NANLAKI ang mga mata ko sa takot at hindi agad nakapagsalita. Sinubukan kong hilahin ang braso ko, subalit mahigpit ang pagkakahawak ng lalake sa akin.
“You were also at the hotel that night! Sabihin mo kung sinong nag-uutos sa’yo?”
Napailing ako sa pinagsamang takot at kalituhan. Hindi ko alam ang sinasabi niya. Noon ko nga lang siya nakita, pero kung ano-anong ibinibintang niya.
“You don’t want to speak? Then I’ll take you to the police.”
“P-po?” gulat na sambit ko. “M-Manong, sandali! H-hindi kita kilala! Hindi kita sinusundan!”
“Nakita kita noon sa hotel. At kung hindi mo ako sinusundan, bakit narito ka?” Hindi niya ako pinasagot muna bagkus ay sinimulan na akong kaladkarin palayo sa pampang.
“Manong, teka, hindi ko alam ang sinasabi mo! Bitiwan mo'ko, Manong!” Nakipaghilahan na ako sa kaniya, pero wala akong laban sa lakas niya. Malaki siyang tao at matangkad pa.
“Manong, hindi kita kilala! Hindi kita sinusundan. Naghahanap lang ako ng ugat dito, Manong!” Sa sinani ko ay bigla kong naalala si Mang Dante. Kanina ay nawala sa isip ko ang tungkol sa katiwala dahil sa kasabikan kong makita ang ilog.
Nagsimula akong sumigaw. “Mang Dante! Mang Dante, tulungan mo'ko!”
Napahinto naman ang lalake sa paghila nito sa akin. Nang tingnan ko siya ay lubusan ko siyang napagmasdan. Malalim ang maiitim niyang mga mata. Matangos at maganda ang hubog ng ilong. Mapula ang mga labi. Napapalibutan ng balbas ang panga at bibig niya, at lampas-tenga ang itim na alun-alon niyang buhok. Wala rin siyang damit pang-itaas maliban sa pantalong-maong kaya kita ko ang basa at maskulado niyang katawan.
“Kilala mo ang katiwala ng property ko?” kunot-noong tanong niya sa akin dahilan para iangat ko ang mga mata ko sa kaniya. Halos malaglag ang mga panga ko nang maintindihan ko ang tanong niya.
Nanlaki ang mga mata ko. Siya ba ang may-ari ng kakahuyang iyon?
“What? Tinawag mo si Mang Dante kaya ibig sabihin ay kilala mo siya!” asik ng lalake nang hindi ako agad sumagot.
Tarantang napatango-tango ako. Baka kaya siya nagalit ay dahil pumasok ako nang walang paalam sa lupain niya?
“O-opo! K-kilala ko po si Mang Dante. H-hi-hi…hingi lang naman po ako ng mga ugat sa kaniya…” Pasimple kong itinago ang plastic na hindi ko nalamayang bitbit ko pa pala.
Naaninag ko sa imahe niya ang matinding pagdududa. “Are you fooling me? Ano’ng ugat ang sinasabi mo?”
Natigilan ako sa tanong niya nang ilang sandali bago mariing umiling. “H-hindi! Hindi kita niloloko, Manong!” Lumunok muna ako bago dahan-dahang ipinakita sa kaniya ang dala kong plastic bag. Halos maluha na ako sa kaba. Naniniwala ito na ako ang taong nagmamanman daw sa kaniya. Pero kung hindi ko naman sasabihin ang totoo ay baka kaladkarin ako nito hanggang sa presinto.
Kaya lang ay baka mapahamak si Mang Dante ngayong nalaman ng may-ari na may ibang taong pumapasok sa property nito para manguha ng mga ugat ng halaman doon.
“M-Manong, maniwala po kayo! Hindi ako masamang tao…” pakiusap ko bago muling hinila ang aking braso na hawak-hawak pa rin niya. Pakiramdam ko nga ay bumaon na roon ang mga daliri niya.
Hindi siya sumagot, pero hindi pa rin niya ako binitiwan. Pinagmasdan niya ako. Hindi ko alam kung anong tumatakbo sa isip niya habang tinitingnan ako nang may pagdududa, pero sana naman ay hayaan na ako nitong makaalis. Kahit magalit sa akin si Tatay ay hindi na talaga ulit ako babalik ng kakahuyan! Aakyat na lang siguro ako ng bundok para manguha ng mga ugat na kailangan niya.
“Manong, pakawalan mo na’ko. Promise, hinding-hindi na ako aapak dito sa kakahuyan. Saka… h’wag po sana kayong magagalit kay Mang Dante-”
“And why shouldn’t I? Ako ang may-ari ng lupang ito, pero kung sinu-sinong tao pala ang nakakapasok nang hindi ko alam?”
“Pero tumutulong lang naman po si Mang Dante kaya niya kami pinapayagan ng Tatay ko na maggalugad dito sa gubat.”
“At kasama mo pa pala ang Tatay mo?”
Marahas ang mga pag-iling ko. “A-ako lang po, Manong, ako lang ang narito. Inutusan lang po ako ng Tatay ko…”
“This is already trespassing! At ang kinukuha n'yo ay kabilang sa mga pag-aari ko so it’s also stealing, young lady! Dapat talaga kitang dalhin sa presinto!”
Hindi ko na napigilan ang maiyak. Kahit kasi anong ikatwiran ko ay maliwanag na may kasalanan talaga ako.
“H’wag naman po, Manong, pakiusap! Wala po akong pampiyansa! Hindi rin ako tutubusin ng Tatay ko kapag ipinakulong mo'ko! Promise, pakawalan mo lang ako ngayon, hinding-hindi mo na ulit ako makikita! Pakiusap, Manong! Maawa ka naman sa akin!”
Ilang sandali niya akong pinagmasdan. Pinahid ko ng kaliwa kong kamay ang mga luhang dumaloy sa pisngi ko. Gustuhin ko mang tumakbo ay hindi ko talaga magawang makawala sa hawak niya.
May garalgal pa rin sa boses ko sa patuloy kong pakikiusap sa lalake. "M-Manong... hindi na ito mauulit, pakawalan mo lang ako! Pangako, hindi mo na ako makikita ulit! Hindi ako masamang tao para ipapulis mo..."
Kumunot ang noo niya at tumalim ang tingin sa akin. “I’ll forgive you this time,” aniya at sa wakas ay binitiwan niya ako. “Tiyakin mo lang na tutupad ka sa pangako mo at hindi ko na ulit makikita ni dulo ng buhok mo! Dahil kapag napatunayan kong sinusundan mo ako, hindi na talaga ‘ko maaawa sa’yo kahit umiyak ka pa!”
“BAKIT ngayong ka lang?” bungad ni Fred nang magpakita ako sa shop niya.
“Pahingi muna ng tubig!” sagot ko dahil medyo humihingal pa ako sanhi ng pagtakbo. May ilang galos din ako sa paa dahil sa ilang beses kong pagkatalisod sa mga nakausling ugat sa kakahuyan. Bitbit ko pa sa braso ko ang plastic bag ng ugat ng makabuhay. Napatingin doon si Fred habang inaabutan ako ng tubig. Nakita ko na agad kumunot ang noo niya roon.
“H’wag mong sabihing ginalaw mo ang pera ko at ibinili mo ng mga ugat na ‘yan? Hoy, Solde, malaki-laki pa ang utang sa akin ng kapatid mo! Kapag hindi mo naibigay ang ibinayad ngayon ni Gandara sa video didirecho ako ng paniningil kay Tiyo Rudy.”
Umiling ako habang nilulunok ang tubig. “Hindi ko ginalaw ang pera mo, h’wag kang mag-alala!” sambit ko at agad nang kinuha sa bag ang limang libo na ibinayad ni Gandara. Inihampas ko iyon sa ibabaw ng mesa ni Fred. “Hayan ang pera mo!”
Dinampot iyon ni Fred at agad binilang. “Bakit ito lang? Binawasan mo ito, ano? Kaya ka siguro nagtagal!”
Napataas ang mga kilay ko. Naliliitan pa siya sa ibinayad ni Gandara? “H’wag ka ngang magbintang d'yan! Hindi ko ‘yan binawasan! Umuwi ako sa bahay pagkagaling sa opisina ni Gandara. Tapos inutusan ako ni Tatay na manguha nitong ugat. Hindi ko binili ‘to! Kaya nga ako humahangos ay dahil nahuli ako ng may-ari ng lupa! Kulang pa ba ‘yang bayad sa video mo?”
“Maliit ito! Kuripot na baklang ‘yon! Kay Oyo ay sampung libo ang ibinayad niya.”
Hindi ako kumibo. Ano bang malay ko sa ninenegosyo nila!
“Ano palang sinasabi mong nahuli ka ng may-ari? Mabuti at hindi ka ipinakulong?”
“Muntik na! Kung hindi ako napaiyak sa takot ay hindi yata maaawa sa akin. Malay ko bang naroon siya. ‘Yong tagabantay ang hanap ko at magpapaalam nga sana ako.”
Tumawa si Fred. “Magpapaalam ka pa lang pala, pero may mga laman na ‘yan plastic na dala mo. Magnanakaw ka rin pala, ano?”
“Hindi ako magnanakaw! May pahintulot ni Mang Dante kapag nakuha ako ng mga ugat sa kakayuhan. Nagsasabi lang ako para hindi naman nakakahiya!”
“Mang Dante? Ibig sabihin ay ‘yong kakahuyan sa bandang silangan ang pinuntirya mo? At sabi mo ay nakita ka ng may-ari? Lagot ka na, Solde! Si Alistaire pa pala ang nakahuli sa’yo!”
Kumunot ang noo ko sa sinabi ni Fred. “Kilala mo ang may-ari no’ng lupa?”
Hindi agad nakasagot si Fred. Humuni pa siya bago nakapagsalita ulit. “Hindi. Naririnig ko lang.”
Umirap ako. “Nanghingi naman ako ng sorry sa may-ari. Sinabi ko pati na hindi na ‘yon mauulit.”
“Talagang hindi ka na dapat bumalik do’n! Mabuti’t nakatakas ka pa kanina. Sa susunod, ewan ko na lang kung anong mangyari sa’yo sa kamay ni Alistaire!”
Napatingin ako kay Fred. Parang sa tono niya ay kilala niya talaga ang may-ari. Nanliit ang mga mata ko sa kaniya. Iniiwas niya ang tingin niya sa akin. Tumawa ulit siya.
“H’wag kasing sunod nang sunod sa utos ni Tiyo Rudy. Kahit anong gawin mo, Solde, hindi na magbabago ang tingin sa’yo ng tatay-tatayan mo. Ikaw kasi ang matibay na ebidensiya ng kataksilan ng asawa niya! Kita mo nga’t ang layo ng hitsura mo sa kanila! Pero pasalamat ka na rin, Solde at iba ang naging tatay mo! Ha!”
Ngumiwi ako. Sa ilang beses na sinabi iyon ni Fred, manhid na ako. “Paulit-ulit ka, Fred, ano! Hindi ka ba nagsasawa sa pagsabi sa akin niyan?”
“Hindi ka rin naman nagsasawa sa paghahabol ng atensiyon ni Tiyo Rudy, e! Ayaw mong maniwala sa akin, Solde. Nagsasayang ka lang ng panahon! Kahit anong gawin mo, hindi ka matatanggap ni tyong bilang anak.”
Sa daang pauwi ay naisip ko ang sinabi ng pinsan ko. Imposible nga kaya na tanggapin pa ako ng tatay ko bilang anak? Bakit si Lola ay natanggap naman ako bilang apo?
Hindi ako naniniwala kay Fred. Pride lang ang pumipigil kay Tatay para ituring akong totoong anak, pero sigurado akong magiging maayos din ang trato niya sa akin. Ang dami ko pating pangarap para sa kanila ni Lola. At kaya nga kinakaya ko ang lahat ay para makaraos kami sa hirap. Kaya hindi ako pwedeng mawalan ng pag-asa na magbabago ang takbo ng buhay ko.
“PANGAKO mo, Apo, uuwi ka kada araw ng Linggo.”
Iyon ang huling paalala sa akin ni Lola Pacing bago tuluyang umandar ang tricycle na sinasakyan ko papunta sa mansion ng mga Aguilar. Ito na kasi ang araw na magsisimula ako sa aking trabaho sa mansion dahil sa susunod na linggo na ang simula ng enrolment. Ang sabi ni Mrs. Gerly, mabuting magpakitang-gilas na agad ako sa aking benefactor bago pa magsimula ang klase. Si Don Benedicto rin daw kasi ang sasagot ng mga gamit ko sa school at sa iba ko pang kailangan. Dapat daw ay maipakita kong deserving ako sa gastos at suporta ng matanda.
Maluha-luha pa ako habang nakatanaw kay Lola na nakatayo pa rin sa harapan ng aming maliit na bahay. Hindi naman malayo ang pupuntahan ko, pero ito kasi ang unang pagkakataon na titira ako sa ibang bahay kaya nakakalungkot pa rin. Isa pa, mami-miss ko talaga ang mga paglalambing ng kaisa-isang taong nagparamdam sa akin ng pagmamahal.
“Lola, pangako ko, magtatapos ako ng pag-aaral at bibigyan ko kayo ng maalwan na buhay. Kayo ni Tatay.”
Mahigit kalahating oras bago narating ng tricycle ang harapan ng mansion ng mga Aguilar. Tinulungan ako ni Manong Boyet sa pagbaba ng maliit na kahon na pinaglalagyan ko ng ilang gamit. Sa balikat ko ay ang nag-iisa kong sling bag at sa kamay ko naman ay luma at hindi kalakihang bag. Palibhasa ay kakilala at matagal na ring suki ng mga herbal oil ay maliit lang ang siningil sa akin ni Manong Boyet sa pamasahe. Ayoko namang malugi siya at mahal nga ang gasolina, pero isinauli niya pa rin sa akin ang ibang pera.
“Salamat po, Manong Boyet! Ingat kayo!”
Tumango lang sa akin ang matandang driver pagkatapos ay humarurot na ulit ito. Pag-alis ng tricycle ay napatingala na ako sa higanteng gate sa aking harapan. Sinasalakay ako ng kaba habang palapit doon. Iwinaksi ko ang pakiramdam na iyon at nagdoorbell na. Isa sa mga gwardiya ng mansion ang nagbukas ng pedestrian gate para sa akin.
“Ihahatid ka na ni Lando kay Manay Odette.”
Mukhang inaasahan na rin ng mga tauhan doon ang pagdating ng bago nilang makakasama. Maliit akong ngumiti sa payat na gwardiya at nagpatulong sa kaniya sa mga bitbit ko. Dala-dala niya ang kahit at isa sa mga bag ko habang nilalakad namin ang maluwang na solar ng mansion. Napakapino ng mga damo ng aming nilalakaran. Tanda kong ito rin ang dinaanan namin noong unang beses na dinala ako rito ni Mrs. Gerly. Patungo ito sa backdoor ng mansion kung saan ang quarters ng mga katulong.
“O, ayan na pala siya!” sambit ng isa sa mga kasambahay ng mansion na si Danna nang makita ako. Noong unang punta ko rito ay nagkakilala na kami. Masayahin si Danna at mukhang madaling kaibigan. Hindi nga lang kami masyadong nakapag-usap dahil nahalata ko agad ang pagkairita ni Mrs. Gerly.
“Inihatid ka ba ng mga kamag-anak mo, Solde?” tanong ni Manay Odette sa akin at pareho kaming napatingin sa gwardiya. “Sa bakanteng silid sa labahan mo dapat dinala iyan, Lando.”
“Ako na po riyan, Kuya Lando! Ako na po ang magdadala sa magiging kwarto ko. Salamat po!” sabi ko na lang sa gwardiya bago iyon tuluyang umalis para bumalik sa pwesto nito. Ngumiti ako kay Manay Odette at sinagot ang tanong niya. “Ako lang po mag-isa ang nagpunta rito, Manay. Nagpahatid lang po ako sa isang kapitbahay naming nagta-tricycle.”
“Solde, tulungan kitang dalhin ang mga gamit mo kwarto mo. Pagkatapos, may mga ipapakita ako sa’yo.” Kinuha nito ang isa kong bag habang dinampot ko naman ang aking kahon.
“At ano naman ‘yan, Danna?” nakataas ang mga kilay na tanong ni Manay Odette. ”H’wag mong sabihing kabagu-bago ni Solde ay aalukin mo na agad ng mga paninda mo?”
Tumawa si Danna. Hindi ko rin naman napigilang mapahagikhik. Na-curious din ako sa itinitinda ni Danna.
“Seryoso, may mga sideline ka pa bukod sa trabaho mo rito?” tanong ko habang palabas kami. Pinauna ko si Danna dahil siya ang mas nakakaalam kung saan ang laundry area.
“Kailangan, e. Alam mo na, dagdag kita at dalawang kapatid ko sa college ang pinapaaral ko. Bukod pa sa umaasa rin sa akin si Inay at ‘yong bunso namin. Mabuti nga ikaw, Solde, mukhang sarili mo lang ang iniisip mo.”
“Naku, ha! Sinong maysabi sa’yo? Pareho lang siguro tayo. Kung hindi nga ako scholar ay baka hindi ako nakakapag-aral.” Hanggang doon na lang ang sinabi ko dahil ayoko namang unang araw pa lang ay magkwento na agad ako ng tungkol sa buhay ko.