Kabanata 1
BUHAY na buhay ang lansangang pinuntahan ni Benjo nang gabing iyon dahil sa makukulay at maliliwanag na mga pailaw na nakakabit sa bawat gusaling nakatayo sa kahabaan niyon. Nakatayo lamang siya sa gilid ng daan na nakasandig sa poste ng ilaw katabi ng tindahang bente kuwatro oras kung bukas. Pinagmamasdan niya ang mga taong naglalakad nang papunta't paparito na naghahanap ng mga aliw. Sa dami ng mga tao mistulang hindi na magtatapos ang gabi. Mawawala lamang ang bawat isang taong naroon sa pagsapit ng umaga mula sa puntong maagang sumikat ang araw.
Nakasuot siya ng itim na diyaket panglaban sa lamig ng gabi't puno ng mga piercings hindi lang ang kaniyang tainga maging pati na rin ang kaniyang mukha. Sa itsura niyang iyon mahuhulaan talagang nabibilang siya sa marahas na mundo ng mga taong umaasang kumita ng salapi sa ilegal na gawain.
Dulot ng pagkainip inilabas niya ang pulang kaha ng sigarilyong isinuksok niya sa kanang bulsa ng suot niyang pantalon na punit-punit kasama na ang pangsinding ginintuan ang kulay. Nakatingin siya sa limang palapag na gusali sa kabilang ibayo ng daan nang maglabas siya ng isang sigarilyo mula sa kaha na siyang iniipit niya sa kaniyang bibig. Hindi niya na nga pinatagal pa ang mga sandali't sinindihan niya na ang sigarilyo. Sa lakas ng apoy na inilalabas ng pangsindi nasunog kaagad ang dulo ng sigarilyo na lalong lumiwanag sa paghithit niya rito. Napuno ng usok ang kaniyang lalamunan na umabot hanggang sa kaniyang baga sa hindi niya pagtigil sa paghithit. Binuga niya lamang ang usok nang kinailangan na niyang huminga na siya ring pagsuksok niya sa kaha pabalik ng kaniyang bulsa. Hindi niya naman itinago ang pangsindi sa bulsa dahil pinaglaruan niya pa iyon sa pagbukas at sara rito kaya gumagawa iyon nang hindi nagbabagong tunog sa pagiging bakal niyon.
Sa muli niyang paghithit sa hawak na sigarilyo nakabalik na ang kasama niya galing sa dilim na eskinita matapos nitong umihi. Nakilala niya ang lalaking ito na si Daniel anim na buwan na ang nakakaraan sa pagtulak niya ng bawal na gamot sa isang bar. Mahaba ang buhok nito na natatalian sa likuran ng ulo nito. Nakuha pa nitong ipunas ang dalawang palad sa harapan ng suot nitong bulaklakin na polo sa paglapit nito sa kaniyang kinatatayuan.
"Dumating na ba?" ang naitanong nito sa kaniya nang makatayo na nga ito sa kaniyang kanan. Basag ang boses nito na para bang pinapagulong na lata sa daan.
Pinagmasdan din naman nito ang limang palapag na gusali na isa ngang aliwan. "Hindi pa," ang walang buhay niyang sabi na likas na sa kaniya.
Ganoon na siyang magsalita mula pa pagkabata na kahit galit siya ay hindi pa rin nagbabago, nanatili pa ring walang kulay ang kaniyang mga salitang binabanggit. Dahil sa tinig niyang ito tinitingnan siya ng kakaiba ng mga nakakilala sa kaniya na nadala niya hanggang sa kaniyang pagtanda.
"Mukhang natagalan sila sa daan," komento ni Daniel.
Iniangat niya ang kaniyang kaliwang kamay sabay itinaas ang manggas ng suot na diyaket para makita ang itim niyang relo. Pinagmasdan niya ang bilang ng oras kapagkuwan ay binitiwan na ang manggas.
"Ano ang oras ba na dapat sila ay dumating?" ang naitanong niya rito kahit na nakaipit sa kaniyang bibig ang sigarilyo. Hindi naman iyon nahulog kahit sa kaniyang pagsasalita. "Lampas ala una na."
"Kanina pang alas dose dapat. Maghintay na lang muna tayo ng isang oras pa. Baka kasi mayroong pang ibang nadaanan."
"Ikaw ang bahala," pagsangayon niya sa suhestiyon nito. "Wala rin naman akong ibang gagawin kaya ayos lang na maghintay."
"Kapag nakausap natin ang senador pihadong kikita na tayo nang malaki. Nararamdaman ko na," ang nasabi ni Daniel na pinagkiskis pa ang dalawang palad sa isa't isa. Gumuhit pa sa labi nito ang matalim na ngisi dulot ng mga naiisip nito.
"Walang halaga sa akin kung ano ang ipagawa sa atin basta malaking salapi ang ibabayad," aniya sa lalaki na wala rin naman talagang kahulugan.
Hinayaan niya na lamang ito sa naiisip nito dahil wala naman siyang pakialam doon sapagkat ang mahalaga sa kaniya nang gabing iyon ay makaharap ang sinasabi nitong politiko na kilala hindi lang sa pagbebenta ng bawal na gamot, marami pa itong ilegal na gawain na hindi alam ng mga taong sumusuporta rito.
Hindi niya na lamang ito kinausap nang mabaling ang atensiyon niya sa paparating na grupo ng mga kalalakihan na nakasuot ng mga ternong itim na lima ang bilang. Napalingon siya sa mga ito dahil sa ingay ng paglalakad ng mga ito, tinutulak pa ng nagsisilbing lider ang mga nakasasalubong nito na mayroong kasamang pagsigaw. Sinisipa nito ang hindi tumatabi sa dinaraanan ng mga ito na kaniyang ikinailing ng ulo. Wala sa ayos ang suot ng lider ng grupo dahil sa hindi nakabutones nang mabuti ang puting pangloob nito. Sa sama ng mukha nito malalamang hindi ito gagawa nang matino.
Nang mapansin ng lalaking kasama niya na sa malayo siya nakatingin sinundan nito ang kaniyang mga mata hanggang sa tumama na iyon sa grupo.
"Hindi ko talaga nagugustuhan ang taong iyan," ang sabi ni Daniel na ang tinutukoy ay ang lalaking masama ang mukha.
"Bakit naman?" pag-usisa niya naman dito.
"Masyadong mataas ang bilib sa sarili," sabi nito na kaniyang ikinatango. "Tingin niya sa sarili niya ay isa siyang hari kahit hindi naman. Naghahari-harian matapos makulong ang boss nila kaya iyan gumawa ng sariling grupo ngayon. Huwag mo siyang kausapin kapag nakalapit dito baka mapagdiskitahan pa tayong dalawa. Mahirap na."
Nauunawaan niya ang lumabas sa bibig nito dahil maging ito ay ganoon din naman na hindi nito napapagtanto. Sa hindi nila pag-alis ng tingin sa grupo napansin ng lider na nakatingin sila rito. Dahil doon naglakad ito patungo sa kanila na para bang pagmamay-ari nito ang kalsada, malaki ang buka ng mga paa nito sa paghakbang kasabay ng magalaw nitong pang-itaas na katawan. Ngumisi pa nga ito nang matalim na labas ang naninilaw nitong ngipin, napapasunod na lang dito ang apat na alagad nitong hindi nalalayo ang itsura rito. Kung pagmamasdan niya ang mga ito'y masasabi niyang magkakamukha ang mga ito dahil walang matino ang mukha. Lalong lumaki ang paghakbang nito nang ilang dipa na lamang ang layo nito sa kanila.
"Tingnan mo nga naman kung sino ang narito," sabi ng lider na nakatingin sa kasama niyang lalaki. "Hindi ba' t sabi ko sa iyo hindi ka puwedeng pumunta rito. Sa akin ang lugar na ito. Hindi mo maaring angkinin." Sumama ang tingin nito kaya nadagdagan ang laki ng mga mata nito.
Sinalubong ni Daniel ang masamang tingin ng lider. "Walang nangaangkin sa lugar na ito. Nagpunta lang kami rito para mayroong kausapin. Matapos niyon aalis na kami," ang nasabi naman nito.
Inalis niya ang hindi pa nauupos na sigarilyo sa kaniyang bibig kapagkuwan ay inihulog niya iyon sa daan sabay dikdik dito kaya napapatingin sa kaniya ang lider ng grupo na hindi naman niya binigyang-pansin. Ibinaling niya ang tingin sa mga taong napapadaan sa kanilang harapan.
"Siguraduhin mo lang. Dahil kung balak mong saksakin ako sa likod uunahan na kita," pagbabanta ng lider sa kasama niya. Inilapit pa nito ang nakaturong daliri sa leeg sabay pinadaan para ipakitang magigilitan ng ulo si Daniel kung mangyari nga ang inisiip nito. Ibinaba rin naman nito ang kamay sabay tinutok ang tingin sa kaniya. "Sino naman itong kasama mo? Akala ko ba ay mag-isa ka lang na gumagalaw. Hindi mo gusto nang mayroong kasama, hindi ba?"
Tumayo ito sa harapan niya't pinagmasdan siya nang maigi. Nakuha pa nitong ilapit ang mukha sa kaniya nang matingnan siya sa malapitan na ikinakunot ng noo nito.
"Bayaan mo nga siya," sabi ni Daniel kahit hindi naman niya kailangan.
Hindi naman nakinig ang lider sa sinabi ng lalaki dahil patuloy pa rin ito sa pagtitig sa kaniya mula ulo hanggang paa. Hinawakan pa siya nito sa kaniyang ulong manipis ang tabas ng buhok sa pagkakalbo niyon. Hindi man makita sa mukha niyang naiinis siya rito dahil walang ano mang emosyon na nakaguhit doon ngunit labis na ang nararamdaman niyang galit rito. Isa sa pinakaiinisan niya ay ang hawakan ang kaniyang ulo kaya bago pa hindi siya makapagpigil marahas niyang inalis ang kamay nito.
Napatango-tango ang lider na nakanguso dahil sa ginawa niya. "Nagugustuhan ko siya," sabi nito nang ibaling ulit nito ang tingin sa kasama niya. "Bakit hindi mo na lang isali sa amin? Mas mapapakinabangan namin siya kaysa namang sumama sa iyo."
"Wala talaga siyang balak sumali sa ano mang grupo kaya nga sumama na lang siya sa akin," pagsisinungaling naman ni Daniel na pinaniwalaan naman ng lider.
Sinulyapan siya nito ulit sabay balik din naman kaagad sa kasama niya. "Sayang naman," ang naisatinig nito't naglakad nang patalikod. "Hahayaan ko kayo ngayong gabi pero matapos ngayon hindi na kayo puwedeng bumalik dito kahit kailan."
"Huwag kang mag-aalala mangyayari ang gusto mo," sabi na lamang ng lalaking kasama niya.
"Mabuti naman at alam mo kung saan ka lulugar," ang huling nasabi ng lider nang tuluyan nitong alisin ang atensiyon sa kanila.
Lumakad na ito nang tuwid patungo sa limang palapag na gusali kasunod pa rin ang apat nitong alagad. Hinatid na lamang nila ng tingin ang mga ito hanggang sa makatawid ang mga ito sa daan. Mayroon pang sinabi ang lider sa isa nitong alagad kaya umalis iyon patungo sa kaliwa pagkatapos ay pumasok na ang mga ito sa pintuan ng aliwan na pulang-pula ang ilaw sa itaas. Nang makapasok nga ang mga ito nawala na nga ang mga ito sa kanilang paningin.
Sa puntong iyon muling nagsalita ang kasama niyang lalaki. "Makakaisa rin ako sa taong iyon," impit ang bagang na sabi ni Daniel. "Darating talaga ang araw na luluhod siya sa harapan ko. Makikita niya mas aangat ako sa kaniya. Hintayin niya lang." Ikinumyos pa nito ang kamao.
"Gawin mo nang maipamukha mo sa kaniya kung sino ang nararapat sa lugar na ito," ang wala sa sariling sabi niya rito. Naisip niya lang sabihin dito nang mayroon silang mapag-usapan.
"Sa tingin mo kaya kong umangat?" paniniguro nito sa kaniya.
Pinatunog niya ulit ang hawak na pangsindi. "Oo naman. Walang imposible sa nagsisikap," sabi niya na lamang kapagkuwan ay itinigil ang paglalaro sa pangsindi matapos makita ang paparating na itim na kotse kahit ilang gusali pa ang layo niyon.
"Tama ka riyan," pagsangayon naman nito sa sinabi niya.
Ibinaling na lamang nito ang tingin sa dalawang babaeng kita ang langit sa ikli ng mga paldang suot, halos lumuwa na rin ang malulusog na hinaharap ng mga ito sa hapit ng makulay na blusa. Nagpalipad pa ito ng halik sa mga babae na ikinahagikhik ng dalawa sa paglalakad ng mga ito kaya napangiti na lang ito na kaniya namang ikinabuntonghininga nang malalim dahil sa wala siyang interes sa nangyari.
Hindi rin nagtagal nakarating ang itim na sasakyan sa harapan ng aliwan. Pagkahinto niyon lumabas ang dalawang lalaking nakasuot na ternong itim, ang unang lalaki'y pinagmasdan ang paligid samantalang ang isa ay binuksan ang pinto sa hulihan na nakaharap sa aliwan. Lumabas mula roon ang matabang lalaki na senador, hapit ang suot nitong puting terno kaya parang puputok ang butones niyon sa laki ng tiyan nito. Tumingin ito sa kaliwa't kanan kapagkuwan ay lumakad na papasok sa pintuan na siya ring pagtabi ng dalawang alalay nito matapos maisara ang pinto ng kotse sa hulihan.
"Papasok na ba tayo?" ang naitanong niya sa kaniyang kasama nang umandar ang kotse palayo ng aliwan.
Hinatid nito nang tingin ang kotseng naghahanap ng mapaghihimpilan. "Maya-maya na. Hayaan mo na nating makasimsim ng alak ang senador," wika naman nito nang alisin na nito ang tingin sa itim na kotse. Dumaan ang sasakyan sa gitna ng kalsada habang bumubusina nang malakas para tumabi ang mga humaharang na taong naglalakad.
"Paano naman natin kakausapin ang taong iyon?" ang naitanong niya rito.
"Ako na ang kakausap sa kaniya," presenta nito sa sarili "Mukha namang hindi mo alam ang makipag-usap. Ganito ang gawin natin. Ako ang magsasalita. Ikaw naman ang kikilos kung mayroong ipapagawa."
"Sige. Walang problema," aniya naman dito na ikinangiti nito.
Tinapik pa siya nito sa balikat na kaniya na namang ikinainis dito. Muli na naman siyang nagpigil na bigwasan ang lalaking kasama niya. Hindi nito pansin na naiinis siya sa paghakbang nito patungo sa aliwan. Nilingon pa nga siya nito sa hindi niya pagkilos sa kaniyang kinatatayuan.
"Halika ka na. Ano pang ginagawa mo riyan?" pagtawag nito sa kaniya.
Sa narinig lumakad na nga siya't sumabay dito sa pagtawid sa daan. Hindi sila tumigil sa paglalakad kahit na napapadaan ang ibang mga tao kaya kusang ang mga tao ang umiiwas sa kanila na mabangga. Nakarating naman sila sa pintuan ng aliwan na walang nangyayari sa kanilang dalawa. Napatitig pa siya sa pulang ilaw sa pagpasok nila sa pinto dahil kakulay niyon ang dugo ng isang tao. Nauna nang bahagya ang lalaking kasama niya kaya nang makaharap niya ang guwardiyang malaki ang pangangatawan sa maikling pasilyo tinaas nito ang kamay para patigilin siya sa paglalakad.
"Hindi ka puwedeng pumasok," sabi ng guwardiya sa kaniya nang ibaba nito ang kamay.
Tinitigan niya lamang ito na walang sinasabi na siya ring pagbalik ng kasama niya nang mapagtanto nitong hindi siya nakasunod.
"Kasama ko siya," pagbibigay alam ni Daniel sa guwardiya kaya tumabi na ito para siya ay makadaan.
Napatitig na lamang sa kaniya ang guwardiya nang lampasan niya ito sa kaniyang muling paglalakad. Wala na rin namang nasabi si Daniel sa kaniya sa pagpatuloy nito. Sa ikli ng pasilyo na iyon nakarating kaagad sila sa loob ng aliwan kung saan nagkalat ang mga tao. Nakatayo ang iba habang nag-uusap, ang karamihan naman ay nakaupo sa pabilog na mga upuang de kutson, sa malayong sulok ng unang palapag ay naroon ang maliit na entablado kung saan tahimik na tumutugtog ang isang lalaki sa harapan ng piano.
Hinanap ni Daniel ang senador sa mga taong naroon sa unang palapag. Hindi naman nito nahanap kaya lumakad ito patungo sa hagdanan na sinundan niya rin naman. Napapatingin na lamang siya sa mukha ng mga taong naroon sa puno ng saya na para bang hindi gumagawa nang masama ang mga ito. Itinigil niya lang ang pagmamasid sa pag-akyat niya sa baitang ng hagdan. Mabilis ang kanilang naging pagpaitaas kaya nakarating sila sa itaas niyon sa ikalawang palapag.
Pagkagaling nga ng hagdanan hinanap ng kasama niya ang pakay nila sa lugar na iyon. Hindi naiiba ang ayos ng ikalawang palapag sa unang palapag dahil sa mga pabilog na upuan, iyon nga lang walang entablado roon na puwedeng pagtugtugan ng mga musikero. Tumama rin naman kaagad ang mata nito sa senador na nakaupo sa pabilog na upuan kalapit ng salaming dingding, katabi nito ang dalawang babae na manipis ang mga suot na dilaw na blusa kaya bumabakat ang mga butil sa kanilang hinaharap sa kawalan ng suot na brasiyer. Nakaupo lang sa gilid ng mga upuan ang dalawa nitong alalay na hindi kumikilos. Mahahalata ang tuwa sa mukha ng matabang politiko sa panggiti nito nang malaki, isinusubsob pa nito ang mukha sa leeg ng isa sa dalawang babae na ikinahagikhik ng nagbibigay ng aliw.
"Ano ang gusto mong gawin ko?" aniya kay Daniel sa pananatili nilang nakatayo.
Nilingon siya nito matapos makita ang kinalalagyan ng politiko. "Ako ang maunang lalapit pagkatapos tatawagin na lang kita kapag puwede na," sabi naman nito sa kaniya.
Ginantihan niya ito nang isang tango kaya iniwan na siya nito sa kaniyang kinatatayuan. Lumakad na ito patungo sa politiko.
Sa paglayo ni Daniel nabaling ang tingin niya sa grupo ng mga lalaking kumausap sa kanila sa daan, nakaupo ang mga ito sa mesang malapit sa kinauupuan ng senador Napatingin pa sa kaniya ang lider ng grupo kapagkuwan ay inilipat kay Daniel na naglalakad. Hindi pa man nakakalapit ang lalaki sa politiko tumayo na ang isang alalay, pinigilan ng alalay si Daniel sa dibdib kaya napahinto rin naman ito sa paglapit. Tinawag ni Daniel ang pansin ng politiko na nangyari rin naman, mayroon itong sinabi kaya napapayag nito ang pakay nila. Inalis ng matabang politiko ang dalawang kamay na nakaakbay sa dalawang babae sa pagtaas nito ng kanan para sa alalay, matapos niyon pinalampas na si Daniel ng alalay kaya nakaupo na ito sa harapan ng politiko. Nag-usap ang dalawa saglit kapagkuwan ay nabaling ang tingin sa kaniyang naghihintay sa malayo. Itinaas ni Daniel ang kamay nito sabay senyas sa kaniya na lumapit na kaya lumakad na siya patungo roon na hindi binibigyang-pansin ang masamang tingin ng grupo ng mga lalaking kinainisan nito.
Hindi pa man siya nakalalapit sa mga ito pinagmasdan na siya ng politiko kasama ang dalawang alalay nito. Natigil lamang ang dalawang alalay nang makatayo na nga siya sa gilid ng upuan ngunit ang politiko ay hindi.
"Maupo ka," sabi ng politiko sa kaniya na itinuro ang upuan katabi ni Daniel.
Sinunod niya naman ang sinabi nito't tumabi nga sa kaliwa ni Daniel. Hindi kaagad nagsalita ang politiko sa pag-inom nito ng alak sa basong inilapit sa bibig nito ng babaeng nasa kanan.
"Sinisigurado ko sa inyo makatutulong kami. Napatunayan ko na rin sa inyo dati pa," paalala ni Daniel sa nangyari sa pagitan nilang dalawa ng politiko na hindi niya alam. "Kami na ang bahalang gumawa sa bagay na hindi niyo maipagawa dahil sa dami ng mga matang nakaabang sa inyo. Isa rin akong mahusay na abogado na magagamit niyo sa ano mang transaksiyon niyo."
Hindi niya alam na kilala talaga ni Daniel ang matabang lalaki hindi dahil sa politiko ito. Kumulang ang nalalaman niya sa kasama niyang iyon pati na rin sa politiko, hindi malayong sa liit ng nangyari kaya hindi napansin.
Inalis ng matabang lalaki ang baso sa harapan nito para makapagsalita. "Bakit ngayon ka lang umalok sa akin samantalang matagal na tayong magkakilala?" ang naitanong ng politiko.
Naalis niya ang tingin dito't nabaling sa baril na nakapatong sa mesa katabi ng bote ng mga alak.
"Ngayon lang ako nagkainteres na kailangan ko nang baguhin ang buhay ko," paliwanag ni Daniel. "Napapagod na ako sa mga nangyayari sa akin ngayon. Gusto kong nasusubok."
"Pumapayag ako sa gusto mong mangyari pero kailangang mayroong patunayan sa akin ang kasama mo," anang politiko na sumeryoso ang mukha.
Naalis niya ang tingin sa baril sa sinabi nito. "Kahit anong ipagawa mo sa kaniya makakaya niya," magiliw na sabi ni Daniel kahit wala siyang ideya sa sinasabi nito.
"Kung gayon dapat niyang ipakita sa akin ngayon na mismo," sabi ng politiko kay Daniel sabay baling sa kaniya. "Ano bang magagawa mo?" Sinalubong niya ang mga mata nito. Nakuha pa nitong ilahad ang palad na tinitigan niya lamang. "Ano ang pangalan mo?" tanong pa nito sa kaniya.
Sa hindi niya paggalaw siniko siya ni Daniel sa kaniyang tagiliran kaya tinanggap niya na lamang ang kamay ng politiko. "Tawagin niyo na lang akong Benjo," aniya nang makipagkamay na nga siya rito kapagkuwan ay siya na ang kusang bumitiw rito. "Ano ang gusto niyong gawin ko para maniwala kayo sa intensiyon namin?" ang nakuha niyang itanong dito.
"Ikaw kung ano ang gusto mo. Huhusgahan ko na lang," sabi nito na nakangisi sabay kuha sa baso't sumimsim ng alak.
Alam niya namang sinusubukan siya nito kaya para hindi masayang ang pagkakataon kinuha niya ang baril na naroon sa mesa. Tiningnan niya pa ang lamang bala niyon sa magasin kaya napapatitig na lang sa kaniya si Daniel. Nang makita niyang puno ng bala ang magasin binalik niya iyon sa baril. Dala ang baril na iyon tumayo siya mula sa pagkaupo't mabilis na naglalakad patungo sa kinauupuan ng mga lalaking kumausap sa kanila. Tumayo siya sa harapan ng mga ito kaya napuno ng galit ang mukha ng mga ito.
"Ano ang kailangan mo?" galit na tanong sa kaniya ng lider ng grupo.
Hindi niya sinagot ang mga ito sa pagkasa niya sa baril na hawak. Sa balak na pagbunot ng baril ng mga alagad pinagbabaril niya ang mga ito sa dibdib na ikinaalingawngaw niyon sa kabuuan ng ikalawang palapag. Hindi niya rin binigyan ng pagkakataon na makabunot ang lider ng grupo dahil maging ito ay binaril niya sa dibdib. Hindi pa siya nakuntento sa ginawa niya dahil pinagbabaril niya pa ang bawat isa sa ulo na ikinatingin ng ibang mga taong naroon sa kaniya. Nakuha niya pang tingnan ulit ang magasin kung tama ba ang nabawas na bala kapagkuwan ay lumakad na pabalik sa mesa ng politiko na inaayos ang magasin sa baril. Nakuha pang pumalakpak ng politiko sa saya nitong nararamdaman samantalang ang kasama niyang si Daniel ay hindi maipinta ang mukha sa pagkagulat na nahaluan ng takot. Napainom na lamang ito ng alak sa bote upang pakalmahin ang sarili. Hindi siya nanghinayang sa buhay ng mga lalaking napatay niya dahil nararapat lamang sa mga ito na mawala na sa dami ng mga kasalanang nagawa ng mga ito.