naabot niya naman ang bola bago pa man iyon lumampas sa linya. Sa kaniyang paglingon nasa likod na niya ang ikalawang lalaki. Nang makaiwas siya rito umatras siya't pinalusot sa ilalim nito ang bola. Sa pagdikit niya rito sinipa niya ito sa tagiliran na ikinaatras nito ang ilang hakbang. Nang ibalik niya ang kaniyang atensiyon sa bola papalapit na rito ang lalaking mahaba ang buhok. Sa pagkakataong iyon siya naman ang nangbangga. Sinalubong niya ang lalaking mahaba ang buhok sabay tulak dito kasabay ng pagsipa niya sa bola patungo kay Aristhon. Hindi niya naman nagawang patumbahin ang lalaking mahaba ang buhok sa laki ng katawan nito. Imbis na ito ang bumagsak siya ang tumumba sa lupa. Napaluktot na lamang siya lalo na't pinagsisipa siya ng lalaking mahaba ang buhok na sinabayan ng ikalawang lalaki. Tumigil lamang ang mga ito nang mapagtanto ng mga ito na lumalayo na si Aristhon sipa-sipa ang bola. Hindi pa rin nagpapigil ang dalawa sa pagsunod dito. Hindi na niya napigilang maasar sa larong iyon. Bumangon siya kaagad kay Aristhon nang makitang sabay na susugod dito ang dalawang lalaki. Nang ilang na lamang ang layo ng mga ito ubod lakas na sinipa ni Aristhon ang bola. Nanlaki na lamang mata niya nang mapagtanto tatama iyon sa kaniyang mukha. Dahilan para mapayuko siya nang hindi siya masaktan. Sa ginawa niyang iyon lumampas ang bola sa linya. Napahawak na lang siya sa kaniyang dalawang tuhod habol ang hininga, punong-puno na siya ng pawis, ramdam niya ang pamamalisbis ng mga iyon sa kaniyang mukha't katawan. Bumangga pa ang bola sa fence bago iyon tumalbog pabalik sa ground.
Inalis niya lamang ang tingin dito nang salubungin ng referee ang bola. Ibinaling niyabang kaniyang atensiyon kay Aristhon na naglalakad patungo sa kaniya na habol din ang hininga na mapapansin sa pagtaas-baba ng balikat nito. Samantalang ang dalawang kalaban nila ay nakuha pang umapir.
"Ano bang ginawa mo?" tanong ni Aristhon sa kaniya. Pinahid nito ang pawis sa noo. Sinagot niya lamang ito ng kibit-balikat kaya hinawakan siya nito sa suot niyang sando. "Ayusin mo," mariin nitong sabi.
Hinawakan niya ang kamay nito para alisin iyon. "Bakit ba bigla mong sineryoso ang laro? Akala ko ba ay naglalaro lang tayo para malibang," ang nasabi niya rito.
Lalong humigpit ang kapit nito sa kaniyang suot.
"Sa mga katulad nila, kailangan mong seryosohin nang makita nila kung sino ang magaling kahit na gumamit pa sila nang hindi magandang paraa," paliwanag nito sa kaniya. "Naintindihan mo?" paniniguro nito sa kaniya. "Sumagot ka!" mariin nitong dugtong.
"Kung alam ko lang na ganito hindi na sana ako sumali," aniya kay Aristhon.
"Huli ka na para umatras," sabi nito sa kaniya nang alisin nito ang kamay sa kaniyang suot. "Subukan mo lang na umalis makikita mo ang hinahanap mo."
"Sino bang nagsabi sa iyo na aalis ako?" matigas niyang sabi rito.
Lumayo na lamang siya rito sa pagpito ng referee. Humakbang na rin naman si Aristhon patungo rito kasabay siya. Naghahanda naman ang dalawa, tumayo ang lalaking mahaba ang buhok sa labas lang linya na tinapakan ang bolang ibinigay ng referee.
"Bantayan mo iyang isa," sabi ni Aristhon sa kaniya na sinunod naman niya.
Nilapitan nga niya ang ikalawang lalaki samantalang si Aristhon naman ay binantayan ang lalaking mahaba ang buhok na naghahabol ng hininga. Sa pagpito ng referee kumilos na nga ito paalis sa kinatatayuan na sinipa-sipa ang bola habang tumatakbo. Naging alerto naman si Aristhon sa pagbabantay dito na kaagad na humarang nang hindi nito maipasa ang bola sa lalaking nasa likuran niya lang.