KABANATA 3

2762 Words
INIHATID ako ni Danna sa magiging kwarto ko. Nasa loob iyon ng maaliwalas na laundry area na nasa kaliwang bahagi ng mansion. May isang single bed at may sarili ngang banyo. May built-in closet na malaki lang nang kaunti sa aparador ko sa bahay at may maliit na tokador at electric fan. Malapad ang bintana na pinapasukan ng panghapong sikat ng araw kaya maliwanag din sa silid. “Nagustuhan mo ba? Ako ang nag-ayos nito.” Napangiti ako kay Danna. “Salamat sa pag-aabala mo! Hindi ko nga inaasahan na ganito kaganda!” “Sa totoo lang, mas maganda at mas maluwang dito ang kwarto namin ni Manay Odette. Mabuti at nagustuhan mo.” “Oo, naman, gustong-gusto ko! Kahit nga saan pwede na ako, pero itong kwartong ito, sobra pa sa inaasahan ko.” “Magpahinga ka na muna. O gusto mong tulungan din kitang mag-ayos ng mga gamit mo?” “Hindi na, Danna. Madali lang naman ayusin ang mga gamit ko. Saka hindi naman ako pagod para magpahinga. Tutulong na ako sa mga gawain. Teka lang, magbibihis muna ako.” Binuksan ko ang isa kong bag at humugot ng damit-pambahay. Sabi sa akin ni Mrs. Gerly ay hindi ko kailangang magsuot ng uniporme ng mga kasambahay dahil pansamantala lang naman ako sa mansion. Pero kung ire-irequire daw ng amo ko ay dapat na sundin ko. “O sige, ikaw ang bahala, Solde. Pero doon na kita hihintayin sa kusina. Alam mo naman siguro ang pabalik doon.” Tumango ako kay Danna. “Oo, susunod na lang ako. Salamat ulit, Danna!” Isang floral sundress na spaghetti strap ang isinuot ko pagpunta roon sa mansion. Iyon ang pinakabago sa mga damit ko na iniregalo sa akin noong Pasko ng close friend ko sa university. Pagkahubad  ay isang sundress din na may kalumaan ang ipinalit ko roon. Umabot sa ibabaw ng tuhod ko ang haba noon. Pagkaayos ko sa pinaghubaran ay lumabas na rin ako agad. Ang alam ko ay may isa pang kasambahay sa mansion na kasalukuyang naka-bakasyon kaya siguradong marami ang trabahong naiwan kina Manay Odette at Danna. Sana ay mapagaan ko ang trabaho nila ngayong narito na ako. May mababang pader na nakaharang sa bandang kaliwa paglabas ng laundry area. Dahil mababa at tanaw ko sa kabilang pader ang maluwang na garahe. May anim o mahigit pang sasakyan ang nakahilera roon. Malalaking tiles ang sahig ng harapan ng mismong laundry area. Ang hangganan noon ay pataas na lupa na may mga pinong damo rin. Hindi ko alam kung ano ang meron sa kabilang bahagi ng mataas na lupa, pero kita ko ang hilera ng mga iba’t ibang uri ng punongkahoy. Nasa backyard ang rectangular swimming pool dahil natanaw ko iyon kanina habang papunta kami sa servant’s quarter. Pero hindi ako magtataka kung makakita ako ng man-made falls o kaya ay fish pond sa bakuran ng mansion. Pagdating sa kusina ay naroon nga si Danna. Napasimangot ito nang makita ako. “Bakit? M-may problema?” kabadong tanong ko sa kaniya. Umiling ito at ngumiwi nang bahagya. “Wala ka bang ibang damit?” Napatingin ako sa sundress ko. “M-may pantalon ako at t-shirt. Pero kapag nasa bahay kasi ay ganito ang mga isinusuot ko. Ito kasi ang kinalakihan kong mga damit saka...” Hindi ko naituloy ang sasabihin ko. Pero ‘yon kasi ang mga damit dati ni Nanay na naiwan sa aparador nila ni Tatay. Nagkasya kasi sa akin kaya ako na ang nagsusuot.  “Kailangan ko bang magpalit? Hindi ba ito pwede?” “Wala namang masama sa suot mo, Solde, pero halatang luma na kasi ang isang ‘yan. Alam ko na, bebentahan kita ng mga ganiyan. Ibibigay ko lang ng mura.” “Ikaw, Danna, ha! Marketing strategy mo pala ‘yan. Pero… sige, titingnan ko kung kaya kong umorder sa’yo ng sundress. Ito kasing mga ito, sinambot ko lang sa Nanay ko.” Ngumiwi si Danna. “H’wag kang mag-alala at mura ko lang ibibigay para makabayad ka.” Ngumiti ako at tumango sa kaniya. “Si Manay Odette pala? Siya raw kasi ang magbibigay sa akin ng mga gagawin ko.” “Heto ako, Solde. Mabuti pala at narito ka na. Gusto kang makilala ni Senyorito Ali.” Natigilan ako. “Senyorito Ali?” “Oo, Solde. Siya ang amo natin. Bakit?” tanong ni Danna na nagtataka sa reaksiyon ko. “A-ah… E, wala naman po. Akala ko kasi ay si Don Benedicto po. Ang sabi kasi ni Mrs. Gerly ay si Don Benedicto ang benefactor ko.” “Nasa ibang bansa na si Don Benedicto, Solde. Iniwan niya kay Senyorito Ali ang pangangasiwa sa mga negosyo ng mga Aguilar. Kaya ‘yang pag-sponsor sa scholarship program ng Joy of Giving, si Senyorito Ali na rin ang sumalo. Hindi siguro naimporma ang coordinator ninyo. Pero wala namang problema at alam naman ni Senyorito Ali ang obligasyon niya bilang benefactor mo. Gusto ka nga niyang makilala. Halika, sumama ka. Nasa opisina niya ngayon si Senyorito Ali.” Hindi ko agad naihakbang ang mga paa ko. Kung hindi pa ako sikuhin ni Danna ay hindi yata ako matitinag doon. Sumunod ako kay Manay Odette. Mula sa kusina ay tinawid namin ang mahabang bar kung saan naka-display ang mga mamahaling alak. Namasdan ko rin ang engrandeng dining area na noong una ay natanaw ko lang mula sa salaming bintana. Akala ko ay aakyat pa kami ng hagdan para makarating sa opisina ng amo, pero isang maluwang na pasilyo ang nilikuan namin bago ang malaking bulwagan ng mansion. Ilang pinto pa ang nadaanan ko bago ko makitang huminto si Manay Odette at kumatok sa pinto. Sinenyasan ako ni Manay Odette na lumapit. Binuksan nito ang pintuan at naunang pumasok.Bantulot akong sumunod at nanalangin na sana ay walang maging problema. “Senyorito, narito na po si Solde.” “Thank you, Manang. Pwede mo na kaming iwan.” Nakatunghay sa malapad na screen ng laptop nito ang nagsalita kaya hindi ko agad makita ang buo niyang mukha, pero napakunot talaga ang noo ko. Pamilyar ang boses na iyon. Oo, minsan ko lang narinig, pero hindi ko iyon malilimutan! “O, Solde, kakausapin ka muna ni Senyorito Alistaire. Maiwan muna kita.” Natulala na lamang ako roon at hindi na nakuha pang sundan ng tingin si Manay Odette. Narinig ko na lang sa background ang pagbukas at pagsarado ulit ng pintuan ng opisina. “Take a seat, Miss Pelayo. May mga kailangan lang akong itanong at linawin sa’yo.” Hindi pa rin ako nakakilos. Huwag naman po sanang tama ang hinala ko! About-abot na dalangin ko, subalit nayanig ang katawan ko nang ibaba na ng lalake ang lid ng laptop. Nakita ko ang kabuuan ng mukha niya. Ang maitim at alun-along buhok. At lahat ng features ng kaniyang mukha. Hindi ko talaga iyon nalilimutan! “I-ikaw…” pabulong kong sambit at pinanghinaan ng tuhod. Hindi siya ngumiti. Itinapon niya sa ibabaw ng mesa ang folder kung saan laman ang mga dokumento ko. “Yes, Miss Pelayo, it’s me. Ang sabi mo ay hinding-hindi ka na magpapakita sa ‘kin, tama? But I guess you failed to keep your promise.”   NASALUBONG ng mga mata ko ang matiim na titig ni Sir Alistaire Aguilar. Ilang sandali pa akong nakipagtagisan ng tingin sa kaniya bago ako nahihiyang nagbaba ng mukha. “G-good afternoon, Sir!" paunang bati ko sa bago kong amo. "P-pasensiya na kayo, h-hindi ko naman a-akalaing… ikaw ang benefactor ko…” mapagpakumbaba kong sabi bago ko muling itinuon ang tingin ko sa kaniya.  Hindi naman nagbabago ang reaksiyon ni Sir Alistaire habang nakamasid sa akin. Sinamantala ko ang pananahimik niya. “Sir! Maniwala ka naman sa akin. Hindi po kita sinusundan. Siguradong-sigurado ako, Sir, na hindi ako ang nakita mo noon sa hotel. Kahit ibitin mo pa ako ng patiwarik ngayon, hindi mo ako mapapaamin sa bagay na hindi ko ginawa. Sir, ang kasalanan ko lang sa’yo ay ang pumasok ako sa property mo nang walang pahintulot. Pero, pangako, hindi ko na ‘yon uulitin!” Itinaas ko pa ang aking kanang palad matapos nang mahaba kong pagpapaliwanag. Tumaas ang dalawang kilay ni Sir Alistaire. Tumikwas ang isang sulok ng mga labi niya bago ko siya nakitang tumayo at lumakad saka iniupo ang isa niyang hita sa gilid ng mesa. “I know it’s not you. Ipinakita sa akin ng manager ang CCTV footage ng hotel. Hindi ka nakitang pumasok sa building sa buong araw na ‘yon.” Para akong nabunutan ng tinik sa sinabi niya. Hindi ko napigilang mapangiti sa kaniya.  “Tama ‘yon, Sir! Hindi n’yo talaga ako makikitang pumasok dahil wala naman akong gagawin sa hotel. Abswelto na po ba niyan ako, Sir?” Matagal niya muna akong tinitigan bago ko narinig ang marahang pag-ismid niya. Tumayo siya at bumalik muli sa kaniyang upuan. “May kasalanan ka pa rin sa'kin, Miss Pelayo. Hindi ko malilimutan na ninanakawan mo ng ugat ang mga nakatanim na halaman sa lupa ko.” Hindi ako nakaimik. Aminado naman ako roon. “Hindi mo ba naisip na namamatay ang mga halamang inaalisan mo ng ugat? Kung hindi kita nahuli, malamang na nakalbo mo ang kakahuyan.” Napatingin ako kay Sir Ali. “OA naman ‘yon, Sir! Hindi naman lahat ng halaman doon ay inaalisan ko ng ugat. Isa pa, itinatanim ko rin naman ulit ang mga katawan ng halaman. Malamig po ang kamay ko, Sir. Nabubuhay po kahit anong hawakan ko. Gusto n'yo bang patunayan ko?” Natigilan si Sir Alistaire. Napaawang ang mga labi niya at napakurap-kurap ang mga mata. Hindi ko alam kung alin sa sinabi ko ang wari ko ay nagbigay sa kaniya ng discomfort. “Whatever! Hindi pa rin ako sang-ayon sa ginagawa mo! Now, let’s talk about your enrolment at nasasayang ang oras ko. Maupo ka na!” “S-sige po, Sir!” taranta akong lumapit at naupo na sa silya sa harapan ng malapad na office desk niya. Lihim akong napanguso sa gaspang ng ugali ni Sir Alistaire. Ang sungit pala ng bagong benefactor ko! Siguro ay alam ito ni Mrs Gerly at dahil mainit ang dugo niya sa’kin ay ito ang ibinigay niya sa akin.   MABILIS na lumipas ang mga araw. Naging maayos ang pagtatrabaho ko sa mansion. Sa loob ng mga lumipas na araw at dalawang beses ko lang ulit nakausap si Sir Alistaire tungkol sa pag-aaral ko. Sa umaga at gabi ko lang din siya nakikita. Ang sabi ni Manay ODette ay sobrang abala ito sa pangangasiwa ng mga negosyong iniwan ni Don Benedicto. Dumating ang enrolment at masigla akong pumila sa regsitrar’s office ng Mountain View College dala ang aking mga requirements. Mahaba lagi ang pila kaya expected ko na matatagalan ako. Iyon din ang sinabi ko kina Manay Odette at Danna para naman hindi siya maghintay sa akin. As usual, walang pagsidlan ang tuwa ko nang matapos ang enrolment at marehistro ulit ako sa semestreng iyon. Kukunin ko na lang ang magiging schedule ko sa Hwebes. Bago naman ako umuwi ay naharang ako ng isa sa mga ka-close ko sa MVC. Isa lang si Chelsey sa iilang estudyante roon na hindi nangingiming makipagkaibigan sa mga kagaya kong halata sa hitsura at pananamit ang pagiging dukha. Maykaya ang pamilya ni Chelsey na kabilang sa isang political clan. “Hindi ako pwedeng magtagal, Chelsey, may trabaho akong naghihintay sa akin.” “May sasabihin lang ako, Solde, don’t worry! But anyway, saang firm ka nga pala ngayon naka-assign?” Alam ni Chelsey na nasa ilalim ako ng scholarship program ng Joy Of Giving at alam din niya ang proseso ng pagpapaaral ng institusyon. “Hindi ako sa kompaniya na-assign. Sa bahay ako ngayon. Housegirl. Maid. Alam mo na…” “Oh! At least, direcho ang scholarship, ‘yon ang importante!” Ngumiti ito sa akin. “Tama. E, ano palang sasabihin mo?” “Oo nga pala! Debut ni Charlie sa Sabado. Twenty-first birthday ko at debut naman niya. Imbitado ka! H’wag kang mawawala roon!” “Naku, hindi ako makakapunta at may trabaho ako. Iba ang schedule ko kapag housegirl.” “E, ‘di magpaalam ka na agad sa amo mo mamaya pag-uwi. Ano ba ‘yong isa hanggang dalawang oras kang mawawala? Sige na, Solde! Pumunta ka, ha! Aasahan kita.” “Formal occasion ‘yon, Chelsey. Hindi ‘yon kagaya noong nakaraang birthdays n’yo na party-party lang sa backyard.” “Ano’ng pagkakaiba no’n? Bakit, Solde? Wala kang isusuot? ‘Yon ba ang pinoproblema mo?” Mariin akong napailing sa tanong ni Chelsey. “M-meron akong isusuot!” pagsisinungaling ko. Ayaw ko lang kasing si Chelsey na naman ang mag-iintindi ng isusuot ko kagaya noong um-attend kami ng founding anniversary party ng school. “Hindi muna ako mangangako, Chelsey. Susubukan ko pang magpaalam sa amo ko. Medyo masungit pa man din ‘yon, pero kapag pinayagan naman ako, ite-text agad kita!” “Okay, fine, Solde! Pero magtatampo talaga ko kapag hindi ka maka-attend sa special day ni Charlie.” Problemado tuloy ako pagdating ko sa mansion. Hindi nakaligtas kay Danna ang mood ko pagkakita niya sa akin. “May problema sa enrolment mo, Day?” “Hindi sa enrolment, Danna. Imbitado ako sa debut ng kapatid ng kaibigan ko sa Sabado, e hindi ko alam kung papayagan akong dumalo ni Sir Ali. Tapos wala pa akong isusuot na para sa formal occasion.” “Madaling solusyonan ‘yong sa damit dahil maraming nagpapa-renta sa centro. Pero hindi ko alam kung papayagan ka ni Senyorito. Kung ako sa’yo magsabi ka na habang maaga pa.” ‘Yon din naman ang bilin sa akin ni Chelsey kaya gagawin ko talaga. Wala naman akong choice kundi ang humarap at kausapin si Sir Ali. Naisip kong patagong umalis, pero ang inaalala ko ay baka bigla niya akong ipatawag. Hindi rin ako komportable na sasabihin ko kay Manay Odette na aalis ako tapos ay hindi naman iyon alam ng amo namin. Napabuntung-hininga ako. Kinagabihan ay sinabi ko na rin kay Manay Odette ang tungkol sa pupuntahan kong debut party. Kagaya ni Danna ay ipinayo niyang kausapin ko si Sir Ali. Hinintay ko talaga ang pagdating ni Sir Ali. Bandang alas siete y medya ay pumapasok na sa higanteng gate ang magara niyang sasakyan. Sinenyasan ako ni Danna. Iniwan ko ang pagtanaw sa bintana ng dining area. “Patapusin mo munang kumain si Senyorito bago mo kausapin. Ang alam ko, naglalagi pa ‘yan sa home office niya bago umakyat ng kwarto niya. Doon mo na lang puntahan mamaya.” “O, sige, Danna.” Ang masigla kong tango sa kaniya. Kakabog-kabog ang dibdib ko habang pinanonood si Sir Ali mula sa dulo ng kitchen bar. Kasalukuyan siyang kumakain at pinagsisilbihan ni Manay Odette. Kami ni Danna ang naglabas kanina ng mga pagkain niya. Parang talagang prinsipe itong si Sir Ali. Sumenyas si Manay Odette sa amin. Itinulak ako ni Danna gayong tangan ko ang pitsel ng tubig. Nataranta tuloy ako nang lumakad patungong dining table. “Solde, ang tubig ni Senyorito…” “Opo.” Lumapit agad ako at nagsimulang salinan ng tubig ang baso ni Sir Ali. Umabot sa ilong ko ang kabanguhan niya. Amoy prinsipe rin siya. Napatingin ako kay Sir Ali at talagang nagulat. Nakatingin kasi siya sa akin habang marahang ngumunguya na dahilan para malito ako at mataranta. Hindi ko alam kung paano ko babawiin ang mga mata ko. Baka kasi mabastusan siya kapag bigla akong nagbawi. “Solde!” “Stop!” Nagitla ako sa mga sigaw. At agad kong nadiskubre  ang pag-apaw ng tubig sa basong sinasalinan ko. Itinaas ko ang bibig ng pitsel. “S-sorry po! Sorry! H-hindi ko po napansin!” Hiyang-hiya akong napatingin kay Sir Ali. Halata ang pagkadismaya sa mukha niya. Iiling-iling pa siya dahil sa katangahan ko. Narinig ko si Manay Odette ay nagtanong kung ano ba ang problema ko. Lilingunin ko sana siya para sagutin subalit nakita ko naman ang pag-agos ng tubig sa mesa.  Una kong naisip ay tutulo iyon kay Sir Ali kaya naman mabilis kong ibinaba ang pitsel  sa mesa. Pagkatapos ay dumukwang ako sa kandungan ni Sir Ali at sinalo ng mga palad ang tumutulong tubig.  "What the hell are you doing?"  Halos mabasag yata ang eardrum ko sa taginting ng boses na iyon ni Sir Ali.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD