UNANG araw ng pasukan. Dalawang major subjects ang pinasukan ko nang umagang iyon at lumipas ang mga oras na hindi ko man lang namalayan.
Tanungan kami kada pagkatapos ng klase. Aaminin kong sa mga ganoong pagkakataon ay nakakahalubilo ko ang mga kaklase ko. Kakausapin at lalapitan nila ako kapag tungkol sa pinag-aralan namin, pero pagkatapos noon ay mag-isa na ulit ako. Walang sumusubok na magyaya sa akin na sumama sa kanila. Tuwina ay mag-isa lang ako sa mga vacant period.
Ibinuhos ko ang free hours ko sa pagbabasa ng lessons sa may picnic table sa ilalim ng mga naghilerang puno sa labas ng aming building. Isang oras lang kasi at papasok ulit ako sa isa ko pang klase.
Patapos na ako sa binabasa ko nang maupo sa harapan ko si Chelsey. Seryoso ang mukha niya habang nakataunghay sa akin.
“Chelsey?”
Kagabi ay hindi ko nalimutan na i-text siya at kumustahin. Ayos naman daw siya. Inaalala ko na baka sumama ang loob niya sa akin, pero sinabing hindi naman daw. Naniniwala ako sa kaniya.
“May problema ba?”
She smiled suddenly and widely. “Nothing. Ano bang magiging problema ko? As far as I learned, hindi ka naman nagalit sa ginawa ko kahapon. Am I right?”
I sighed. “Oo naman, Chelsey. Kalimutan na lang natin ‘yon.”
“Perfect! So… friends pa rin tayo, ha?”
Nakangiting tumango ako at naalala bigla ang sinabi ni Sir Ali. He said that Chelsey befriended me because she could manipulate me.
Tanggi ang kalooban ko roon. Ayaw kong pagdudahan ang kabaitan sa akin ni Chelsey simula pa lang. Kaya hindi ko alam kung paano ‘yon nasabi ni Sir Ali. Siguro ay dahil wala siyang alam talaga sa uri ng friendship namin ni Chelsey.
Pagkatapos ng huling klase ko ay hindi ko nalimutan na dumaan sa shop ni Fred. Kailangan ko kasing ipa-cut ang simcard ko para mailagay ko na iyon sa bago kong cellphone.
Pasilip-silip pa ako habang palapit sa shop. Hindi ko naman kasi nalilimutan ang nakakagimbal na bagay na aking natuklasan noong isang araw. Ayoko naman manghusga ng kapwa, pero kung may relasyon sina Janice at ang Amerikanang ‘yon, paano na lang si Fred? At dito pa sa mismong bahay ng pinsan ko nila ginagawa ang kataksilan nila?
“Aba, ang pinsan kong hilaw! Himala at nagpakita ka? Nag-aalala ka na ba na hindi kita kinokontak nitong mga nakaraang araw? Hoy, hindi ko nalilimutan na may singilin pa ako sa’yo.”
“Wala pa ‘kong pambayad, Fred. Dumaan lang ako kasi ipapa-cut ko ang simcard ko. Hindi kasi kasya sa cellphone na bigay sa akin ng amo ko.”
“Aba, kita mo naman! Swerte ka sa amo mo, ha? Binigyan ka agad ng bonus. E, ‘di itatapon mo na ‘yong pinaglumaan ng Kuya Sandro mo na ipinasambot pa sa’yo?”
“Hindi, a. Balak ko ngang ibigay kay Tatay para lagi ko silang natatawagan ni Lola.”
Nang-uuyam ang tawa ni Fred. “Mabuti sana kung tanggapin ni Tito Rudy. Akina na nga ang simcard mo.”
Kinalas ko ang simcard sa luma kong cellphone at iniabot kay Fred. Inihanda niya ang mga tools niya.
“A, Fred, nabalitaan mo ba ang nangyaring panloloob sa shop ni Gandara?”
Nagulat ako nang biglang nag-angat ng mukha sa akin si Fred. Inihampas niya ang hawak na tool sa mesa.
“Sinabi mo ba, Solde na ako talaga ang nagpabenta ng porn video na ‘yon?”
Nanlaki ang mga mata ko. “P-porn?”
“Sinabi mo sa baklang ‘yon?”
Natigilan pa ako sandali bago marahas na umiling. “Hindi. Porn ang laman ng flashdrive?”
Hindi niya ako tuwirang sinagot. Idinuro niya sa akin ang hawak niya.
“H’wag na h’wag mong ipaalam na ako ang nagpabenta ng flashdrive sa’yo, Solde. Naiintindihan mo ba?”
“Oo na nga! Hindi ko naman sinabi, e. Tinatanong nga lang kita kung alam mo ang nangyari.”
“Hindi! At wala akong pakialam kung ano ang mangyari sa baklang ‘yon! Mandurugas siya kaya tama lang na nakawan siya!”
Hindi na nga ako kumibo. Ang laki yata ng galit ni Fred kay Gandara e, pinakinabangan naman niya ang pinagbentahan ng video.
Pag-alis ko sa shop niya ay naiwan sa isip ko ang tungkol doon. Porn talaga? At sino naman kaya ang mga tauhan? Sina Janice at ang Amerikanang ‘yon?
Baka nga alam ni Fred ang nangyayari sa dalawang babae at pinakikinabangan nila ang kalokohang ‘yon? Ewan.
Hay naku! Siraulo talaga ang pinsan ko!
Pagdating ko sa mansion ay agad akong nagbihis para makatulong na kina Manay Odette at Danna. Naabutan kong nadaing si Manay na masakit ang mga balikat niya.
“Baka marami kang lamig sa katawan, Manay? Gusto n’yong hilutin ko po kayo?”
“Marunong ka, ‘day? Saan mo natutunan?” usisa ni Danna.
“Oo. Manghihilot kasi ang lola ko. Itinuro niya sa akin kung paano mag-alis ng mga lamig sa katawan ng tao.”
“Naku, sige nga, Solde, subukan mo nga sa akin. At baka ‘yon ang makaalis ng pananakit ng kalamnan ko.”
“Sige, Manay, pahintay na lang ako sa kwarto n’yo. Kukunin ko ‘yong herbal oil na gawa ng tatay ko. Mabango po ‘yon. Gawa sa pinaghalong luya at bulaklak ng ilang-ilang.”
Pagdating sa kwarto nina Manay ay pinaalis ko ang pang-itaas niya at pinadapa siya sa kaniyang kama. Pinuri niya agad ang nakaka-relax na amoy ng herbal oil nang simulan ko na iyong ipahid sa kaniya. Salamat kay Lola Pacing sa sobrang dami ng mga itinuro sa akin. Bagay na hindi nagawa ng sarili kong ina.
Matapos ang treinta minutos, naging maginhawa na ang pakiramdam ni Manay. Bumangon siya at nagbihis na ulit.
“Mabuti na lang at nariyan ka, Solde. Ang dami mong nalalaman, mapapakinabangan mo ang mga ‘yan.” Nagulat ako nang abutan niya ako ng dalawang daan.
“Manay, ano ba ‘yan? Hindi naman ako naniningil.”
“Ay, naku, kunin mo na! Dagdag baon mo rin ito. Kaliit na halaga ay tatanggi ka pa?”
“Hindi naman ako nagpapabayad, Manay. Itago n’yo na lang po.”
“Solde!”
“Manay, h’wag na. Parang ibang tao naman ako sa inyo niyan, e. Kapag ba nanghingi ako ng pabor sa inyo ay kailangan kong magbayad?” Nilakipan ko pa ng paghihinampo ang boses ko. Sa huli ay sumuko si Manay Odette at hindi na ipinilit sa akin ang pera niya. Lumabas na ako ng kwarto nila at nagsimula nang magtrabaho.
Kinagabihan sa hapunan ay nadinig ko na ipinagmamalaki ni Manay Odette kay Sir Ali ang ginawa ko sa kaniya. Siniko ako ni Danna bago nito dinampot ang pitsel ng tubig. Mula nang muntikan ko nang mabasa si Sir Ali ay si Danna na ang nakatokang magdala ng tubig para rito. Ako naman ang sa dessert, pero depende sa aming amo kung gusto niya.
“Bakit?” nakasimangot na tanong ko sa kaniya.
Nagkibit lang siya ng balikat at nilampasan na ako. Pinanood ko ang paglapit niya sa dining table.
Pagkatapos kumain si Sir Ali ay napatayo na lang ulit ako sa sulok ng bar counter. Hindi siya nanghingi ng dessert kaya hindi ko siya nalapitan. Nag-antabay ako sa intercom at hinintay ko na manghingi siya ng kape. Pero may iniutos sa akin si Manay kaya hindi ko alam kung nanghingi ba ng kape si Sir Ali.
Mabilis na lumipas ang mga araw sa linggong iyon.
Nakilala ko ang iba’t ibang klase ng professors at iba’t ibang pamamaraan nila ng pagtuturo sa amin. May hindi nagpakita ng dalawang araw, pero kinabukasan ay sinorpresa kami ng long quiz. Mabuti at nakahanda ako. May ilan na nagbigay na agad ng requirements. May mga group study agad na nabuo sa mga kaklase ko at kagaya ng dati, kinakapalan ko ang mukha ko at sumasali sa kanila.
Kakayanin ko talaga ang lahat ng bagong challenges ngayong semestre. Hindi ako pwedeng magpabaya kahit sandali. Ilang hakbang na lang kasi ay maaabot ko na ang pangarap kong maging teacher.
Sabado. Masaya at magkatuwang kami ni Danna sa pagtatrabaho nang mag-inform through group message ang isa naming professor ng urgent task. Nagpanic ako at ipinaalam iyon kay Manay.
“Unahin mo na ‘yang gawain sa school, Solde. Iwan mo muna ang trabaho mo.”
“Salamat po, Manay! Danna, bawi ako mamaya!”
“Sige lang, ‘day, a!”
Hindi ko na pinalitan ang suot kong sundress sa pag-alis ko sa mansion. Sa dating computer na shop na rin ako nagpunta kahit may kalayuan nang kaunti iyon. Kilala ko na kasi ang bantay at mura ang singil sa shop.
Hindi ako nakaisang oras sa pagsagot. ‘Yon ang nagagawa ng pag-aadvance study ko. Nagbayad na ako kay Tonyo at lumabas na ng shop.
Sa daan ay hinarang ako ng isang kotse. Nakilala ko kaagad si Charlie na siyang driver noon. Mabilis siyang bumaba at binati ako.
“Saan ka papunta? Sumabay ka na.”
“A, hindi, Charlie. Pabalik na kasi ako sa trabaho ko. Galing ako sa internet shop, may inihabol lang akong school work.”
“E, ‘di ihatid na kita sa trabaho mo. Saan ka ba ngayon?”
Kagaya ni Chelsey ay alam ni Charlie na palipat-lipat ako ng pinapasukan. Sinabi ko sa kaniya na sa bahay ako ngayon nagtatrabaho bilang katulong.
Hindi nagtagal at umalis na rin si Charlie. Hindi ako napilit na sumabay sa kaniya. Lalong hindi naman ako magpapahatid sa mansion.
Dumirecho na ako pag-uwi. Halos dalawang oras din akong nawala dahil malayo nga ang shop na pinuntahan ko. Pagdating sa mansion ay naligo ulit ako at nagbihis bago pumasok sa kusina. Nasa hitsura nina Manay at Danna na hinihintay talaga nila ako.
“Solde, tinatawagan ka raw ni Senyorito Ali, hindi mo ba natanggap ang tawag niya?”
“Po?” Naalala kong hindi ko na natingnan pa ang cellphone ko paglabas ko ng computer shop.
Hinugot ko iyon mula sa bulsa ng daster ko at nakitang ang dalawang missed call sa hindi rehistradong number. Magpapaliwanag pa sana ako nang lumutang ang bulto ni Sir Ali sa may bar counter. Niyanig ng kaba ang dibdib ko sa magkakaibang dahilan. Nasalubong ko ang tingin niya.
“Senyorito, narito na po si Solde,” imporma pa rin ni Manay kahit nakita na ako ni Sir Ali.
Tumango siya kay Manay pagkatapos ay walang kibong kumuha ng baso at nagsalin ng alak. Tumalikod na si Sir Ali kaya naisip ko na ligtas na ako sa panenermon niya. Lihim akong napangiti, pero tinawag niya ako.
“Solde, sumunod ka sa’kin sa office ko.”
Awtomatikong nabura ang ngiti ko. Akala ko lang pala ‘yon.