Kabanata 6

3384 Words
SA KAKULANGAN ng tulog kasama na ang pumatong na pagod nakatulog siya sa bartolina kahit na kumukulo na naman ang tiyan. Nagising na lang siya nang bumukas ang pinto nang maghahating gabi na. Isinangga pa nga niya ang kaniyang kamay sa mukha dahil iniilawan siya ng flashlight ng nagbukas na guwardiya. Nakilala niya rin naman ito nang ito ay magsalita. "Ano bata? Gusto mo diyan ka na lang?" ang sabi pa ng guwardiyang nagbabantay sa naging selda niya. Naibaba niya rin naman ang kamay niya nang itigil nito ang pagtutok ng ilaw sa kaniyang mukha. "Puwede rin," aniya sa guwardiya. "Ano bang kailangan mo?" "Ibabalik na kita roon sa selda niyo bago ako umuwi. Uupo ka lang ba diyan?" Sa narinig umalis na nga lang siya ng bartolina na nakayuko nang hindi bumangga ang ulo niya sa mababang bubongan nito. "Maysado ka namang madedikasyon sa trabaho mo," komento niya pa rito. Tumayo siya nang tuwid sabay nag-unat ng kaniyang katawan. "Anong akala mo sa mga guwardiya rito? Pasimple lang ang buhay? Hindi iyon ganoon bata." "Hindi nga pero sunod-sunoran ka naman," buwelta niya rito. Muli siya nitong inilawan sa mukha. "Sobrang tapang mo bata. Bawas-bawasan mo iyan habang narito ka. Ang laki talaga ng problema ng mga taong nasa edad mo. Hindi ka naiiba sa mga iyon. Kung ako sa iyo huwag kang gumawa o sumali sa ano mang gulo nang umikli ang sentensiya mo," sabi pa nito sa kaniya na para bang hindi niya kinagat ang daliri nito. "Bakit naman ako makikinig sa iyo?" "Bahala kang bata ka! Lakad na! Tumatayo ka lang diyan!" "Ikaw itong maraming sinasabi pagkatapos puputak ka diyan," reklamo niya sa guwardiya. Hindi na niya ito tiningnan kapagkuwan ay lumakad na nga rin siya. Masyadong tahimik ang paligid na para bang hindi piitan ang lugar na iyon. Wala siyang ibang nakikitang ibang preso sa labas ngunit mayroong mga guwardiyang palakad-lakad sa kalaparan ng lupa. Nang ituro nang guwardiya ang daan sa pagitan ng dalawang mataas na bakod na bakal gamit ang flashlight pumasok siya roon. Doon sila dumaan pabalik ng selda habang nasa likod niya lang ang guwardiya. Bago pa man sila makapasok sa gusali kinailangan nilang dumaan sa dalawang bakal na tarangkahan. Pinatay ng guwardiya ang flashlight sabay sukbit sa tagiliran. Kapagkuwan ay ginamit nito ang ID para mabuksan ang unang tarangkahan. "Sa umaga pagkagising bago ang agahan pumunta ka sa green house. Doon nakatuka ang selda niyo," anang guwardiya sa kaniya nang pumasok siya sa unang tarangkahan. "Ibig mong sabihin kasama ko sina Aristhon?" aniya naman nang isarado nito ang tarangkahan. Lumipat ito sa pangalawa pagkatapos. "Malamang. Pareho kayo ng selda," hirit ng guwardiya nang mabuksan nito ang huling tarangkahan. Hinintay siya nitong makapasok bago nito sinara. Hindi na rin naman ito nagsalita sa paglalakad nila sa pasilyo. Tanging paghakbang nila ang bumabasag sa katahimikan. Nakarating sila sa hanay ng selda matapos lumiko. Hindi niya na rin naman ito kinausap hanggang sa makabalik siya sa kanilang selda. Kumunot pa ang kaniyang noo nang walang makitang tao roon sa loob na dapat ay natutulog na. "Nasaan na iyong dalawa? Bakit wala sila?" ang kaniyang naisatinig sa pagkatayo niya sa pintuan. "Saan ba mapupunta ang taong nabugbog?" anang guwardiya sa kaniya. "Si Aristhon naman ay naligo pa." Sa narinig mula sa guwardiya inamoy niya ang kaniyang suot. Kumunot ang noo niya nang masinghot ang mapanghing amoy ng bartolina. "Kailangan ko ring maligo," wika niya rito. "Hindi puwede! Matulog ka na!" matigas nitong sabi. Nagsisimula na naman itong mainis sa kaniya. "Bakit si Aristhon naliligo? Ako, hindi puwede." Matapos niyang banggitin ang pangalan ng binata nawala ang inis sa mukha nito't naging blangko. "Mahahampas talaga kitang bata ka. Bilisan mo kung maliligo ka." "Iyon naman pala," aniya sa guwardiya sabay kumuha ng isa niya pang pamalit na uniporme ng preso sa lagayan. Nagpunta rin siya ng banyo para maghanap ng sabon kaya lang wala naman siyang nakita. Ang kinuha niya na lamang ay ang maliit na plastik na palanggana kapagkuwan ay lumabas na ng selda. Hinintay niya pang maisara ng guwardiya ang pinto dahil hindi niya naman alam kung saan ang paliguan. Sa paglalakad nito patungo sa kabilang dulo ng pasilyo sumunod siya rito. Mahabang hanay ng selda ang nalampasan nila bago makarating sa paliguan kung saan sa labas pa lang naririnig na niya ang paglagaslas ng tubig mula sa loob. Nagpaiwan ang guwardiya sa pintuan sa kaniyang pagpasok sa paliguan. Nakita niya kaagad si Aristhon na nakahubo't hubad sa ilalim ng bumubuhos na tubig. "Huwag kang masyadong magtagal. Mahuhuli ako sa pag-uwi dahil sa iyo," paalala pa ng guwardiya sa kaniya na narinig niya lang. Nilingon niya naman ito. "Sabihan mo rin kaya iyang si Aristhon," aniya rito't isinukbit ang damit sa mahabang bakal kalapit ng pamalit ng binata. Wala na rin siyang iba pang narinig sa guwardiya sa pagkatalikod niya rito kaya inilapag niya muna ang palanggana. Kapagkuwan ay naghubad siya hanggang sa maging siya ay hubo't hubad na rin. Kahit ang sapatos na suot ay inalis niya rin. Inilagay niya sa palanggana ang mga hinubad at iniwan niya sa lababo bago siya lumapit sa hanay ng mga shower head. Sa paghakbang niya papalapit sa binata hindi niya maiwasang tingnan ang dragon na tatu nito sa likod. Malinaw niyang nakikita iyon kahit bahagyang madilim roon dahil walang bukas na ilaw. Tanging ang ilaw mula sa labas ang nagbibigay ng liwanag roon. Ang buntot ng dragon ay umabot at umikot sa kanang hita nitong mabalbon. Pinili niya ang shower head na katabi lang nito para madali siyang makahiram ng sabon. Hindi rin naman siya nito tinitingnan kaya nakapagbasa siya ng katawan, ang bumuhos na tubig ay tumama sa kaniyang ulo't umagos sa matipuno niyang pangangatawan. Napalingon siya rito nang mayroon itong sabihin sa kaniya. "Alam mo ba kung ano ang kalagayan ng katawan mo?" ang naisipan nitong sabihin habang naglalakbay ang kamay nito sa buong katawan sa pagsasabon nito. Dumaan pa nga ang mabulang kamay nito sa gahumindig nitong kaangkinan. Sa sinabi nito tiningnan nga niya ang kaniyang katawan na puno ng pasa. Halatang-halata ang mga iyon sa puti ng balat niya. "Nakuha mo pang punain ang katawan ko. Kung hindi mo hinayaan iyong alagad mo hindi sana nadagdagan ang mga pasa ko," aniya sa binata. Tumalsik ang tubig mula sa kaniyang bibig sa pagsasalita niya. "Puwede ka naman kasing tumanggi. Bakit ka kasi pumayag?" Ibinalik nito ang sabon sa lagayan. "Para namang papayag ka. Alam ko ang hilatsa ng atay ng katulad mo," sabi niya sabay lapit ng palad dito. "Pahiram nga ng sabon." "Kunin mo," simple nitong sabi na nakapikit ang mga mata. Hinayaan nitong tumama sa malaking katawan nito ang bumubuhos na tubig. "Iabot mo na lang kaya." Pinalusot lang nito sa dalawang tainga ang sinabi niya. Wala na siyang napagpilian kaya kinuha niya nga ang sabon kapagkuwan ay mabilisang nagsabon kaya naibalik niya rin naman. Sa kaniyang pag-anlaw nakapikit pa rin ang mata ng binata na animo'y nilalasap nito ang lamig ng tubig. Kung titingnan niya ang mukha nito habang sa ganoon itong ayos hindi niya iisipin na gagawa ito nang masama. Naging maamo ang mukha nito sa loob ng ilang saglit. Natapos na siya sa pagligo na hindi pa rin kumikilos ang binata. Hindi niya na lang ito binigyang-pansin sa pag-alis niya sa ilalaim ng shower. Inuna niyang isinuot kapagkuwan ang kayumangging salwal, pagkaraa'y lumapit siya sa lababo para maglaba ng hinubad na maruming damit. Sa nakita napareklamo na naman ang guwardiya. "Maglalaba ka pang bata ka?" Lumingon siya rito nang buksan niya ang gripo para mabasa na ang kaniyang damit. "Oo, ano sa tingin mo?" ganti niya naman dito. "Sakit ka talaga sa ulo! Lalo akong matatagalan sa iyo!" "Umuwi ka na kung gusto mo," aniya sa guwardiya nang ibalik niya ang atensiyon sa paglalaba. Dahil sa bagong suot lang naman iyon kinusot niya lamang iyon. Ginamit niya ang sabong panglaba na naiwan doon matapos isara ang tubig. Mayroon pa sanang sasabihin ang guwardiya na hindi nito naituloy dahil naunahan ni Aristhon. "Ako na ang bahala sa kaniya," sabi ng binata nang maglakad ito patungo nakasampay na damit. "Mabuti pa nga," sabi naman ng guwardiya na pinagmasdan pa ang relo sa pulsuhan nito. "Iiwan ko na lang na nakabukas ang pinto ng selda niyo." Matapos niyon narinig niya na lang na umalis ang guwardiya. Nang hindi na niya marinig ang paglalakad nito nilingon niya ang binata na nakasuot na nagsusuot ng salwal. "Aba, malaki ang tiwala sa iyo ng guwardiyang iyon a." Patuloy lang sa pagkusot ang kaniyang kamay. "Mabait ako na preso," sabi naman nito. Kumunot ang noo niya para rito. "Huwag ka ngang magbiro. Hindi ka nakakatawa," ang naisatinig niya sabay balik ng atensiyon sa paglalaba. "Ang sabihin mo kahit sa mga guwardiya rito may kontrol ka." Imbis na gantihan nito ang mga lumabas sa kaniyang bibig lumapit ito sa lababo bitbit ang hinubad nitong mga uniporme. Sa balikat naman nito nakasukbit ang pamalit nito. Inilapag nito ang maruming damit sa tabi ng palanggana kaya napapatingin siya rito sabay lipat sa mukha nito. "Labhan mo," utos nito sa kaniya. "Dahil iyong dapat maglalaba niyan pinadala mo sa ospital." "Hindi kita susundin. Sa iba mong alagad ipalaba. Marami ka niyon, hindi ba?" Pinigaan niya ang pantalong kinusot kaya lumubo ang bola. "Hindi ka ba natatakot na ihampas ko ang ulo mo sa lalabo kung hindi ka sumunod sa akin?" pagbabanta nito sa kaniya na wala namang naging epekto sa kaniya. Sa klase ng naging buhay niya mula pagkabata hindi siya kinakabahan sa mga ganoong pagbabanta. Muli niya itong pinagmasdan nang muli nang buksan niya ang tubig sa ikalawang pagkakataon. "Mabuti tinanong mo dahil ang sagot ko ay hindi," aniya sabay inanlawan na lamang niya ang nilabhan. Napayuko na lamang siya nang batukan siya nito nang malakas na ikinatigil niya rin. Nang lingunin niya ito masama na ang tingin niya rito. "Bibigyan kita ng pagkain kung lalabhan mo. Sigurado ako nagugutom ka dahil hindi ka nakapananghalian at hapunan," ang bigla nitong sinabi. Hindi na lang siya nagsalita dahil sa narinig. Binasa niya na lamang ang hinubad nitong damit para malabhan. "Iba ka rin talaga ano," dugtong nito na ikinakibit-balikat niya. "Sa nagugutom ako," saad niya pa rito. "Hindi ko na tatanungin kung saan mo makukuha ang pagkain na ibibigay mo sa akin." "Pang-ilan mo ba itong pagkakulong?" ang naitanong sa kaniya ng binata. Sumandig pa ito sa lababo habang pinagmamasdan ang kaniyang paglalaba. "Bakit mo naman naitanong?" aniya naman dito na patanong din. "Wala naman. Pakiramdam ko lang sanay ka na kalakaran sa mga piitan. Hindi ka nagugulat sa nangyayari katulad na lamang nang umaga. Ang iba riyan ayaw pa ngang lumabas ng selda kung unang araw nila dahil sa takot," paliwanag naman nito kaya siya nito natanong. "Sila iyon. Iba naman ako." Mabilisan niya lang na sinabunan at kinusot lang nang kaunti ang damit ng binata dahil hindi naman sa kaniya. Dahil doon nabatukan na naman siya nito. "Ayusin mo. Huwag kang magmadali dahil wala namang ibang pupunta rito," sabi pa nito sa kaniya. "Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko." Imbis na sundin ang sinabi nito inanlawan na niya ang damit nito. Isinama niya ang mga iyon sa damit niya't inilagay sa palanggana. Nailing na lang ang binata sa kaniya. "Kung sasabihin kong una pa lang maniniwala ka?" aniya rito nang lapitan niya ang kaniyang hinubad na sapatos dala sa isang kamay ang palanggana na naglalaman ng bagong laba. "Hindi," simple nitong sabi. Sinuot nito ang tsinelas na nasa tabi ng pintuan, ang bitbit naman nito ay ang lagayan ng sabon na butas-butas. "Kung ganoon pangalawa na lang ang maisasagot ko." Nagkasabay pa silang lumabas ng pintuan at kahit sa paglalakad sa pasilyo ay ganoon din kaya maririnig naman ang kanilang paghakbang sa kahabaan niyon. "Matanong ko nga. Ilang taon ang pinataw sa iyo?" ang tanong pa nito sa kaniya. Wala sana siyang balak na sagutin kaso kailangan niyang makasundo ito habang naroon siya kaya hindi na lang siya nagsinungaling. "Wala pa. Ikaw ba?" "Makakalabas na ako sa Disyembre," sagot naman nito na hindi inasahang gagawin nito. "Tatagal ka rito kaya mag-ingat ka," ang makahulugan nitong sabi. Pakirawi niya ay binabalaan siya nito kaya sinamaan niya na lang ito ng tingin. Nagtuloy-tuloy lang sila ng lakad habang mayroon siyang naririnig na ingay sa isang selda na nadaanan nila. Nilingon pa nga niya ito para pakinggan nang maigi kaso nawala rin naman iyon kaya dumiretso na siya hanggang sa makabalik sa sariling selda. Pumunta ang binata sa banyo upang ilagay doon ang lagayan ng sabon. Siya naman ay inuna niyang itabi ang sapatos. Kapagkuwan ay nagsampay siya ng damit gamit ang mga hanger sa sulok ng selda habang ang binata pagkagaling sa banyo ay nagbihis na ito ng uniporme ng preso. Matapos makapagbihis nagbasa naman ito ng libro na nakaupo sa sahig kaya pinabayaan niya na lang. Sa huling pantalon na siya nang mapalingon siya rito dahil hawak nito ang isang malapad na cellphone. "Pati cellphone mayroon ka," komento niya rito habang mayroon itong binabasa. "Ginagamit ko para mapalakad ko pa rin ang naiwan ko sa labas," ang sagot nito sa kaniya. Hindi na nito inaalis ang mata sa cellphone dahil mayroon pa rin itong binabasa. Pinasok niya muna ang palanggana sa banyo bago niya binalikan ang binata na nagpupunas ng basang kamay sa suot. "Pahiram nga," aniya sa paglapit niya rito. Hinablot niya mula sa kamay nito ang cellphone. "Patawag lang ako ng isa lang." Sa ginawa niya sumama ang tingin nito sa kaniya. "Huwag mong hintayin na tumayo ako. Ibalik mo na iyan sa akin," paalala nito sa kaniya. Umatras siya palayo rito nang hindi nito mabawi kaagad ang cellphone. "Kakausapin ko lang iyong kasamahan ko na nagsumbong. Pagbabantaan ko pa rin," aniya rito habang inaalala kung ano ang number nito. Hindi pa man niya natatapos ng dial ang numero tumayo na ang binata. Nilapitan siya nito kapagkuwan na masama ang mukha. Inilayo niya ang cellphone matapos pindutin ang buton para sa pagtawag sabay tulak sa dibdib nito habang hinihintay na komunekta ang tawag. Sa galit ng binata pinilipit nito ang kamay niya na pinantulak niya sa dibdib nito kaya napangiwi na lang siya. Ngunit hindi niya pa rin binalik sa binata ang cellphone. Hindi pa ito nakuntento dahil sinakal pa siya nito ng malalakas nitong braso mula sa likuran. "Ibabalik mo ba, hindi?" ulit nito habang humihigpit ang pagkasakal nito sa kaniya. Imbis na pakinggan ito tiniis niya lang ang pagkasakal nito kahit nahihirapan na siyang huminga. Hindi naman dumiretso ang tawag dahil nag-iba na ng numero ang kasamahan niya. Dahil doon binalik niya na lang ang cellphone sa binata. Pinakawalan naman siya nito kaya muli siyang nakahinga nang maluwag. "Saan na ba iyong pagkain ko?" paalala niya rito habang hinahapo ang leeg. "Matuto kang maghintay," ang naiinis naman nitong sabi sa kaniya habang tinitingnan ang cellphone. "Akala ko naman maibabagay mo na sa akin." "Tumahimik ka na lang diyan," utos nito sa kaniya nang isuksok nito sa bulsa sa cellphone. Kinuha niya na lang ang sapin niya na siyang inilatag sa sahig. "Bakit naman ako susunod sa iyo? Hindi naman ako nag-iingay." Naupo pa nga siya sa sapin habang nakatingin sa binata. Maging ito ay naupo lang at muling nagbasa kaya naisip niyang wala itong balak na matulog. "Hindi ko maintindihan kung bakit ilag at sunod-sunoran sa iyo ang mga tao. Samantalang ang mga katulad mong walang kuwenta ay hindi dapat sinasamba," ang naisip niya pang sabihin dito. Natigil ito sa pagbabasa sabay bagsak ng libro. "Ulitin mo pa ang sinabi mo," mariin nitong sabi sa kaniya. "Ang alin ba? Iyong wala kang kuwenta," pag-uudyok niya rito upang magalit. Pakiramdam niya ay nahanap niya ang salitang magpapainit sa ulo nito. "Alam mo ba kung bakit wala kang kuwenta? Kasi ginagamit mo ang mga tao na para bang laruan ang mga ito." "Naghahanap ka talaga ng sakit ng katawan," sabi nito nang ibalik nito sa estante ang libro. "Hindi oobra sa akin ang ganiyang pananakot mo kung alam mo lang. Bakit ba ayaw mong matawag na walang kuwenta dahil iyon ang totoo?" Sa mga pinagsasabi niya tuluyan na ngang napigtas ang lubid ng pagpipigil nito. Nilapitan siya nito sabay kinuwelyuhan siya nito na kaniya na lamang ikinatayo. "Hindi ko nagugustuhan ang tabas ng dila mo ngayon," tiim-bagang bigkas ng binata. Naamoy niya ang hininga nito sa lapit ng mukha nito sa kaniya. "Hindi ko na problema iyon," ang matapang niyang sabi rito. "Bitiwan mo na lang kaya ang suot ko." Wala siyang ideya kung makakatulong ba sa kaniya na galitin ito pero ginawa niya pa rin. Wala na ngang salitang nanggaling sa bibig nito nang bitiwan siya nito. Hindi rin ito tumigil sapagkat sinampal na lang siya nito ng pagkalakas na ikinatabingi ng kaniyang mukha. Sa sakit na naramdaman para bang naalis ang kaluluwa niya sa katawan. Umalingawngaw pa ang tunog niyon sa katahimikan ng selda. Nang ibalik niya ang tingin dito wala nang kasing sama ang pagkatitig niya rito. Hindi pa roon natapos ang binata dahil muli siya nitong sinampal. Dahil doon sinunggaban niya ito kapagkuwan ay tinulak sa tiyan habang nakahawak sa beywang nito kahit alam niyang malabo siyang manalo rito. Napaatras man ito ng dalawa hindi naman ito tumumba. Napaungol na lang siya nang sikuhin siya nito sa likod sabay ikinapit nito ang dalawang braso sa kaniyang tiyan. Wala itong kahirap-hirap na binuhat siya kaya naramdaman niya na lang ang pag-angat ng mga paa niya sa sahig. Bago pa man siya makapagbigay ng reaksiyon binalibag na siya nito nang pabaliktad. Sa pagbagsak ng likod niya sa sahig tumakas ang impit na ungol sa kaniyang dibdib na naging dahilan kaya hindi siya kaagad nakabangon. Nang bumitiw ito sa kaniya mabilisan siyang tumayo upang sumugod dito. Inundayan niya ito ng suntok na nailagan nito kaya natuhod naman siya nito sa sikmura. Nahapo niya ang tiyan habang namimilipit sa sakit. Hindi rin naman siya sumuko dahil matapos niyang maibaba ang kamay muli niya itong tinakbo. Hindi pa rin siya nakabawi dahil sinalubong siya nito nang pagsakal sa leeg sabay bagsak sa kaniya sa sahig. Bumabaon pa nga ang mga daliri nito sa leeg niya sa sobrang diin kaya nahirapan na naman siyang makahinga. Sinampal pa siya nito nang makailang ulit kaya bumalik ang sakit sa kaniyang mukha. Kahit nahihirapan sinubukan niyang alisin ang kamay nito. Nang hindi niya magawa pinulupot niya ang kaniyang mga paa sa malaki nitong braso para bumitiw ito. Ngunit kahit iyon ay walang naitulong. Nagulat na lang siya nang tinigilan naman nito ang pagkasakal sa kaniya na ikinaubo-ubo niya. Hinawakan pa siya nito nang mariin sa ulo niyang manipis ang tabas ng buhok "Nakakatuwa ka," simple nitong sabi. Dahil sa narinig naisip niya kung ano ang ibig sabihin nito. Hindi siya sigurado kung ibig ba niyong ipahiwatig ay nakukuha na niya ang loob nito. "May natutuwa bang hindi nakangiti," hirit niya naman dito. Hinawakan siya nito sa baba nang mariin na inalis lang nito dahil mayroong presong kumatok sa bintanang nahaharangan ng bakal. Kapwa sila napatingin dito. Napapatungan ang suot na uniporme nito ng tsalekong kulay luntian. Dahil doon lumapit dito ang binata sabay nakipag-usap nang mahina lang. Wala naman siyang marinig kaya puro tango lang ang napapansin niya sa presong nasa labas. Matapos nitong makapag-usap binaling nito ang tingin sa kaniya. "Dito ka lang," sabi nito sa kaniya kapagkuwan ay lumakad ito patungo sa pinto. "Saan ba ang punta mo?" ang naitanong niya rito nang isuot nito ang hinubad na tsinelas. "Mabuti pang huwag mo na lang itanong." "Gusto kong sumama para naman may magawa ako," aniya rito kaya pinakatitigan na naman siya nito nang mataman. "Huwag na lang pala," dugtong niya sa bilis na pagbabago ng isip niya. Inabot ng ilang segundo ang pag-iisip nito. "Bahala ka. Magugutom ka rito." Sa narinig sinuot niya ang pares ng tsinelas na nasa tabi kapagkuwan ay sumunod na sa binata sa paglabas nito ng selda. Pinagmasdan pa siya ng presong naka-tsaleko na mayroong pagtataka sa mukha nito. Natigil lang ito nang lumakad na ang binata sa pasilyo, sumabay na lamang ito sa kanilang lider. Bumuntot rin naman siya kaagad sa dalawa habang iniisip kung ano ang mangyayari sa pagsama niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD