“HI, Ali!” masiglang bati ni Chelsey. Ang lawak ng ngiti niya habang nakikipagtitigan sa aking amo.
May kung ano akong naramdaman sa aking tiyan. Naalala ko ang mga sinabi ni Ma'am Geneva. Hindi kaya totoo ang hinala nito? At si Sir Ali talaga ang sadya ni Chelsey? Baka alam din ni Sir Ali na pupunta si Chelsey?
A, hindi ko alam. At dahil hindi ako sigurado ay marapat lang na ipaliwanag ko sa aking amo kung bakit narito ngayon sa bahay niya ang kaibigan ko.
“U-uh... S-Sir… si Chelsey po. Binibisita lang po niya ako dahil... hindi na ako nakapagpaalam kagabi."
Nagkibit ng balikat si Sir Ali. “All right. I’ll just talk to you later.”
"May ipag-uutos po ba kayo? Pwede ko naman pong iwan sandali si Chelsey rito.”
“Of course! That’s not a problem!” agap ni Chelsey.
Lumalim ang gatla sa pagitan ng mga kilay ni Sir Ali. “Wala. It’s okay, Solde. Asikasuhin mo na lang muna ang bisita mo.”
Tumango ako. Okay. Ibig sabihin, wala ngang alam si Sir Ali sa pagpunta ni Chelsey. Hindi totoo ang hinala ni Ma'am Geneva.
Akma na siyang aalis, pero pa sinundan siya ni Chelsey. Hindi ko ito napigilan nang lapitan ang amo ko.
“Ali, you know what? Why don’t you join us here? After all, ikaw ang may-ari nitong bahay at … bisita mo na rin ako kung tutuusin.”
“May ginagawa ako. Si Solde na lang ang bahala sa’yo. Maiwan ko na kayo.”
“Ali, come on! Linggong-linggo ay nagtatrabaho ka pa rin? Why don’t we go out? Tutal naman ay nakaalis na yata si Geneva. 'Yon ang sabi niya kagabi, 'di ba? Let's hang out, Ali. Promise, you’ll enjoy my company.”
Tumingin sa akin si Sir Ali. Pagkatapos ay muli niyang hinarap si Chelsey. “What do you mean by asking me to go out with you?”
Humagikhik si Chelsey. "What else do you think? Come on. Babae nga akong nagyayaya sa’yo. Tatanggihan mo ba’ko, Ali?”
“Alam ba ni Vince kung ano ang ginagawa mo rito?”
“Kailangan bang ipaalam kay Tito Vince? You make it sound serious already, Ali. Pero kung ‘yan ang gusto mo, we can tell him later. I'm sure, wala namang magiging problema.”
Hindi sumagot si Sir Ali. Nakita ko na umigting ang mga panga niya bago ako balingan. Napayuko na lang ako. Hindi ko rin kasi alam kung paano pahihintuin si Chelsey sa mga sinasabi nito.
“Solde, sumunod ka sa akin sa opisina ko. Isama mo rin ang kaibigan mo.” At pagkasabi noon ay tinalikuran na kami ni Sir Ali.
Lagot na! Napapikit na muna ako bago atubiling sumunod sa kaniya.
“What’s the matter, Ali? Bakit mo kami isinama rito sa office mo?” kaswal na tanong ni Chelsey nang makapasok na kami sa opisina ng aking amo.
Hindi sumagot si Sir Ali. Dinampot niya ang cellphone niya at may tinawagan.
“Lando, pumunta ka rito sa opisina ko.”
Nilibot ng tingin ni Chelsey ang maluwang na opisina. Naupo si Sir Ali sa swivel chair niya. Nanatili naman akong nakatayo at halos hindi makatingin sa kaniya. More or less, alam ko na ang problema ng aking amo.
“Anong meron? Bakit kami nandito?” tanong ulit ni Chelsey. “Oh, wait! You know, Solde, you can leave us. ‘Di ba, naistorbo kita sa trabaho mo? Don’t worry. I’ll be fine here. Si Ali na ang bahala sa akin.” Lumapit ito sa silya sa harap at akmang uupo, pero pinigilan ito ni Sir Ali.
“H’wag ka nang maupo, Chelsey. Uuwi ka rin maya-maya.”
“What?” Nagusot ang noo nito.
Ilang sandali pa ay may kumatok na sa pinto. Pumasok si Kuya Lando.
“Sir?’
“Samahan mo palabas ang bisita ni Solde.”
‘What? Ali!”
“You heard me. Sumama ka na sa kaniya palabas ng gate. Hindi ko gustong may ibang tao rito sa pamamahay ko.”
“Ibang tao? How could you say that to me, Ali?” Nagulat ako dahil tumaas bigla ang tono nI Chelsey.
“Hindi tayo close. We’re not friends. And I don’t like the way you talk to me,” kalmadong sagot ng amo ko.
“What have I done? Akala ko ba..?”
“Hindi ako interesado. Kaya h’wag mo na ulit akong lalapitan o kakausapin kung kagaya rin lang kanina. Lando, pakilabas ang bisita.”
“How dare you, Alistaire para ipagtabuyan ako? Tama pala ang sinabi ni Solde na masama ang ugali ng amo niya!”
Nalaglag ang panga ko sa sinabi ni Chelsey. Nasalubong ko ang masamang tingin niya na parang kasalanan ko ang nangyayari. Or maybe, nag-eexpect si Chelsey na ipagtanggol ko siya kay Sir Ali. Paano ko naman iyon gagawin?
“Lando.”
“Opo, Sir!”
“K-Kuya… s-sasama rin ako paghatid sa kabigan k-”
“Maiwan ka rito, Solde,” matigas na sabi ni Sir Ali kaya napatuwid na naman ako ng tayo.
“I hate you, Allistaire!”
Napatingin ako kay Chelsey. Magkahalong awa at hiya ang nararamdaman ko para sa aking kaibigan habang palabas siya ng pinto. Paglabas nina Kuya Lando ay naghanda agad ako ng mga isasagot.
“Sit down.” Narinig kong utos ni Sir Ali. Tahimik akong sumunod.
Tumingin ako kay Sir Ali. No matter what, ipagtatanggol ko ang sarili ko alang-alang sa scholarship ko. Hindi ko naman alam na aabot sa ganito si Chelsey.
“So masama pala ang ugali ko? ‘Yon daw ang sinabi mo sa kaibigan mo?”
“Sir Ali…sa maniwala ka man o hindi, wala akong sinabi na masama ang ugali mo. Ang nasabi ko lang naman… masungit kayo…” pag-amin ko.
Nagkibit lang ng balikat si Sir Ali habang hindi ako makapaniwala sa kalmadong anyo niya. Sa loob ng isang araw ay dalawang babae ang umaway sa kaniya, pero wala sa itsura niya ang apektado. Ni hindi ko mabakas sa mukha niya ang pagsisisi sa pakikipag-break kay Ma’am Geneva. At si Chelsey? Hindi ba talaga siya interesado sa kaibigan ko? Maganda si Chelsey, artistahin nga ang mukha niya at mayaman pa.
“’Yon ba ang sinasabi mong kaibigan mo, Solde? Sorry for the term, pero gawain niya bang manlaglag ng kaibigan? Kung hindi lang siya pamangkin ni Vince baka ako pa mismo ang nagtapon sa kaniya palabas.”
“Sir, hindi naman siguro ‘yon ang intensiyon ni Chelsey. Nasaktan siya sa pangrereject n’yo. Sinasabi lang po niya kung ano ang nararamdaman niya, pero mabait pong tao si Chelsey. Sweet po siya at maalalahanin. Siya lang din po ang may gustong makipagkaibigan sa akin mula nang pumasok ako sa university.”
“Ipinagtatanggol mo pa? Kinakaibigan ka niya dahil madali sa kaniya na pasunurin at manipulahin ka.”
Natigilan ako sandali. “H-hindi naman po siguro, Sir…”
Hindi na sumagot si Sir Ali. Binuksan niya ang drawer sa tabi niya at may kinuha mula roon. Inilapag niya ‘yon sa ibabaw ng mesa sa harapan ko. Nakilala ko ang paperbag na bitbit kanina ni Hector.
“It’s for you. Kunin mo.”
“P-po?” manghang tanong ko. Kinuha ko ang paperbag at tiningnan ang nasa loob noon. Sa kahon pa lang ay alam ko na agad ang laman ng bag.
“C-cellphone?”
“Palitan mo na ang cellphone mo, Solde. Twenty years ago pa yata nang nauso iyon.”
“P-pero… hindi ko po yata matatanggap ito, Sir. Hindi naman po ito kabilang sa mga obligasyon n’yo bilang benefactor ko.”
“Solde, please? Wala akong oras na ipagpilitan ‘yan sa’yo. Just take it and leave. Marami akong ginagawa. Naabala pa’ko sa pagdating ng bisita mo.”
Natahimik naman ako sa sinabi niya. Nahihiya ako, pero alam kong walang saysay makipagtalo sa aking amo.
Wala na akong nagawa kundi ang kunin ang paperbag na may lamang cellphone. Tahimik din akong tumayo.
“Thank you po, Sir,” sabi ko na lamang at nakita kong tumango siya.
Tumalikod na ako at walang ingay na lumabas ng kaniyang opisina. Pagsara ko ng pinto ay binundol ako ng kakaibang kaba. May mga mumunting ragasa akong nadama sa aking tiyan na may kasamang tila paninikip ng aking dibdib.
Napahawak tuloy ako sa dibdib ko at napasandal nang bahagya sa pinto sa likuran ko. Ayos lang naman ang pakiramdam ko, pero alam ko na may kakaiba sa akin sa sandaling iyon.
Nakita ko bigla si Sir Ali sa isip ko. Paano kung gusto niya rin pala si Chelsey? Paano kung kabaligtaran ang nangyari kanina at pumayag siyang lumabas kasama ng kaibigan ko? Hindi ko alam kung bakit ganoon ang naitanog ko sa sarili ko, pero may namuong guwang sa may tiyan ko.
“Solde, okay ka lang?” tanong ni Danna ang nagpanumbalik sa isip ko.
Napatuwid ako ng tayo. Manghang tumingin ako kay Danna.
“Ayos ka lang ba? Anong problema? Napagalitan ka na naman ni Senyorito?”
Umiling ako. Ano bang problema? Hindi ko nga alam. Ang alam ko lang, ayokong mangyari ang naisip ko. At sana ay panindigan ni Sir Ali ang pag-reject niya kay Chelsey.
“Hoy, Solde! Ano ka ba? Para kang naengkanto? Ano ba ‘yang bitbit mo?”
Naalarma na ako sa tono ni Danna. Inayos ko ang aking sarili. Ipinilig ko pa ang ulo ko upang alisin ang bagay na iyon sa aking isip.
Tumingin ulit ako kay Danna. Imposible. Hindi ko pwedeng maramdaman ang ganito.
“Ano’ng meron? Ang weird mo ngayon ah!”
Tumikhim ako. “Wala, Danna. Halika na nga. Magluluto pa tayo ng hapunan ni… Sir Ali.”