Dali-dali kong binuksan ang drawer ng table ko at itinago doon ang librong binabasa ko. Napatitig ako sa hawak kong rose. Mukhang pinitas lang naman ito sa mga alaga naming mga halaman sa labas.
Sino naman kaya ang walang'yang pumitas nito at inilagay dito sa book ko?! Nagmumukha pa siyang multo!
Napahinga ako ng malalim.
Naisipan kong ilagay na lang din ito sa ibabaw ng book ko sa loob ng drawer. Hahanapin ko kung sinuman ang pumitas nito sa labas. Makikilala din kita. Kung may multo sa Shelter na ito, bakit ngayon lang nagparamdam kung kailan may mga dumating na bisita?
Hindi kaya ayaw nila sa mga bisitang dumating? O maaaring nabulabog sila ng mga dumating na bisita? P'wede rin. Kung minsan pa naman, nagsisilabasan talaga sila kapag may mga bago silang nakikita sa paligid nila. Lalo na kung hindi nila mga kilala.
Haayst! Ano ba 'tong pinag-ii-isip ko? Walang multo dito. Tapos!
Kaagad ko nang isinara ang drawer at mabilis na kumuha ng damit sa closet ko. Siniguro ko munang nakakandado ang pinto.
Kung palagi itong nakakandado, paano niya naman kaya nabubuksan? May sarili ba siyang susi dito? Hindi kaya ninakaw niya ang duplicate sa opisina ni tita Grace?
Napalingon ako sa nakabukas na bintana. Kaagad akong nagtungo doon at sumilip sa labas. Binuksan ko na rin ang pinto ng balcony at lumabas. Sa tingin ko ay wala namang makakaakyat dito. Malayo din naman ang agwat nito sa katabi naming balcony. Mahihirapan siya kung tatalunin niya ito, p'wera na lang kung may super powers siya o kaya ay isa siyang ninja.
Siguradong sasabit siya sa mga nagkalat naming mga damit na nakasampay dito sa itaas.
Tsk. Muli na sana akong papasok sa loob nang maagaw ang pansin ko ng lalaking hubad-baro sa ibaba at abala sa pagja-jogging. Tanging short lang ang suot niya at rubber shoes.
Napahinto ako at napatitig sa makinis at mapipintog nitong dibdib na ngayon ay nangingintab sa pawis. Naglalakihan ang mga masel niya sa braso at parang kay titigas.
Kahit may kalayuan ay tanaw na tanaw ko pa rin ang nagbabatuhan niyang tiyan. At mas lalo akong napatulala nang bumaba ang paningin ko sa perpektong hugis ng V-line niya at mula sa napakababa nitong suot na short ay sumisilip doon ang ilang pirasong maiitim at makakapal na buhok.
Oh, my God. Totoo ba itong nakikita ko? May ganito pala talaga sa totoong buhay? Baka kasi 'yong mga nakikita ko sa t.v ay ini-edit lang nila para gumanda at magmukhang perpekto sa paningin ng mga manonood. Paano pa kung makita ko iyon sa mas malapitan o bigla ko man lang mahawakan?
Napalunok akong bigla. Pakiramdam ko ay biglang nanuyo ang lalamunan ko sa napakagandang tanawin na iyon.
Napansin kong hindi na siya gumagalaw mula sa pagja-jogging at mas nakaharap na sa kinaroroonan ko ang katawan niya.
Umakyat ang paningin ko sa itaas na bahagi niya at doon ko napansing kumakaway na ang kamay niya habang nakangiti ang mapaglaro niyang mga labi at nakatitig naman ang misteryoso niyang mga mata sa akin.
"Hey, Rose!" nakangiti niyang bati.
Ilang ulit akong napakurap at nagising mula sa pagtulala ko sa kanya. Teka, napatitig ba ako sa kanya ng matagal? Ghad, no!
Ramdam ko ang pag-akyat ng init sa mukha ko!
Napansin kong ngumunguso siya na parang may itinuturo. Nakita kong bumababa ang paningin niya sa katawan ko kaya't napayuko din ako at doon ko lang napansing hanggang ngayon ay nakatapis pa rin pala ako! At maaaring nasisilip na niya ang siwang ng tapis kong tuwalya sa mga hita ko!
"Bastos!" naisigaw ko sa kanya bago ako nagmadaling pumasok sa loob ng silid namin at mabilis na isinara ng pinto ng balcony.
"Naku naman, Rose! Kung minsan talaga eengot-engot ka, eh! Ayst! Mukha pa namang may saltik sa utak ang Gabriel na 'yon gaya ng demonyong si Rod." Kaagad kong hinagilap ang mga damit ko sa kama na inilabas ko na kanina mula sa closet ko.
Mabilis na akong nagbihis ng damit at inihanda ko na rin ang malapad kong bandana. Pantalon at may mahahabang manggas ang kadalasan kong isinusuot sa tuwing may bisita sa lugar na ito upang matabunan ang balat ko at hindi masyadong agaw-pansin ang hitsura ko.
Kapag wala naman ay simpleng maluwag na t-shirt ang isinusuot ko dahil sanay naman na sila sa akin dito.
Kung minsan ay nakakatanggap pa rin ako nang panunukso mula sa mga batang maliliit pa na kasama namin dito pero kaagad din naman silang sinasaway ng mga kasama ko o 'di kaya ay ng mga batang mababait at naiintindihan na ang kalagayan ko.
Hindi ko na gaanong sinuklay pa ang buhok ko dahil sa masyado itong makapal at mahaba. Matagal bago ko ito matatapos at siguradong mauubusan na ako nang mga gawain sa ibaba. Alas sais na pala ng umaga!
Kaagad ko nang isinampay sa leeg ko ang bandana at lumabas ng silid namin.
Nakita kong naglalabasan na ang ilang mga bata sa silid nila at nagtatakbuhan na. Ang isa ay lumapit sa akin habang hawak niya ang tiyan niya.
"Oh, Bokbok. Anong nangyari sa iyo?"
"Ate, sakit po ng tiyan ko," daing niya habang umiiyak na.
Tatlong taong gulang pa lamang siya at isa siya sa mga natagpuang bata sa labas ng Shelter na ito. Mukhang sinadya talaga na iwan siya dito dahil sa alam nilang hindi matatanggihan ni tita Grace ang bawat batang nangangailangan ng tahanan.
Ngunit bago sila tuluyang manatili sa lugar na ito ay nakikipag-ugnayan muna si tita Grace sa DSWD. Sa pagkakaalam ko ay kasapi nila ang ahensiyang iyon at may patnubay din sila nang mga nakatataas.
Kaagad akong yumukod sa harapan ni Bokbok at hinawakan ang tiyan niya, na mukhang may kabag dahil sa medyo malaki ito at may katigasan.
"Kumain ka na ba?"
"Di pa po."
"Halika, bumaba na tayo. Pagtitimpla kita ng gatas." Binuhat ko na lamang siya. Kaagad din naman siyang yumakap sa leeg ko habang humihikbi. Sanay na rin siya sa akin. Ni hindi man lang siya natatakot sa hitsura ko.
Bumaba kami ng hagdan at nagtungo sa kusina. Nakita kong abala na sa pagluluto at paglilinis ang mga kasama ko.
"Good morning. Pasensiya na, natagalan ako, ha. Babawi ako mamaya," kaagad kong sabi sa kanila.
"Eh, bakit umiiyak 'yan? Anong nangyari sa iyo, Bokbok?" tanong naman ni Gerlyn habang naghuhugas ng mga kaldero sa malaking lababo namin.
"Sakit po tiyan ko," umiiyak namang sagot niya sa kanila.
Namumula na ang magkabila niyang pisngi at ilong dahil sa pag-iyak niya. Tumutulo na rin ang uhog niya sa ilong.
"Naku, kalalaro mo 'yan!" malakas na sagot naman ni Eloisa na kapapasok lang sa pinto mula sa likod-bahay at may bitbit na map at baldeng may tubig.
Lalo namang lumakas ang pag-iyak ni Bokbok at tuluyang nang humiga sa balikat ko.
"Ito naman, paiiyakin pa lalo," saway naman sa kanya ni Gerlyn.
"Pag-aalmusalin ko lang muna siya at bibigyan ng gamot ang tiyan niya. Bokbok, dito ka muna sa upuan. Titimpla lang ako ng gatas mo, ha."
"Opo." Pinahid niya ang mga luha at sipon niya gamit ang braso niya. At dahil wala akong mahagilap na tissue ay ipinahid ko na lang sa kanya ang laylayan ng bandana ko.
Ibinaba ko siya sa isang silya at mabilis na nagtimpla ng dalawang baso ng gatas. Ang isa kasi ay para na rin sa akin. Kumuha na rin ako ng bisquit sa isang balde at inilagay sa isang malapad na mangkok. Palagi kaming mayroon nito dito at isinasama sa mga mirienda at almusal namin.
"Halika na, doon tayo sa labas." Ibinaba ko na si Bokbok at hinila palabas ng kusina, patungo sa likod-bahay.
Natanaw ko naman sa kanang bahagi ang kinaroroonan nila Kuya Fong at ng mga kasama niyang mga lalaki. Abala sila sa pagkakatay ng isang baboy. Mayroon na ring malaking siga sa harapan nila na may nakasalang ng malaking talyasi.
"Halika, doon tayo." Inakay ko si Bokbok patungo sa isang mahabang mesa na may mahaba ding silya.
Ipinatong ko sa mesa ang bitbit kong tray na naglalaman ng dalawang baso ng gatas at bisquit bago ko siya binuhat at iniupo sa silya.
"Oh, alam mo na ang gagawin mo, ha? Kuha ng bisquit, sawsaw sa gatas ng mabilis. Kain," aniko sa kanya.
"Opo!"
"Alright, d'yan ka lang. Kukuha lang si ate ng dahon para ipantapal d'yan sa tiyan mo. Huwag kang aalis d'yan, ha?"
"Opo!"
"Good! Napakabait na bata."
Kaagad ko na siyang tinalikuran at lumapit sa mga nagkakatay ng baboy.
"Kuya Fong, pahingi naman po ng kapirasong dahon ng saging."
"Oh, Rose. Kumuha ka na lang d'yan sa mesa. Ano bang gagawin mo d'yan?"
"Ilalagay ko lang po sa tiyan ni Bokbok. Sumasakit daw, eh."
"Baka nagugutom lang."
"Parang kinakabag po."
Dumiretso ako sa mahabang mesa kung saan may mga nakapatong na mga dahon ng saging. Mayroon ding malaking planggana na naglalaman ng maraming dugo ng baboy.
Kumuha ako ng kapirasong dahon at idinarang sa apoy ng magkabilaan. Lumingon ako sa kinaroroonan ni Bokbok ngunit napahinto ako nang matanaw ko na rin doon si Sir Gabriel at mukhang sinasaluhan pa ang bata sa pagkain!
Nakaupo ito sa mismong tabi ni Bokbok at nakikisawsaw na rin ng bisquit sa baso ng gatas na sa tingin ko ay akin 'yon. Ayst, nang-agaw pa ng hindi kanya.
Kaagad na akong lumapit sa kanila matapos kong madarang sa apoy ang kapiraso ng dahon ng saging. Hinawakan ko lang sa dulong bahagi dahil medyo mainit pa ito.
"Talaga? Ang cute-cute naman ng name mo, katulad ng sa akin cute din at...parehas din tayong cute, 'di ba?" pagmamayabang niya sa bata kasabay nang pagsawsaw niya rin ng bisquit sa gatas ko at mabilis na pagkain. Marunong din pala siya niyan? O gaya-gaya lang siya sa bata?
"Opo!" masiglang sagot din naman sa kanya ni Bokbok. Parang walang sakit, ah.
"Apir." Itinaas niya ang kaliwa niyang kamay at nakipag-apir kay Bokbok. Kaagad din namang nakipag-apir sa kanya ang bata.
"Bokbok, harap ka muna sa akin. Lalagyan natin 'yang tiyan mo nito," agaw-atensiyon ko sa kanya at kaagad din naman siyang humarap sa akin.
Medyo nagkalat na ang basa at nadurog ng bisquit sa pisngi niya. Kaagad ko iyon pinunasan gamit ang dulong bahagi ng bandana ko.
Mula sa gilid naman ng mga mata ko ay kita ko ang pagtitig na naman sa akin ng britanyong ito.
"Hi, Rose. Hindi mo ba ako papansinin?"
Ramdam kong nag-aasal bata na naman siya sa tinig niya.
"Samantalang kanina, halos matunaw na ako sa pagtitig mo sa akin," bulong niya na siyang ikinahinto ko at ikinalingon ko na sa kanya. Nagkakandahaba na naman ang nguso niya ngunit kita ko ang sinusupil niyang ngiti sa mga labi niya habang nakatitig sa akin.
Hindi ako naka-imik lalo na nang maalala ko nga ang eksena niya kanina sa kabilang bahagi nitong gusali kung saan naroroon ang mga silid namin. Mabuti na lang at nakasuot na siya ngayon ng t-shirt
Gumapang ang init sa pisngi ko kasabay nang malakas na pagkabog ng puso ko. Nakakahiya naman talaga, oo! Yumuko ako upang iwasan ang mga titig niya at mga mata niyang nakakahalina dahil sa kulay nitong luntian.
Lumaglag sa pisngi ko ang mahaba kong buhok at tinakpan ang mukha ko.
"S-Sorry po. G-Good morning po," mahina kong bati bago ako muling bumaling kay bokbok. "Bokbok, halika muna. Tatapalan ko 'yang tiyan mo."
"Opo."
Binuhat ko siya at inihiga sa malapad na mesa.
"What are you gonna do with that?" tanong ni Sir Gabriel habang pinanonood ang ginagawa ko.
Itinaas ko ang damit ni Bokbok at bahagyang ibinaba naman ang short niya. Itinapal ko sa tiyan niya ang malapad na dahon na ngayon ay medyo nabawasan na ang init.
"I-Init, ate," ani Bokbok.
"Masakit ba?" Nag-alala naman ako pero hindi naman na gano'n kainit ang dahon.
"'Di po." Kaagad naman siyang umiling.
Hinila ko ang bandana ko at ipinalibot sa tiyan niya bilang panali sa dahon upang hindi ito malaglag.
"What's that for?" muling tanong ni Sir Gabriel.
Saglit ko siyang nilingon at nakita kong magkasalubong na ang mga kilay niya sa panonood sa ginagawa ko.
"Masakit daw po ang tiyan niya," mahina kong sagot.
"Really? Nakakagaling pala 'yan?"
"Hindi ko po alam pero ganito po ang ginagawa sa akin ng nanay ko noong bata pa 'ko. Nagiginhawahan naman ang tiyan ko."
"Hmm, I see. Mind asking you where your parents are?"
Bigla akong napahinto sa tanong niyang 'yon at ngayon ko lang na-realize ang sinabi ko.
Patay, nadulas ako. Rose naman, magdahan-dahan ka sa pananalita! Muling lumakas ang kabog ng dibdib ko habang nakatitig sa kanya.
"Cause auntie Grace said you don't remember your past? You have amnesia, right?"
Mas pa lalo akong nanigas sa sinabi niyang 'yon at sa titig niyang napakalalim at tila may ibig ipakahulugan.
Lagot ka na talaga, Rose. Bakit naman nasabi sa kanya ni tita Grace 'yon? Pinag-usapan ba nila ako?
"Hey, Gab!"
Napalingon naman kami sa dulong bahagi kung saan malapit sa main gate nitong Shelter at natanaw namin doong naglalakad si Rod palapit sa kinaroroonan namin.
What the? Ano na namang ginagawa niya dito? Akala ko ba ay umalis na siya kahapon pa?
"Hey, bro!" sagot din naman sa kanya ni Sir Gabriel.
Ngunit ang mas ikinahinto ko ay ang bitbit niyang mga rose na katulad na katulad ng rose na nakita ko sa silid namin kanina.
Pakiramdam ko ay bibigay ang mga tuhod ko habang nakatitig sa dati kong asawa na ngayon ay malapit na sa kinaroroonan namin at nakatitig din sa akin.
N-No...s-siya ba?