NAKASIMANGOT SI Bea habang nakatingin ngayon kay Nurse Jo. Maaga kasi itong pumasok habang siya naman ay pa-out na. Habang nagkukwento siya rito ay kanina pa ito nagpipigil ng tawa.
"Ikaw, tinatawanan mo ako ah!" aniya rito.
"Hoy, hindi kita tinatawanan ah!" sagot naman nito saka humawak pa sa bibig saka nagpigil muli ng tawa.
"Ewan ko sa iyo, Nurse Jo. Sana talaga huwag gawin sa iyo ng alaga natin yung ginawa niya sa akin. Sana hindi ka niya pagsalitaan ng kung ano-ano." Ngumuso siya saka hinanda ang sariling mga gamit upang mag-out.
Bigla ay sumeryoso ang kaibigang nurse saka pasimpleng lumapit sa kaniya. "Hoy, katakot naman iyang sinabi mo. Pero ano, seryoso ba talaga? Masungit ba talaga siya? Kahit gwapo, ganoon?"
Muli at sinalubong niya ang tingin nito. "Bukas mo na lang ako tanungin. `te para naman ikaw mismo maka-experience ngayon." Lumapit siya rito saka mas mahinang nagsalita, "Good luck na lang sa iyo. Alam ko naman na mas kaya mo iyan. Mas mahaba ang pasensya mo sa ganiyan dahil may karanasan kang bantayan ang mga adult kagaya ni Basty. Ako naman kasi ay naninibago pa talaga."
"Kung sa bagay... Pero kinakabahan kasi ako sa mga sinasabi mo."
Siya naman ang natawa. "Kinakabahan o natatawa?"
"Both. Ang cute mo kasi magkwento kaya ako natatawa pero syempre, kabado ako."
"Hindi ko alam kung matutuwa ba ako sa sinabi mo or what. Basta, ayaw niya ng maingay. Swerte mo kasi nandyan na iyong si Ma'am Vicky. Kanina kasi wala halos kaya ayon, walang umaawat sa anak na magsungit."
Tumango ito. "O, sige na. Malapit na mag-time. Ingat ka sa pag-uwi ah." Tinapik pa nito ang kaniyang balikat.
Naglakad na siya at nagsisimulang bagtasin ang hallway nang makarinig siya ng pagtawag sa kaniyang pangalan. Nang lingunin niya iyon ay si Ma'am Vicky pala. Halos lakad-takbo itong lumalapit sa kaniya. Huminto siya saka ngumiti sa ginang.
"Yes, Ma'am?"
"Uuwi ka na ba?" tanong nito.
"O-opo. Tapos na po kasi ang shift ko. Pupunta naman na po sa kwarto ni Basty si NUrse Jo. Iyong kapalitan ko po na kasama ko kaninang umaga," aniya.
"Sige. Ibibigay ko lang kasi sana ito," anito saka may inabot sa kaniya.
"A-ano po ba ito?" Tiningnan niya ang maliit na sobre na kulay asul. May tali pa iyon na gawa sa papel.
"Simpleng thank you gift lang iyan, hija. Umalis ako kanina at alam ko ang katigasan ng ulo ng anak ko kaya regalo ko iyan sa iyo," anito saka ngumiti nang matamis sa kaniya.
"N-naku, Ma'am, wala po iyon. Hindi na po sana kayo nag-abala pa. Nakakahiya po." Napakamot pa siya sa ulo dahil sa natanggap na regalo.
"Tanggapin mo na, hija. Pasensya ka na kung nasungitan ka ng anak ko maghapon ah. May inasikaso lang kasi ako."
"Huwag po ninyo isipin ang bagay na iyan, Ma'am trabaho ko po ang bantayan si Basty."
"Kahit na. Sige na at baka naaabala na kita. Mag-iingat ka, ha?" Nauna itong tumalikod kaya naman tinanaw niya ito hanggang sa makapasok sa pribadong silid ni Basty.
NANG MAKAUWI siya sa kanilang bahay ay pagod na binagsak ni Bea ang katawan sa mahabang sofa saka pinikit ang mga mata. Ngayon niya nadama ang labis na pagod. Tila mas pagod siya ngayong nasa iisang pasyente lang siya kaysa noong nasa Pedia ward siya at maraming bata ang inaalagaan.
Huminga siya nang malalim saka dinilat ang mga mata nang maalala ang regalo ni Ma'am Vicky sa kaniya. Kinuha niya iyon mula sa loob ng bag saka sinipat-sipat ang itsura. Maganda ang munting regalo na iyon. Mukhang may laman sa loob kaya naman binuksan niya nang buong ingat.
Isang cute na keychain ang bumungad sa kaniya pagkabukas niyon. Dried flowers iyon na naka-resin na may nakalagay sa loob na salitang, 'Padayon'. Napangiti siya dahil ang ganda niyon. Kaagad niyang kinuha ang wallet na siyang naglalaman ng mga IDs and cards niya saka kinabit doon ang cute na cute na keychain.
"Ayan, bagay na bagay ka rito sa wallet ko," aniya saka binukan ang wallet. Bumungad sa kaniya ang larawan ng bunsong kapatid na pumanaw sa edad na siyam na taon habang siya noon ay nasa edad bente anyos lang.
Gumapang ang lungkot sa kaniyang puso nang mapagtanto na namang mag-isa na naman siya sa apat na sulok ng bahay nilang iyon. Ngunit bago pa siya tuluyang lamunin ng lungkot ay tumango na siya kaagad saka umakyat sa kaniyang silid. Ngumiti pa muna siya sa mga larawan ng kaniyang mga magulang na naka-display sa pader.
"Bahay na ako, ma, pa."
Nakagawian na niyang magsabi ng ganoon kahit sa larawan lang ng mga ito. Hindi siya iyong tipo ng tao na magmumukmok kapag nakaramdam ng lungkot o iindahin ang lungkot kapag na-miss ang pamilya niya. Bagkus ay iniisip lang niya na kasama niya ang mga ito sa bahay.
Pagkapasok niya sa loob ng knaiyang silid ay kaagad siyang naglinis ng katawan at nagbihis. Kumakalam na kasi ang sikmura niya at hindi talaga siya bumili kanina noong madaan siya sa fast food chain dahil tila nasabik siya sa lutong bahay. Tatawid na lang siya sa kabilang bahay kung saan nakatira ang kaniyang lola at tita.
Nasa gate pa lang siya ay amoy na amoy na agad ni Bea ang lutong ulam na adobo. Napangiti siya saka nagtuloy-tuloy sa pagpasok.
"Ang bango ng ulam!" bulalas niya saka nagdiretso sa kusina.
Napangiti ang lola at ang tita niyang naghahain ng mesa.
"Nandito na pala ang apo kong maganda. Bakit kasi ngayon ka lang umuwi?" tanong ng lola niya sa kaniya habang siya ay nagmano ay yumakap rito.
"Sabi sa iyo, `nay. Tamang-tama lang ang pagkakainit ko ng ulam natin. Nakita ko kasing bumukas ang ilaw sa kabila kaya alam kong nandyan na si Beyang." Tumingin ito sa kaniya. "Halika na at kumain ka na. Ininit ko ito kasi naman lumamig na. Alam mo namang alas sais pa lang ay naghahapunan na kami rito sa bahay. Alas nueve na ng gabi, oh!" Tumuro pa ito sa wallclock na antigo.
Naupo siya sa bakanteng silya saka inamoy ang lutong ulam. "E, bago na po kasi yung shift ko, di ba?" Kaagad siyang nagsandok ng kanin saka ulam sa sariling pinggan.
"Oo nga pala. So, kumusta naman ang first day mo bilang private nurse?"
"Naku, Tita. Para po akong nanibago."
"Nanibago? Bakit, apo?"
"E kasi naman po, ang sungit ng inaalagaan ko ngayon. Bente siyete anyos na siya pero parang bata po, ganoon." Sinimulan niyang kumain. "Wow! Ang sarap talaga ng adobo ninyo, lola. The best!"
"Ang apo ko naman. Kain nang kain," anito saka hinalikan siya sa noo. "Baka naman napapagod ka nang sobra dahil sa bago mong alaga?"
"Hmm... hindi naman masyado, Lola."
"Sinungitan ka ba?" tanong ng tita niya. "Pero di ba, may sakit naman kasi iyon kaya nagsusungit. Pabayaan mo na lang."
"Ganoon na lang nga po iyong ginagawa ko. Iniintindi ko na lang siya kasi nga may sakit siya."
"E, wala ka na bang balak bumalik sa pedia ward? Hindi mo ba na-mimiss ang mga alaga mo roong mga bata? Si Claui, kumusta pala?"
"Lola, kahit gustuhin ko po, mukhang malabo na makabalik pa ako sa ngayon doon. mIsmong Head of Directors ng ospital ang humugot sa akin. Isa pa iyon, ang sungit din ni Doctor Santos. Magkamag-anak nga sila ni Basty."
"Sinong Basty?" tanong ng tita niya.
"Siya iyong bago kong pasyente, tita."
"Gwapo ba si Basty?" Maintrigang tanong nito kaya naman natawa siya.
"Tita ah!"
Natawa rin ito. "Oh ano? Nagtatanong lang naman ako. Gwapo ba? Kasi kung nagsusungit tapos pangit, kawawa naman," anito dahilan upang magtawanan silang tatlong nasa kusina.
Uminom siya ng tubig dahil muntik na siyang mabilaukan sa kinakain at sa katatawa. "D-don't worry, tita. Gwapo siya."
"Ay wow! Okay lang na magsungitm gwapo pala, e!"
"Basta Beatrixe Anne, huwag ka papayag na sigawan ka ha? Hindi ka nag-nursing para lang sigaw-sigawan, tandaan mo iyan."
Napangiti siya sa sinabing iyon ng lola niya. "Opo, lola. Alam ko naman po ang bagay na iyan. Don't worry po dahil alam ko kung paano iha-handle ang topak ng mga pasyente ko." Niyakap niya ito upang mapanatag ang kalooban.
"Mabuti naman. Kung nabubuhay siguro ang mga magulang mo saka si Brylle, proud na proud ang mga iyon sa iyo, panigurado."
Hindi nakatakas sa kaniyang paningin ang pamamasa ng mga mata ng kaniyang lola. "Lola, alam ko naman po ang bagay na iyan. Huwag po kayo mag-alala sa akin dahil kaya ko pong alagaan ang sarili ko. So far naman po ay ayos pa naman ang pakikitungo ni Basty sa akin. Masungit lang talaga siya pero wala pa naman akong naririnig na below the belt. Saka alam ninyo po bang mabait ang mommy niya?"
"Talaga?"
"Yes po. Binigyan pa nga ako ng 'thank you gift' at sobrang ganda ng keychain. Bukas, papakita ko sa inyo kapag kakain ako ulit ng hapunan dito." Natawa siya dahil sa sariling tinuran.
"Wala namang kaso kung dito ka kakain palagi, Bea. Walang problema roon," wika naman ng tita niya.
"Thank you po. Ang sarap talaga ng mga luto rito sa bahay."
Masaya niyang pinagpatuloy ang kinakain hanggang sa matapos siya. Busog na busog siya at ilang sandali pa muna silang nagkwentuhan na tatlo bago siya nagpaalam na babalik na sa bahay niya.
Malaki ang pasasalamat niya sa kaniyang Lola Anna at Tita Natty dahil ito ang nagbantay at tumingin sa kaniya noong masawi ang kaniyang magulang pati na rin ang bunsong kapatid na si Brylle. Hindi siya pinabayaan ng mga ito kahit pa may sariling pamilya ang Tita Natty niya. May mga anak itong tatlo na mas bata sa kaniya at siya ang tinuturing na anak na panganay.
Ang mga ito ang nagsilbing guardian niya nang mawala ang pamilya niya at isa ang mga ito sa dahilan kung bakit hindi niya nakikitang madilim ang mundo. Marahil ay dahil sa pinuno ng mga ito ng pagmamahal ang mga panahong nangungulila siya sa sariling pamilya.
Hindi kailanman siya pinakitaan ng kasamaan ng mga ito at malaking pasasalamat sa Diyos ang bagay na iyon para kay Bea. Kahit pa sabihin na naulila siya, may lola at tita pa naman siyang kasa-kasama ngayon kahit magkabukod ng bahay.
NANG MAKABALIK si Bea sa kaniyang silid sa bahay nila ay kaagad niyang binuksan ang laptop upang tumingin-tingin muna sa kaniyang socialmedia. Napangiti siya nang makitang online ang kaniyang long time best buddy na si Becka na siyang nakatira ngayon sa United States.
Kaagad niya iyong ni-chat at tinanong kung kumusta. Ngunit maya-maya lang ay tumunog na ang notifications niya upang mag-videocall sila nito. Naupo siya sa kama saka sinagot ang tawag.
"Hey!" anito.
Siya naman ay hindo kaagad sumagot at pinagmasdan lang ang magandang kaibigan.
"Hindi ka ba magsasalita? Ano? Ngingiti ka lang ba diyan?" tanong ni Becka sa kaniya. Nasa labas ito ng bahay ay nakasuot ng sexy na damit pero hindi naman bastusin.
"Sorry. Ang sexy mo kasi sa suot mo kaya medyo natulala ako," aniya rito.
"Ano ka ba!? Kapag dito ka na nagtrabaho, ganito na rin ang mga susuotin mo kasi ganito ang uso rito," anito.
Tumango-tango na lang siya. "So kumusta ka naman diyan?" tanong niya sa kaibigan.
"Ayos naman ako. Ikaw, kumusta ang first day mo sa bago mong pasyente?"
Sumandal siya sa headboard ng kama saka pinagkrus ang mga braso. "Ayon ayos naman kaso may pagkamasungit."
"Wala bang bago?"
"Anong walang bago? Ngayon lang ako nagkaroon ng pasyenteng masungit, no?" aniya.
"I know. What I mean is, gwapo ba? Mabango?"
"Gaga!"
"Uy seryoso ako, ano nga?"
Tinaasan niya ng kilay ni Becka. "Gwapo syempre!"
"Nice!"
"Anong nice?"
"Alam mo na." Muli itong tumawa. Iyong tawa na sobrang na-mimiss na niya.
Dalawang taon na kasi si Becka sa United States at doon nagtatrabaho bilang nurse. Dapat ay kasama siya nito roon ngunit nagbago ang isip niya . Noong una ay sumama ang loob nito sa kaniya ngunit nang ipaliwanag naman niya rito na hindi pa siya handa na iwan ang trabaho rito sa bansa ay naintindihan din naman nito eventually. Iyon nga lang, hindi pa rin nawawala rito ang panghihikayat sa kaniya na lumipad na rin at sundan ito roon para magkasama na sila sa trabaho ulit.