NAGING mainit ang panahon nang mga sandaling iyon kaya kahit nabubongan ang taniman naramdaman niya pa rin ang init sa kaniyang balat. Imbis na bumalik sila ni Aristhon ng bulwagan nagtungo na lamang sila ng taniman dahil patapos na rin ang misa. Ang iba pang mga preso ay nagsibalikan na rin naman sa kanilang mga nakatukang gawain para sa araw na iyon.
Pagkapasok nga ng taniman humiwalay siya kay Aristhon na hindi ito tinitingnan. Kasama nitong nagtungo sa upuan ang guwardiyang nakatalaga sa kanilang selda. Kapwa nila nilampasan ang mga halamang tumutubo roon. Hindi na siya nagpalit ng kaniyang suot kahit nangingitim ang laylayan ng kaniyang pang-itaas.
Nagtungo siya kapagkuwan sa bahagi ng taniman na kaniyang inaalisan ng damo. Sa kapal at lapad ng damo aabutan siya ng buong araw sa pag-alis ng mga iyon. Hinawakan niya ang kulay pulang maliit na upuan upang maupo. Hindi niya naman nakuhang ibaluktot ang kaniyang mga tuhod dahil sa taong nahagip ng kaniyang mga mata, ang lalaking kumausap sa kaniya nang unang araw niya pa lamang sa piitan. Nasisilip niya ito sa likuran ng mga halamang namagitan sa kanilang kinapupuwestuhan. Napapatungan ang suot nitong asul na uniporme ng tsalekong kulay mapusyaw na berde na lumiliwanag sa pagsapit ng gabi.
Hindi na lamang siya tuluyang naupo nang maisipan niyang lumapit dito. Hindi mabigat ang kaniyang paghakbang kaya naging tahimik ang kaniyang paglalakad.
Nakaupo ito sa mga halamang nakapaso na nakatalikod sa kaniya kaya hindi siya nito pansin sa kaniyang paghakbang. Liban pa roon nakapako ang atensiyon nito sa ginagawa nito nang palihim. Ngunit dahil nakita na niya hindi na iyon isang lihim. Maririnig pa mula rito ang pagbulong nito sa isang kanta na hindi niya alam kung ano ang pamagat dahil imbento lang nito.
Sa unti-unti niya ngang paglapit dito nalaman niya na lamang na mayroon itong itinatago sa paso. Inalis nito ang halamang natatanggal kasama ang lupang kumapit sa buhaghag na mga ugat. Hindi siya nito naramdaman man lang kahit nang makatayo siya sa likuran nito sa paglipad ng isipan nito. Wala itong dalang Bibliya nang mga sandaling iyon na madalas nitong hawak.
Inisa-isa nitong ipinapasok sa paso mula sa likuran ng suot nitong tsaleko ang mga gamot na nakakahon nang manipis. Nakaguhit sa labi nito ang saya habang pinagmamasdan ang hawak, nakuha pa nga nitong halikan nang makailang ulit na para bang ang mga iyon ang magsasalba sa buhay nito habang naroon. Nang makuntento nga ito ay inihulog niya na sa mataas na paso ang hawak na nakakahong gamot kasunod ang iba pa.
Tumigil ito saglit pagdating nito sa nakasupot na mga sigarilyo. Idinikit nito ang mga iyon sa ilong sabay suminghot nang malalim nakatingala't nakapakit ang mga mata, sa bibig nito ay tumatakas ang mariing ungol dulot ng kaligayahan nitong nararamdaman.
Ilang sandali pa ay nagsalita na rin siya. "Ano ang ginagawa mo?" aniya. Hindi na siya nakatiis na nakatayo lamang naghihintay at pinagmamasdan ito.
Naiintindihan niya naman kung bakit mayroon itong mga gamot kahit wala naman itong nararamdamang ano mang sakit.Mukha nga itong adik sa itsura nitong namumutla't aligaga ang mga mata.
Sa narinig nilingon siya ng lalaki na nanlaki na lamang ang mga mata sa gulat. Ibinalik nito kaagad ang halamang inalis sa paso matapos mapagtantong hindi na lang ito ang tao nang mga sandaling iyon sa taniman.
Namumula pa rin ang mukha nito dahil sa pagbugbog rito ng dalawang guwardiya.
"Wala naman," sabi nito sa kaniya. Inalis nito ang nanginginig na kamay sa halaman.
Tiningnan niya lamang ito nang tuwid sa nasabi nito. Hindi siya nito magawang tingnan sa mata. Tumitingin lamang ito sa kaliwa't kanan nang makaiwas sa kaniya.
"Kita namang mayroon, magsisinungaling ka pa," paalala niya rito.
Ibinalik nito ang tingin sa kaniya. "Huwag mong sasabihin sa iba ang nakita mo," sabi na lamang nito sa muli nitong paglingon kaliwa't kanan para malaman kung mayroon pang ibang taong nakapansin dito. "Bibigyan na lamang kita mamaya. Ano bang gusto mo? Sigarilyo? O gamot?"
Kumunot ang noo niya nasabi nito.
"Huwag kang mag-aalala. Wala naman akong pakialam sa ginagawa mo't gusto mong gawin," sabi niya na lamang sa pagtalikod niya rito.
Iniwan niya na lamamg ito sa kinauupuan nito sa kaniyang pagbalik sa nililinasang bahaginng taniman. Inilagay niya sa sako ang mga binunot na damo habang nakatingin sa kaniya si Aristhon na nakaupo pa rin sa mahabang upuan. Nang magkasalubong ang kanilang mga mata pinagpatuloy nito ang pagbabasa sa diyaryo. Hindi na rin naman niya pinagkaabalahang tingnan sa pagbuhos niya ng buong atensiyon sa pag-aalis ng mga damo. Pabagsak siyang naupo sa sa sily kaya bumaon pa ang mga paa niyon sa buhangin sa pagtabingi niyon. Iniangat niya lang ang kaniyang pang-upo inalis siya sa pagkabaon ang silya. Inayos niya kapagkuwan nang lagay ang upuan bago siya muling naupo roon na nakatingin sa bubongan sa pagdaan ng erolplano. Sa baba ng sasakyang panghimpapawid dinig na dinig ang ingay ng mga makina nito sa paligid. Mistulang ibon ang eroplano na lumilipad sa kalangitan. Inalis niya rin naman ang tingin dito dahil sa ingay na nagmumula sa pintuan, pumasok na roon ang iba pang mga preso na galing misa sa bulwagan habang nakabantay ang mga guwardiya. Nagtatawanan pa ang iba sa mga ito dahil sa paring natanggalan ng peluka.
Nabaling niya ang atensiyon sa kaliwa niya sa paglapit ng lalaki sa kaniya.
"Kumusta naman ang pananatili mo rito?" ang naitanong nito sa kaniya.
Naupo ito na nakabaluktot ang mga tuhod upang magpanggap na nagbubunot ng damo.
"Bakit ko tinatanong?" sabi niya rito bilang ganti sa naging katanungan nito.
Inalis niya ang kaniyang tingin dito nang simulan niya ulit ang pagbubunot ng damo.
"Balita ko kasi ay sa selda ka ni Aristhon inilagay." Pinutol lamang nito ang dulo ng dami imbis na bunotin iyon sa ugat nito.
"Tama ka naman sa nalaman mo," pagpapatunay niya rito.
"Wala bang nangyari sa iyo?" dugtong nitong tanong. "Katulad na lang ng suntok sa tiyan."
Napapabuntonghininga siya nang malalim para sa lalaki. Wala siyang gana na makapag-usap dito.
"Kita mo namang wala," pagsisinungaling niya rito.
"Nakapagtataka naman," sabi nito.
Hindi naman nababanaagan ng pagtataka ang timbre ng boses nito kahit na ganoon ang nasabi nito.
Napapabuntonghininga siya nang malalim sa pakikipag-usap niya rito para pakalmahin ang sarili. Habang tumatagal hindi niya nagugustuha kung paano siya nito na kausapin na para bang matagal na silang nagkakilala. Pakiramdam niya ay lumalapit ito sa kaniya dahil mayroon itong kailangan na hindi niya malaman kung ano.
"Ano naman ang nakapagtataka roon?" Bumunot siya ng damo na siyang tinapon niya patungo sa sako. Pumasok naman sa sako iyon kaya sumama sa ibang mga nabunot niya na kailangan nang itapon.
Pinagmasdan siya nito sa kaniyang mukha. Hindi niya sinalubong ang mga mata nito dahil nakapako ang mga mata niya sa mga damo.
Pinunit nito ang malapad na dahon ng kalapit na halaman. "Madalas manakit si Aristhon," ang nasabi nito sa kaniya na alam niya na rin naman ang tungkol sa bagay na iyon. "Libangan niya. Gustong-gusto niyang makakita ng mga taong nasasaktan."
Hindi ito tumigil sa pagpunit sa dahon. Pinagpira-piraso nito iyon at hinahayaang mahulog sa lupa kapag binibitiwan nito.
"Katulad nang nangyari sa iyo sa palaruan."
Natigalgalan ito dahil sa kaniyang nasabi. "Paano mo naman nalaman?" sabi nito. Sa mga naging salita nito nabahiran na talaga iyon ng pagtataka.
"Paano ko hindi malalaman gayong nakita mismo ng mga mata ko." Inurong niya nang kaunti ang kinauupuang pulang silya nang hindi mahirapan sa pag-abot sa mga damong nasa kaniyang harapan.
"Ang ibig kong sabihin ay paano mo nalaman na si Aristhon ang nag-utos sa dalawang guwardiya na saktan ako," paglilinaw nito sa kaniya.
Naiintindihan niya naman ang sinabi nito sa kaniya.
"Sinabi niya sa akin," ang nakuha niyang sambitin na hindi pa rin dito nakatingin.
Nagbago ang emosyon sa mukha nito, mula sa pagiging blangko nalagyan iyon ng galit.
"Basta mag-ingat sa kaniya," babala nito. "Mapapahamak ka lang sa mga kamay niya."
Tumingin pa ito sa dako ng kinauupuan ni Aristhon kaya maging siya ay napasulyap na rin sa lalaki. Natigil ito sa pagbabasa nang magtama ang kanilang mga mata. Inakala pa ng lalaking kausap niya na ito ang tinitingnan ni Aristhon kaya kaagad nitong inalis ang tingin mula roon at niyuko ang ulo. Ibinalik niya rin naman ang tingin sa damo nang matapos na iyon bago pa lalong uminit ang araw sa pagdating ng katanghalian.
"Sa tingin ko ay hindi mangyayari ang naiisip mo," pagtama niya rito.
"Bakit naman hindi?" ang naguguluhan nitong tanong. Tiniria nito ang dulo ng dahon na pinitiki nito palayo.
"Mayroon kaming usapan na dalawa," aniya dahil wala naman itong magagawa kung mayroon itong binabalak sa pag-usisa sa kaniya.
Mainam nga iyong iisipin nitong malapit nga sila ni Aristhon kahit kararating niya lang doon nang matakot pa ito.
"Ano naman?"
"Hindi ko sasabihin sa iyo."
Inakala niya pa ngang mananahimik na ito pero nagulat siya nang bahagya sa sumunod nitong sinabi.
"Inutos ba sa iyo na patayin si Gustavo? Tama ako, hindi ba?" paniniguro nito sa kaniya. Pinagmasdan niya ito nang tuwid. "Huwag kang magtaka kung bakit ko nalaman. Hindi kasi magawa ni Aristhon na patayin si Gustavo na siya mismo ang gagawa. Kailangan niya ng ibang tao para gumawa niyon. Walang nagpapangahas sa takot kay Gustavo. Pinipigilan sila ng sumpaan nila sa pinanggalingan nilang grupo. Hindi maaring magpatayan sa isa't isa ang mga kasapi. Iyon ang numero unong sinusunod nila."
Kumukunot ang noo niya sa narinig mula rito. "Saan mo naman nalaman ang bagay na iyan?" pag-usisa niya rito. Alam din naman niya kung ano ang pinanggalingang grupo ni Gustavo.
Ang hindi niya inasahan ay sa parehong grupo rin nanggaling si Aristhon na iisa lang ang ibig sabihin, kilala nito kung sino ang tunay niyang ama. Kaya marahil nagtanong ito kung sino ang kaniyang mga magulang. Pero imposible rin namang kilala nga siya nito dahil malaki ang pinagbago niya nang bata pa siya. Kung nakita man siya ni Aristhon nang bata pa siya makakalimutan din nito ang itsura niya sa edad na iyon sa tagal ng panahon na wala siya sa kaniyang ama. Pero wala rin namang saysay kung mag-isip pa siya nang ganoon dahil matagal na siyang lumayo kaya inalis niya rin kaagad sa kaniyang isipan.
"Dati akong mamahayag sa labas," pagbibigay alam nito. "Bago ako mapunta rito sinusundan ko si Aristhon kahit saan man siya magpunta. Marami rin akong nalaman sa kaniya na hindi ko na magagamit ngayon."
"Hanggang ngayon ba'y pareho pa rin silang nasa grupong sinasabi mo," ang kaniyang tanong sa pagtakbo ng kaniyang isipan.
"Si Aristhon na lang ang nasa grupo. Pero si Gustavo ang nawala. Pinaalis na siya dahil hindi ito sumusunod sa mga utos ng pinuno nila. Napabayaan lalo kaya marami ang napatay na siyang dahilan kaya siya nakulong. Saka isa pa sa palagay ko'y pumasok dito si Aristhon para makontrol ang ikinikilos ni Gustavo.
Pabulong nitong sinabi ang mga huling salita na tinatakpan pa ng isang kamay ang gilid ng bibig.
"Mamamahayag ka pala't hindi mo ginamit para makalabas," ang pag-iba niya sa usapan na saglit niya lamang nabago.
Ipinatong niya ang dalawang kamay sa mga hita niya parang magpahinga. Iniikot pa niya ang kaniyang ulo para maalis ang paninigas sa kaniyang bato dulot nang matagal na pagyuko. Nararamdaman na nga niya ang kaniyang pagtanda, gusto niya lang maging bata para wala siyang ibang iisipin. Kaso kahit maging bata siya iba pa rin ang takbo ng utak niya na malayong hindi mag-iiba mula sa batang paslit na siya.
"Mahina lang ako. Wala akong kapangyarihan para mabago ang mga bagay na hindi ko gusto. Hindi ko kayang kalabanin si Aristhon," ang mabigat nitong sabi.
Sinulyapan ito sa pagkakataong iyon. "Ano ang ibig mong sabihin?" pag-usisa niya rito.
"Si Aristho ang naglagay sa akin sa piitan na ito. Pinalabas niyang ako ang nagmamay-ari sa mga drogang nakita sa hotel na pinuntahan niya nang gabing sinundan ko siya," pagkuwento nito sa naaalala nitong nangyari rito.
"Bakit pakiramdam ko ay nagsisinungaling ka lang?" paratang niya rito nang ipagpatuloy niya ang pagbunot sa mga damo.
Inipon niya lang muna ang mga damong naalis. Hinri niya inilagay sa nakabukakang sako.
"Totoo ang sinasabi ko. Ikaw ano ba ang pinagkikitaan mo sa labas?"
Hindi na nga ito natigil sa kakatanong na hinayaan niya lamang dahil wala rin namang mawawala sa kaniya. Napagtanto niyang mas mabuti ngang kinakausap siya nito nang mayroon pa siyang makuha rito na makatutulong sa kaniya panglaban hindi lang kay Gustavo, higit sa lahay ay kay Aristhon.
"Sa restawran ako nagtratrabaho," aniya na hindi na isang kasinungalingan.
"Iyon lang ba ang ginagawa mo?" Pinagmasdan nito ang kaniyang kabuuan habang nakaupo mula ulo hanggang paa na para bang isa siyang bilihin sa loob ng palengke.
"Iyon lang," ang walang niyagn sagot.
Hindi na nga ito natigil sa kakatanong sa kaniya, naisip niyang isa nga marahil na pagkakamali ang naging mga salita niya
"Hindi ba dapat mo na iyon dahil isa kang mamahayag," paalala niya rito.
"Kung sanang madali lang kaso hindi. Narito pa ako ngayon sa piitan. Hindi ako nakakakilos nang maayos rito sa loob ng piitan," maktol na dinala lang ng dumaang hangin.
Hindi na nasundan pa ang mga sasabihin nito sa pagguhit ng takot sa buo nitong mukha. Tumitingin pa ito sa direksiyon kung saan nakaupo si Aristhon. Nalaman niya na lamang kung bakit nang maisipan niyang lumingon kung kaya tumama ang mata niya sa naglalakad na si Aristhon na malapit na sa kanilang kinauupuan. Mayroong dalang babala ang bawat nitong paghakbang kaya napapayuko na lamang ng ulo ang lalaking kumakausap sa kaniya. Samantalang siya naman ay ibinalik ang atensiyon sa pagbubunot ng damo na hindi binibigyang-pansin ang paparating na si Aristhon.
"Ano ang pinag-uusapan niyo?" ang tanong kaagad ni Aristhon sa lalaki pagkatayo nito sa kaniyang likuran. Hindi naman nakasagot ang lalaki sa pagkapipit nito nang sandaling iyon.
Napapabuntonghininga nang malalim si Aristhon sa nakikita nito. Nilapitan pa nga nito ang lalaki't tinapak ang paang nababalot ng sapatos sa balikat nito. Pinilit naman ng lalaki na manatiling nakaupo kahit nasasaktan sa pagtapak ni Aristhon.
Hindi man niya gusto ang mga katulad ng lalaki na manggagamit hindi pa rin naman siya nakatiis na nakatingin lang sa nangyayari. Ngumingiwi na ito sa lalong pag-diin nito Aristhon sa paa.
"Pabayaan mo na lang kaya siya," aniya kay Aristhon sa paglagay niya ng mga naipon na damo sa sako.
Pinagmasdan siya nito nang tuwid. "Tumahimik ka riyan. Hindi ikaw ang kinakausap," ganti nito na mayroong diin.
Siya naman ang napabuntonghininga para rito.
"Nakakagulo lang," hirit niya kay Aristhon kaya sinamaan siya nito ng tingin.
Binalewala niya lang naman iyom sa pagtigil niya sa pagbubunot ng damo. Tumitingin naman sa kaniya ang lalaki na nagmamakaawa ang mga mata. Hindi niya rin naman ito matutulungan dahil wala naman talaga siyang kontrol kay Aristhon. Siguro naman hindi ito masasaktan nang malala kung magpapanggap itong iba ang kanilang pinag-usapan. Tumayo na lamang siya na pinapagapg ang dalawang kamay sa isa't isa. Inalis niya na lamang sa lupa ang sako na naglalaman ng mga damo. Lumakad na siya kapagkuwan patungo sa pintuan ng taniman para itapon ang mga iyon sa basurahan na hindi binibigyang pansin ang naiwang dalawa.