Pa-simple akong luminga sa buong paligid. Kinakabahan ako dahil baka bigla ko na lamang makasalubong si Rod. Hindi ako sigurado kung naririto pa siya o sana naman ay nakaalis na. Sana naman ay bumisita lang talaga siya dito at hindi magtagal pa.
Nagtuloy-tuloy na ako patungo sa kusina. Nasalubong ko namang bigla si Gerlyn na palabas habang may bitbit na tray na may lamang mirienda.
"Oh, Rose. Kumusta ang pakiramdam mo? Okay ka na ba?"
"Okay naman. Saan mo dadalhin 'yan?"
"Sa garden. Ipinapadala ni tita Grace. Naroroon kasi ang mga bisita. May babalikan pa nga ako doon, eh. P'wede bang pakikuha na rin? Pinakakain kasi ng iba 'yong mga bata. Wala akong makatulong."
"O-Oo, sige. Isusunod ko na doon, kukunin ko lang. Pasensiya na rin, ha. Nakatulog kasi ako, eh."
"Okay lang. Mauna na 'ko, ha? Sumunod ka na lang."
"Oo. Nand'yan na 'ko."
Nagmadali na akong pumasok ng kusina. Nakita ko namang nakahanda na sa mesa ang isa pang tray na naglalaman ng pitchel na puno ng juice at ilang piraso ng baso.
Inilapag ko ang dala kong tray sa mesa at binuhat naman ang tray na kailangan kong isunod sa labas. Kaagad na rin akong tumalikod at lumabas ng kusina.
Hindi ko na natanaw pa si Sir Gabriel sa may paanan ng hagdan. Siguro ay nakalabas na rin siya. Hindi ko na rin makita pa si Gerlyn. Marahil ay nasa garden na rin siya sa ngayon. Napakabilis pa namang maglakad ng babaeng 'yon.
Nagtuloy-tuloy na ako sa paglalakad hanggang sa makalapit na ako sa pinto. Ngunit bigla na lamang akong nagulat at nanigas nang bigla kong makasalubong si Rod at natabig niya ng bahagya ang tray kong dala.
"A-Ah--"
"Oh, s-sorry. Are you okay?"
Kaagad niyang nahawakan ang mga kamay kong nakahawak sa tray kaya hindi ito natuloy sa paglaglag. Ngunit lumigwak din ng kaunti ang pitchel na naglalaman ng juice at may kaunting natapon sa tray.
Napatulala ako at hindi kaagad nakasagot habang nakatitig sa kanya. Lalo na ngayong sobrang lapit na namin sa isa't isa. Tumambol ng pagkalakas-lakas ang dibdib ko at nagsimula na namang mangatal ang katawan ko.
"You're trembling. Are you okay? Did I hurt you?" muli niyang tanong. Napansin ko ang bahagyang pagkunot ng noo niya habang nakatitig sa akin hanggang sa bumaba ang paningin niya sa pisngi ko at nagtungo iyon sa mga labi ko.
Kaagad akong yumuko at tumango sa kanya. Hindi ko magawang sumagot dahil natatakot akong baka makilala niya ang tinig ko.
"Are you sure? Bigla ka kasing sumulpot. I didn't notice you right away. I'm sorry."
Muli akong napatingala sa kanya sa paghingi niyang iyon ng sorry. Katulad pa rin siya ng dati, mapagpakumbaba na alam kong puro ka-plastikan lang naman.
Hindi ba siya mandidiri sa akin? Hindi ba siya natatakot na baka mahawa siya katulad nang akala ng ibang may sakit akong nakakahawa? Hindi niya pa rin kasi binibitawan ang mga kamay ko hanggang ngayon.
"A-Ah--"
"Hey, dude! What happened? May nangyari ba?"
Bigla namang dumating si Sir Gab na tila nagtataka. Palipat-lipat ang tingin niya sa amin ni Rod hanggang sa bumaba ang mga mata niya sa kamay ni Rod na nananatiling nakahawak sa mga kamay ko.
"Ahm, nothing. I almost bumped into her. So--"
"Akina 'to. Ako na ang magdadala ." Kaagad na inagaw ni Sir Gabriel ang bitbit kong tray kaya naman nabitawan na rin ni Rod ang mga kamay ko.
"Hey, why aren't you answering? Tell me, are you really okay?" baling muli sa akin ni Rod kasabay nang paghawak naman niya sa magkabila kong braso at hindi ko kaagad siya naiwasan.
Sa gilid ng mga mata ko ay napansin ko ang muling pagtitig sa akin ni Sir Gabriel at pagbaba ng mga mata niya sa mga kamay ni Rod na nakahawak sa mga braso.
"Ah, ikaw na lang pala ang magdala nito. Malakas ka naman, eh."
Hinila naman kaagad ni Sir Gabriel ang kamay niya at doon ipinatong ang tray niyang dala.
"My arm suddenly hurt. Don't worry about her. She's really like that. Bihira lang talaga siyang magsalita."
Inakbayan na niya si Rod at kaagad na inakay paalis sa harapan ko. Ngunit muli siyang lumingon sa akin at sinimangutan ako na parang bata bago muling nagpatuloy sa paghila kay Rod.
Napatanga na lang ako habang nakatingin sa kanila. Tsk. Ano bang problema ng lalaking 'yon? Kakaiba talaga siya. Para siyang bata kung umasta.
Muli na lamang akong tumalikod. Mabuti na ring kinuha nila ang dala ko para hindi ko na sila makaharap pa. Muli na akong bumalik sa loob ng gusali at nagtungong muli sa kusina.
Niligpit ko na lamang ang lahat ng mga kalat at hinugasan ang lahat ng mga hugasin.
Nang matapos ay binuhat ko ang balde na naglalaman ng mga kakaning-baboy. Dinala ko iyon sa likod-bahay patungo sa dulong bahagi ng bakuran. Sa labas ng gate ay mayroon kaming mga alagang baboy na nasa sampo ang bilang. Malalaki na ang iba at mayroong manganganak pa.
Mayroon din kami ditong mga alagang native na manok na siyang ginagawa naming ulam paminsan-minsan. Nagpaplano na nga rin si tita Grace na mag-alaga pa ng mga kambing, tutal ay marami namang damo sa likurang bahagi nitong Shelter.
Mayroon din kaming garden kung saan maraming tanim na mga gulay kaya kung anumang gulay na lang na wala kami dito ang ipinamimili namin sa bayan. Kasama na rin ang mga groceries.
Naabutan ko si Kuya Fong na nasa kulungan ng mga baboy at abala sa paglilinis. Isa rin siya sa mga katiwala namin dito sa Shelter at siyang naka-toka talaga sa paglilinis ng mga kulungan ng mga baboy at manok.
"Kuya Fong, ito na po 'yong kaning-baboy." Ibinaba ko sa labas ng kulungan ang baldeng bitbit ko. Siya naman ay nasa loob at patuloy sa pagbaldiyo at pagwawalis ng mga dumi ng baboy.
"Oh, Rose. Ibaba mo na lang muna d'yan sa tabi. Ako na ang bahala d'yan. Tatapusin ko lang muna itong nililinis ko. Baka kasi mangamoy at umabot sa loob ng bakuran natin. Nakakahiya naman kila Madam Geolina."
"Oo nga po, Kuya. Ahm, a-alam niyo po ba kung hanggang kailan sila dito?" mahina kong tanong sa kanya. Luminga ako sa paligid at sinigurong walang makaririnig sa amin.
"Eh, hindi ko rin alam, eh. Pero ang narinig ko, eh gusto talaga ni Madam Grace na magtagal muna sila dito sa probinsiya dahil ngayon lang naman ulit nakauwi dito ang pamilya nila. At saka, magtutungo pa yata sila sa kamag-anak ni Madam Geolina doon sa Legazpi."
"Gano'n po ba?" Narinig ko na rin 'yon mula kay tita Grace na tubong Legazpi sila ni tita Geolina. Hindi ko lang alam kung paanong dito nagkaroon ng Shelter si tita Grace sa Masbate at dito na talaga siya nanirahan.
Wala siyang asawa at wala ring anak. Lalong wala ring boyfriend. Hindi kaya sawi sa pag-ibig si tita Grace sa Legazpi kaya dito niya piniling manirahan sa Masbate?
Matanong nga 'yong iba kong mga kasama tungkol doon. Sila naman 'yong matatagal na talaga dito at baka sakaling may alam din sila.
"Sige po, kuya Fong. Babalik na po ako doon."
"Oh, sige na. Bukas ay maagang nagpapakatay ng baboy si Madam Grace para sa mga bisita natin."
"Wow, talaga po? Siguradong masasarap ulit ang ulam natin bukas!" 'di ko napigilang mapabulalas dahil bihira lang naman magpakatay ng baboy si tita Grace. Sa tuwing may okasyon lang o may mahahalagang mga bisita lang dito sa Shelter iyon ginagawa dito.
Siguradong bukas ay abala na naman kami sa pagluluto ng mga samo't saring putahe.
"Oo naman, lalo na kung sama-samang kakain ang lahat."
"Totoo po 'yan, kuya Fong. Sige po, babalik na po ako doon."
"Oh, sige."
Kaagad na rin akong tumalikod at muling bumalik sa bakuran ng Shelter.
Napahinto naman ako nang matanaw ko sa kaliwang bahagi ang isang bisitang nahuling dumating kanina, kasama ng kapatid ni Sir Gabriel. Ito yata 'yong asawa niya. Totoo ngang napakaganda niya.
Hindi ko mapigilang mapahanga sa kanya.
"Hello!"
Natigilan naman ako nang makita kong nakatingin na siya sa akin at kumakaway.
Kaagad akong yumuko sa kanya bilang pagbati. Sa pagtunghay ko ay nakita kong naglalakad na siya palapit sa akin. Hindi ba siya mandidiri sa akin? Ang ganda-ganda niya, tapos ganito ang hitsura ko.
"Hi! I'm Honey. What's your name?" magiliw niyang pagpapakilala kasabay nang pag-abot niya sa kamay niya sa akin.
"Ahm, R-Rose po." Nailang ako at inatake ng hiya lalo na nang mas masilayan ko na ang ganda niya sa malapitan. Para siyang anghel at mukhang napakabait din niya.
Magiliw siya pero hindi kikay. Tuwid na tuwid siyang manayo but stunning and gorgeous woman.
"Hi, Rose! Huwag ka nang mag-po sa akin. Baka nga magkasing-edad lang tayo. Just call me Honey. How old are you?"
"Ang cute naman po ng name niyo. T-Twenty four po."
"See? You're twenty-four and I'm only twenty-five. We only have a 1-year gap."
"N-Nakakahiya po, eh."
"Ate, p'wede na 'yon."
Napangiti naman ako sa sinabi niya at parang kay gaan kaagad ng loob ko sa kanya.
"A-Ate."
"Great! That's good to my ears! By the way, na-miss ko ang lugar na ito. Alam mo bang dito rin ako dati nakatira?"
"Ha?" Napanganga naman ako sa sinabi niyang 'yon. "D-Dito mismo...s-sa Shelter?"
"Yeah. Hindi mo alam, no? Hindi pa siguro nai-kukuwento sa inyo ni tita Grace."
"T-Talaga po? D-Dito ka dati nakatira?"
"Sabi ko wala nang po, eh. Feeling ko tumatanda ako."
"Ah, eh. P-Pasensiya na. P-Pero hindi ka ba nagbibiro? D-Dito talaga? I-Ibig sabihin, taga-rito ka rin sa Masbate?"
"Hmm." Nakangiti naman siyang tumango. "Si mommy Geolina ang nagdala sa akin sa lugar na ito noong nagkaroon nang malubhang sakuna sa lugar na ito. If you remember, when there was a strong storm and landslide in Sta. Rita."
Napanganga ako sa sinabi niya. Natatandaan ko 'yon kahit bata pa ako no'n dahil 'yon ang pinakamalalang nangyari dito sa Masbate. At natatandaan ko rin ang pamilyang namatay sa gumuhong lupa na iyon mula sa bundok.
"K-Kayo pala 'yon? P-Pasensiya na. Ikinalulungkot ko ang nangyari sa pamilya mo."
"Thank you. It's been a long time and...nabigyan ko na rin ng hustisya ang pagkawala ng pamilya ko. Nalaman ko kasi na hindi lang pala dahil sa bagyo kaya sila nawala kundi dahil sa pagtatraydor na nagawa sa akin ng itinuring kong bestfriend ko noon."
Muli akong napanganga sa sinabi niyang 'yon.
"But I don't want to talk about that anymore. Tapos na 'yon at nananahimik na silang lahat sa kung saan mang lugar sila ngayon naroroon."
Napatango naman ako sa sinabi niya.
Nalungkot ako kahit hindi ko alam ang buong detalye. Ayoko rin namang mag-usisa pa. Naalala ko ang nangyari sa mga magulang ko. Kailan ko rin kaya makakamit ang hustisya para sa kanila?
"Ikaw? Paano ka napunta dito?" Napansin ko ang pagtitig na niya sa pisngi ko kaya napayuko ako.
"M-Mahabang k'wento...pero...hindi nalalayo sa k'wento niyo."
"What do you mean?" Mas dumiin ang pagkakatitig niya sa akin. Ngunit napansin ko ang pagpaling nang tingin niya sa likuran ko.
Lumingon ako doon at nakita ko si Sir Gabriel na napaka-lapit na sa kinaroroonan namin at seryosong nakatitig sa akin. Narinig kaya niya ang sinabi ko?
"W-Wala po. Mauuna na po ako."
Hindi ko na sila pinansin pa at kaagad ko na silang tinalikuran.
Mas mabuting itago ko ito dahil malapit nilang kaibigan ang mga Lim. Baka ito pa ang ikapahamak ko at ika-dali ng buhay ko.