Kabanata 10

2696 Words
HINDI na siya nakatulog pa kaya maya't maya siyang humihikab habang nakaupo sa mababang silya sa tabi ng lupang inaalisan niya ng mga damo sa loob ng taniman. Nagbabasa naman ng diyaryo si Aristhon sa mahabang upuan ilang dipa ang layo mula sa kaniyang kinalalagyan, nakatayo sa tabi nito ang guwardiyang nakatalaga sa kanilang selda. Liban pa sa guwardiya na iyon nagkalat pa ang ibang mga guwardiya sa kalaparan ng taniman na siyang nagbabantay sa mga presong naroong nagbubungkal ng lupa't nagtatanim ng mga gulay. Lumingon pa nga sa kaniya si Aristhon kaya nagkasalubong ang kanilang mga tingin na tumagal nang ilang mga sandali. Ito ang kusang pumutol sa tinginan nilang iyon sa paglipat nito sa pahina ng diyaryo. Sa pagtuloy nito sa pagbabasa ng mga balita sa labas ibinalik niya rin naman ang atensiyon sa kaniyang ginagawa. Hinawakan niya ang puno ng masamang damong tumubo't inalis iyon na hindi nahihirapan, tumalsik pa ang lupa sa kaniyang pisngi na pinahid niya ng likod ng isa niyang malinis na kamay. Natigil siya sa ginagawa dahil sa guwardiyang pumasok ng taniman. Huminto ito sa pintuan sa pag-ikot nito ng tingin sa paligid. Nang tumama ang mga mata sa kaniyang kinauupuan naglakad na ito patungo sa kaniya na malalaki ang hakbang. Umiikot ito sa mga tanim na mustasa't petchay nang makarating sa kaniya. Sa bilis ng mga paa nitong nagmamadali nakatayo ito makalipas lamang ng ilang sandali sa harapan niya. "May dalaw ka," pagbibigay alam nito sa kaniya. Nakatitig ang mga mata nitong puno ng pagkadisgusto sa kaniyang mukha. Pinagpag niya ang kumapit na lupa sa kaniyang kamay sa pagtayo niya. Hindi niya tinanong kung sino ang magiging dalaw niya nang araw na iyon sa paglalakad niya patungo sa gripo. Nilampasan niya ang guwardiya't naiwan itong nakatayo sa paghugas niya ng kamay. Hindi rin naman tumagal sa kinatatayuan ang guwardiya sa paglapit naman nito sa kinauupuan ni Aristhon. Napalingon siya sa pakikipag-usap ng bagong dating na guwardiya sa lalaki habang binubuksan niya ang gripo. Bumuhos sa kaniyang maruming kamay ang katamtamang bilis ng tubig na siyang umalis sa mga dumi. Hindi niya naman marinig ang usapan ng dalawa sa layo niya sa mga ito. Ngunit kitang-kita niya kung paanong isinara ni Aristhon ang hawak na diyaryo. Tinupi ng lalaki ang diyaryo nang dalawang beses sa paghihintay ng guwardiyang lumapit dito. Iniwan nito ang babasahin sa upuan sa pagtayo nito nang tuwid. Lumakad ito kapagkuwan na nakabuntot na rito ang dalawang guwardiya hanggang sa madaanan siya ng mga ito. "Balita ko ay mayroon ka ring dalaw. Abogado mo ba?" ang naitanong nito sa kaniya. Isinara niya ang gripo na nagpatigil sa pagbuhos ng malamig na tubig. "Hindi ko alam," ang walang buhay niyang sabi sa pagpunas niya ng kamay sa suot na pantalon. "Wala ka ba talagang ideya? O hindi mo lang gustong sabihin sa akin?" hirit ni Aristhon sa pagpapatuloy nito sa paglalakad. "Hindi ko talaga alam," pagsisinungaling niya rito sa pagsabay niya rito sa paghakbang. "Kung alam ko man hindi ko kailangang sabihin sa iyo." Ngumisi ito dahil sa nasabi niya. "May punto ka riyan," ang nasabi na lamang nito. "Ikaw. Mukhang mayroon ka ring dalaw. Sino naman?" Inilagay nito ang tingin sa daan sa paglabas nila ng pintuan. "Hindi ko rin kailangang sabihin sa iyo," ganti naman nito na hindi niya inasahan. Nakaramdam siya ng inis sa pagkopya nito sa mga naging salita niya kung kaya nga imbis na kausapin pa ito sa tuloy-tuloy nilang paglalakad itinikom na lamang niya ang kaniyang bibig. Nilakad nila ang daang nababakuran ng crisscross na bakod, tanging mga paghakbang lamang nila ang gumagawa ng ingay. Naipipikit niya ang kaniyang mata habang naroon dahil sa tumatamang sinag ng araw na lumampas sa mataas na pader ng piitan. Kahit maaga pa ay masyado nang mainit ang araw para sa kaniyang balat. Inilagay niya pa ang kaniyang kamay sa harapan ng kaniyang mukha nang mapangalagaan niya ang sariling mata, hindi niya inalis ang kamay sa pagkaharang kahit nakararamdam siya nang bahagyang pangangalay. Naibaba niya lamang ang kaniyang kamay nang makarating sila sa maliit na tarangkahan. Huminto silang dalawa ni Aristhon na wala pa ring lumalabas na salita sa kanilang mga bibig. Nagpatiuna ang guwardiyang nakatalaga sa kanilang selda't idinikit ang card na nagsisilbi rin nitong ID sa parihabang makabagong kandado. Umirit iyon nang mahina bago nito tinulak ang tarangkahan. Pagtayo nito hawak ang sara pinagpatuloy nila ang paglalakad nang makalampas sa tarangkahan na iyon. Sa likuran lamang nila ang dalawang guwardiya habang isinasara ng nakatalaga sa kanilang selda ang trangkahan. Matapos niyon dumaan sila sa pintong binuksan ng guwardiyang nakatayo roon papasok ng pangunahing gusali ng piitan. Dinala sila ng pinto sa isa namang pasilyo kung saan nakasabukit sa dingding ang mga poster para sa paglago ng piitan. Sa hindi nila pagtigil na nakabantay ang dalawang guwardiya nakapunta rin sila sa hanay ng mga kubol, sa harapan niyon ay ang opisina ng mga guwardiya at ng warden na nasa itaas ng bakal na hagdanan. "Sumunod ka sa akin," anang guwardiyang kumausap sa kaniya sa taniman. Lumakad ito na hindi siya nililingon kaya napabuntot siya rito. Nilampasan niya lamang ang kubol na kinalalagyan ng dalaw ni Aristhon. Dahil dito hindi niya nakilala ang matandang naghihintay na nasisilip sa salamin ng bintana, nakaupo ito sa kabila ng salamin na namamagitan sa mga preso't dalaw habang mayroong kausap sa telepono, sa suot ng matandang lalaki na ternong itim malalamang hindi lamang ito basta simpleng tao lamang. Naisipan niya lamang lumingon nang pumasok doon si Aristhon matapos buksan ng guwardiyang nakatalaga sa kanila. Sa ingay ng pinto hindi niya talaga napigilang lumingon. Tumayo lamang sa gilid ng pinto ang guwardiya sa pagsara nito rito. Ibinalik niya ang kaniyang atensiyon sa paglalakad nang makita sa gilid ng kaniyang mata ang pagbukas ng guwardiyang sinusundan niya sa kubol na kasunod lang ng pinasukan ni Aristhon. Hinintay siya nitong makapasok doon bago nito isinara ang pinto sa kaniyang likuran. Naghihintay sa kabila ng salamin ang lalaking hindi nalalayo ang edad sa kaniya. Gumuhit kaagad ang ngiti sa labi nito pagtama ng kanilang mga mata kung kaya lumalabas ang mapuputi nitong ngipin. Nakasuot ito ng dilaw na diyaket na siyang tumatakip sa suot nitong t-shirt na puti. Nakuha pa nitong kumaway sa kaniya kahit kailan lang iyong huling pagkikita nilang dalawa. Hindi gaanong maliwanag sa loob dahil sa kaunting sinag ng araw na lumusot sa salamin ng bintana sa likod nito. Kumunot ang noo niya para rito sa kaniyang pag-upo sa silya. Hindi pa man nag-iinit ang kaniyang pang-upo kinuha na nito ang telepono. Maging siya ay ganoon na rin ang ginawa niya, hinawakan na rin niya ang telepono na nasa puwesto niya. Kaagad niyang idinikit iyon sa kaniyang tainga. "Ano'ng mayroon at ang saya mo ngayon?" ang naitanong niya rito na hindi inaalis ang tingin dito. "Kami na ni Amanda," pagbibigay alam nito sa kaniya. Mahahalata ang nararamdaman nitong ligaya sa boses nito. "Akala ko ba ay mananatili kayong magkaibigan lang," paalala niya rito dahil baka nakakalimutan nito. Tumawa pa ito nang bahagya na mayroong kasama pang pagtingala sa itaas kung saan naroon ang hindi nakabukas na ilaw. Tumingin din naman siya sa itaas para malaman kung ano ang tinitingnan nito. Nang malamang wala naman ibinaba niya na lamang ang kaniyang tingin. "Lumilipad na naman ang isip mo," komento niya rito na siyang naging dahilan para ibalik nito ang atensiyon sa kaniya. "Masaya lang. Hindi ko akalain na magiging ganito ako kasaya." Hindi na naalis ang ngiti sa labi nito dahil sa nararamdaman nito. "Sa sobra mong saya nakalimutan mo na kung bakit ka narito," aniya rito na ikinasimangot nito sa kaniya. "Ito naman. Ngayon lang naman ako naging masaya. Pagbigyan mo na ako. Palibhasa kasi hindi mo alam kung ano ang saya," maktol nito sa kaniya kasabay ng pagbabago ng mukha nito. Naalis na ang ngiti sa labi nito, napalitan ng kaseryosohan ang emosyon nito. "Kumusta ka rin naman sa loob?" pag-usisa nito sa kaniya. "Ano pa bang maasahan mo rito sa isang kulungan?" tanong niyang pabalik. "Sa itsura mo mukhang napaaway ka," puna nito sa pagkamot nito sa leeg. Inilagay niya ang kaniyang malayang kamay sa tabla sa harapan niya. "Hindi lang naman dahil doon kaya ganito ang itsura ko. Nabugbog din ako sa presintong pinagdalhan sa akin." Pinaglaro niya ang kaniyang daliri sa tabla kaya gumawa iyon nang hindi nagbabagong tunog. Napatango-tango ito sa nalaman. "Nahihirapan ka ba para magawa mo ang inuutos sa iyo? Gusto mong padalhan ka ng tulong. Puwede namang kumausap kami ng makatutulong sa iyo." "Huwag na," pagtanggi niya sa naisipan nitong suhestiyon. "Makakaya ko." "Alam mo rin namang dalawang linggo lang ang palugit sa iyo. Dapat magawa mo kaagad dahil kung hindi mahihirapan kaming ilabas ka rito. Lalo na't pinatay mo rin iyong mga tauhan ni Gustavo kahit wala naman sa plano." "Hindi mo kailangang ipaalala. Naghihintay pa ako ng tamang pagkakataon," pagsisinungaling niya rito. "Mabuti naman. Ano ang nakuha mo kay Ildefonso nang gabing madampot ka?" "Wala naman. Siya ang puwedeng isunod natin kapag nakalabas ako rito." "Sige. Sasabihin ko sa iba na maluwag sa kalooban mo na isunod ang senador." Huminga ito nang malalim na rinig niya sa hawak niyang telepono. "Akala ko ba'y hindi mo na gusto ang ganitong trabaho? Napapagod ka nang pumatay ng mga taong tiwali't nakakasira sa lipunan." "Nagbago ang isip ko," ang makatotohanan niyang sabi rito. Pinakatitigan siya nito nang maigi. "Ano ang nagpabago sa isip mo? Nakapagtataka naman. Sabihin mo sa akin para maniwala ako." "Mayroon akong gustong paimbestigahan." "Sino naman?" Nagsalubong ang dalawa nito kilay sa narinig mula sa kaniya. "Kilala mo ba iyong si Aristhon? Iyong may-ari ng pinakamalaking shipping lines?" ang mahina niyang sabi rito na sinagot nito ng isang tango. "Narito siya," dugtong niya. Nanlaki ang mata nito sa gulat. "Hindi nga? Paano siya napunta rito? Samantalang wala namang balita tungkol doon," ang mabilis nitong sabi sa paglapit nito ng mukha sa namamagitang salamin sa kanila. "Kilala siya bilang tumutulong sa ibang mga tao. Sigurado ka ba na narito siya?" "Sasabihin ko ba kung hindi? Kaya nga gusto kong alamin mo ang tungkol sa kaniya," pagsisimula niya sa mahaba-haba niyang sasabihin. "Sabi niya lang sa akin nagbabakasyon siya rito. Hindi ka ba nagtataka roon? Saka gumagawa rin siya ng hindi magaganda rito. Kamuntikan pa nga akong mapahirapan. Tama na bang rason iyon para gawin mo ang sinasabi ko?" "Oo na. Gagawin na," pagsuko na lamang nito sa huli. "Pero sabihin mo muna ang rason kung bakit gusto mong alamin ang buong katauhan niya gayong kami naman ang madalas gumagawa niyon. Ikaw lang ang kumikilos kapag napahintulutan na ang misyon." "Kailangan pa bang tanungin iyon? Isa siyang masamang tao." "Sa tingin ko hindi lang dahil doon kaya ganoon. Maraming masamang tao rito sa kulungan. Kung iyon ang dahilan mo, lahat pala kailangang narito aalamin namin ang naging buhay sa labas. Mayroon pang ibang dahilan na siyang pumukaw sa interes mo, hindi ba?" "Ano? Kung mayroon ngang iba?" tanong niya rito dahil hindi niya ito maintindihan. Naguguluhan siya sa lumabas sa bibig nito. "Sabihin mo dahil hindi ko alam ang sinasabi mo." "Hayaan mo na nga," sabi na lamang nito sa kaniya. Huminga ito nang malalim na ilang beses nitong ginawa bago muling magsalita. Naghihintay naman siya rito kaya nanahimik siya. "Mayroon pa akong sasabihin sa iyo," dugtong nito sa paglungkot ng mukha nito. "Ano?" tanong niya naman dito. Kinabahan na siya sa puntong iyon sa pagkabog ng kaniyang puso sa dibdib. Nahuhulaan na niya kung ano ang lalabas sa bibig nito. "Iyong nanay mo. Inatake sa puso. Sabi ng doktor kailangan na niyang maoperahan sa lalong madaling panahon dahil kung hindi maapektuhan niyon ang pagiging komatos niya," pagbibigay alam nito sa kaniya. Hindi pa naman nito natatapos ang sasabihin napatayo na siya mula sa kaniyang kinauupuan. "Ilabas mo na ko rito ngayon na," sabi niya kaagad sa lalaki. "Alam mong hindi ko puwedeng gawin iyan. Huwag kang mag-aalala. Ginagawan na namin ng paraan." "Hindi ako naniniwala sa iyo! Ilabas niyo na ako rito!" pasigaw niyang sabi sa lalaki na kahit sa telepono ay dinig na dinig nito. Nahampas pa niya ang kamay sa salamin na ikinagulat ng kausap. Sa puntong iyon pumasok na ang quwardiya na kaagad na lumapit sa kaniya't inalis ang telepono sa kaniyang tainga. "Tapos na ang oras ng dalaw mo. Ibabalik na kita sa taniman," sabi ng guwardiya kaya tiningnan niya ito nang masama. "Huwag mong subukang pumalag kung ayaw mong sa bartolena ang diretso mo. Labas na." Sinunod niya rin naman ang sinabi ng guwardiya. Pero bago siya lumabas tiningnan niya ang lalaki na nakatayo na rin. Inalis niya na lamang ang tingin dito't lumabas na nga ng kubol na nakabantay sa kaniya ang guwardiya. Nagkasabay pa silang lumabas ni Aristhon na natapos na ring makipag-usap sa dalaw nito. Pagtama ng kanilang mga mata humakbang siya palapit dito. "Hindi ba maganda ang naging pag-uusap niyo nang dalaw mo?" ang naitanong nito sa kaniya. Binalewala niya lamang ang naging tanong nito sa kaniya. "Kaya mo bang ilabas ako ng kulungan kahit ngayong araw lang?" mabilis niyang sabi rito sapat lang para marinig nito. "Bakit?" sumunod nitong sabi. Hindi pa rin niya iyon pinansin sa pagtakbo ng kaniyang isipan sa naiisip niyang mangyayari sa kaniyang ina. "Gagawin ko ang gusto mo kapalit ng pagtulong mo sa akin," pang-iingganyo niya rito. Bumagsak ang balikat nito sa sinabi niya. "Sabihin mo muna sa akin kung bakit?" "Huwag na nga lang," pagbawi niya sa mga naunang nasabi na sa mabilis na pagbago ng isip niya. Hindi nga rin naman siya dapat humingi ng tulong sa siraulong katulad nito. Sa pinagsasabi niya sumama ang mukha nito. "Wala pa nga akong nasasabi. Nagbago kaagad ang isip mo." Binaling nito ang tingin sa dalawang kahong ng mga noodles na nasa ilalim ng hagdanan. "Bakit hindi mo simulan sa pagbuhat sa mga kahon? Pag-iisipan ko habang naglalakad. Kailangan ko ring mayroong tawagan kung gusto mo pa rin talagang ituloy ang paglabas dito ngayong araw." Inilihis niya ang tingin mula rito't inilipat nga sa mga tinitingnan nitong dalawang kahon. Walang lumabas sa kaniyang bibig sa paglapit niya sa mga kahon. Inilabas niya ang mga iyon mula sa ilalim ng hagdanan sabay buhat sa kaniyang dalawang kamay. Sa kaniyang paglalakad humakbang na rin si Aristhon. Kasunod pa rin nila ang dalawang guwardiya sa kanilang likuran. Sa kanila ngang paglalakad naglalaro pa rin sa isipan niya ang kalagayan ng kaniyang ina. Naisip niya ring dapat sigurong palayain niya ang kaniyang ina, siya lang talaga ang pumipilit na dugtungan pa ang buhay nito. Bago pa man makomatos ang kaniyang ina sinabi na nitong gusto na nitong mamahinga na hindi niya sinangayunan. Sa paglalakbay ng kaniyang isipan nagbago na naman ang isip niya. "Hindi na lang ako lalabas," aniya rito nang sumagi rin sa kaniya na gagawa rin naman marahil ng paraan ang lalaking dumalaw sa kaniya. Napatitig tuloy sa mukha niya si Aristhon. Sa puntong iyon bigla na namang sumakit ang kaniyang ulo dahil sa kakaisip niya sa kaniyang ina. Ang kalagayan ng kaniyang ina ang nagbibigay ng hindi magandang pakiramdam sa kaniya kaya inaatake na naman siya ng pananakit. Hindi man siya sumisigaw dahil sa nakakadileryong sakit na bumibiyak sa kaniyang bungo nabitiwan niya ang hawak na dalawang kahon. Bumagsak iyon sa sahig kasabay ng kaniyang pagluhod hawak ang kaniyang ulo. Nagsisimula na rin siyang pagpawisan nang malagkit. "Ano'ng problema mo?" ang naitanong sa kaniya ni Aristhon nang lapitan siya nito. Inalis niya ang kamay nito nang hawakan siya nito balikat. "Lumayo ka sa akin," aniya sa gitna ng sakit ng nararamdaman. Hindi naman nakinig sa kaniya ang lalaki dahil kinuha nito ang kamay niya't inilagay sa balikat nito. Inilalayan siya nito sa pagtayo kaya hinayaan na lamang niya ito sa puntong iyon. "Dalhin kita sa klinika para makainom ka ng gamot," pagbibigay alam nito na hindi niya na rin natanggihan sa pananakit ng kaniyang ulo. Ibinaling nito ang tingin sa guwardiyang nakatuka sa kanilang selda sa kanilang paglalakad. "Samahan mo kami sa klinika," utos nito kaya nagpatiuna na ito. Naiwan naman ang isang guwardiya na pinulot ang nahulog na dalawang kahon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD