KABANATA 9

2144 Words
LINGGO. Maaga pa ay nagpunta na ako sa mansion ng mga Aguilar. Pagkabati sa mga gwardiya ay derecho agad ako sa kwarko ko. Hindi ko na pinalitan ang suot kong housedress at lumabas na para pumunta sa kusina.  Ang alam ko ay day-off iyon ni Danna kaya nagulat ako nang mamataan ko siya sa may daan papuntang swimming pool. Lumapit ako sa kaniya. Hindi siya nagsalita bagkus ay inilagay niya ang hintuturo niya sa tapat ng kaniyang bibig, senyales na huwag akong mag-iingay. Nagusot ang noo ko sa pagtataka. “Am I right, Ali? May ibang babae? Answer me, damn you!” Napigil ang sasabihin ko nang marinig ko ang galit na sigaw ni Ma’am Geneva. Napatingin ako sa paligid at mula sa glass wall ay naaninag ko ang bulto niya sa gilid ng pool. Napatingin ako kay Danna. Seryoso ang mukha niya habang nakasilip doon. “This is nonsense, Geneva. Just get ready for your flight back to Manila. Ihahatid na kita.” Malakas, pero kalmado naman ang boses ni Sir Ali. Nakisilip ako at nakita ko siyang nakaupo sa may garden set. “See? At gustong-gusto mo na talaga ‘kong umalis? Hindi na ba makapaghintay ang babae mo?” “Geneva, please? Nakakahiya. Mamaya ay naririnig ka ng mga kasama ko sa bahay.” Nanlaki ang mga mata ko nang makita kong tumayo si Sir Ali. Hinawakan ko ang kamay ni Danna para hilahin siya palayo roon, pero matigas siya sa pagkakatayo. Parang sinasadya niyang huwag umalis para marinig ang pag-aaway ng amo namin at ng nobya nito. “I don’t care if they hear me! I’m so upset, Ali! I feel so ugly and undesirable! Malaking insulto sa pagkakabae ko na ilang araw na akong narito sa pamamahay mo, pero wala man lang nangyari sa atin! Talo mo pa ang yelo sa lamig! Bakit, Alistaire? Dahil may iba nang babaeng nagpapainit sa’yo? Tama ba’ko?” “H’wag mo na akong tanungin kung ipipilit mo rin naman ang hinala mo! Nakita mo naman kung gaano kabigat ang responsibilidad na iniwan sa akin ni Papa, di ba? Araw-araw ko ring inaalam ang nangyayari sa sarili kong kompaniya na iniwan sa Maynila. Sa tingin mo ba ay may panahon pa ako para mambabae?” “Are you telling me that being sexless for a month is okay with you? Hindi mo ako maloloko, Alistaire!” “Bahala ka kung ayaw mong maniwala. Hindi ko rin kailangang magpaliwanag sa’yo.” “‘Yong pamangkin ni Vince ang babae mo, ano?” Natutop ko ang bibig ko sa narinig. Si Chelsey? “Kaya ba gano’n siya makipag-usap sa’yo at ganoon siya kumilos sa harap mo? Kaya ba kulang na lang ay palitan niya ako sa tabi mo? At kunwari kagabi lang kayo nagkakilala, pero ang totoo, siya ang dahilan kaya hindi mo tinanggihan ang imbitasyon ni Vince!” “You’re unbelievable, Geneva! Hindi ko akalain na ganiyan ka pala kabobo. Naisip mo talaga na papatulan ko ang pamangkin ni Vince? Hindi ako gagawa ng bagay na magiging problema ko balang-araw. At alam na alam mo ‘yan, Geneva. Kaya nga tumagal tayo ng ilang buwan, ‘di ba? Dahil akala ko hindi komplikado ang makipagrelasyon sa’yo. Now it looks like that I was wrong. I’m done with this. Umalis ka na lang kung aalis ka.” Tumalikod si Sir Ali pagkasabi noon. “Ali, wait! Nag-uusap pa tayo!” habol ni Ma’am Geneva at hinila ang amo ko. Humarap naman si Sir Ali. “What do you mean by that? Are you breaking up with me? Alam mo bang sa ginagawa mo, pinatutunayan mo lang na tama ang hinala ko!” “I don’t care what you think about me, anymore. Tapos na’ko sa’yo. Now, please leave because, I have more important things to do. Sinasayang mo ang oras ko.” “Ali, no! Ali come back here! Ali!” Nang mawala sa paningin ko ang dalawa ay hinila ko na palayo si Danna. Dumirecho kami sa back door kung saan ang patungong kusina. Pagdating doon ay nagtataas siya ng mga kilay sa akin. “Sa tingin mo, Solde? Totoo ang hinala ni Ma’am Geneva, di ba? May ibang babae si Senyorito.” “Tumahimik ka nga, Danna! Hindi magandang pag-usapan pa ang problema ng amo natin? Ano ba, hindi pa ba maghahanda ng almusal?” “Meron na. Maaga akong nagluto at naghanda ng umagahan nina Senyorito. Kailangan kasing umalis ni Manay ngayong araw. Kaya ako na lang ang nagpaiwan.” Ang alam ko ay hindi nagde-day-off si Manay Odette. Pero kahit anong araw ay pwede siyang umalis kapag may importante siyang lakad. “Siya, magsisimula na akong magtrabaho bago pa tayo makitang nagkukwentuhan ni Sir Ali. Baka magalit na naman ‘yon. May problema pa man din sila ng girlfriend niya.” “Ex-girlfriend, Solde. Hindi mo ba narinig, tinapos na ni Sir Ali. Tamang-hinala kasi at selosa, hayun!” “O siya, siya, h’wag na nga nating pag-usapan. Maiwan na kita.” Akma akong tatalikod nang pigilan ako ni Danna. “Hep, sandali! Wala ka bang ikukwento sa akin tungkol sa pinuntahan mong party kagabi?” Natitigilan akong napatingin sa kaniya. Ikukwento ko ba na nagkita kami roon nina Sir Ali at Ma’am Geneva? “Pwede bang mamaya na natin pagkwentuhan at baka maabutan tayo ni Sir?” “Siguraduhin mo lang, Solde, ha? Hindi talaga kita patutulugin hangga’t di ka magkwento.” “Oo. Pero sandali lang tayo magkukwentuhan mamaya. Maaga ang pasok ko bukas.” “Ay, oo nga, ano! Bukas na ang simula ng klase mo, Day!” “Oo, kaya magtrabaho na tayo bago pa tayo mapagalitan ng amo natin.” Inabala ko ang sarili ko sa mga gawain buong umaga. Dahil wala si Manay ay hinati na lang namin ni Danna ang mga trabaho sa mansion. Sinuyod ko ng linis ang buong bahay. Patingin-tingin pa ako sa paligid dahil baka biglang lumitaw sina Sir Ali at Ma’am Geneva at doon pa sila mag-away sa harapan ko. Kapag may nararamdaman akong parang may tao ay umiiba ako ng lugar. Buti at napakalaki nitong bahay kaya mahirap magkakitaan. Magkatulong kami ni Danna sa pagluluto at paghahanda ng tanghalian. Si Danna ang nanatili sa tabi ni Sir Ali habang kumakain ito habang nakaantabay naman ako sa kusina para sa kung anumang kakailanganin ng aming amo. Mag-isa lang siyang pingasisilbihan namin dahil umalis na si Ma’am Geneva. Hindi man lang ako nakapagpaalam sa kaniya. Mabait pa naman siya sa akin at medyo nagi-guilty ako sa dahilan ng pag-aaway nila. Naalala ko kasi ang araw na nagsusukat ako ng damit niya at napagkamalan ako ni Sir Ali na siya. Kung wala ako roon? At si Ma’am Geneva ang talagang nayakap ni Sir Ali? Hindi kaya nila pinagtalunan ang bagay na iyon kanina? Ewan ko. Hindi ko naman alam kung anong klaseng relasyon ba meron sila. Ayoko na ring isipin ang nangyari sa guest room at baka bumalik ang pagkailang ko sa amo ko. Ang hirap magtrabaho nang may ganoong pakiramdam. Kaya mabuti at nalampasan ko na at kahit paano ay malaya na akong nakakagalaw. Nang matapos si Sir Ali sa pagkain ay hinarap niya kaming pareho ni Danna. “Nasa opisina lang ako buong hapon. Kapag dumating si Hector ay papuntahin n’yo na lang doon.” “Yes po, Senyorito!” masiglang sagot ni Danna habang tumango lang ako. “Kilala mo si Hector?” tanong ko kay Danna pag-alis ni Sir Ali. “Oo naman. Dati na siyang assistant ni Don Benedicto at ngayon naman ay kay Sir Ali.” “Ah..” “Mamaya makikita mo si Hector. Mabuti ‘yong makilala mo rin siya.” Natahimik ako. Hindi ko masabi-sabi kay Danna na kilala ko si Hector dahil ito ang naghatid sa akin kagabi sa bahay namin. Isang oras ang lumipas nang dumating ang aming hinihintay. May dala itong paperbag. Sinabi agad ni Danna ang bilin ni Sir Ali. “Gusto mo ba ng kape? Isusunod ko na lang sa office ni Senyorito.” “Hindi na, Danna. Aalis din kasi ako agad,” sabi ni Hector at nakita ako. Nagkaguhit sa noo niya dahil namukhaan siguro ako. “Ikaw ba ‘yong scholar ni Mr. Aguilar?” Bilang assistant ay alam ni Hector na may pinapaaral ang boss niya, pero kagabi lang niya ako nakilala. Sa daan pauwi sa bahay namin ay binanggit ko naman kay Hector na housegirl ako sa mansion nina Sir Ali. Tumango ako. “Ako nga po ‘yon.” Ngumiti si Hector. Pagkatapos ay iniwan na niya kami ni Danna at dumirecho na siya sa home office ni Sir Ali.   Sandali nga lang siya roon. Wala pa yatang tatlong minuto at nagpaalam na rin siyang aalis. Gumawa naman si Danna ng meryenda para kay Sir Ali. Ako ang pinahahatid niya, pero bigla naman akong tinawag ng gwardiya mula sa intercom. May bisita raw akong dumating. Nagulat ako. Ilang minuto pa lang na nakakaalis si Hector ay si Chelsey naman ang biglang sumulpot doon sa living roon ng mansion. “Hi!” Excited na bati ni Chelsey sabay yakap sa akin. “Chelsey, anong ginagawa mo rito?” “Anong klaseng tanong ‘yan? Binibisita kita siyempre. At may pasalubong ako para sa’yo- oh, I mean, sa inyo ni Alistaire.” Dalawang kahon ng espesyal na pastries ang dala ni Chelsey. Kinuha ko na lang ang mga iyon at saka ipinatong sa mesita. “Nandiyan ba si Ali? I hope so. Sunday ngayon kaya wala siyang pasok sa opisina niya.” Iniupo na nito ang sarili sa malapad na sofa. Napatingin ako kay Danna na kagagaling lang sa office ni Sir Ali. Ninguso niya sa akin si Chelsey. Marahil ay nagtataka ito kung sino ang bisitang naroon. “Chelsey, hindi ka na dapat nagpunta. Hindi ko naman bahay ito, e.” “Ouch! Ang sakit naman! Binisita na nga kita, ayaw mo pa? Tinakasan mo na nga kami kagabi?” malambing na sabi niya. “Nag-text naman ako sa’yo, di ba?” “Of course! Kaya nga binisita kita dahil nag-aala ako sa’yo. Anyway, hindi mo pa sinagot ang tanong ko. Nandiyan ba ang amo mo?” Hindi ako nakasagot. Ewan ko kung bakit naiinis ako sa atensiyon na ibinibigay ni Chelsey kay Sir Ali. Napatingin ako kay Danna. Tahimik lang ito na nagtataas ng kilay sa aking bisita. “Busy siya sa office niya, e. Hindi pwedeng istorbohin.” “Aw, ang lungkot naman. O, sige, hintayin ko na lang siya na lumabas. Anyway, bukas na ang start ng klase. Gusto mo bang daanan kita rito?” “H’wag na, Chelsey, ano ka ba? Ayokong makaabala at isa pa, magkaiba tayo ng schedule.” “Okay. Kung ‘yan ang gusto mo. Uhm, hindi mo ba ako aalukin ng juice or anything. Hey, ipatikim mo nga ulit sa akin ‘yong makahiya tea. I think bagay ‘yong kapartner ng pasalubong ko.” “A, tama nga naman, Solde! Painumin mo ng makahiya tea ang bisita mo. Sana lang effective.” Nakangising sabi ni Danna bago kami nito tinalikuran at iniwan sa sala. “Anong sabi niya? Sino ba ‘yon?” “Kasamahan ko rito sa mansion si Danna. Dito ka lang, Chelsey, ipaghahanda kita ng request mong makahiya tea.”  “Sure! Thanks, Solde!” Binitbit ko ang mga kahon ng pastries bago ko siya iniwan. Nakangisi sa akin si Danna pagpasok ko sa kusina. Iniabot ko sa kaniya ang mga kahon ng pastries. “’Yong isang kahon, para kay Sir Ali. ‘Yong isa sa atin. Ibabawas ko lang si Chelsey para ipareha niya sa tsaa.” “Meron din si Senyorito? Ang sweet naman ng kaibigan mo!” Hindi ko na pinansin ang pasaring ni Danna. Naghanda na ako ng request na tsaa ni Chelsey. Mabuti at may nadala ako kanina pagkaalis ko ng bahay. Si Danna na ang naglagay ng dalawang pirasong pastries sa pinggan. Iniayos ko iyon kasama ang tasa ng makahiya tea sa tray at saka lumabas sa living room. Nakatayo si Chelsey, nagmamasid sa buong bahay. Nang maramdaman niya ako ay ngumiti siya Ipinatong ko na ang tray sa center table. “Wow, perfect! Thanks,” ani Chelsey sabay dampot sa tasa ng tsaa niya. “Solde…” Natigilan ako sa tumawag sa akin. Bago ako lumingon ay nahuli ko ang pagkislap ng mga mata ng kaibigan ko. Tapos ay nakita ko si Sir Ali na bahagyang nakaarko ang mga kilay habang palipat-lipat ng tingin sa amin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD