INASAHAN na niya na darating ang isang araw na siya ay makukulong kaya nga nang isuplong siya dahil sa hindi lang sa pagbebenta ng bawal na gamot pati na rin sa mga napatay niya hindi na siya nagtaka. Hindi rin siya nagulat na isinumbong siya ng kasamahan niya sa pulis para malinis ang sariling pangalan nito.
Hindi siya nakaramdam ng ano mang pagsisi sa nangyari dahil pinili niya nga naman ang buhay niya na mayroon siya.
Bata pa lang alam na niya ang kakahantungan niya sa kaniyang pagtanda. Ang hindi niya lang gusto sa nangyari sa kaniya ay ang nakulob na amoy sa loob ng kulungan. Hindi niya matukoy kung ano ang amoy dahil naghalo-halo na ang lahat. Kahit na lumaki man siya sa lansangan malinis pa rin naman siya sa kaniyang sarili. Kung kaya nga ang makaamoy ng mabaho ay isang pagpapahirap para sa kaniya. Hindi nakatulong ang pamamaga ng kaniyang ilong. Nanunuot pa rin iyon habang hinahatid siya ng dalawang guwardiya sa kahabaan ng pasilyo.
Maaga pa nang mga sandaling iyon kaya walang gaanong preso sa mga nalalampasan nilang selda. Naroon ang karamihan sa labas nagpapainit sa araw. Ang ibang naiwan sa mga selda ay napapasunod ng tingin sa kaniyang mukhang puno ng pasa gawa ng binugbog nga siya ng matandang pulis. Hindi niya naman binigyang-pansin ang mga ito't tuwid lamang na naglakad na taas ang noo.
Ilang sandali pa'y huminto sa paglalakad ang dalawang guwardiya kaya napatigil na lang din siya. Lumapit ang unang guwardiya sa seldang pinaghintuan nila sabay bukas sa pinto na hindi nakadando. Ang selda sa piitang iyon ay katulad sa maliit na kuwarto na ang sahig ay gawa sa kahoy kung saan humihiga rin ang mga preso. Imbis na rehas ang nakalagay sa harap pader ang ginawa ay nilagyan ng bintanang mayroong harang na bakal.
Ang seldang iyon ang naiiba sa lahat dahil imbis na lima ang laman niyon dalawang preso lang ang naroon: isang binatang nagbabasa ng libro at ang natitira naman na kalbong lalaki ay nakatingin lang sa kaniya nang masama.
"Ang sabi ni warden dito na siya dahil wala nang iba pang mapaglalagyan," anang guwardiya sa lalaking nagbabasa.
Hindi naman tumingin ang binatang nagbabasa sa guwardiya.
"Walang problema. Hindi naman sa akin itong selda," sabi naman ng binata na sa libro pa rin nakapako ang mga mata. Ni hindi siya nito pinagmamasdan.
"Sige, kayo na ang bahala sa kaniya," ang huling sambit ng guwardiya sabay balik ng atensiyon sa kaniya.
Inihawak pa nito ang makalyong kamay sa pisngi niya sabay tapik kaya hindi niya naiwasang mainis dito.
"Alisin mo nga iyang kamay mo kung ayaw mong maputol iyan," aniya sa guwardiya.
"Paano mo naman magagawa iyon?" paghahamon pa ng guwardiya. Pilit nitong ipinasok ang daliri sa kaniyang nakatikom na bibig. "Ganito ba? Kakagatin?" dagdag ng guwardiya.
Tinaas pa nito ang kaniyang kanang bibig kaya lumitaw ang mapuputi niyang ngipin na nabahiran pa ng dugo dahil hindi pa siya nakakamumog. Nalalasahan pa nga niya ang sariling dugo. Naisip niyang gusto nga ng guwardiya na kagatin niya kung kaya walang pagdadalawang-isip niyang kinagat ang hinlalaki nito nang sobrang diin.
Sa labis na sakit na nararamdaman napapasigaw na ang guwardiya. Nakuha pa nga siya nitong paluin ng batuta sa tagiliran kasabay ng isa pang guwardiya sa likod at tiyan niya. Ngunit hindi niya tinigilan ang pagkagat sa hinlalaki kahit na nalalasahan na niya ang dugo ng guwardiya.
Sa kaguluhan na nagawa niya lumapit pa ang ibang guwardiya kaya pinagtulungan na naman siyang pagpapaluin. Hinayaan niya lang na saktan siya ng mga ito kahit napaluhod na siya. Ni hindi niya sinasangga ang bawat pagtama ng mga batuta sa kaniya. Naalis lang sa bibig niya ang daliri ng guwardiya nang kuryentehin siya ng taser ng isa sa mga lumapit. Nanginig siya sa kalabisan ng boltahe ng kuryente na dumaloy sa buong katawan niya kasabay ng pagkahulog ng dala niyang uniporme, unan at kumot.
Sinipa pa siya sa tiyan ng guwardiyang kinagat niya na kaniya rin namang ikinaungol.
"Bwisit ka. Wala pang isang oras na narito ka pagkatapos gumawa ka na ng mali!" anang guwardiya sa kaniya sabay hinipan nito ang nagdurugong hinlalaki. Pinalusot niya lang sa dalawang tainga ang mga narinig. "Ipasok niyo na nga iyan," dugtong nito sa mas mababang kasamahan.
Hinawakan nga siya ng dalawang guwardiya sa kamay kapagkuwan ay hinila siya papasok ng selda. Binitiwan siya sa gitna nang nakadapa. Inalis ang posas kapagkuwan ay lumabas na rin ang mga ito sabay tapon sa kaniya ng nabitiwan niyang sariling gamit na roon. Tumama ang mga iyon sa kaniyang likod. Matapos na isara ng isang guwardiya ang pinto narinig niya na lamang ang pag-alis ng mga ito habang nagmumura iyong guwardiya na kinagat niya.
Hindi siya kaagad na tumayo sa pagkadapa. Pinakiramdaman niya na lamang ang lamig ng sahig. Nakuha niya pa ngang ipikit ang mga mata. Sa posisyong iyon narinig niya ang lahat ng ingay sa kulungan: ang sigawan ng mga tao sa labas, ang kaluskos ng mga daga, ang pagpatak ng tubig at ang malakas na tugtog na umaabot sa kalawakan ng piitan.
Binuksan niya lang ang kaniyang mga mata nang magsalita ang kalbong preso.
"Magpakilala ka nga bata," anang kalbo sa basag na boses nito kaya tiningan niya ito.
Kumuha ito ng basong papel sa estante sabay nagtimpla ng kape. Ang ginamit pa nitong panghalo ay ang mismong plastic na inalisan ng kapeng ibinuhos nito sa baso. Hindi niya pinagtakhan na mayroong mga ganoong bagay sa loob ng seldang iyon dahil naiintindihan niya naman kung paano napunta iyon roon.
"Hindi ko kailangang magpakilala sa inyo," aniya na ikinasama ng tingin sa kaniya ng kalbo.
Tumayo siya mula sa pagkahiga kapagkuwan ay naghubad ng damit na hindi nahihiya na mayroong nakatingin sa kaniya. Wala siyang iniwan sa saplot sa katawan.
"Matuto kang kontrolin iyang dila mo bata kung ayaw mong mapahamak," anang kalbo sa kaniya nang ibigay nito ang kape sa nagbabasa ng libro.
Sa ikinikilos ng kalbo alam niyang alila ito kahit na mas matanda ito nang ilang taon sa nagbabasa at sa kaniya na rin. Napabuntong-hininga siya nang malalim dahil kahit saan siya magpunta madalas na ganoong klase ng mga tao ang nakikita niya --- isang nagpapaalila at isang mistulang hari.
"Ano naman ang gagawin mo? Putulin ang dila ko. Akala mo naman magagawa mo."
Sumama pa lalo ang tingin ng kalbo sa kaniya na natigil lang nang ibaba saglit ng binatang nagbabasa ang libro upang uminom ng kape. Pinagpatuloy niya rin ang ginagawa, nagbihis na siya ng unipormeng asul ng mga preso sa piitang iyon. Ang inuna niya ay ang salwal na abuhin ang kulay, kasunod ang pantalon at ang pang-itaas na mahaba ang manggas. Itinabi niya rin ang hinubad na damit kasama ng kumot at unan sa lagayang nakakabit sa dingding.
Nang makakita ng tubig sa estante sa likuran ng kalbo lumakad siya roon. Hindi niya maiwasang tumingin sa binatang umiinom ng kape habang nagbabasa ulit dahil pamilyar ang mukha nito sa kaniya. Hindi niya lang matandaan kung saan niya ito nakita.
Sa paghawak niya sa tubig na sa plastic na bote nilingon na naman siya ng kalbo. "Hindi mo puwedeng inumin iyan," galit na sabi nito sa pagtayo nito mula sa pagkaupo. "Hindi iyan sa iyo."
"Akala ko para sa lahat ang mga nandito." Sinipa niya ito sa tiyan kaya napaupo ito sa sahig.
Susugurin siya ng kalbo kaso napigilan ito ng nagbabasang binata. "Hayaan mo na. Masyado kayong maingay," anang binata sa malalim at buong-buo nitong boses. Sa librong hawak pa rin nakapako ang mga mata nito.
Wala na ngang nagawa ang kalbo kundi ang maupo habang nakabantay sa kaniya.
"Bayaran mo iyan pagdating ng rasyon," ang naiinis na sabi nito.
"Mayroon naman palang rasyon. Pinagbabawalan mo pa ako."
Tinalikuran niya ang lalaking kalbo sabay humakbang patungo sa maliit na banyo. Nagmumog siya ng tubig sabay iniluwa sa inidoro kapagkuwan ay lumabas habang umiinom.
"Tagasaan ka ba bata?" ang tanong ng kalbo sa kaniya nang pabalik na siya sa estante.
"Ang dami mong tanong," hirit niya rito kaya kumunot ang noo nito. "Nakakain ka ba ng p**e ng baboy?"
"Tumahimik kang bata ka."
"Tama nga ako kung ganiyan ang reaksiyon mo," dagdag niya pagbitiw niya sa tubig. "Wala bang makakain dito?" Tiningnan niya pa ang mga lagayan sa estante ngunit wala naman siyang nakita na panglamang tiyan.
"Huwag ka ngang mangialam diyan," paalala sa kaniya ng kalbo.
Ibinaling niya ang atensiyon dito habang hinahapo ang kaniyang tiyan kapagkuwan ay pasalampak na naupo sa sahig. "Gumaganiyan ka pa. Wala naman akong nakuha."
Hindi na rin naman nakapagsalita ang lalaking kalbo dahil sa pagsigaw ng mga guwardiya sa labas ng mga selda kasabay ng pag-alingawngaw ng sirena.
"Maghanda na kayo para sa agahan," ang sigaw ng isang guwardiya malapit sa seldang kinalalagyan niya.
Mayamaya'y bumukas ang pinto kaya nalaman niyang ang guwardiya iyon na kinagat niya ang daliri na nang sandaling iyon ay nababalot na ng bendahe.
"Mabuti naman hindi ka napunta sa ospital," ang naisipan niya lamang na sabihin dito.
Sumama ang tingin nito sa kaniya. "Gusto mo bang hindi na lang kumain?" ang naiinis naman nitong sabi.
"Inaalala ko lang iyang daliri mo," aniya sa kaniyang pagtayo. "Kailangan ko ring kumain nang matigil ang pagkulo ng tiyan ko.
"Iyon naman pala't nakuha mo pang magbiro. Alam mo papalampasin ko ang mga ginawa mo para naman maisip mong magandang makulong sa piitan na ito. Labas na."
Sa narinig mula rito humakbang na nga siya patungo sa pinto. Ngunit bago pa man siya makalabas nilingon niya ang dalawang preso na kasama sa selda na iyon. Hindi kumilos ang dalawa sa kinauupuan ng mga ito.
"Paano naman iyang dalawa." Tinuro niya pa ang mga ito gamit ang hinlalaki.
"Sarili mo ang isipin mo. Iyan ang mapapayo ko sa iyo," saad ng guwardiya na para bang nag-aalala ito sa kaniya. "Huwag mo silang pakialaman."
Katulad nga ng sabi ng guwardiya hindi na niya tiningnan ang dalawa. Tuluyan na lamang siyang lumabas ng selda para sa agahan. Hindi na siya nagtanong kung saan ang kainan dahil sa nakikita niyang ibang mga preso na mayroong ding mga bantay. Lumakad na lamang siya kaya sumabay ang guwardiya sa kaniya. Hindi pa man siya nakakalayo sa selda nila naisipan niyang lumingon. Naabutan niyang kalalabas lang ng dalawang kasama niya roon at naglakad ang mga ito sa ibang direksiyon.
Ibinalik niya rin naman ang atensiyon sa paglalakad. Hindi na niya nagugustuhan ang kalakaran sa piitan na iyon kahit kararating niya pa lamang.
PAGKAGALING sa hanay ng mga selda nilakad ng mga preso ang isa pang pasilyo habang nakabuntot ang mga guwardiya. Sa kalagitnaan niyon ang kusina kung saan nagkatipon ang mga preso. Napapatingin pa nga siya sa mataas na bubongan sa pagpasok niya roon na siya ring pagtigil ng guwardiyang nagbantay sa kaniya. Hindi na kailangang sumabay pa ito sa loob ng kusina dahil nakikita niya naman ang ibang mga guwardiyang nakatayo sa bawat sulok.
Minabuti niyang lumapit na lang sa nagbibigay ng pagkain nang kumulo na naman ang kaniyang tiyan. Kumuha siya ng trey na lata kasama na ang kutsarang plastik kahit na pinagtitinginan siya ng mga presong nalalampasan niya. Sa paglapit niya sa naglalagay ng kanin mayroong tumulak sa kaniyang likod kaya napabuntong-hininga siya nang malalim upang kontrolin ang sarili.
"Bata, bago ka lang ba rito?" ang tanong ng matandang lalaking tumulak sa kaniya.
Nilingon niya nga ito kaya sumalubong sa kaniya ang mukha ng matandang lalaki na lampas sengkwenta na ang edad. Namumuti na rin ang buhok nito. Sa likuran nito nakatayo ang mga kampon nitong hindi na niya binilang sa dami. Masama ang tingin ng mga ito sa kaniya. Ang iba naman ay nakangisi na para bang nagsasabing nakahanap sila ng mapaglalaruan.
Ang taong pumatay sa anak ng matandang pulis.
"Bakit kailan mong itanong kung alam mo naman?" aniya sa matandang lalaki na ikinatawa nito nang masama. Balak pang lumapit ng isa nitong kampon sa kaniya na hindi natuloy dahil pinigilan nito sa pagtaas ng kamay.
Ibinaba ng matandang lalaki ang kamay. "Nakakatuwa ka bata. Hayaan mo magiging maganda ang unang araw mo rito."
"Paano magiging maganda ang araw ko rito. Bulag ka ata," aniya sa matandang lalaki na ikinatawa na naman nitong ng pagak.
Hindi naalis ang pagtawa nito kahit nang ibaling nito ang atensiyon sa matabang nagbibigay ng kanin. "Damihan mo ang kanin niya para mabusog naman siya," sabi ng matandang lalaki.
Napabuntong-hininga na lang ang matabang lalaki. Nilagyan na nga siya ng matabang lalaki ng kanin sa hawak niyang trey, nang papangalawahan nito pinigilan niya.
"Sapat na sa akin ang isa," aniya sa matabang lalaki sabay lingon sa matandang lalaki. "Ikaw na lang kumain nang marami mukhang kailangan mo. Para lumakas ang buto mo."
"Ginagalit mo ba ako bata?" anang matanda sa kaniya.
"Hindi naman. Naisip ko lang ang kalusugan mo."
Tinalikuran niya na lamang ito kaysa makipag-usap pa. Nagpalagay siya ng gulay at ulam sa mga naglalagay na kasamahan ng matabang lalaki. Hawak niya ang trey nang maghanap siya nang mauupuan na mesa. Mayroon naman siyang nakitang bakante na walang nakaupo ni isa sa bandang dulo kaya lumakad na siya patungo roon na binabalewala ang tingin ng ibang mga preso. Nang makalapit siya sa mesa na iyon naupo siya kaagad kapagkuwan ay sinimulan ang pagkain.
Hindi pa man siya nakakatagal na kumain na nakayuko mayroong nagbagsak ng paa sa mesa. Sa nangyari naghalo iyong mga kinakain niya sa trey na isa sa mga bagay na hindi niya gustong mangyari. Mula pagkabata mayroon na siyang pag-uugaling kinaiinisan ng nanay niya na pinagtatawanan naman ng mga kaklase niya. Hindi niya hinahalo ang ulam, gulay at kanin. Kapag kumakain kasi siya magsusubo muna siya ng kanin kasunod ang ulam at panghuli ang gulay. Paulit-ulit niya iyong ginagawa na walang mintis hanggang sa matapos siya. Ang una niyang kain sa piitan na iyon ay nasira dahil lang sa kalbong kasama niya sa isang selda kaya nainis na naman siya.
Iniingat nga niya ang tingin nang bitiwan niya ang plastik na kutsara. Naroon ngang nakatayo ang lalaking kalbo. Ubod ng sama ang tingin nito sa kaniya. Mayroon din itong hawak na trey na naglalaman ng pagkain.
Hindi pa rin nito inaalis ang paa sa mesa kaya pinagsabihan niya ito. "Alisin mo kaya ang iyang paa mo. Mapupunta sa pagkain ang dumi ng sapatos mong suot."
"Tarantado ka ba? Bakit ko naman susundin ang sinabi mo?" mariin nitong sabi. "Alam mo ba kung kaninong mesa itong inuupuan mo?"
"Hindi. Kung alam ko naman, ano naman ngayon? Pag-aari mo ba ito?" Tumayo siya mula sa pagkaupo saka niya inalis ang paa nito. Naibaba na lang nito ang paa na nagpupuyos sa galit.
"Baliw kang hayop ka talaga! Kanina ka pa! Makakatikim ka talaga sa akin!" pagbabanta pa nito inilapag nito ang hawak na trey. Kapagkuwan ay hinawakan nito ang suot niya.
Balak sana siya nitong suntukin na hindi nito naituloy nang lumapit ang binatang lider nito. Sa tindig ng binata't tikas ng katawan nito mapapalingon dito ang kahit sino. Bitbit nito sa isang kamay lamang ang trey. Kapansin-pansin ang kapal ng kilay nito na lumilim sa mga mata nitong mapanuri. Hindi rin magpapahuli ang prominente nitong ilong.
"Kakain ka ba o hindi?" sabi ng binatang bagong dating. "Bitiwan mo na siya."
"Pero boss, inagawan niya tayo ng mesa," reklamo ng lalaking kalbo na hindi pa rin binibitiwan ang kaniyang suot na damit.
Sa nasabi ng kalbo nabatukan ito ng binata kaya napayuko na lang ito ng ulo't napilitang bitiwan ang suot niya.
"Wala namang mawawala kung maupo siya kasama natin," paliwanag naman ng binata sa pag-upo nito na inilalapag ang trey sa mesa. Sa harapan niya mismo ito naupo.
Hindi nito inalis ang tingin sa kaniya kaya napagmasdan niya rin nang maigi ang pamilyar nitong mukha. Wala na rin namang nagawa ang kalbong lalaki kundi ang pigilan ang kumukulong dugo. Naupo na lang din ito sa gilid ng mesa. Pero imbis na kumain na ito lalo pa nitong sinamaan ang tinging pinupukol sa kaniya.
"Sino ka ba talaga?" ang naitanong pa ng kalbo sa kaniya.
"Ako ang konsensiya mo," aniya rito para lalo itong mainis sa kaniya. Naikumyos na nito ang kamao na nakapatong sa mesa. "Hindi ba masyado kang matanda para maging boss mo itong isa. Sa tingin ko nasa kuwarenta ka na," dugtong niya para sa kalbong lalaki.
"Boss, pagbigyan mo na ako kahit isa lang." Hindi na napigilang sabihin ng kalbong lalaki.
"Huwag na sabi. Unang araw niya rito kaya palampasin mo na lang muna."
Sa nasabi ng binatang nasa harap niya binaling niya na lamang ang atensiyon dito. Hinawakan na nito ang kutsara para magsimula na sa pagkain.
"Ano bang mayroon sa mga tao rito? Ano ngayon kung unang araw? Kung gusto niyong manakit gawin niyo na. Bakit ipagpapabukas pa? Doon pa rin naman papunta," aniya sa binata na natigil sa pagsubo.
"Magpasalamat ka na lang na walang nangyayari sa iyo. Kumain ka na lang din para makaalis ka na," sabi na lang nito sa kaniya.
"Paano ako makakain? Magulo na itong pagkain ko. Naghalo na lahat," reklamo niya rito sabay baling sa kalbong hinawakan pa lang ang kutsara. Nang makitang maayos pa ang pagkain nito walang sabing-sabi ipinalit niya ang kaniyang trey dito. "Dahil kasalanan mo rin naman kaya nagulo iyan sa iyo na iyan. Akin na ito," saad niya nang ayusin niya ang trey na kinuha. Nakalimutan niyang kunin ang kutsara kaya hinablot niya rin iyon.
"Mamaya ka sa akin," sabi pa ng kalbo sa kaniya.
Wala na itong nagawa't kumain na lamang bago pa maabutan ng pagtatapos ng oras sa pagkain.
"Sige ba. Hintayin ko na lang," bigkas niya sabay sinimulan na ulit ang pagkain. Sinalubong niya lang ulit ang mga mata ng binatang nasa harap niya dahil nakatitig pa rin ito sa kaniya. "Ano? May sasabihin ka ba?"
"Hindi ba masyadong matrabaho kung ganiyan ka kumain?" tanong nito sa paraan ng pagkain niya.
"Huwag mo na lang problemahin kasi hindi naman ikaw ang kumakain."
"Isa kang baliw, alam mo ba iyon? Iyon ang nakikita ko sa iyo," komento ng binata para sa kaniya
"Alam ko," aniya sa pagsubo niya nang kanin. Nang papasubo na siya ng ulam naalala na niya kung sino ang binatang nasa harapan niya. "Natatandaan ko na kung sino ka," sambit niya kahit hindi naman ito nagtatanong kung kilala niya nga ito.
"Sino ako kung alam mo."
Pinagpatuloy nito ang pagkain habang ang kalbong kampon nito ay padabog na kumakain.
"Bise prisedente ka sa Salazar Lines," una niyang sabi. "Tama nga. Ikaw iyon," dugtong niya na para bang nanalo siya sa isang patimpalak. Tinuro niya pa ito ng hawak na kutsara. "Ikaw iyong tinatawag nilang leon kasi nga mabangis ka raw. Walang patawad. Nakita ko ang pagmumukha mo roon sa pader ng kompaniya niyo. Sinubukan ko kasing pumasok doon para naman magkatrabaho. Kaso hindi ako tinanggap. Siguro dahil sa iyo kaya hindi ako nakapasok."
Imbis na tapusin ang pagkain ibinaba na lang ng binata ang kutsara. Patuloy lang ang kanilang pag-uusap kahit na maingay ang paligid.
"Anong taon mo naman naisipang pumasok doon?" pag-usisa naman nito.
"2010. Pagkatapos ko ng kolehiyo iyon."
"Kung sa ganoong taon ka nga sumubok pumasok sa amin ako nga ang hindi tumanggap sa iyo. Sa akin binigay ang pag-aproba sa mga bagong empleyado nang panahong iyon. Ngayong magkaharap tayo alam ko na kung bakit hindi ka nakatuloy."
"Ano naman?"
"Kailangan pa bang itanong iyon?" turan nito kaya nginitian niya na lang ito nang manipis kahit wala namang ipagkahulungan iyon dahil naintindihan niya kung ano ang tinutukoy nito. "Liban pa roon hindi bagay ang pagmumukha mo sa kompaniya namin."
"Ano bang mali sa mukha ko?" Pinisil-pisil niya pa ang kaniyang pisngi. "Ngayong nakakulong ka naisip ko lang kung anong nagawa mo. Siguro gumawa ka ng ilegal sa likod ng kompaniya niyo."
"Isipin mo kung ano ang gusto mong isipin. Wala akong sasabihin sa iyo. Ikaw, ano naman ang kasalanan na nagawa mo kaya napunta ka rito?"
"Nagbebenta ng droga."
"Iyon lang?"
"Pumapatay ako ng tao," pagkuwento niya sa lalaki kahit hindi niya alam kung interesado itong makinig. "Iyon ang dahilan kaya narito ako ngayon."
"Ilan naman ang mga napatay mo?" sambit ng lalaking kalbo. Hindi na nito naiwasang sumingit.
"Gusto mo idagdag kita," aniya para sa kalbo sabay tinapos na nga niya ang pagkain na ang tingin ay sa binatang nasa harapan niya. "Sandali nga. Ano nga ang pangalan mo?" ang naisip niyang itanong sa binata nang hindi niya matandaan ang pangalan nito.
"Akala ko ba kilala mo ako kaya dapat alam mo rin ang pangalan ko," simpleng sabi naman ng binata.
"Nakalimutan ko. Hayaan mo na. Hindi naman mahalaga. Hindi ko nga nabalitaan na nakulong ka." Ipinatong niya ang walang lamang trey sa ibabaw ng kinainan ng lalaking kalbo. "Dalhin mo na rin," aniy rito sabay tayo. Iniwanan na niya ang dalawa sa mesa't naglakad-lakad na lamang patungo sa damuhan sa labas kasunod lang ng kusina. Hindi na niya nilingon pa ang binata.