BUMALIK na nga silang dalawa ni Aristhon ng selda matapos ngang tumalsik nang malayo ang puting bola. Hindi na nasundan pa iyon na hindi niya naman binigyang pansin nang husto. Sinalubong sila ng guwardiya na nakatalaga sa kanilang selda, nababalot pa rin ang daliri nito ng bendahe, sa kanilang paglalakad sa pasilyo na walang lumalabas sa bibig nito. Naglalaro sa hangin ang pinaghalohalong mga amoy na naipon sa buong araw. Umaalingawngaw ang kanilang paglalakad sa kahabaan ng pasilyo na hindi rin naman nagigising ang ibang mga preso. Lampas alas tres na nang mga sandaling iyon kung kaya nga ay mahimbing na natutulog na ang lahat.
Napapaisip siya nang malalim habang nakatitig siya sa likod ni Aristhon. Sa kakayahan nitong kontrolin ang mga guwardiya sa piitan na iyon isa lang ang ibig sabihin niyon. Masyado itong makapangyarihan na kinakatakutan ng mga nakakakilala rito hindi lang dahil sa marami itong koneksiyon kundi dahil na rin sa higit itong marahas na kaniyang natakasan. Sa isang pitik nga lang naman nito mawawala na ang gusto nitong mamatay. Naiba lang ang sitwasyon pagdating sa kaniya dahil sa kagustuhan nitong patayin niya ang matandang lalaki na si Gustavo, bagay na nagpapalito sa kaniya. Pakiwari niya ay mayroon itong balak na siya ay mapaglaruan, gagawing alila hanggang siya na ang kusang sumuko. Likas nga naman na mapagkontrol ang katulad nito sa ibang tao.
Ilang sandali pa nga ay nakarating na sila sa harapan ng selda. Nagpatiuna sa paghakbang si Aristhon kasunod siya habang isinasara ng guwardiya ang pinto. Umingay na lamang ang pinto sa kanilang likuran sa paglapat niyon sa hamba na sinundan ng pagkandado ng guwardiya rito. Pagkahakbang niya sa sahig naramdaman niya kaagad ang init na naiwan sa loob kahit na malapit na ang umaga. Hindi na rin nawala ang halimuyak ng sabon na nagmumula sa banyo.
"Sumasali ka ba sa mga palaro nang kabataan mo?" ang naitanong niya kay Aristhon. "Sa kilos mo kanina'y mukhang sanay ka sa pagpalo."
Naghuhubad ito ng sapatos gamit lang ang mga paa. "Hindi. Nakahiligan lang. Madalas ulo ng mga tao ang nahahampas ko ng bat," sabi nito't iniwan lamang na nakatiwangwang ang sapatos. Dumiretso ito sa banyo't narinig niya na lamang pag-ihi nito mula roon. Sa pagbanggit nito sa mga huling salita ay para bang walang mali sa mga iyon.
Kung nais niyang malaman ang bagay-bagay tungkol sa lalaki kailangan niyang magtanong. Titigil lamang siya kapag naramdaman niyang nahahalata na siya nito. Hindi man niya gustong makipag-usap dito ngunit pipilitin na lamang niya nang magkaroon siya ng ideya kung paano niya ito maiisahan.
Naupo siya sa sahig sa kaniyang paghubad ng sapatos katabi ng sapatos ni Aristhon.
"Bakit wala kayong ibang kasama rito sa selda?" ang nasabi niya rito nang alisin niya ang huling pares ng sapatos na siya ring pagbuhos ni Aristhon sa inidoro.
Hindi na rin naman tumagal sa banyo ang lalaki. Lumabas ito ng banyo na nagpupunas ng kamay sa bimpo na puti. "Bakit mo ba tinatanong?" sabi nito nang tingnan siya nito. "Dapat nga magpasalamat ka dahil walang gugulo sa iyong iba."
"Wala lang. Nagtaka lang. Iba ang trato ng mga tao sa iyo rito." Itinabi niya nang maayos ang kaniyang dalawang sapatos, pantay na pantay ang mga iyon na magkadikit. Hindi niya naiwasang mapatitig sa hinubad na sapatos ni Aristhon sapagkat hindi siya mapakali kapag mayroong nakikitang hindi maayos.
Kinuha niya ang dalawang pares na sapatos ni Aristhon. Itinabi niya iyon sa kaniyang mga sapatos kaya napapatitig sa kaniya si Aristhon na naguguhitan ang mukha ng pagtataka.
"Kakilala ko iyong warden," pagbibigay alam nito sa kaniya nang isabit nito sa balikat ang bimpo.
Nilingon niya ito nang abutin nito ang librong itim ang pabalat mula sa estanteng nakasabit sa dingding. Naupo ito sa sahig na nakasandig sa pader na nakainat ang mga paa. Sa ginawa nitong pagkuha sa itim na libro tumabangi ang ibang libro kung kaya napatayo na lamang siya ulit sa tabi nito. Inayos niya ang pagkalagay sa mga libro, nakatanggap na naman siya ng nagtatakang tingin mula sa lalaki dahil doon sa pagbuklat nito sa hawak.
Nang mapansin niyang nakatitig ito sa kaniya sinalubong niya ang mga mata nito.
"Hindi ko gusto na mayroong magulo," paliwanag niya rito sa pag-upo niya uilt sa sahig na magkatagpo ang dalawang paa. Wala na rin namang nasabi sa kaniya ang lalaki sa pagbaling nito ng buong atensiyon sa pagbabasa. "Hilig mong magbasa ng libro," puna niya rito.
"Kapag narito ka kailangan mo ng mapaglilibangan," sabi naman nito sa kaniya na kaniyang ikinatango-tango.
Naisipan niya na lamang na mahiga sa sahig kahit walang sapin. Pinakatitigan niya ang mahabang ilaw sa kisame.
"Wala ka bang balak matulog?" ang sumunod niyang tanong dito.
Inilipat nito ang pahina matapos nitong basahin ang pahinang tinigilan nito nang nagdaang gabi. "Mamaya na ako. Matulog ka na kung gusto mo. Maglatag ka na riyan," sabi nito sa kaniya.
"Parang ayaw kong matulog baka mayroon kang gawin sa akin na hindi maganda. Baka magising naman ako na nakagapos."
"Hindi na mangyayari iyon," sabi nito na hindi inaalis ang tingin sa binibasa. Sinulyapan niya ito dahil sa naging salita nito. "Puputulan na lang kita ng daliri para mas maganda," dugtong nito kaagad na hindi niya ikinagulat.
Inilihis niya ang tingin mula rito sa pagtitig niya pabalik sa kisame. Hindi niya pagtatakhan kung gagawin nga nito ang nasabi, ang kailangan niya lang gawin ay ang hindi matulog habang silang dalawa lamang ang naroon sa selda na iyon.
"Hindi na lang ako matutulog," aniya na lamang na hindi naman binigyang pansin ng lalaki.
Ang hindi niya inasahan ay ang sumunod na lumabas sa bibig nito. "Sino ba ang mga magulang mo?" pag-usisa nito sa kaniya na sa libro pa rin ang mga mata.
"Balak mo ba silang patayin kung sinabi ko sa iyo para magawa mo akong kontrolin?" Bumangon siya sa kaniyang pagkahiga't naupo na magkatagpo ang mga paa.
"Puwede rin."
"Iyong ama ko puwede mong patayin pero iyong ina ko ang huwag mong papakialaman," sagot niya rito na hindi alam ang tunay na dahilan kung bakit nito naitanong kung sino ang kaniyang magulang.
Isinara nito ang libro sa pagtigil nito sa pagbabasa. "Sa pananalita mo nga'y wala talagang halaga sa iyo ang buhay ng iba. Kahit na ang amo mo ay hindi mo alalahaning mamatay," ang nasabi nito sa pagbitiw nito sa libro sa lapag. Tumayo ito kapagkuwan patungo sa lagayan ng maninipis na de kutsong banig.
"Ganoon ka rin naman, hindi ba?" ang nasabi niya rito. Sinalo niya ang tinapon nitong banig sa kaniya bago pa iyon tumama sa kaniyang mukha.
Pinagmasdan niya ito sa paglatag nito ng banig naman nitong kinuha para sa sarili nito habang hawak niya lamang ang binigay nito. Mabilis itong kumilos kaya kaagad din itong natapos, nailatag nito nang maayos sa isang paghabyog lamang. Sinunod nitong kunin ang unan na asul ang punda. Pagkaraa'y inilagaly nito sa uluhan ng higaan. Hindi ito kaagad nahiga dahil kinuha pa nito ang libro't nagbasa nang nakatagilid paharap sa kaniyang kinauupuan.
"Matulog ka na. Dahil maaga pa lang ay nagpupunta na sa labas ang mga preso. Ginagawa ang mga nakatuka sa kanila," saad nito sa pagpapatuloy nito sa pagbabasa.
"Ikaw rin. Matulog na. Itigil mo na ang pagbabasa," aniya nang bitiwan niya ang banig. Sa lapit ng libro binasa niya ang pabalat niyon kaya nakita niyang tungkol sa paglago ng ekonomiya ang binabasa nito. "Makakatulong ba iyan sa iyo? Samantalang puro naman ilegal ang ginagawa mo."
Natigil nga ito sa pagbabasa dahil sa sinabi niyang iyon.
"Paano mo naman nasabing puro ilegal ang ginagawa ko? Mayroon din naman akong legal na negosyo katulad na lang ng shipping lines." Iniupo na lamang nito ang sarili hawak ang libro.
"Sa tingin ko itinayo mo lang naman ang shipping lines para matakpan ang mga ilegal mong gawain," paratang niya rito.
"Ang dami mong alam na sabihin. Alam na alam mo ang kalakaran ng mga halang ang kaluluwa. Mula ba pagkabata'y namulat ka na sa mga hindi magagandang bagay?"
"Parang ganoon na nga," sagot niya naman dito. Inilatag niya na lang din ang banig.
Ito naman ang nakasunod ng tingin sa kaniyang paghiga na hindi gumagamit ng unan. Ipinatanong niya ang kaniyang kanang kamay sa kaniyang dibdib. Hindi niya gustong maalala ang kabataan niya kaya tumahimik na lamang siya. Hindi rin naman siya kinausap ni Aristhon sa pagtayo nito para ibalik ang libro sa estante. Sa pagtitig niya sa ilaw sa kisame pumatay na lamang iyon matapos pindutin ni Ariston ang pindutan kalapit ng pinto. Ang tanging liwanag na pumapasok doon ay nagmumula sa labas, lumulusot sa hindi nakasaradong binatanang mayroong rehas ng bakal.
Sa hindi niya pagkilos narinig niya na lamang ang muling paghiga ni Aristhon. Nang lingunin niya ito nakahiga na rin ito nang patihaya, nakapikit ang mga mata nitong naaninag niya sa dilim.
"Ano? Mayroon ka bang sasabihin?" sabi nito bigla sa kaniya.
Tumagilid siya nang higa nang mapagmasdan niya ito nang maigi. Dahil alam na rin naman nito ang balak niyang gawin babahain niya na lamang ito ng tanong nang hindi siya mahirapan patungkol sa matandang lalaki na si Gustavo.
"Saan ba naglalagi iyong matanda?" pag-usisa niya rito.
Bago ito sumagot sa kaniya nahiga rin ito nang patagilid patungo sa kaniya. "Wala akong sasabihin sa iyo. Alamin mo bukas," sabi nito sa kaniya.
"Bakit hindi mo na lang sabihin para madali na lang sa akin na tapusin ang kaniyang buhay?" pamimilit niya rito.
"Hindi masaya kapag sasabihin ko sa iyo. Paano mo naman magagawang patayin si Gustavo habang narito sa loob ng kulungan? Gayong bente kuwatro oras iyong napapaligiran ng mga alagad niya. Hindi ka man lang makakalapit sa kaniya."
"Ako na ang bahala. Sabihin mo na lang sa akin ang gusto kong malaman."
"Wala nga akong sasabihin sa iyo." Bumalik ito sa pagkahiga nang nakatihaya. "Mukha namang maalam ka sa pagpatay. Hindi mo ba naisip na masasayang lang ang buhay mo sa pagpasok dito. Mapatay mo man si Gustavo walang kasiguraduhan na makalalabas ka."
"Hindi ba't sabi mo ay tutulungan mo ako," wika niya rito. "Pero kung hindi mo naman gagawin mayroon din namang tutulong sa akin."
"Sino naman?"
"Sino pa ba? Iyong nag-utos sa akin," saad niya't naisipan niya itong usisain. "Ano pa ba ang ginawa mo't nakulong ka? Sa palagay ko ay hindi lang dahil sa pagbibinta ng droga kaya ka narito."
"Ang totoo niyan, pinalabas lang na ganoon. Nagbabakasyon lang ako rito sa loob ng kulungan."
Nagsalubong ang dalawa niyang kilay sa narinig.
"Magbabakasyon ka na lang. Bakit dito pa?"
"Sabihin na nating ligtas ako habang narito sa loob."
"Mukhang mayroon nga talagang gustong pumatay sa iyo," ang naisatinig niya nang sumagi sa kaniya ang naging usapan nila sa kusina.
"Oo naman. Ikaw na rin ang nagsabi na maraming kaaway ang katulad ko."
"Nagkakilala na ba tayo dati pa?" ang naitanong niya rito nang tumimo ang bagay na iyon sa kaniyang isipan. "Hindi mo ako kakausapin nang ganito dahil lang sa dinahilan mong totoong tao ako."
Hinintay niyang sumagot ito ngunit hindi na dumating iyon sa tuluyan nitong pananahimik. Itinikom na rin naman niya ang kaniyang bibig. Pinanatili niyang nakadilat ang kaniyang mga mata dahil naiisip niya pa ring mayroong gagawin sa kaniya si Aristhon habang siya ay tulog. Nakabinbin pa rin sa utak niya na posibleng nagkakilala na nga sila nito na hindi niya lang matandaan sa dami ng mga nangyari sa kaniyang buhay.
Naputol ang pagtakbo ng kaniyang isipan nang makarinig siya ng sigaw mula sa labas. Dahil dito tumayo siya mula sa pagkahiga. Lumakad kapagkuwan patungo sa bintana. Hindi pa man siya nakakatayo sa bintana natanaw na niya ang taong tumatakbo sa kalaparan ng lupa. Kumunot pa ang noo niya para sa lalaki dahil walang ano man itong suot nang sandaling iyon. Ilang dipa ang layo sa tinatakbuhan ng lalaki ay naroon ang mga dalawang guwardiya na sinisigawan ang lalaki para bilisan ang pagtakbo. Sa nakikita niya'y nahuhulaan na niya ang nangyayari. Hindi nga siya nagkamali nang bigla na lamang magsalita sa likuran niya si Aristhon.
"Pabayaan mo na iyan sila. Matulog ka na lang na parang walang nakita kung ayaw mong mapagtripan katulad nang nangyayari diyan sa lalaki," ang sabi nito. Sa lapit nito nararamdaman niya ang init ng hininga nito sa kaniyang batok.
"Hindi na ako nagtataka na mayroong mga ganiyan. Ano pa ba ang aasahan mo sa mga katulad nitong piitan? Wala. Lahat ng mga tao rito iba ang takbo ng isip kahit na ang mga guwardiya."
"Hindi ka nagkakamali. Gusto mo bang makisali?"
Nilingon niya ito dahil sa lumabas sa bibig nito. Sa lapit ng mga katawan nila muntikan nang magtama ang tongke ng kanilang mga ilong. "Ikaw, baka gusto mo. Hilig mo rin namang paglaruaan ang mga tao."
"Bumalik ka na higaan," sabi na lamang nito imbis na gantihan ang nasabi niya. Hindi niya rin naman ito sinunod sa pagbalik nito sa higaan.
Inalis niya ang tingin dito't binalik sa lalaking tumatakbo. Lalong kumunot ang noo niyang nang bumagsak ang lalaking walang ano mang suot na damit ilang hakbang ang layo sa dalawang pulis. Sa puntong iyon nakilala na niya ang lalaki, ito ay ang kumausap sa kaniya na mayroong hawak na Bibliya. Nilapitan ito ng dalawang pulis kapagkuwan ay pinagsisipa nang makailang ulit. Hindi niya tuloy maiwasang makaramdam ng galit. Hindi niya gustong makakita ng mga pinapahirapan na tao dahil sa mahihina ang mga ito, mula pagkabata'y madalas na siyang makakita nang ganoong bagay kaya napapagod na siya gannoon. Nakikita niya ang kaniyang sarili sa lalaking pinapahirapan nang mga panahong masyado pang mahina ang kaniyang loob. Hindi pa nakuntento ang dalawang pulis dahil hinila pa ng mga ito ang lalaki sa dalawang paa nito paikot sa kalaparan ng lupa habang tumatawa. Nadagdagan ang inis niya nang mamukhaan niya naman ang isang guwardiya na nakatalaga sa kanilang selda.
Hindi na nga niya napigilan ang kaniyang inis kaya lumakad na siya patungo sa pinto. Nilampasan niya lamang ang nakahigang si Aristhon. Binuksan niya ang pinto para lamang mapagtanto na nakandado nga iyon. Nasuntok niya na lamang ang pinto dahil sa bagay na iyon.
Naisipan niyang lapitan ang kinahihigaan ni Aristhon. Tumayo siya tabi niyon at nagsabi, "Mayroon ka bang susi diyan? Pahiram ako."
"Walang maidudulot na maganda sa iyo kung lalabas ka," paalala nito sa kaniya.
"Hindi ko kayang basta na lang manood."
Nanatiling nakapikit ang mga mata nito sa pakikipag-usap nito sa kaniya. "Tumigil ka na nga diyan. Hindi ka naman mabuting tao pagkatapos ganiyan ang sinasabi mo."
"Kung ayaw mong ibigay sisirain ko na lang ang pinto."
"Hindi iyan ganoon kadaling sirain kahit subukan mo pa."
Pinalusot niya lamang sa dalawang tainga ang narinig. Tinalikuran niya ito sa balak niyang paghakbang pabalik ng pinto. Hindi niya naman naituloy dahil hinila siya nito sa kaniyang kamay na kaniyang ikinahiga sa ibabaw nito. Tumama ang likod niya sa matigas nitong dibdib at ang kaniyang ulo'y umabot sa kaniyang naging higaan. Kaagad din naman siya umalis sa ibabaw nito patungo sa kaniyang higaan. Huminga na lamang siya nang malalim para pakalmahin ang kaniyang sarili. Hindi na rin naman niya naririnig ang sigaw na nagmumula sa labas sa pagtigil ng dalawang guwardiya, dinala na ng mga ito pabalik sa loob ang kawawang lalaki.
Hindi siya nahiga't nanatili lamang siyang nakaupo na nakatingin kay Aristhon. "Ginagawa mo rin ba ang mga ganoon?" ang naisipan niyang itanong.
"Ako kaya ang nag-utos sa dalawang guwardiya."
Muling nagsalubong ang dalawa niyang kila sa narinig. "Bakit pa ba ako nagtanong?" sabi na lamang niya sa paghiga niya nang patagilid na nakatalikod dito. Nahirapan naman siya na nakatagilid kaya tumihaya na lang siya ulit. Natigalgalan pa siya sa sumunod na sinabi ni Aristhon na narinig niya nang malinaw sa katahimikan ng selda.
"Bakit ang bango mo?" wika nito.
Iyon ang unang pagkakataon na mayroong nagsabi sa kaniya nang papuri kaya hindi niya napigilang ang pagsitayuan ng mga balahibo niya sa kaniyang buong katawan.