KABANATA 1
BIHIRA akong makapasok sa ganito kalaki at kagandang bahay. Dati ko nang natatanaw ang mansion na ito sa tuwing magpupunta sa ilang kakilala na nakatira sa malapit, pero ngayon lang ako nakaapak sa malawak na solar ng bahay. Hindi ko rin akalain na rito ako pansamantalang manunuluyan sa papasok na academic year. Sa mga nagdaan kasi na semestre ay sa iba’t ibang ahensiya at maliit na kompaniya ako naa-assign para magsilbi kaya nakakauwi ako sa aming bahay.
“May isa pang bakanteng kwarto sa laundry area,” wika sa akin ng mayordomang nagpakilalang Manay Odette. “Maliit lang iyon, pero may sarili namang banyo. Ayos lang ba kung doon ka?”
Masigla akong tumango sa kaniya. “Wala pong problema kahit saan ako, Manay. Maraming salamat po!”
Inihatid kami ni Manay Odette hanggang sa labas ng gate. Kasama ko si Mrs. Gerly Mandigma, isa sa mga volunteer employees ng Joy of Giving - ang non-government institution na tumutulong sa aking pag-aaral.
“Ano, Ysolde? Housegirl ka ngayong semestre? Baka komo nakatira ka rito sa mansion ng mga Aguilar ay mag-feeling mayaman ka sa harap ng ibang tao?”
Mariin akong umiling sa sinabi ni Mrs. Mandigma. Ang kagaya niya ang naghahanap ng mga ahensiya o kumpaniya na magtutustos sa pag-aaral ng iskolar ng Joy of Giving at kapalit noon ay ang pagsisilbi ng iskolar sa ahensiya o kumpaniya na susuporta rito. Dahil sa programa, naranasan kong maging clerk, waitress at receptionist sa iba’t ibang kumpaniya na nakatayo rito sa aming bayan.
“Hindi naman po ako gano’n, Mrs. Mandigma. Alam ko po kung saan ilalagay ang sarili ko.”
“Dapat lang. Nakakahiya kay Don Benedicto kapag hindi nasulit ang pagpapaaral niya sa’yo.”
Tumango na lang ako kay Mrs. Mandigma. Sanay naman na ako sa tono niya sa akin. Noong una pa man ay ganito na niya ako kausapin na parang lagi akong may ginagawang masama kahit wala naman. Hindi siya gaya ng ibang volunteer sa Joy of Giving na malambing kung makipag-usap kahit kanino. Hindi ko alam kung ano ang nagawa ko at mainit talaga ang dugo sa akin ni Mrs. Mandigma.
“Ikaw ang kauna-unahang iskolar na mapapa-aasign sa pamilya Aguilar kaya pagbutihin mo. H’wag mong ipapahiya ang institution.”
“Wala po kayong dapat alalahanin, Mrs. Mandigma. Gagawin ko po ang buong kaya ko para hindi sila magsisi sa pagsuporta sa pag-aaral ko.”
Bago umuwi sa amin ay dumaan muna ako sa bakery para bumili ng tatlong pirasong tinapay. Pagkaabot sa sukli ay siyang pagtunog ng cellphone ko. Nakita ko ang pangalan ng tumatawag na si Fred, pinsang-buo ko na hindi ko masyadong kasundo. Sinagot ko ang tawag niya.
“Ano ‘yon?” Kutob ko na may iuutos na naman sa akin ito.
“Dumaan ka rito sa shop ko, may ipapagawa ako sa’yo. Bilisan mo, ha!”
Hindi na niya ako pinasagot bagkus ay pinatay na nito agad ang tawag. Itinago ko na ang supot ng tinapay sa aking bag. Wala rin akong nagawa kundi ang lumakad sa direksiyon na papunta sa cellphone repair shop ni Fred. Halos isang kilometro ang nilakad ko sa ilalim ng init ng araw kaya medyo pawisan na ako nang makarating sa shop niya.
“Ang tagal mo naman!” ani Fred sabay hagis sa mesa sa harapan ko ng isang maliit na bagay. Nang tingnan ko iyon ay isa palang flashdrive.
“Ibenta mo yan kay Gandara,” tukoy ni Fred sa binabaeng negosyante na may ilang pwesto ng boutique at office supplies sa commercial building sa centro.
“Flashdrive? Wala ba nito si Gandara?” kunot-noong tanong ko habang dinadampot iyon.
“’Yung laman niyan ang ibebenta mo!”
“Ano bang laman nito?”
“H’wag mo nang itanong, Solde! At h’wag na h’wag mo palang sasabihin sa baklang ‘yon na sa akin galing ‘yan.”
“At paano kapag nagtanong? Sino ang sasabihin kong nagpapabenta?”
“Sabihin mong sa’yo ‘yan.”
“At bakit sa akin? Mamaya ay kung ano ang laman niyan!”
“Bahala ka! Basta h’wag na sasabihin mong sa akin ‘yan galing dahil may utang pa ako roon. Baka hindi niya bayaran kapag nalaman niyang ako ang nagpapabenta.”
Hindi na ako nakatanggi. Kung hindi lang ako nag-aalala na sisingilin ni Fred kay Tatay ang utang dito ni Kuya Sandro ay hindi ko gagawin ang mga ipinagagawa niya. Sa ganitong paraan ko lang kasi siya mababayaran sa mga utang ng kapatid ko kaya hinahayaan ko na. Hindi naman mahirap ang mga iniuutos sa akin ni Fred. Ang problema lang minsan ay hindi siya makapaghintay samantalang maraming bagay rin akong inaasikaso. Kaya tuloy madalas kaming magtalo nito.
Pag-alis ko sa shop ay nakasalubong ko pa ang girlfriend ni Fred na si Janice na mukhang kakukulot lang ng mahabang buhok. Kasama nito ang Amerikanang schoolmate ko na napatitig nang matagal sa akin. Dati ay hindi ko alam na kakilala pala nina Fred ang foreigner student. Hindi naman kasi pumapasok sa kolehiyo ang dalawa, pero nitong mga nakaraang araw kapag may iuutos ang pinsan ko ay madalas kong maabutan sa shop ang Amerikana.
Pagdating sa commercial building sa centro ay agad kong ipinagtanong si Gandara. Saktong nasa opisina pala niya ito.
“Gandara…”
“O, Ydel, anong kailangan mo?” Ydel ang tawag niya sa akin dahil tinatamad daw siyang buuin ang pangalan ko. Pangit daw kasi pakinggan ang Solde na siyang palaway ko talaga kaya ginawan niya ako ng ibang nickname.
“Eh…” Dahan-dahan akong naupo sa silya sa harap ng mesa niya. “Ibebenta ko sa’yo ang laman nito…” Inilapag ko sa harapan niya ang flashdrive.
Nagusot ang pekeng kilay ni Gandara. “Anong laman?”
Hindi ako agad nakasagot. Hindi ko naman kasi alam ang laman noon. “U-uh… tingnan mo na lang.”
Namilog ang mga mata ni Gandara sa akin. “Parang alam ko na kung ano ito!” Dinampot niya ang flashdrive at agad dali-daling ipinasok sa port sa laptop niya. “Maganda ba ito? Baka walang kwenta?”
Hindi ko siya masagot. Malay ko ba roon. Ito kasing si Fred wala man lang ibinigay na detalye sa akin.
Ilang saglit pa ay nakita kong namilog ang mga mata ni Gandara. “OMG! Panalo! Ang gwapo ng lalake!”
Napakunot-noo ako. “Ha?”
“Ayos itong video, Ydel, ha!” Sumulyap ito sa akin bago muling itinututok ang mga mata sa screen.
Video? Anong klaseng panoorin kaya iyong ibinenta na iyon ni Fred? Parang gusto kong kabahan.
Humagikgik si Gandara. Napapakagat-labi pa siya habang nanonood sa laptop niya. Naku-curious ako. Gusto ko sanang silipin ang nasa screen ni Gandara, pero parang may pumipigil sa akin.
“Jackpot ako rito! Siguradong dudumugin ito sa site ko!”
“Site? Anong site ‘yon?”
Mukhang nag-eenjoy na si Gandara sa panonood nito at wala na akong balak pansinin. Ni hindi sinagot ang tanong ko. Medyo nadidinig ko ang bahagyang sound galing sa video. Parang babaeng umuungol. Pero bakit parang nabubulunan?
Tumikhim ako bago nagtanong. “Magkano mo pala ‘yan babayaran?”
Ngumiti sa akin si Gandara bago nito dinampot ang bag. Kinuha nito ang wallet mula sa bag at bumilang doon ng ilang lilibuhin.
“O, ‘yan! Hindi ka na luge riyan,” anito habang iwinawagayway sa harapan ko ang limang libo.
Hindi ako makapaniwala nang tanggapin ko ang pera. Isang video lang ay ganoon kalaking halaga. Kunsabagay, ano bang malay ko sa video na ‘yon. Isa pa ay hindi naman sa akin ang pera.
Tumayo na ako at agad umalis sa opisina niya. Dire-direcho akong naglakad papuntang sakayan ng tricycle dahil malayo ang bahay namin mula sa centro.
Nasa hardin ng maliit naming bahay si Tatay at nagpipili ng mga halamang-ugat sa ibabaw ng bilog na mesa. Lumapit ako para sana magmano, pero iniwas niya ang kamay niya sa akin.
“May lupa ang kamay ko,” aniya na hindi tumitingin sa akin.
Tumango na lang ako. “Magmeryenda tayo, ‘Tay. May dala akong tinapay.”
Doon siya nag-angat ng tingin sa akin. Tiningnan din niya ang dala kong supot. “Nagsasawa ka na ba sa nilagang kamoteng-kahoy kaya ka bumili ng ganiyan?” malamig na tanong niya.
“Hindi naman, ‘Tay. Naisip ko lang bumili para matikman n’yo rin ni Lola. Nakakain ako nito noong nag-group study kami sa bahay ng isa kong kaklase. Masarap ito, ‘Tay!” masigla kong sabi sabay dukot ng isa at iniabot sa kaniya.
“May lupa ang kamay ko. Busog pati ako kaya sa’yo na lang ‘yan.” Itinuloy na niya ang kaniyang ginagawa.
Hindi na ako nagpumilit. Umalis na lang ako at pumasok na ng bahay. Nasa munting salas si Lola Pacing at nag-aalis ng mga ipa sa bigas na nasa bilao. Nakangiti siya nang makita ako at agad niyang iniabot sa akin ang kamay upang makapagmano ako. Iniabot ko naman sa kaniya pagkatapos ang supot ng dala kong tinapay.
“Mukhang masarap ito, apo!” sambit ni Lola. Tumabi ako sa kaniya at malambing na yumakap. Kung hindi lang kay Lola ay baka hindi ko na natagalan ang kalamigang ipinakikita sa akin ni Tatay. Hindi ko man siya masisi sa nararamdaman niya ukol sa akin, pero minsan ay gusto kong isumbat na wala naman akong kasalanan sa nangyari. Hindi ko naman ginusto na naging anak ako sa ibang lalake ni Nanay.
Nagsimulang kumain si Lola ng tinapay. Natuwa ako nang magustuhan niya agad iyon.
“Gusto n’yo ba ng tsaa, Lola? Ipagtimpla ko kayo.”
“Naglaga ng pinatuyong bunga ng bignay ang Tatay mo. Magsalin ka sa dalawang tasa at ating inumin.”
Dali-dali akong nagtungo sa kusina para kumuha ng tsaa. Pagbalik ko ay nasa sala si Tatay at mukhang may kailangan sabihin sa akin.
“Kukulangin ang nakolekta kong ugat ng makabuhay. Puntahan mo si Mang Dante at manghingi ka sa kaniya.”
Mabilis akong tumango bago ibinaba ang dalawang tasa sa mesita.
“Inumin mo muna ang tsaa mo, Apo.”
“Hindi na po, Lola. Kay Tatay na lang ‘yan. Baka kasi gagabihin pa ako kung hindi ako aalis ngayon. Sige, ‘Tay, puntahan ko na po si Mang Dante.”
Si Mang Dante ang katiwala ng malawak na kakahuyan na nasa silangang bahagi ng Consolacion. Sa kaniya nagsasabi si Tatay kung pupunta ito sa kakahuyan para manguha ng mga ugat at dahon ng puno na kailangan sa paggawa ng herbal oils. Kapalit noon ay nililibre na lang siya ni Tatay sa mga produkto nito gaya ng turmeric oil at bignay oil.
Wala si Mang Dante sa bahay niya nang magtungo ako roon. Ang sabi ng batang anak nito ay baka nasa kakahuyan o sa ilog, pero kung gusto ko raw ay pwede akong maghintay na lang doon.
Nagpasalamat na lang ako kay Mikay. Mas mabuting sadyain ko na sa kakahuyan si Mang Dante tutal ay doon din naman ang tungo ko kung sakaling nakausap ko siya. Sigurado naman akong hindi siya makakahindi kapag sinabi ko ang ipinapasabi ni Tatay.
Sa bukana ng gubat ay nakita kong nakaparada ang motorsiklo ni Mang Dante. Nagtuloy-tuloy na ako sa loob para hanapin siya, pero habang tinatawag ko si Mang Dante ay tumitingin-tingin na rin ako sa mga halamang nadaraan ko. Nagkalat ang mga makahiya. Noong bata ay naaaliw talaga ako sa mga dahon noon na tumitiklop kapag nahahawakan. Marami kasing iba’t ibang tanim sa aming bakuran at isa na roon ay ang makahiya.
Inilabas ko ang plastic bag na aking nahugot bago umalis kanina sa bahay. Mas una ko pang nakita ang halamang sadya ko kaysa sa katiwala ng kakahuyan.
“Mang Dante!” sigaw ko habang pinagmamasdan ang gumagapang na halaman na makabuhay. Manipis lamang iyon, pero nagsimula agad akong maghukay ng lupa sa paligid ng halaman gamit ang putol na sanga ng puno.
“Mang Dante, nagpapakuha si Tatay ng ugat ng makabuhay! Kukuha na po ako!”
Wala akong narinig na sagot. Ipinagpatuloy ko na lang ang paghukay at nang lumutang ang ugat noon ay dali-dali kong hinugot at pinutol saka ipinasok sa plastic bag. Umalis na ako roon habang tinatawag ang pangalan ng katiwala. Dadamihan ko na ang kuha para matuwa si Tatay. Isa kasi sa mabebenta sa ginagawa niya ang makabuhay tea. Marami ring health benefits ang halaman, pero hindi ko pa rin gusto. Sobrang pait kasi nito.
Nakakita pa ako ng mas malagong makabuhay na halos puluputan na ng mga sanga ang malaking puno ng mangga. Nagmamadali akong naghukay at humugot ng mga ugat. Napangalahati ko agad ang plastic bag pagkatapos ko roon.
Wala pa ring senyales ni Mang Dante sa kakahuyan. Balak ko sanang lumabas na at hindi na magpakita, pero nag-aalala naman akong baka magkasalubong kami at makita niya ang dala kong plastic bag.
Lumarga pa ako paloob ng gubat at tinawag si Mang Dante. Sa pagkakaalam ko, nasa dulo ng kakahuyan ang ilog. Kung aabot pa ako roon sa paghanap kay Mang Dante ay hindi na siguro masama dahil makikita ko naman ang tagong bahagi ng ilog ng Consolacion. Hindi kasi iyon napupuntahan ng mga tao kaya napakalinis at napakaganda. Maswerte ang may-ari ng kakahuyan dahil may ilog sa lupain nila.
Tahimik ko na lang na binaybay ang gubat. Maliwanag pa naman sa alas dos ng hapon at malabong aabutan ako ng gabi kahit makarating pa ako sa ilog.
Sa daan ay may ilan pang makabuhay akong nakita na hindi ko naman pinalampas kaya naghukay pa ako ng mga ugat. May kalahating oras pa ang aking nilakad at parang may kung anong ragasa ng pananabik ang nadama ko nang marinig ko na ang mumunting ingay ng agos ng tubig sa ilog.
Ilang sandali pa ay natanaw ko na ang tagong ilog. Hindi ko na napigilan ang sarili ko. Agad akong lumapit sa pampang at namangha nang sobra sa ganda at kulay noon. Maliit lamang kung ikukumpara sa ibang bahagi ng ilog ng Consolacion, pero napakalinaw naman ng tubig. Masukal ang kakahuyan sa kabilang pampang na bahagi na raw ng paanan ng Bundok Dulang-dulang. Sariwa rin ang hangin na humihihip sa pampang ng ilog.
“Aray!” Gulat na napatingin ako sa mala-bakal na kamay na biglang humiklat sa braso ko. Una ko munang nakita ay ang basa at ugatan niyang braso na nalalatagan ng mga pinong balahibo.
“It’s you!”
Napaangat ang tingin ko at agad nasalubong ang dalawang pares na mata na matiim ang pagkakatitig sa akin. Napaawang ang mga labi ko nang mabistahan ko ang histura niya.
“I know it’s you! Ikaw ang nagmamanman sa akin at hanggang dito ay sinusundan mo'ko! Sino'ng nag-utos sa'yo na tiktikan ako?”