KABANATA 8

2535 Words
NAKATAGPO ako ng makakausap sa party sa katauhan ni Eva - sekretarya ng isa sa mga kilalang doktor sa aming bayan.  Nang magyaya kasi pabalik si Chelsey ay nagdahilan akong sumama ang aking tiyan. Ayoko talagang bumalik sa table nina Vince. Naroon pa sina Sir Ali at Geneva kaya nagsabi ako kay Chelsey na doon na lang muna ako pupuwesto malapit sa papuntang comfort room. “Hindi talaga kita nakilala kanina, Solde! Ganiyan ka pala kaganda kapag nakaayos?” manghang sabi ulit ni Eva. Napangiti ako. Sa iilang check-up ni Lola Pacing ay lagi kong nakakakwentuhan si Eva. Si Dr. Eugene Ramirez, ang mabait at maunawaing doktor, ay naroon sa grupo ng iilang kilalang tao sa aming bayan. Kabilang nga sa circle nila ang dating mayor na Lolo naman nina Charlie at Chelsey. Malapit lang sila sa pwesto namin ni Eva kaya dinig namin ang mga kwentuhan at tawanan nila. “Bagay sa’yo ang dress, mukha kang diwata. At maganda rin ang sapatos.” “Salamat,” tipid na sagot ko sa patuloy na papuri ni Eva. Pasimple kong niyuko ang sapatos ni Danna. May tatlong pulgadang takong iyon, pero hindi kagaya ng sapatos ni Ma’am Geneva, medyo makapal ang takong kaya hindi nakakatakot ilakad. “Kumusta naman ang lola mo? Kailan ba siya huling natingnan ni Doc?” “Mabuti naman siya. Two months ago na ang huling check-up niya. Sa unang sweldo ko nga ay dadalhin ko siya sa clinic ni Dr. Ramirez.” “Saan ka nga pala ngayon nagtatrabaho?” Alam din ni Eva ang sistema sa Joy of Giving kaya alam niyang palipat-lipat ako ng assignment kada sem. “Sa bahay ako ngayon, Eva. Housegirl.” “A, ok ‘yon, at libre na rin ang pagkain mo. Uwian ka ba o stay-in? Kaninong pamilya? Kilala ba rito sa atin?” Ang daming tanong ni Eva at lahat naman ay sasagutin ko kaya lang ay nahagip ng mga mata ko ang isang tao na sumali sa umpukan nina Dr. Ramirez. Napatingin ako sa kaniya at saktong nagsalubong pa talaga ang mga mata namin ni Sir Ali. Mabilis akong nagbawi. “Mabait naman ang mga amo mo, Solde?” “Ay, naku! Eva, may naiwan pala ako sa CR! Teka lang, balikan ko lang muna pwede?” “Ah, sige, sige! Walang problema.” Nagmamadali akong umalis at iniwan si Eva. Nalito pa ako kung saan talaga pupunta pero sa huli ay tumuloy na rin ako sa comfort room. Lumabas ang dalawang babaeng bisita pagpasok ko. Nag-stay ako sa loob nang ilang minuto. Paglabas ko ay agad kong natanaw si Sir Ali sa di-kalayuan, may kausap siya na isa sa mga lalakeng bisita. Nagtago ako. Babalik na sana ulit ako sa banyo nang mapansin ko ang isa sa mga catering crew na may dalang tray ng sari-saring baso ng wine. Papunta siya sa labas kung saan ang party kaya naisip ko na sabayan ito para hindi ako mapansin ni Sir Ali. Dumikit ako kay kuyang crew sa paglalakad nito palabas, palingon-lingon ako sa gawi ni Sir Ali. Hindi ko tuloy agad napansin ang kasalubong kong matandang babae dahilan para muntik ko na siyang mabunggo. Sa pag-iwas ko ay hindi ko naman sinasadyang mapatid ang paa ng sinasabayan kong crew. “Ay, naku!” “Oh my goodness!” Wala na akong nagawa para tulungan siyang huwag madapa. Bumalandra sa sahig si kuyang crew kasabay ng pagkapira-piraso ng mga baso ng wine. “Look what happened!” mataray na sabi ng matandang babaeng inilagan ko. Nagulat din siya sa nangyaring aksidente. Inirapan ako nito sabay talikod sa amin. Nakita ko ang dahan-dahang pagtayo ng lalakeng crew. Tutulungan ko pa sana siya nang may malaking kamay na humila sa braso ko at agad akong inilayo roon. “Manilyn, tumulong ka roon sa mga nabasag na baso,” kalmadong sabi ni Charlie sa nakasalubong naming kasambahay. “Opo, Sir Charlie!” Hindi na ako nakapagsalita. Hiyang-hiya ako dahil sa nagawa kong eksena. Buti at iilang tao lang ang naroon sa loob at karamihan ng mga bisita ay nasa backyard. “Okay ka lang ba?” tanong ni Charlie nang sa wakas ay nasa labas na kami malapit sa swimming pool. Sa kabilang banda noon ay tanaw ang punagdadausan ng party at ang mga bisitang walang malay sa nagawa kong katangahan kanina. “Sorry, Charlie, hindi ko sinasadya ang nangyari! Nakakahiya. Naawa pati ako kay kuyang crew! Mapapagalitan pa yata siya ng manager nila.” “Don’t worry, ako na ang bahala roon. Bumalik ka na sa table n’yo. Malamang na hinahanap ka ni Chelsey.” “Ha? Pero… ikaw na lang kaya ang bumalik sa party at baka hinahanap ka ng mga bisita mo?” Nagusot ang noo ni Charlie. “Bakit, hindi ka na ba babalik?” Natigilan ako at naghagilap ng maidadahilan. “Ah! Tatawag kasi ako sa amin. Dalawang oras lang kasi ang paalam ko kaya baka nag-aalala na si Lola.” Pagkatapos ay dali-dali kong hinugot ang cellphone ko sa dala kong purse. Ngumiti si Charlie. “All right. Sunod ka na lang.” “Oo!” masigla kong sabi na sinamahan pa ng tango. Nakahinga ako nang maluwag nang mawala si Charlie. Itinago ko ulit ang cellphone ko sa purse. Pinagmasdan ko ang kinaroroonan kong hardin at dahil pamilyar naman ako kahit paano sa lugar ay nagpalakad-lakad na muna ako. Nilingon ko ang pinanggalingan namin ni Charlie. Nanlaki ang mga mata ko nang isang malaking anino ang naaninag kong palabas ng hardin. Mabilis akong kumilos para magtagpo sa dilim, pero sa malas ay nahulog pa ang takong ng sapatos ko sa butas ng drainage grate. Desperada kong hinila ang aking paa. Ang lapad ng takong ng sapatos ang dahilan kaya ang hirap alisin noon sa pinaghulugang butas. “Ay, ‘pag sinuswerte ka naman!” iritadong bulong ko habang nakikipagbuno sa makitid na siwang ng metal grate. Pakiramdam ko ay mababali ang takong sa ginagawa kong paghila. Naisip ko bigla na hubarin muna ang sapatos sa paa ko at saka ko iyon alisin sa butas ng grate. O, di ba? Dahil sa panic ay madalas na hindi nakakapag-isip nang maayos ang tao. Napailing ako. Hinawi ko ang buhok kong nagsabog sa aking mukha at balikat. Pagkatapos ay kinipit ko ang purse sa aking kili-kili para mayuko ang aking paa, pero isang pamilyar na amoy ang umagaw sa pansin ko at isang ulo ng lalake ang nakita kong bumaba sa may gilid ko. “S-Sir..?” Ang tindi ng pagsipa ng puso ko. Naramdaman ko ang pagdulas ng mga daliri ni Sir Ali sa binti ko pababa sa aking bukong-bukong. Gumapang ang kilabot sa aking batok dahil sa ginawa niya. “Hold on.” “P-po?” natitigilang tanong ko. Mainit ang palad ni Sir Ali na nakahawak sa aking bukong-bukong. “Humawak ka sa akin. Baka paghila ko sa paa mo ay ikaw ang tumalsik.” Ang masungit na boses niya ang nagpabalik sa huwisyo ko. “O-opo, opo!” Nagdalawang-isip muna ako bago humawak sa balikat ni Sir Ali. Ramdam ng palad ko ang matigas na kalamnan niya roon sa kabila ng suot niyang itim na coat. Hindi ko alam kung anong lakas meron siya, pero sasandali lang niya ginawa iyon at nakawala agad ang takong ng sapatos sa butas ng grate. Nakito ko na lang na nakatingala sa akin si Sir Ali habang nasa paanan ko pa rin siya. Bigla kong naisip ang kamay kong nakahawak pa rin sa balikat niya. Mabilis akong nagbawi. “S-salamat po…” ang tanging nasabi ko. Hindi nagbago ang dagundong sa dibdib ko. Dahan-dahan siyang tumayo. Napatingin ako sa mga mata niya. Kanina ay iniiwas-iwasan ko si Sir Ali, pero ngayon ay tila nakalaya ako sa kung anumang pumipigil sa akin na titigan siya. “What are you doing, Solde?” “P-po?” gulat na tanong ko. Nalilito akong umiling. “I saw what’s happened inside.” Napayuko ako sa nadamang hiya. Ngayon ko lang naalala na naroon din kanina si Sir Ali sa loob. Kaya ko nga sinabayan sa paglalakad ang crew ay dahil nagtatago ako sa amo ko. “Pasensiya ka na, Sir, nadala ko pa rito ang katangahan ko.” “Si Charlie ba ang dahilan kaya nagpumilit kang makapunta ngayon?” Umarko ang mga kilay ko. “Sir?” “Nakita ko nang hilahin ka ng pamangking lalake ni Vince at dalhin dito. Anong ginawa n’yo?” “W-wala po,” mabilis na sagot ko. “Tinulungan lang po ako ni Charlie na makalayo. Siguro para hindi ako masyadong mapahiya. Nag-sorry lang din po ako sa kaniya sa nangyari. Pagkatapos no’n, bumalik na po si Charlie sa party niya.” Sa malamlam na liwanag na nanggagaling sa outdoor lamps ay nakita ko ang pagdududa sa imahe ni Sir Ali. “Is that so? Bakit nandito ka pa rin at hindi ka pa sumama? Are you expecting him to come back here for you?” “P-po? H-hindi po…” Nahirapan akong sagutin si Sir Ali. Paano ko ba sasabihin na pinagtataguan ko siya kaya hindi ako sumama kay Charlie pabalik sa party? “I guess I know what you’re doing. You’re trying your luck on Vince’s nephew. At ‘yon ang dahilan kaya ka nagpumilit na makapunta ngayong gabi.” “Sir, hindi naman sa gano’n.” “You don’t fit in this place, Solde. Hindi ka ba nababahala sa iisipin ng mga taong nakakakilala sa’yo kung ano ang ginagawa mo sa ganitong klaseng okasyon kasama ng mga ganitong klaseng tao?” Parang nangapal ang pisngi ko sa sinabi ni Sir Ali. Kahit hindi malinaw ay alam ko ang gusto niyang tukuyin. “S-Sir… parang… ikaw lang naman ang nag-iisip nang ganiyan sa akin dahil una pa lang oportunista na ang tingin n’yo sa kagaya ko.” Hindi siya nakasagot. Nagpatuloy  ako. “Mga kaibigan ko po sina Charlie at Chelsey, Sir. Ang totoo, sila lang po sa university ang naging kaibigan ko. Kaya kahit alam kong hindi ako bagay na makihalubilo sa gaya nila, kinakapalan ko na lang po ang mukha ko. Kasi ramdam ko pong totoo ang pakikitungo nila sa akin at ayokong magtampo sila.” Matagal na katahimikan ang namayani sa pagitan namin bago ko narinig ang pagbuga ng hangin ni Sir Ali. “Then that means that you can go home, now.” “P-po?” “Nakapunta ka sa party. Nakita ka ng mga sinasabi mong kaibigan mo. Wala nang rason para magtampo sila sa’yo. Pwede ka nang umuwi, Solde.” “P-pero-” Nahinto ako sa pagsasalita. Gulantang na natagpuan ko ang sarili kong tinutulak ni Sir Ali patungo sa madilim na parte ng halamanan habang takip ng isang palad niya ang bibig ko. “Hhmmmmp…” I tried to speak kahit alam kong walang matinong salitang lalabas sa bibig ko. “Quiet!” mahinang saway niya. “How can that happen?” Napatingin ako sa babaeng lumalakad ngayon sa may hardin at may kausap sa cellphone niya. Nanlaki ang mga mata ko nang makilala ko si Ma’am Geneva dahil sa kumikinang na red dress niya. Tinangka kong silipin kung saan siya pupunta, pero tumama ang ulo ko sa matigas na panga ni Sir Ali. Nagkatinginan kami sa dilim. “I’ll try my best. Bukas pa ng hapon ang flight ko pabalik d’yan…” Isiniksik pa ako ni Sir Ali sa sulok ng garden wall. Sa laki ng katawan at tangkad niya, halos tabunan na niya ako. Hindi ko alam kung bakit kailangang pagtaguan namin ang girlfriend niya, pero wala akong magawa. Ni hindi ako makapagsalita. “I know. I said, I’ll do my best to help you…I’m here at the party. Yes, I’m with Alistaire. He was invited by his college friend and Ali took me with him…. Okay, I’ll go ahead. Tatawag ako sa’yo bukas ng umaga. Bye!” Nang matapos si Ma’am Geneva sa kausap ay nagmamadali rin itong umalis. Dahan-dahang binaba ni Sir Ali ang palad niya.  Nakahinga ako nang maayos kaya nasamyo ko nang husto ang bango ng kaharap ko. Nakita ko rin kung gaano kami kalapit kung kaya naiatras ko ang katawan ko. Ilang maliliit na dahon ng halaman sa tabi namin ang sumabit sa buhok ko. Umatras din si Sir Ali dahilan para mabawasan ang pagkailang ko. “You can go home, now.” Umiling ako. Nakahanda na ang pagtutol ko, pero nakita kong dinukot ni Sir Ali ang cellphone niya at may tinawagan. Ilang sandali pa ay siya naman ang may kausap sa kabilang linya. “Hector… pumunta ka ngayon din dito sa bahay ng mga Montoya… Oo, sa bahay ng dating mayor… May ipapasundo ako sa’yo… Tawagan mo ako kapag nasa labas ka na ng gate… Sige.” “Sir Ali, hindi ako pwedeng umuwi basta-” “Narinig mo ang sinabi ko sa kausap ko, Solde. Ipapasundo kita at ihahatid ka ni Hector sa bahay n’yo. Give me your cellphone.” Nagugulahan ako, pero wala akong nagawa kundi kunin ang cellphone ko at ibigay kay Sir Ali. Kinapa-kapa niya iyon. “Saan ang power off nito?” Napatingin ako kay Sir Ali. Madilim sa lugar namin kaya hindi ko alam kung nagbibiro ba siya. Pero na-realized ko agad na lumang modelo nga pala ang cellphone ko. Malamang noon lang siya nakakita nang ganoon. “D-dito po,” turo ko sa may bandang itaas na pindutan. Nakuha naman agad ni Sir Ali at maya-maya pa ay namatay na ang cellphone ko. Ibinalik niya iyon sa akin. “Mamaya mo na buksan pag-uwi mo sa inyo.” “S-Sir, hindi ba pwedeng magpaalam muna ako kina Chelsey?” “Kapag ginawa mo ‘yan, pipigilan ka pa nila sa pag-uwi. You can send them a text message when you get home. Sabihin mong hindi ka na nakapagpaalam dahil nagmamadali ang sumundo sa’yo at kailangan mong umuwi na dahil may trabaho ka pa bukas. Maiintindihan naman siguro nila ‘yon?” Hindi ko alam. Hindi ako sigurado. Pero sana. Dahil mukhang wala naman akong choice kundi ang sundin ang utos ni Sir Ali. “Dito ka na dumaan palabas ng gate. Mauna ka na at susunod ako.” “H-hindi na po, Sir. Ako na lang po ang maghihintay doon sa tinawagan mo.” He smirked. “Bakit, Solde? Kilala mo ba ang assistant ko?” Natigilan ako at hindi nakasagot. “And I‘m sure, hindi ka rin kilala ni Hector. Paano kung may pumaradang ibang sasakyan sa labas at mapagkamalan mo? Solde, gamitin mo nga ‘yang utak mo! Mapapahamak ka dahil sa hindi mo pag-iisip!” Pagkasabi niya noon ay iniwan na niya ako. Ilang sandali pa ay tahimik na lang akong lumabas mula sa halamanan at saka tinunton ang daan papunta sa gate ng bahay ng mga Montoya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD