PINAGMAMASDAN lang ni Bea si Nurse Jo habang nag-aasikaso ito sa nurse station. Galing ito sa kwarto ni Basty pero nagtataka siya na wala man lang siyang mabakas na iritasyon dito. Pang ang saya pa nga nito at nagulat pa nang makita siyang nandoon na.
"Parang ang aga mo yata?" tanong pa nito.
Kumunot ang kaniyang noo at sumulyap sa relo na suot. "Anong maaga pa, e trente minutos na lang, alas otso na po nang umaga?" aniya rito. "Parang nag-enjoy ka naman masyado sa first day of duty mo, ah!" aniya rito.
"Ah, oo naman. Mabait naman si Basty, e."
"Ano? Don't tell me ay hindi ka niya tinarayan magdamag?"
Natawa ito sa kaniya. "Hindi nga. Ikaw lang naman itong over acting diyan, e!"
Mas lalong kumunot ang kaniyang noo. "Ano? Nurse Jo, seryoso ka ba?" Hindi makapaniwalang tanong niya rito.
"Oo nga. Saka alam mo, mas lalo siyang gumwapo kapag tumatawa siya. Subukan mo kasi siya lambingin, gano'n."
"L-lambingin?"
"Oo. Daanin mo sa lambing ng boses mo. Ganoon lang ang ginagawa ko, e!"
Hindi siya kumibo. Sa pagkakatanda niya kasi ay magkahpon naman siyang naging malumanay kausap ito pero sadyang masungit lang talaga ang Basty na iyon. Iniwan siya ni Nurse Jo upang bumalik sa loob dahil nagpaalam sa mag-ina. Binasa na lang muna niya ang chart ni Basty habang hindi pa nag-oout si Nurse Jo.
"Aalis na ako. Inaantok na ako nang bongga." Sinukbit ni Nurse Jo ang bag saka ngumiti sa kaniya nang matamis pero nawala rin nang makitang seryoso ang mukha niya. "Oh, bakit parang seryoso ka naman diyan."
"Wala lang. Nagtataka lang ako kung bakit sa iyo lang siya mabait."
"Sino?"
"E di iyong pasyente natin," aniya saka sumimangot.
Natawa ito saka napailing. "Hay naku, girl. Move on ka na diyan. Malay mo naman ngayon maghapon ay okay na si Basty. Baka kahapon lang siya wala sa mood tapos ngayon, okay na." Tinapik pa nito ang balikat niya.
Hindi siya kumibo hanggang sa tuluyang umalis si Nurse Jo. Nakatitig lang si Bea sa hawak na chart.
'Sebastian Gregorio...'
Maganda ang pangalan ng binata. Bagay na bagay sa gwapo nitong mukha kaso nagbabawas points sahil nga masungit ito.
Huminga siya nang malalim bago tumayo. "Okay, Bea. Oras na. Subukan natin maging mabait sa kaniya ngayon at baka nga wala lang siya sa mood kahapon. Okay, self. Kaya mo ito. Fighting!"
Nasa ganoong sitwasyon siya nang biglang bumukas ang pinto ng kwarto ni Basty at si Ma'am Vicky ang sumilip doon. Kaagad niyang inayos ang sarili.
"G-good morning, Ma'am."
"Good morning, Nurse Bea. Pwede bang patulong?"
Kaagad siyang lumapit dito dahil baka may nangyari kay Basty. Pinapasok siya nito sa loob ng kwarto at naabutan niya si Basty na nagbabasa ng magazine habang nakaupo sa sofa. Mukha naman itong okay dahil kalmado ang mukha at ekspresyon nito habnag nagbabasa.
"Nurse Bea, alam mo ba kung paano itaas nang kaunti itong kama. Masyado yatang naka-flat kaya naiirita si Basty."
"Ah, yes po." Lumapit siya roon at inayos ang kama ng binata. Panay ang tanong niya sa ginang kung okay na ba ang pagkaka-elevate ng kama na siya namang tinatanong din sa anak.
"Okay na iyan, ma," ani Basty sa boses na tila musika sa pandinig ni Bea. Hindi kasi baritono ang gamit nitong boses at kalmado lang.
Lihim siyang natuwa. Baka nga tama si Nurse Jo. Baka wala lang ito sa mood kahapon kaya nasungitan siya nito. Umayos siya ng tayo saka muling dinampot ang chart saka tiningnan ang vital signs ni Basty. Wala naman itong kibo habang kinukuha niya ang blood pressure nito at sa tuwing tatanungin ng ina ay sumasagot naman nang maayos.
"Normal naman po ang blood pressure ni Basty ngayon," aniya saka ngumiti sa ina nito.
"Thank God. Siya nga pala, hija. Pwede ba siyang lumabas mamaya? Naiinip kasi itong si Basty rito sa loob."
Tumingin siya kay Basty na nasa magazine pa rin ang buong atensyon. Lumingon siya sa ina nito. "Pwede naman po kung dito lang sa loob ng campus ng ospital, Ma'am."
Doon binaba ni Basty ang magazine na hawak saka siya tiningnan. "What if gusto ko lumabas para pumunta sa mall or what? Bawal ba?"
Nagulat siya sa tanong na iyon nito kaya naman hindi siya kaagad nakasagot. Nagkatinginan pa sila ni Ma'am Vicky na tila nanghihingi siya ng saklolo roon ngunit kagaya ng anak nito ay hinihintay din nito ang sagot niya.
Tumikhim siya. "Ahm, bawal po kasi lumabas ang pasyente pero kung dito lang sa loob ng compound ng ospital, pwede naman. Pero kung gusto po ninyo, pwede kayo magtanong kay Doc. Santos para po mabigyan po kayo ng letter na nagsasaad na pinapayagaan po kayo."
Nagkatinginan ang mag-ina. "Sabi ko sa iyo, ma. Hindi papayag ang nurse lang. Dapat kay Kuya Jem na lang talaga tayo dumirekta," anito. Lumingon ito sa kaniya.
Kinabahan siya dahil sa paraan ng pagtingin nito. Tila tinitingnan nito ang buo niyang itsura mula ulo hanggang paa.
"Ganoon ba? Sige, hija. Sa totoo lang, alam ko na hindi talaga pwede kaso matigas ang ulo ng batang ito."
"Ma, gusto ko lang naman maglibang kahit sandali," anito. Bakas sa mga mata nito ang labis na pagkainip dito sa loob ng apat na sulok.
"I know, anak." Tumingin ito sa kaniya. "Hindi lang naman siya ngayon nakulong sa kama. Sa bahay kasi ay ganito rin siya. Bawal lumabas. Bawal kasi siya mapagod nang sobra."
Tumango na lang siya.
"Ma, huwag mo na nga sabihin iyan. Mas lalo lang akong naaawa sa sarili ko," anito saka tumayo.
Lumapit siya kaagad dito upang alalayan sana ito ngunit natigilan silang dalawa nang bigla itong huminto at tingnan siya. Tila bumagal ang ikot ng mundo nang matitigan niya ang mga mata nitong mapupungay. Ang gwapo nitong mukha ay mas gwapo pa pala sa malapitan.
Tumibok nang kakaiba ang puso niya kaya naman napaatras siya kaagad pero ang mga kamay niya ay nakaalalay pa rin sa binata. "I-ingat sa kilos," aniya rito.
Kitang-kita niya kung paano kumunot ang noo nito sa kaniya. "Ayos lang ako, okay?" tanong nito.
Kaagad siyang napatuwid ng tayo. "O-okay, sir," aniya na lang saka napapahiyang lumingon sa ina nito na may multong ngiti sa mga labi.