Tila wala sa kaniyang sarili si Audrey habang naglalakad pauwi sa kanila. Iyong lalaking nagpakilalang Ministro mula sa Palasyo ay naglaho na. Umalis ito na parang wala lang, habang siya, hindi malaman kung maiiling o matatawa. May sayad lang siguro sa utak ang lalaking iyon.
Dumeretso nalang siya nang uwi. Nagugutom na rin siya at inaantok. Excited na rin siyang malaman kung ano ang iniluto ng kaniyang ina.
Ilang sandali lang at narating na niya ang bahay nila. Bahagya niyang tinanggal ang lock ng kanilang hanggang dibdib na tarangkahan. Tahimik ang kanilang bahay nang kaniyang maabutan. Subalit hindi ang katahimikang iyon ang nagpagulat sa kaniya kundi ang presensiya ng isang lalaki. Bakit naroroon iyon at prenteng nakaupo sa kanilang sala? Habang ang ina naman niya ay nag-aalalang napatingin sa kaniya.
"Hello, Audrey, nagkita tayong muli," nakangiting bati ng lalaki sa kaniya. Kunot-noo niya itong sinalubong nang tingin saka ibinaling ang tingin sa nagtataka niya ring ina. Mukhang nagtataka ito sa naging pagbati sa kaniya ng lalaki.
"Nagkakilala na kayo?" takang tanong ng kaniyang ina.
Huminga naman nang malalim si Audrey saka naupo sa tabi ng ina. Maraming bagay ang tumatakbo sa isipan niya. Gaya nalang ng mga pinagsasabi ng lalaking kaharap nila. Kung magkakilala ang lalaking ito at ang kaniyang ina, maaaring alam ng ina ang mga sinasabi nito. Hindi lang basta kung sinong nasisiraan ng bait ang lalaking kaharap niya. Maaari ring nagsasabi ito ng totoo.
"Nakasakay ko siya sa bus kanina. Sadyang napakatapang ng iyong anak, Rosanna," sagot ng lalaki sa tanong ng kaniyang ina. "Mukhang namana niya ang katapangang iyon mula sa 'yo."
Tumikhim ang kaniyang ina. "Audrey, magbihis ka na muna sa itaas."
"Ma, mayroong mga sinabi ang lalaking ito sa akin," sambit niya saka tinapunan ng tingin ang lalaking napasipol pa, "kailangan kong makumpirma kung nagsasabi ba siya ng totoo. I mean, sobrang napakaimposible naman nang mga sinasabi ni Manong. Hindi sa naniniwala ako, pero kung magkakilala kayo, baka alam n'yo ang tungkol doon?"
Bahagyang nagulat ang ekspresyon ng kaniyang ina sa sinabi niya. Ewan niya kung isa na ba iyong pagkumpirmasyon sa mga imposibleng bagay na binanggit ng lalaki. Napatingin ito sa lalaki sa kanilang harapan.
"Dan, ano ang sinabi mo sa anak ko?" Deretso ang tinging saad ng ina sa lalaking tinawag nitong Dan.
"Ano sa tingin mo ang dapat kong sabihin sa kaniya, Rosanna?" seryosong sagot naman ng lalaki.
"Magtatanungan nalang ba kayo? Puwede n'yo bang ipaliwanag sa akin ang mga bagay na hindi ko naiintindihan?" Heto na naman si Audrey. Hindi talaga siya kumportableng manahimik sa sitwasyong alam niyang sangkot siya. Tunog bastos man ang naging dating niya pero ano bang magagawa niya?
"Dan!" Babala ng ina sa lalaking kaharap. Ngunit parang nasisiyahan pa ang lalaki sa nagaganap. Nakangiti lamang itong nakaharap sa kanilang mag-ina.
"Rosanna, hindi ba't panahon na upang malaman ni Audrey ang kaniyang kapalaran? Na siya ang nakatakdang maging asawa ng Prinsipe? Bente-singko na si Audrey. Panahon na rin upang hirangin ang Prinsipe bilang Hari."
"Ilang beses ko bang sasabihin sa inyo na hindi ko isasali ang anak ko sa mga pagpipiliang maging babae ng Prinsipe? Kahit si Delfin ay tutol dito."
"Si Audrey ang nakasaad sa propesiya, Rosanna. Kahit buong buhay ninyong tututulan ang mga bagay na dapat mangyari, dapat pa rin itong mangyari."
"Ano'ng propesiya, Ma? Ano ba'ng sinasabi nito ni Manong?" Naguguluhan niyang tanong.
Napahilamos na lamang ng sariling mukha ang ina. Tila hindi malaman ang gagawin. Kahit siya ay nalilito na rin. Ano bang propesiya? Mayroon pa ba n'on?
"Masyado nang nabinbin ang dapat matagal nang nangyari. Marami nang kapanalig ang Hari na nagdudududa na dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin naiaanunsyo ng pormal ang Prinsipe," pahayag ng lalaki.
"Wala akong pakialam sa Hari, sa pulitika, at sa propesiya, Danny. Hindi ako makapapayag na isasalang ninyo ang aking anak sa ganyang bagay." Matatag na saad ng ina.
Napatango rin siya. Kahit siya ay hindi rin papayag. Ano naman ang gagawin niya sa palasyo? Kung sa trabaho nga niya ay naiinip na siya, sa palasyo pa kaya na hindi puwedeng lumabas ang mga nandoon?
"Sa tingin mo ba, may magagawa ang pagmamatigas mo, Rosanna? Sumadya ako rito upang sabihan kayo na ihanda na ninyo ang inyong mga sarili, dahil anumang oras ay darating dito ang mga tao ng Hari upang sunduin si Audrey."
"Danny."
"Alam kong nauunawaan mo ang sitwasyon, Rosanna. Higit kanino man, kayo ni Delfin ang pinakanakakaunawa ng sitwasyon. Higit ding magiging ligtas si Audrey sa loob ng Palasyo. Doon, mapuprotektahan siya hindi lang ni Delfin kundi maging ako at ng Prinsipe."
"Pero, sandali lang po, Manong, paano naman kayo nakasisiguro na mapipili ako masusunod ang propesiya?" tanong niya.
Ngumiti ito sa kaniya. "Sumali ka sa paligsahan ng mga babaing pagpipilian, Audrey. Ikaw na mismo ang tumuklas ng sagot sa iyong mga katanungan."
Kinunutan niya ng noo ang Ministro.
***
Akala ni Audrey, sadyang boring ang mabuhay. Depende nalang iyon sa kung papano isasabuhay ang sariling buhay. Kung anong landas ang nais na tahakin.
Sa sitwasyon ni Audrey, hindi niya alam kung naging masaya ba siya sa buhay niya. May bahagi sa kaniya na parang nagsisisi na hindi niya nagawang isabuhay ang buhay na nais niya. Subalit, hindi naman niya alam kung papaano lumihis kahit bahagya lang.
But, life is still full of surprises. There will always be plot twists.
Naalala niya ang nangyari pagkatapos nilang kausapin ang ministro ng palasyo na si Danny. Who would have thought na isang hamak na gaya niya ay mauugnay sa isang propesiyang halos hindi na nag-iexist sa panahon ngayon. Isang paniniwala na tanging mga kanunu-nunuan nalang ang mga naniniwala. Napakaimposible ng mga inilahad ng Ministro sa kanila, kaniya.
At kung mangyari ngang makakasali siya sa magiging paligsahan ng mga pagpipilian, paano naman siya mapipili? Hindi sa gusto niyang mapili pero napakakumplikado sa palasyo.
Walang imikan silang kumain ng hapunan. Pagkaalis ni Manong Danny, ilang sandali lang ay dumating ang kaniyang ama mula sa trabaho. Mula sa pagbabantay nito sa laging nakasarang gate ng palasyo. Mukhang nararamdaman ng kaniyang ama ang naganap dahil maski ito ay walang imik na dumalog sa hapag-kainan.
Si Audrey ang bumasag ng katahimikan.
"Hindi ako sasali sa pagpili ng magiging babae ng prinsipe. Malabo rin namang mapipili niya ako e," kibit-balikat niyang saad habang patuloy sa pagkain.
"Kumain ka na lamang diyan. Huwag mo nang pag-iintindihin ang mga sinabi ni Danny," sagot ng kaniyang ina.
"Sinasabi ko lang naman 'ma," sagot naman niya.
"Hindi ganoon kadaling iwasan ang mga bagay, Audrey," pahayag ng kaniyang amang si Delfin.
"At ano?" sabat ng kaniyang ina. "Hahayaan natin si Audrey na sumama sa kanila? Alam mong mapanganib sa palasyo!"
"Ano ang gusto mong gawin, Rosanna? Susuwayin natin ang nakasaad sa propesiya? Tatanggihan natin ang Hari?" Tugon naman ng kaniyang ama.
Mariing napapikit si Audrey. Sumasakit ang kaniyang ulo sa tuwing naalala ang pinag-usapan nila sa hapag kanina. Siya? Magiging asawa ng Prinsipe? 'Yon totoo?
"At hahayaan mo lang na sumali si Audrey sa paligsahan? Hahayaan mo siyang madawit sa pulitika sa Palasyo?" tugon naman ng ina sa kaniyang ama.
"Rosanna, alam kong alam mo na ako ang unang taong pipigil sa aking anak na madawit sa anumang gulong-pulitika, subalit, may mga tradisyon at kaugalian tayong dapat na sundin. Hindi natin maaaring suwayin ang anumang ipag-uutos ng Mahal na Hari," katwiran naman ng kaniyang ama.
Hindi umimik si Rosanna. Hindi kaila kay Audrey ang labis na pag-aalala ng kaniyang mga magulang sa kaniya. Pero ano ang magagawa ng mga gaya nilang ordinaryong tao lamang?
Inabot ni Delfin ang kamay ng asawa. "Nauunawaan ko ang mga bagay na ipinag-aalala mo, Rosanna, kung wala man tayong ibang pagpipilian kundi isali si Audrey sa paligsahan, ipinapangako kong poprotektahan ko si Audrey."
"Pero hindi nga po ako sasali," sabat naman niya.
Ang bansang Filipos ay isang bansa sa ilalim ng Monarkiya. Mayroong tinatawag na Royal Family. May Hari, Reyna, Prinsipe at Prinsesa. Sa kasalukuya, ang Filipos ay pinamumunuan ni Haring Reynold at Reyna Lucia. Ang kinoronahang prinsipe ay si Prinsipe Rhys. At mainit na usapin ng bansa sa ngayon ang nalalapit na pag-aasawa ng Prinsipe.
Kailangan ng Prinsipe nang matibay na sandalan bago ito hiranging bagong Hari. Kaya habang malakas pa si Haring Reynold, kailangan nang mag-asawa ng Prinsipe at magkaroon ng supling upang mas lumakas ang kapangyarihan nito dahil mayroon na agad itong tagapagmana.
At dahil siya nga raw ang nakasaad sa propesiya, maaaring madamay sa usapin si Audrey sa pagpipiliang magiging asawa ng Prinsipe. Bagay na ni sa hinagap ng kaniyang buhay hindi sumagi sa kaniyang isipan.
Tatlong marahang katok ang nagpabalik sa kaniyang wisyo. Pumasok ang kaniyang ina dala ang isang basong gatas. Bumangon siya mula sa pagkakahiga saka inabot ang basong dala ng ina.
"Hindi ka makatulog," sambit ng ina kasabay nang pag-upo nito sa gilid ng kaniyang kama.
"Hindi pa po ako inaantok," sagot niya. Gusto niyang iparating sa ina na hindi siya apektado sa mga nangyayari sa kaniya ngayon.
Tipid na ngumiti ang kaniyang ina. "Alam kong medyo naguguluhan ka, anak, pero --"
"Actually, hindi talaga ako affected, 'ma," putol niya sa ano pa mang sasabihin ng ina. "Baka nanggogoyo lang si Manong Ministro."
"Alam kong napakahirap paniwalaan, pero, dalawampu't anim na taon na ang nakalipas mula nang maihayag ng isang Babaylan ang isang kasulatan mula sa Libro ng Propesiya. Naglalaman iyon ng mga ilang kaganapan na maaaring suungin ng Prinsipe sakaling hindi matupad ang nakasaad doon," pahayag ng ina. Nagsimula na itong ikuwento ang mga nangyari dalawampu't anim na taon na ang nakalilipas.
"Isa akong tagasilbi sa Palasyo noon at doon kami nagkakilala ng iyong ama. Isa siya sa mga nagsasanay noon na maging sundalo ng Palasyo. Noon ay piling mga babae lamang ang nakakasali sa paligsahan ng magiging asawa ng Prinsipe. At isa ako sa mga napiling iyon, Audrey."
Iyon yata ang unang pagkakataon na nagkuwento ang ina niya tungkol sa nakaraan nito. Kaya mataman siyang nakikinig.
"Sa aming labindalawang kalahok, tatlo lamang ang napiling maging asawa ng Prinsipe, at si Reyna Lucia ang pinakasalan nito habang First at Second Decree namang Concubines sina Lady Armenia at Lady Dahlia. Habang kaming mga hindi napili ay itatapon dapat sa isang isla at doon mabubuhay hanggang sa aming pagtanda, pero naiwan ako at inatasang maging tagapagsilbi sa kusina. Si Haring Reynold at si Delfin ay naging matalik na magkaibigan noon at nalaman ni Haring Reynold na gusto ako ng iyong ama. Kaya binigyan niya kami nang basbas upang magsama sa kundisyong, aalis ako at hindi na muling magpapakita pa sa Palasyo."
Itinuloy nito ang kuwento.
"Nang makaupo si Haring Reynold sa trono, hindi naging maganda ang kaniyang unang mga taon. Mas lalong naghirap ang buong Filipos. At isinisisi iyon ng mga tao sa bagong Hari. Dahil hinayaan daw nitong maging asawa ng iba ang babaeng hindi niya napili." Mapait itong ngumiti sa kaniya.
"Subalit, hindi sila pinakinggan ng Hari. Naniniwala siyang naging panahon lamang talaga iyon ng tagtuyot at taghirap. Hanggang humingi sila nang tanda sa isang Babylan. Isang Babaylan na kakilala ng dating Reyna. Isang propesiya ang inilunsad ng Babaylan na dapat ay masusunod kung hindi mas malaking dagok ang darating sa buong Filipos."
"At ang nakasaan sa propesiyang iyon ay ako? Ma, 2015 na. Hindi na uso yang propesiya. Walang gan'on. Susme." Natatawa niyang saad.
Hinawakan ng kaniyang ina ang kaniyang mga kamay. "Alam kong mahirap intindihin at mahirap ding paniwalaan, pero gusto ko lang sabihin sa 'yo na ikaw lang ang makakapagdesisyon sa buhay mo, Audrey. Tatanggapin namin ng iyong ama nang maluwag sa dibdib anuman ang maging desisyon mo."
"Ma, wala ho akong balak sumali sa pila ng mga pipiliing maging babae ng Prinsipe. Ano 'yon? Makikipacompete ako sa mga pipiliing babae tapos kapag hindi ako ang napili, itatapon ako sa malayong isla? Huh! No way."
Marahan lang itong tumango sa kaniya. "Wala kang dapat na ipag-alala. Ikaw lang ang may karapatang magdesisyon sa buhay mo, anak. Katulog ka na, kailangan mong bumawi nang tulog sa ilang araw mong pagpupuyat sa trabaho."
"Goodnight po, Mama," aniya.
"Goodnight." At hinalikan siya nito sa noo. Bagay na ikinabigla niya. Hindi naman kasi nila iyon madalas ginagawa. Minsan nga'y walang pasabi nalang kung matulog sila. Pagkasara ng ina sa pinto ay siya namang kaniyang paghiga.
Trabaho.
Bagay na madalas kinaiinisan nang gawin ni Audrey ngunit wala naman siyang pagpipilian. Sinipat niya ang orasan. Kailangan na niyang matulog dahil baka bigla siyang mapatawag bukas sa trabaho. May mga pagkakataon kasing kinailangan niyang mag-overtime ng Sabado o Linggo lalo na kapag rush ang trabaho.
Isang tila napakahabang araw na naman ang lumipas sa buhay ni Audrey. May mag-iiba kaya bukas?