"Huh!"
Muntik na akong mapatalon sa gulat nang bigla akong makarinig nang sunod-sunod na katok sa pinto. Muli na namang lumakas ang kabog ng dibdib ko. At habang alam kong naririto si Rod, ang mga tao niya at si Sir Gabriel ay siguradong hinding-hindi ako mapapanatag.
"Rose, si Sol 'to. Buksan mo 'to!"
Nakahinga ako ng maluwag nang marinig ko ang tinig ni Sol habang patuloy siya sa kanyang pagkatok. Kaagad kong tinungo ang pinto at binuksan ito.
"Oh, pagkain mo. Alam ko namang hindi ka pa kumakain." Bumungad siya sa akin na may bitbit na tray na puno ng pagkain.
"Naku, nag-abala ka pa. Kaya ko pa naman, eh." Niluwangan ko ang pagkakabukas ng pinto. Sumilip ako sa likuran niya at wala naman siyang ibang kasama.
"Anong kaya? Gusto mo bang magkasakit? Walang kaya-kaya kung nagrereklamo na 'yang tiyan mo. Hindi tayo p'wedeng magkasakit dito dahil lalong mas nakakahiya 'yon kay tita Grace."
Kaagad siyang pumasok at ibinaba sa isang mesa ang dala niyang mga pagkain.
"Salamat. Pasensiya na rin." Hindi na ako nakipag-argumento pa dahil alam ko namang tama siya. Mas kahiya-hiya kung magiging alagain at alalahanin pa kami dito ni tita Grace, imbes na makatulong kami sa kanya.
"Oy, teka. Magk'wento ka nga sandali. Ano bang nangyari sa inyo ni Sir Gabriel sa kusina? Oooy, umamin ka. Ano, dali! K'wento ka na!"
Napangiwi ako habang nakatitig sa kanya. Tsismis lang naman yata talaga ang ipinunta niya dito at hindi ang tungkol sa pagkain ko.
"Sige na, anong ginawa sa iyo ni Sir? Ang guwapo-guwapo niya, no?! Ay teka, dumating nga pala 'yong panganay nilang kapatid! Si Sir Geoffrey! Isa ring yummy gaya ni Sir Gabriel at Sir Rod! Kaso may asawa na at ang ganda-ganda rin ng asawa niya. Sana all." Para siyang sinisilihang kabute sa harap ko at obvious naman na kilig na kilig siya.
Ngunit napaismid ako nang mabanggit pa niya ang anak ng kalabaw na si Rod.
"Kung alam mo lang," bulong ko sa sarili ko.
"Ha? May sinasabi ka? Hoy, ano nga? Ano bang ginawa ni Sir Gabriel? Paanong natabig niya 'yong kaserola sa kusina at muntik ka na raw mapaso pero hindi nangyari 'yon dahil? Anong ginawa niya? Hinawakan ka ba niya? Niyakap ka ba niya? Oh my God! Sana ako na lang ang napaso!"
"Halika, papasuin kita no'ng dala mong pagkain." Kaagad ko siyang hinila patungo sa mesa.
"Huwag naman! Wala naman siya dito, eh." Kaagad niyang hinaklit ang braso niya mula sa pagkakahawak ko at ngumuso nang pagkahaba-haba.
"Hindi naman talaga siya ang nakatabig no'n kundi ako."
"Ano?!" Kaagad nanlaki ang mga mata niya kasabay nang pagnganga niya sa akin.
"Huwag ka ngang sumigaw." Kaagad akong lumapit sa pinto at isinara ito.
"P-Paanong ikaw? Bakit sabi niya, siya ang tumabig? Ano ba talaga? Bakit naman siya magsisinungaling? May ginawa talaga kayo, no? Ano? Magsabi ka ng totoo."
"Tumigil ka nga. Huwag ka na lang maingay."
"So, meron nga? Ano? Sabihin mo na. Ang tagal, oh." Nanlalaki ang mga mata niya habang nakatitig sa akin at mas lalo pa siyang lumapit, na halatang excite na excite na talagang malaman ang totoong nangyari sa amin ni Sir Gabriel.
"Tinanong niya lang ako kung anong nangyari sa balat ko. Kaso tinangka niya akong hawakan kaya umatras ako. Ayon, natabig ko 'yong kaserola."
"Talaga? Tapos?"
"Tapos...ayon, h-hinila niya ako at inilayo do'n sa mesa."
"Bakit parang naabutan ko kanina, nakahiga siya sa sahig?"
"Hindi naman, eh. Akala mo lang 'yon. Sige na, kakain na ako. Salamat dito."
"Sigurado ka, 'yon lang ang nangyari?"
"Para ka namang imbestigador kung makatanong?"
"Hmm...parang hindi kasi, eh."
"Haayst."
Hindi ko na lang siya pinansin at naupo na ako sa silya sa harapan ng mesa kung saan naroroon ang pagkaing dala niya. Mas kumalam pa ang sikmura ko nang maamoy ko na ang mabangong ulam na dinuguan.
"Bahala ka na nga. Lalabas na ako, baka sakaling mapansin din ako ng mga nagguguwapuhang yummy babe sa labas! Yiiieeh!" Para na namang sinisilihang bulate ang katawan niya. Binuksan na niya ang pinto at lumabas.
Napailing na lamang ako bago ipinagpatuloy ang pagkain ko.
Paano na lang kung makipaglapit sa kanya si Rod dahil sa pansarili nitong interes? Tsk. Baka naman bumigay kaagad-agad si Sol sa kanya? Hindi malayong mangyari 'yon dahil sa nakakapanlinlang naman talaga ang kakisigan niya at kaguwapuhan niya, lalo na sa mga babaeng hindi pa alam ang tunay niyang pagkatao.
Siguro ay kailangan kong pagsabihan o bigyan nang babala ang mga kasama ko tungkol doon. Hindi ang lahat ng magaganda at masasarap ay mabubuti. May mga nakalalason silang bagay na tahimik kung gumalaw.
MATAPOS kung kumain ay sa banyo ko na hinugasan ang mga kinainan ko. Inilagay ko na lang muna ulit sa mesa bago ako nahiga at naisipang matulog.
Madaling araw pa lang kasi ay nagigising na kami upang gawin ang lahat ng mga nakatokang gawain sa amin sa lugar na ito. Katulad na lang nang pawawalis sa labas, pagdidilig ng mga halaman, pagpupunas ng mga alikabok sa buong Shelter, pagluluto ng mga almusal, pamamalengke.
Pag-aasikaso sa mga bata naming kasama. Pag-aaral, paggawa ng mga kung ano-anong activity at kung ano-ano pa.
Gano'n ang araw-araw naming routine sa lugar na ito.
Noon ay simple lang ang pangarap ko, ang makatapos sa pag-aaral, makakuha ng magandang trabaho at matulungan ang pamilya ko.
Ngunit matapos kong maka-graduate ng college ay biglang dumating sa bayan ng Sta. Clara ang anak ni mayor na si Rod mula sa ibang bansa.
Sa unang tingin ko pa lang sa kanya ay kaagad niyang nabihag ang puso ko at alam kong hindi lang ako ang nakaramdam niyon kundi maging ang karamihan sa mga kababaihan sa buong bayan. Kahit nga ang mga bakla at matatanda, eh.
Napaka-amo naman kasi ng mukha niya at palagi siyang nakangiti kahit sino ang makaharap niya. Magalang din siya, masunurin sa mga matatanda at mapagbigay. Kaya naman gano'n kadali mahulog sa kanya ang marami sa amin.
Gano'n niya rin kadali nakuha ang loob ng mga magulang ko kahit hindi sila iyong taong madaling masilaw sa pera. Ang tanging mahalaga lang para sa mga magulang ko ay pagkatao ng lalaking mapapangasawa ko. Ang kabaitan nito at pagmamahal para sa akin.
Ngunit palabas lang pala ang lahat ng iyon. Nalinlang nila kaming lahat at hanggang ngayon ay ginagawa pa rin nilang tanga ang lahat ng mga taong nasasakupan nila.
Pinatay nila ang mga magulang ko at hinding-hindi ko sila mapapatawad. Ngunit paano? Anong magagawa ng isang tulad ko lang upang maghiganti? Kailangan ko ang hustisya ng mga magulang ko! Mga wala silang awa. Mga demonyo sila!
Namalayan ko na lamang na umaagos na naman ang mga luha ko sa pisngi. Kaagad ko iyong pinahid at ipinikit ang aking mga mata.
Bigla namang lumarawan sa isipan ko ang mukha ni Sir Gabriel. Bestfriend niya si Rod, hindi kaya may nalalaman din siya tungkol sa pagkatao ng hayop na 'yon? O maaaring pareho lang din sila. Hindi magkakasundo ang isang tao kung hindi sila pareho ng ugali.
Sabi nga nila, birds with the same feather flocks together. Maaaring kinukuha niya lang din ang loob ko at hinding-hindi mangyayari 'yon.
NAALIMPUNGATAN ako nang may maramdaman akong bagay na tila dumampi sa labi ko at marahang humaplos sa pisngi ko. Kasunod niyon ay pag-ihip ng mahinang hangin sa mukha ko.
Idinilat ko ang aking mga mata. Wala akong nadatnang kakaibang bagay o tao sa paligid ngunit naabutan ko ang pagsasara ng pinto ng silid sa dulong bahagi.
"Sino 'yan?" Kaagad akong bumangon at tinungo ang pinto.
Mabilis ko itong binuksan at sumilip sa labas ngunit wala na akong naabutang doon o sa mahabang hallway.
Napahawak akong bigla sa mga labi ko. Bakit pakiramdam ko, parang may humalik sa akin. Tsk. Guni-guni ko lang yata 'yon. Siguro, nananaginip lang ako. Sino naman ang hahalik sa akin sa hitsura kong ito na nakakasuka?
Muli kong isinara ang pinto at bumalik sa kama ko. Inayos ko na ang mga kumot at unan ko. Natanaw ko sa wall clock na alas kuwatro na pala ng hapon! Siguradong abala na ang mga kasama ko sa paghahanda ng mirienda sa kusina.
Binitbit ko na ang tray na nasa mesa at kaagad nang lumabas ng silid.
May nagtatakbuhan nang mga bata at nagsisipasok sa mga silid nila.
"Magdahan-dahan lang kayo!" saway ko sa kanila dahil sa paghahabulan nila ngunit hindi nila ako pinansin. Tsk.
Nagpatuloy na lamang ako hanggang sa makarating ako ng hagdan. Ngunit bigla akong napahinto nang matanaw ko sa ibaba si Sir Gabriel habang may kausap sa hawak niyang phone.
Aatras na sana ako at hindi na muna sana tutuloy ngunit tumingala siyang bigla sa kinaroroonan ko at nagtama ang aming mga mata. Natulos ako mula sa kinatatayuan ko at hindi nagawa ang plano kong pag-atras.
Bakit naman kasi nand'ya-d'yan siya?! Ayst! Ang laki-laki ng Shelter na 'to para magka-ingkuwentro na naman kaming dalawa!
Pinili ko na lang din ang bumaba bago pa siya mag-isip ng kung ano pa man.
Nagsimula na namang lumakas ang kabog ng dibdib ko dahil mapapalapit na naman ako sa kanya. Pinigilan ko na lang ang sarili kong mapatingin sa mukha niya dahil alam kong hanggang ngayon ay nakatutok pa rin ang mga mata niya sa akin kahit may kausap siyang iba sa phone niya.
"Oh, really...Okay, babe. I'll just call you when we get back to Manila."
Saglit akong napahinto at napalingon sa kanya sa sinabi niyang 'yon. Babe? May girlfriend na siya?
"Hindi ko rin kasi alam kung hanggang kailan kami dito. Maganda rin naman kasi ang lugar dito at mga pasyalan pero mas maganda ka."
Lihim na lang akong napaismid at nagpatuloy sa paglalakad. Eh, 'di siya na ang maganda.
Ngunit napansin kong naka-off naman ang phone niya at wala akong maaninag na liwanag doon kahit na kaunti.
"Gano'n mo talaga ako ka-miss? Ang guwapo ko naman kasi masyado. You never know how much I f*****g miss you too, babe."
Muli akong napatingin sa kanya. Buhat bangko talaga?
Mukhang tuwang-tuwa siya sa kausap niyang babe kuno niya dahil halos umabot na sa tainga niya ang pagkakangiti niya.
Nakarating na ako sa pinaka-ibaba ng hagdan. Nagpakagilid-gilid ako sa kanang bahagi upang magkaroon pa rin ng malaking distansiya sa pagitan naming dalawa habang siya ay nasa kaliwang bahagi ng paanan ng hagdan.
Muli siyang lumingon sa akin at tumitig ngunit hindi ko na siya pinansin pa at magpapatuloy na sana ako sa paglalakad. Ngunit bigla akong nakarinig nang pagtunog ng phone kaya muli akong napalingon sa kanya.
"f**k!" bigla siyang napamura at napansin ko rin ang phone niyang ngayon ay umiilaw na at mukhang may tumatawag. "Tsk. Hindi marunong makisama."
Tumingin siya sa akin na may alanganing ngiti.
"Hi. M-Mukhang mabigat 'yang dala mo. Tulungan na kita?" Kaagad siyang lumapit sa akin at hindi pinansin ang phone niyang tumutunog. Mabilis niya iyon isinilid sa bulsa niya.
"Kaya ko na po ito. Mukhang ngayon pa lang naman po tatawag 'yong babe niyo. Sagutin niyo na po, bago pa kayo matuluyan."
"Huh? What do you mean?"
Mabilis ko na siyang tinalikuran at hindi na sinagot pa.
"Hey," tawag pa rin niya ngunit hindi ko na siya nilingon pa.
Ano bang palabas niya 'yon? Akala ko naman talaga may kausap siya sa phone niya? Bakit may tumawag bigla? Tsk. Tsk. Tsk. Mukhang best actor din siya. Tama nga yata ang naiisip ko.