ANG KUWARTONG LUTUAN sa piitan na iyon ay nagiging tambayan kapag ganoong gabi. Hindi gaanong maliwanag ang pahabang ilaw na nakakabit sa kisame kaya hindi abot ang pinakamalayong sulok. Mayroong nakalagay na pinagdugtong na mga mesa sa gitna kung saan naglalaro ang ibang mga preso ng baraha. Ang ilan naman ay nakaupo lang sa sulok habang naninigarilyo. Nakikita naman niyang mga alagad iyon ng binata dahil pinaghila pa ito ng upuan ng lalaking nakatsaleko sabay nanood ito ng laro.
Hindi rin naman naalis ang tingin sa kaniya ng mga preso sa pagtayo niya sa pintuan. Wala man lang isang guwardiyang naroon kaya malayang nakakagalaw ang mga preso roon.
"Bakit hindi ka maupo?" ang sabi ni Aristhon sa kaniya.
"Huwag mo akong alalahanin," sabi niya sabay pinulot ang puting bola na nakita niya sa ilalim ng lababo. Sumandig siya sa lababo sabay pinaikot-ikot ang bola sa kamay niya. "Pagkain ang kailangan ko."
"Sinabi ko na sa iyong maghintay ka." Nagsindi ito ng sigarilyo sabay buga ng usok.
Napapatingin na lang sa kaniya ang mga alagad nito dahil nakakausap niya ng ganoon ang binata na para bang hindi ito ang lider.
"Akala ko naman narito na. Hindi pa pala."
Inilipat-lipat niya ang bola sa dalawa niyang kamay. Si Aristhon naman ay tiningnan nito ang presong nakatsaleko. "Paparating na iyon, boss," ang natatarantang sabi ng preso.
Binaling ng binata ang atensiyon sa kaniya.
"Narinig mo? Paparating na," anang binata kahit narinig niya naman talaga. Ginantihan niya na lamang ito ng kibit-balikat kaya pinagpatuloy na nito ang paninigarilyo imbis na kausapin pa siya.
Sa pagbato niya ng bola paitaas sabay salo roon dumating na nga ang lalaking nakatsaleko rin ng luntian na dala-dala ang isang karton. Napapatingin ito sa kaniya sa paglapit nito sa mesa.
"Pasensiya na boss. Natagalan. Iyong guwardiya kasi roon sa tarangkahan masyadong makulit," balita ng bagong dating sabay lapag ng kahon sa mesa sa harapan ng binata.
"Kalahati lang ang mapupunta sa iyo," anang binata rito.
"Boss naman," daing ng lalaking nagdala sa kahon.
Tumalim ang tingin ng binata rito. "Ano magrereklamo ka? Hindi ko na kasalanan kung natagalan ka."
"Hindi na mauulit," ang mahinang sabi na lamang ng lalaki.
Hindi na nadugtungan ang pag-uusap ng mga ito dahil sa tatlong presong pumasok roon. Pagkalampas ng mga ito sa pintuan nakilala niya kaagad na ang matandang tumulak sa kaniya sa kainan kasama ang dalawa nitong alagad. Napahinto pa ang mga ito nang makita siyang nakasandig sa lababo.
"Sa iyo talaga sumunod Aristhon. Bagong alila mo," anang matanda na nakangisi na nakatingin sa binata.
Pinagmasdan niya ito dahil sa sinabi nito. "Sinong nagsabi sa iyo na alila niya ako? Nagpunta ako rito para makilibre lang ng pagkain," saad niya sa matandang lalaki. Nagkunwari pa siyang babatuhin niya ito kaya naitaas nito ang dalawang kamay para protektahan ang mukha.
"Nanghahamon ka ba bata?" sabi pa sa kaniya ni Gustavo.
"Ano sa tingin mo?" Inulit niya ang pagkukunwaring batuhin ito. Sa ikalawang pagkakataon ganoon pa rin ang reaksiyon nito katulad ng una kaya natawa na siya. "Duwag ka rin naman pala. Matapang ka lang kung maraming nakapaligid na alagad sa iyo."
Pinaglaruan niya na lamang ang bola sa dalawang kamay kaya tumuloy na ito patungo sa lamesa na masama ang tingin sa kaniya. Naiwan pa ang dalawang kasama nito aa tinigilan ng mga ito ilang hakbang ang layo sa kaniya.
"Bakit hinahayaan mo ang batang iyan dito?" ang mariing tanong pa ng matandang lalaki sa binata.
Nakatayo lang ito sa tabi ng mesa.
"Katulad ng sabi niya pumunta siya rito para kumain."
"Nakapagtataka naman," ang naisatinig ng matandang lalaki. "Ibigay mo na lang sa akin para mapakinabangan."
"Kung mapasunod mo," paghahamon naman ng binata.
Sa narinig lumapit siya sa dalawang nag-uusap kapagkuwan ay pumagitna siya sa mga ito. "Abay kung pag-usapan niyo ako para akong isang bagay na pinagpapasa-pasahan," aniya sabay tapon ng bola sa matandang lalaki. Hindi nito nasalo kaya tumama iyon sa dibdib nito bago nahulog sa sahig. "Kailangan mo nga talaga ng ehersisyo. Huwag mong pabayaan ang kalusugan mo."
Tinapik niya pa ito sa balikat kaya sumama ang mukha nito sa kaniya. Iniwan niya rin naman ang mga ito sabay kuha sa tubig na naroon sa harapan ng binata. Lalo lang siyang tiningnan ng mga preso nang buksan niya iyon. Ininom niya iyon sa pag-upo niya na sa lababo sa likuran lang ng binata.
Inubos niya ang tubig bago niya nilagay lang sa lababo ang wala ng laman na plastik.
"Iba rin talaga ang tama mong bata ka. Masyadong malala," anang matanda sa kaniya.
Sinalubong niya ang tingin nito. "Ikaw kaya ang mas malala dahil kahit mas bata sa iyo ng maraming taon balak mo pang patulan," hirit niya naman dito kaya naikumyos na lang nito ang kamao sa nagsisimulang galit sa dibdib.
Nailing na lang si Aristhon sa nakikita nito. Binuksan na lamang nito ang kahon at inilabas roon ang sampung pakete ng sigarilyo na kulay pula. Naalis ng matandang lalaki ang atensiyon nito sa kaniya dahil doon.
Inihiwalay ng binata ang apat na sigarilyo. "Siguraduhin mong makakapagbayad ka bukas-makalawa dahil kung hindi wala na iyang kasunod," paalala ng binata.
"Kailan naman ako sumira sa usapan," sabi naman ng matandang lalaki nang kunin nito ang apat pakete.
"Sige. Alis na," pagtataboy naman ng binata rito sabay hithit ng sigarilyo.
Umalis na nga ang matandang lalaki dala ang pakete ng mga sigarilyo. Sinamaan pa siya nito ng tingin sa paglayo nito. Nang makalabas ito kasama ang dalawa nitong alagad lumapit na siya sa mesa kapagkuwan ay naupo katabi ng binata.
"Saan na ang pagkain?" aniya rito nang hawakan niya ang kahon. Naamoy niya mula sa loob niyon ang mabangong pagkain na hindi niya alam kung ano.
Pinigilan naman siya ng binata sa pulsuhan niya. "Para ka namang patay-gutom," komento nito sa kaniya. Masyadong mahigpit ang pagkakapit nito sa kaniya kaya inalis niya ang kamay nito na ginawa rin naman ito.
"Gutom na gutom na ako. Bakit ba?"
"Hindi kaya kita bigyan para manghina ka riyan." Inilabas na nga nito ang mga pritong manok na nakalagay sa papel na lagayan kasama na ang dalawang milk shake.
"Kaya kong hindi kumain ng isang linggo. Kahit tubig lang sapat sa akin. Pero dahil may pagkain bakit ako magtitiis sa gutom. Saka sabi mo bibigyan mo ako, hindi ba?"
"Siraulo ka talaga." Inuna siya nitong bigyan ng pritong manok sa isang lagayan. "Kaya mo bang ubusin iyan?"
Binuksan niya iyon kaya lalo siyang naglaway. "Oo naman."
"Kapag hindi mo lang maubos iyan pati buto ipapakain sa iyo." Binigay na nito ang natirang mga manok sa ibang mga preso kaya nagkatipon ang mga ito sa kahabaan ng mesa. Mistulang naging mga aso ang mga ito na nag-aagawan sa isang buto.
"Simple lang ito," aniya sa binata. Dahil isang klase lang naman iyong pritong manok wala siyang naging problema.
Ang inuna niyang lantakan ay ang hita. Pumutok-putok pa ang balat niyon ng kagatin niya sa sobrang lutong.
Sinulyapan niya ang binata nang mayroon itong nasabi kahit may laman ang bibig.
"Kumain ka nang maayos dahil baka ito ang una't huli mong gabi rito."
Pinanliitan niya ito ng tingin. "Bakit? May binabalak ka ba?"
"Hindi ako. Iyong si Gustavo. Baka balikan ka niyon habang natutulog ka."
"Hahayaan mo lang kahit pareho tayo ng selda?" ang naisipan niya namang tanong dito.
"Oo. Hindi naman kita hawak kaya ikaw na ang bahala sa sarili mo."
"Sige. Hindi rin naman kita kailangan," aniya naman dito na ikinatigil nito sa pagnguya. Pinagmasdan niya ang mukha nito hanggang sa mayroon siyang naisip. Lumapit pa siya rito sabay bulong. "Hindi ka ba natatakot na tirahin ka patalikod ng matandang iyon?"
Hininaan niya lang ang boses para ito lang ang makarinig. Napapatingin na lang ulit sa kaniya ang mga alagad ng binata dahil sa lapit niya rito. Halos magtama na ang kanilang mga balikat.
"Anong ibig mong sabihin?
"Kahit na sumusunod siya sa iyo ngayon sigurado binabalak niya ring pabagsakin ka," paliwanag niya sabay kumagat na naman sa manok na hawak.
"Alam ko na ang bagay na iyan kaya ko nga hinahayaan siya sa gusto niya para maisip niya na madali lang akong pabagsakin. Ang hindi niya alam pinaglalaruan ko lang din siya sa mga kamay ko. Kapag ginawa na niyang pabagsakin ako papatayin ko siya kaagad."
Lumayo na lang siya rito dahil sa mahaba nitong nasabi. "Dapat pala hindi na ako nagsalita alam mo rin naman pala."
"Ano ang akala mo sa akin mahina ang utak. Wala ako sa posisyon ko ngayon kung ganoon ako."
"Wala naman akong sinabing mahina ang utak ko," banat niya naman dito.
"Oo nga naman."
Iniabot pa nito ang isang milk shake na nabibili rin sa labas nang makitang kamuntikan na siyang mabulunan. Mabuti na lang nakainom siya kaagad. Habang umiinom siya iba ang tingin sa kaniya na pinupukol nito. Nalaman niya na lang kung bakit nang magsimulang umikot ang kaniyang paningin.
Nilagyan nito ng kung anong gamot ang inumin.
Sa panghihina ng kaniyang katawan nawalan siya ng kontrol dito. Naramdaman niya na lang na binuhat siya ng binata sa mesa habang nakatingin lang ang ibang mga preso. Hindi rin siya nakareklamo pa ng hubarin nito ang damit niya hanggang sa maging hubo't hubad siya.
Ang huli niyang naaninag bago tuluyang magdilim ang kaniyang paningin ay ang hawakan siya sa baba ng binata na may kasunod na sampal.
Doon niya talaga nasabing matapos ang mahabang maaliwalas na panahon ay ang hindi maiiwasang malakas na bagyo. Kaya naman walang ginawang iba sa kaniya ang binata mula nang umaga at pagkagaling niya sa bartolina dahil sa lugar na iyon nito gagawin ang masamang balak sa kaniya. Isa nga siyang siraulo na nag-akalang makukuha niya ang loob nito. Hindi umobra rito ang pagiging matapang niya.
Mapaglaro nga rin naman ang bibig nito. Ito nga talaga ang gagawa nang masama at hindi ang matandang lalaki malayo sa sinabi nito.