HINDI na nawala ang ingay ng mga presong kumakain sa cafeteria nang magtungo siya roon. Sa kalabisan ng pinaghalong mga usapan mistulang hindi na iyon magtatapos. Kumuha siya kaagad nang makakain sa pila pagkapasok niya roon dala ang trey na pinagmamasdan siya ng iba. Binalewala niya naman ang mga iyon hanggang sa malagyan na nga ng makakain ang kaniyang hawak na trey. Ngunit hindi naman nagpapigil ang isang preso na huwag siyang bigyan ng pansin. Sapagkat sa paglalakad niya patungo sa mesang inuupuan ni Aristhon iniharang ng preso ang paa nito sa kaniyang daraanan. Napabuntong hininga na lamang siya nang malalim na nakatitig paa ng preso.
"Ano ang pangalan mo, bata?" ang naitanong sa kaniya nang preso sa basag nitong boses na parang sirang lata.
Pinagmasdan niya ang nagmumurang kamatis na mukha nito. Natatalian ang mahabang buhok nito sa likuran ng ulo't masyadong mapayat ang katawan nito na para bang wala itong kinakain. Pinabayaan lang naman ito ng ibang kasama nito sa kinauupuan nitong mesa na abala pa rin sa pagkain.
"Hindi ko kailangang sabihin sa iyo ang pangalan," tuwid niyang sabi na walang paghinto sa paghinga.
Gumuhit ang isang ngiti sa labi nito sa pagtayo nito. Sinalubong nito ang kaniyang mga matang masama ang tingin. Inilapit nito ang kanang kamay para siya ay mahawakan sa kaniyang balikat. Bago pa nito magawa ang bagay na iyon umatras na siya palayo rito. Hinri rin naman ito sa sumunod sa kaniya't nanatili lamang na nakatayo.
Ibinaba na lamang nito ang kamay nang makaramdam ng hiya.
"Kabago-bago mo lang rito pero kung umasta ka parang ang tagal mo na rito," sabi nito sa kaniya.
Wala rin namang halaga sa kaniya ang nasabi nito. "Hindi ko alam kung ano ang iniisip mo. Pero kung iyon ang tingin mo sa akin wala na akong magagawa roon. Hindi naman importante sa akin ang opinyon mo," aniya sa presong kumakausap sa kaniya.
Sumama ang mukha nito kaya lalong naging hindi maipinta ng sino mang kilalang pintor.
"Pareho-pareho tayong mga preso rito. Hindi ka naiiba," ang sumunod nitong sabi.
"Huwag mo akong itulad sa inyo," pagtama niya rito. "Basta lang kayong pumapatay ng tao na walang dahilan. Samantalang ako ay mayroon. Doon pa lang kitang-kita na ang kaibihan ko sa inyo."
Tumalim ang tingin nito sa kaniya. "Gusto mo atang masaktan," pagbabanta nito na nakuhang patunugin anh daliri sa isa't isa.
Hindi naman nito naituloy ang balak nang mapatitig ito sa kaniyang likuran kung nasaan nakatayo si Aristhon. Naglakad ito patungo sa kaniyang kinatatayuan kaya napapayuko ng ulo ang preao sa kabanv nararamdaman nito. Umalis na lamang ito sa lalong paglapit ng lalaki sa kaniya.
Sa pag-alis nga ng preso lumingon sa kaniyang likuran kaya napagtanto niyang nakatayo nga roon si Aristhon. Sinalubong niya ang mapanuri nitong mata.
"Hindi ko naman kailangan ng tulong," paalala niya rito.
Hawak din nito sa dalawang kamay ang dqla nitong trey. "Wala namang akong ginagawa. Sadyang ilag lang sa akin ang taong iyon. Tumuloy ka na."
Pinagmasdan niya muna ito nang tuwid bago siya lumakad patungo sa bakanteng mesa. Nasa likuran niya lamang ito na hawak sa isang kamay ang trey. Sa pagpatuloy niya sa paghakbang nakarating na nga siya sa mesa kung saan diretso siyang naupo. Sa paghawak niya sa kutsara bigla na lamang naglagay ng orange juice si Aristhon sa harapan niya sa pag-upo nito sa kabilang bahagi ng mesa.
"Para saan iyan?" ang naitanong niya rito dulot ng pagtataka.
Inilapag nito ang dalang trey sa mesa. "Ano'ng para sa saan? Inumin mo habang kumakain. Ayaw mo ba? Minsan ka na lang makakainom nang ganiyan dito kaya kunin mo na."
Hinawakan na rin nito ang kutsara sa pagsisimula nito sa pagkain. Nagtataka man kung bakit talaga siya nito binigyan niyon inilapit na lang niyan iyon sa tabi ng trey.
"Saan mo naman nakuha ito?" Bumitiw siya sa orange juice na nang sandaling iyon ay malamig pa. Makikita ang pangkaipon ng mga butil ng tubig sa labas niyon. "Huwag mo na lang sagutin," dugtong niya nang mapagtanto ang isang bagay. "Hindi ko nga pala tinatanong ang bagay na iyon."
Sinimulan niya na rin ang pagkain nang marahan lang. Kanin lamang na pinaresan niya ng adobong manok ang kinuha niya nang tanghaling iyon kaya dalawang beses niyang ibinababa ang kutsara nang makain nang sabay ang mga iyon.
"Ganiyan ba talaga ang paraan ng pagkain mo?" ang naitanong ni Aristhon. Sumubo ito ng kaning hinaluan nito ng ginataang gulay kasabay ng pagpatong nito ng siko sa mesa.
"Ang alin?" sabi naman niya kahit na mayroong laman ang bibig.
Itinuro nito ang hawak kutsara patungo sa kaniya. "Iyang isa-isa ka kung sumubo," sabi nito nang ibaba nito ang kutsara. Isinandok nito iyon sa kanin.
"Oo. Bakit? Masama ba?" aniya kahit na mayroong laman ang bibig.
"Hindi naman," sagot naman nito.
Naramdaman niya na lamang ang paa nitong tumatama sa kaniyang mga paa sa ilalim ng mesa. Nang tingnan niya kung bakit nalaman niyang inunat nito ang dalawang paa. Hinayaan na lamang niya dahil hindi na rin naman nito iginagalaw pa ang mga iyon matapos iniunat kahit na gahibla lang ang layo sa kaniyang mga paa.
"Puwede rin naman sigurong magtanong sa iyo, hindi ba?" ang naisip niyang sabihin dito nang sumagi sa isipan niya ang sinabi ng lalaking kumausap sa kaniya sa taniman.
"Oo naman. Walang problema. Basta masasagot ko," wika nito nang lagyan nito ng gulay ang kaniyang trey. Nagsalubong ang dalawa niyang kilay para rito. "Kumain ka ng gulay nang magkakulay ang balat mo."
Inalis niya inilagay nitong gulay at ibinalik sa trey nito. "Hindi ko kailangang kumain ng gulay," aniya naman dito.
Pinagmasdan siya nito nang mataman bago ito bumuntonghininga nang malalaim sa pagbagsak ng balikat nito. Inalis na rin nito ang sikong pinatong sa mesa sa hindi nito pamimilit sa kaniya na kumain ng gulay.
"Ano iyong tanong mo?" sabi nito nang mabuksan ulit ang usapan gusto niyang malaman mula rito.
Huminto siya sa kaniyang pagkain sa naging katanungan nito. Sinalubong niya ang mga mata nito't hindi na nagpatumpiktumpik pang usisain ito. Mayroon na rin naman siyang ideya kung saang gang ito galing katulad ng pinanggalingan ni Gustavo, nais niya lang masigurado nang hindi siya magkamali. Kailangang sa bibig mismo nito manggaling ang hinahanap niyang pangalan ng gang.
"Kung hindi mo mamasamain, saang gang ka ba galing?" aniya nang bitiwan niya ang kutsara. Itinabi niya iyon sa gilis ng trey na guma pa ng kaunting ingay. "Sabi sa akin ng lalaki sa taniman pareho kayo ni Gustavo ng pinanggalingan. Hindi naman niya nasabi kung anong gang dahil dumating ka."
Hindi na rin nito tinuloy ang pagkain sa pananahimik nito. Hindi naman siya nagsalita sa paghihintay ng magiging sagot nito sa naging tanong niya.
"Bakit mo ba tinatanong?" ganti nitong tanong sa kaniya.
Tumuwid siya sa pag-upo. "Gusto ko lang malaman," pagsisinungaling niya. "Hindi ko kasi alam na nanggaling sa isang gang si Gustavo. Naisip ko lang kaya mo siya gustong mamatay dahil sa ginawa niya habang nasa gang pa siya "
Napatango-tango ito sa narinig mula sa kaniya. "Walang kinalaman ang gang kaya gusto ko siyang mawala."
"Kung wala, ano ang dahilan mo?"
"Gusto ko lang siyang mamatay. Kinamumuhian ko ang taong iyon," sabi nito nang ibinaluktot na nito ang mga paa sa ilalim ng mesa.
Hindi na siya nagulat sa narinig kaya muli niya na lamang itong inusisa. "Ano nga?" paaalala niya rito.
"Sa Leon," simpleng sabi nito. Sa pagkakataong iyon siya naman ang tumango-tango para makita nitong bahagya siya nagulat kahit hindi rin naman. "Sa itsura mo mukhang mayroon kang ideya tungkol sa Leon."
"Narinig ko na ang tungkol sa grupo niyo." Kinuha niya ang juice at inunom niya na iyon. Hindi nga malayong kilala nito ang kaniyang ama dahil sa Leon nga ito nabibilang.
"Mayroon ka bang balak umanib kaya mo tinatanong sa akin ngayon?" pag-usisa nito sa kaniya.
"Wala. Bakit naman ako sasali sa ganoong gang?" aniya rito. "Mas gusto kong mag-isa lang ako."
"Kung mag-isa ka lang walang tutulong sa iyo kung maipit ka."
"Ayos lang."
Inubos niya na lamang ang pag-inom sa juice na inilang lagok niya lang. Pagbitiw niya sa plastik na botilya inilapag niya na iyon habang pinupanasan ang bibig ng likod ng kaniyang kamay.
Naibalik niya ang tingin dito nang mayroong itong sabihin sa kaniya.
"Naninigarilyo ka ba?" ang naitanong nito sa kaniya na sinagot niya nang isang tango. "Gusto mong manigarilyo?"
"Sige ba," sabi niya dahil naglalaway na talaga siya sa usok. Ilang oras na nga rin naman siyang hindi nakakahithit ng sigarilyo na siyang nagpapahilab sa kaniyang tiyan.
Tumayo nga si Aristhon matapos ng kaniyang sinabi mula sa kinauupuan. Sumunod siya kaagad dito sa pag-alis nito ng mesa. Sa likuran lang siya nito sa kanilang paglalakad patungo sa pintuan palabas ng cafeteria. Nagsisitabi ang mga presong nadadaanan nila dahil sa presensiya nito't pinagmamasdan siya nang tuwid. Taas noo naman siyang naglakad na binabalewala ang lahat ng masamang tinging pinupukol sa kaniya. Naiintindihan niya kung bakit ganoon ang mga preso sa kaniya dahil naiinggit ang mga ito sa inakalang ng mga ito na pagiging malapit niya kay Aristhon. Hindi sila huminto sa paglalakad hanggang sa makarating nga sila sa labas. Lumiko ito sa kaliwa na siya rin niyang ginawa. Nagtungo sila sa likuran ng gusali kung saan tanaw ang malawak na ground. Tumayo ito sa fence bago nito inilabas ang kaha ng sigarilyo mula sa bulsa ng suot nitong pantalon. Naroon ang ibang mga presong nakatambay lamang habang naglalaro ng soccer.
Naglabas ito ng sarilyo't napasulyap sa kaniya nang tuwid. "Isa na lang pala ang naiwan. Ayos lang ba sa iyo na paghatian na lang natin?" sabi naman nito sa kaniya.
Kung alam lang niya na nag-iisa na lang ang sigarilyo nito kumuha na lang sana siya sa paso sa taniman na hindi alam ng may-ari niyon.
"Walang problema," aniya naman dito sa pagtayo niya sa kaliwa nito kaysa naman hindi siya makapagsigarilyo. "Sigurado ka bang ayos lang manigarilyo."
"Huwag mong isipin na mayroong sisita sa atin. Ako kaya ang kasama mo," sabi nito na mayroong buong pagmamalaki.
"Nakalimutan kong kung ano ka rito."
Gumuhit ang matalim na ngisi sa labi nito.
"Ano bang gusto mong marating bago ka pa mahantong sa sitwasyon mo ngayon?" ang naitanong nito sa kaniya sa pagtitig nito sa mga presong nakakalat sa ground.
Inilagay nito ang sa bibig ang sigarilyo't inalapit dito ang pangsindi mula sa kabilang bulsa ng pantalon. Sa pagpihit nito sa pangsindi lumabas nga ang apoy na siyang sumunog sa dulo ng sigarilyo. Humihithit ito habang nangyayari iyo kasabay ng pagbuga sa usok.
"Wala akong naging pangarap," aniya rito na hindi isang kasinungalingan.
Mula nang magkaisip siya'y hindi pumasok sa isipan niya ang kung anong gusto niyang gawin sa buhay. Kahit nang nag-aaral siya pumapasok lamang siya sa kagustuhan ng kaniyang ina, pati iyong pagiging pulis niya'y nangyari na lang bilang regalo niya sa kaniyang ina dahil dati nga rin naman itong pulis. Bata pa lang talaga ay wala nang direksiyon ang kaniyang buhay na matagal na niyang natanggap. Hinahayaan niya lang ang alon ng pagkakataon na matangay siya sa kung sana. Hindi na nga siya magugulat kung isang araw matagpuan na siyang walang buhay sa daan.
"Sayang naman. Lahat ng tao mayroong pangarap. Imposible namang wala ka niyon," sabi nito sa kaniya sabay hithit sa sigarilyo.
Pinuno nito ang baga bago nito ibinuga iyon. Kapagkuwan ay pinasa nito sa kaniya ang sigarilyo na kaniya namang tinanggap. Inipit niya iyon sa kaniyang dalawang daliri't idinikit sa kaniyang bibig. Naramdaman niya ang init ng bibig nitong dumikit sa filter. Hindi niya naman gaanong binigyang pansin sa paghithit niya sa sigarilyo.
Matapos niyang humigop ng usok inilabas niya rin iyon na gumagawa ng mga bilog na usok. Lumulusot ang mga iyon sa fence sa kanilang harapan bago mawasak.
"Iyon ang totoo. Wala talaga," aniya't muling humithit bago niya pinasa kay Aristhon. Ibinuga niya ang usok nang mayroon siyang maisip. "Ikaw, ano bang pangarap mo nang lumalaki ka?"
Saglit nitong ibinaba ang sigarilyo sa tagiliran nito. Hindi na naalis ang tingin nito sa kaniya.
"Gusto kong maging doktor," sagot naman nito sa kaniya.
Napatitig siya sa mukha nito sa naging sagot nito. "Hindi ko alam kung matatawa ba ako sa sinabi mo. Hindi ka naman marunong magligtas ng buhay, pumapatay ka. Bakit mo ba tinanong sa akin kung ano ang pangarap ko?"
Imbis na ibigay nito sa kaniya ang sigarilyo, inilapit lamang nito iyon sa bibig niya kaya nagtataka siyang tumingin dito. Lalo pa nitong idinikit ang sigarilyo na siyang nagtulak sa kaniya na humithit na lamang habang hawak nito nang matigil na ito. Pinagmasdan nito ang kaniyang paghithit sa sigarilyo. Nagkamali pa siya sa paghithit sa pagmamadali niya kaya hindi niya napigilang umubo kasabay ng paglabaa ng usok.
"Nakikita ko ang sarili ko sa iyo." Nakuha pa nga siya nitong hapuin sa likod na itigil lang nito ang hawiin biya ang kamay nito.
"Ano naman ang ibig sabihin niyon?"
Sinalubong nito ang kaniyang mga mata. "Magiging katulad ka sa akin kung hindi ka titigil."
"Nagkakamali ka riyan," pagtama niya rito. Hindi siya magiging katulad nito dahil wala siyang balak tahakin ang mundong ginagalawan nito.
"Hindi pa ako nagkakamali sa nakikita ko." Tinapos na nito ang paghihit sa sigarilyo't tinapon iyon sa lupa.
"Ang taas namab ng bilib mo sa sarili mo. Sa akin ka na magkakamali."
"Sana nga ganoon."
Pinakunot niya ang kaniyang noo sa pinagsasabi nito. Hindi na niya pinakaisip kung bakit ito nagsasalita nang ganoon. Inihawak niya na lamang ang dalawang kamay sa fence.
"Maganda ba ang buhay mo sa labas dati?" ang naisipan niyang itanong dito.
Dinikdik nito ang sigarilyo sa lupa nang bumaon iyon. "Medyo. Nangyari naman pero hanggang dumating lamang ako sa pitong taong gulang."
"Sigurado ako bata ka pa marunong kang pumatay ng tao."
"Tama ka. Magulang ko ang una kong pinatay," paglalahad nito sa kaniya.
Sa gulat niya ay napatitig siya sa mukha nito. "Nagbibiro ka lang hindi ba?" aniya para siguraduhin na gawa-gawa lamang nito ang bagay na iyon.
"Totoo ang sinabi ko. Hindi ako nakulong sa pag-aakala ng pulis na pinasok lamang ng mga magnanakaw ang bahay namin."
"Masyado ka naman talagang bayolente." Pinadyak niya ang kaniyang paa sa lupa kaya tumatsik iyon patungo sa fence. "Pinagsisihan mo ba na pinatay mo ang magulang mo?"
"Hindi," tuwid nitong saad na hindi kakitaan talaga ng pagsisi. "Nararapat lang sa mga magulang ko ang mamamatay. Wala rin naman silang ginawang matino. Madalas silang mag-away. Pati ako napapadiskitahan."
Napapabuntonghininga siya nang malalim sa pagkuwento nito sa kaniya. Hindi nga rin naman nalalayo ang naging buhay niya nang bata pa siya. Sapagkat madalas din naman siyang pinapahirapan ng kaniyang ama para hubugin siya sa pagiging matapang. Natapos lamang ang paghihirap niya nang makipaghiwalay ang kaniyang ina. Nangyari namang nakaalis sila sa poder ng kaniyang ama matapos na mainit na pagtatalo na kaniyang nasaksihan. Hindi nga naman nagkamali ang kaniyang ina na walang mangyayari sa kaniya kung makisama pa ito sa kaniyang ama. Ang hindi lang naisip ng kaniyang ina'y hindi rin magiging maganda ang kanilang buhay malayo sa kaniyang ama. Hindi na nga sila naging masayang mag-ina ni minsan na nadagdagan ng paghihirap nang magkasakit nga ito.