Chapter One
Pagtatagpuin.
Kapalaran pag-iisahin.
Tadhana'y paglalapitin.
Iisang hangarin. Iisang damdamin.
Pilit babaliwalain.
Kapalarang 'di matatakasan.
Damdaming 'di mapipigilan.
Tadhana'y mangyayari.
Pag-iibigang maghahari.
Makailang beses na sinasambit ng isang babaylan ang mga katagang iyon. Halos marindi na siya sa paulit-ulit na pagbigkas ng isang babaing may katatwang kasuotan. Tila nagmula ito sa panahon ni Kupong-kupong. Panahong hindi matukoy sa kalendaryo kung kailan.
Paulit-ulit at tila walang katapusan. Maingay at mainit ang lugar na kaniyang kinaroroonan. Hanggang tila hinigop siya nang malakas na pwersa. Paikot-ikot sa karimlan sa lugar ng kawalan patungo sa lugar na tanging ang ihip lamang ng pwersang iyon ang nakakaalam.
Isang matigas na bagay ang tumama sa kaniyang pisngi ang nagpabalik sa kaniyang huwisyo. Dalawang taong nakatayo sa kaniyang paanan. Ang isa'y nakaangat ang kanang palad sa hangin.
"Ma?" bigkas niya sapo ang mainit at nangangapal na pisngi. Mukhang nasampal na naman siya ng ina at tila naman napalakas iyon kaya nararamdaman niyang mainit ang kaliwang pisngi.
Napabuntong-hininga ang babaing nakaangat ang palad sa hangin. "Binabangungot ka na naman," wika nito. "Bumangon ka na at mahuhuli ka na sa trabaho mo."
Inilibot niya ang paningin sa kabuuan ng silid. Ang kaniyang maliit na silid. Saka siya napabuntong-hiningang bumangon sa matigas niyang kamang niluma na ng panahon.
"Palagi ka nalang nagkaka-sleeping paralysis. Hindi ka humihinga," sambit ng kaniyang pinsan na si April.
Napairap siya. "Binabangungot na nga ako sa panaginip ko, pati paggising ko babangungutin pa rin ako. Kay saklap talaga ng buhay!"
Matalim lamang siyang tiningnan ni April saka padabog na lumabas ng kaniyang kuwarto. Ano nga ba ang ginagawa ng magaling niyang pinsan sa silid niya?
Mabilis siyang kumilos. Iniligpit ang kumot at maayos na isinalansan sa luma na niyang headboard. Naligo at nagbihis ng kaniyang uniporme upang pumasok na sa kaniyang trabaho. Sa trabahong hindi niya malaman kung trabaho nga bang maituturing.
Naabutan niyang nag-aayos ng mesa ang ina habang ang pinsang si April ay nasa hapag na at walang imik na kumakain. Ni hindi man lang nito magawang tulungan ang kaniyang ina.
Marahas niyang hinila ang upuan sa tapat nito at matalim na tiningnan ang pinsan. "Ano bang ginagawa mo rito? Wala ka bang bahay?"
Umirap lang si April habang ang ina'y marahan siyang tinapik sa balikat. "Hindi na kasi siya pinapasok ng mama niya kagabi kaya nakitulog dito."
"Ha! Gimik pa more!" inis niyang saad sa pinsan. Layas kasi ang pinsan niyang iyon kaya palagi itong nasasaraduhan ng pinto sa bahay nila.
"Kumain ka nalang, Audrey. Kahit mainis ka pa, wala nang mababago," sagot lang nito.
Ngali-ngali sana niya itong sisipain sa ilalim ng mesa, subalit dahil mataas ang respeto niya sa ina, nagtimpi na lamang siya.
Audrey Angeles.
Isang ordinaryong babae na naninirahan kasama ang ina sa isang maliit na bahay sa siyudad ng Mortown, ang capital ng bansang Filipos. Bente-singko anyos na si Audrey. Kasalukuyang nagtatrabaho bilang isang empleyado sa isang publikasyon. Ang inang si Rosanna ay isang simpleng may-bahay habang ang ama naman niyang si Delfin ay nagtatrabaho bilang guwardiya sa palasyo.
Ang Filipos ay isang monarkiyang bansa. Pinamumunuan ito nina Haring Reynold at Reyna Lucia. Ang pamilya Frost. Ang pinakamayaman, pinakamakapangyarihan at pinakamatagal na angkan sa kasaysayan ng Filipos. Ang kaharian ng Frost ay matatagpuan sa pinakadulong bahagi ng Isla Filipos.
"Aalis na ako," paalam niya sa ina.
"Mag-ingat ka. Huwag kang makikipag-usap sa mga taong hindi mo kakilala," bilin ng kaniyang ina.
"Ma, twenty-five years mo nang pinapaalala yan sa akin," sagot niya rito. May palagay kasi siyang baka kahit noong isang araw palang siyang naisisilang sa mundo ay iyon na ang bilin palagi sa kaniya ng ina. Kinalakhan na niya kasi iyon at ni minsan hindi nagmintis ang ina sa paalala nito sa kaniya.
"Sumunod ka nalang, Audrey."
"Opo!" Natatawa niyang sagot. Pagkahalik sa pisngi ng ina ay lumabas na siya ng kanilang tarangkahan at sinimulan na niyang ang daan patungo sa sakayan.
Umasim naman ang mukha niya nang makita ang tiyahin niya na nakatambay sa tindahan ni Aling Nena na si Tiyang Amy. Magkukunwari sana siyang hindi niya napansin ang tiyahin subalit malakas siyang tinawag nito. Napapailing nalang siyang lumapit dito saka nagmano.
"Kailan ka ba mag-aasawa, Audrey? Aba'y, bente-singko ka na. Maiiwanan ka na ng barko. Kita mo ang ate Roxie mo, dalawa na ang anak," bati nito sa kaniya pagkalapit niya.
"Tiyang, ayan na naman kayo e. Una, bente-singko anyos lang ako. Ikalawa, wala akong balak mag-overseas kaya hindi ko kailangang magbarko. Pangatlo, hindi naman ikinayaman ni Ate Roxie ang pag-aasawa niya ng maaga. Wala hong pilitan."
"Sus! Paano ka makakapag-asawa e, ganyan ang ugali mo? Kaya walang magkagusto sa 'yo."
Napairap siya. Kahit kailan talaga, walang magawa itong tiyahin niya. Kung hindi siya sisitahin dahil sa mga isinusuot niya, uusisain naman siya nito tungkol sa pagiginv single niya.
"Tiyang, kaysa problemahin mo ang 'di ko pagkakaroon ng admirer, e unahin mo munang problemahin si April. Sa bahay na naman siya natulog kagabi dahil madaling-araw na umuwi," aniya rito saka walang sabi-sabing umalis.
Ang aga-aga pa pero ang sama na ng timpla ng araw niya. Huwag naman sana pati sa trabaho e, mabwisit siya. Dahil kung hindi, ayaw na niya talaga.
Maliit palang siya, alam na niyang may iba sa kaniya. Madalas, sinasabihan siyang mataray, killjoy, aloof at pinakamasaklap, masama ang ugali. Porke kasi hindi siya sumasama sa mga activities o nagpaparticipate noon sa klase ay aloof na siya. Hindi talaga niya kasi forte ang maaksyong drama.
Kaya nang maghighschool siya o kahit noong nasa kolehiyo siya, wala siyang gaanong naging kaibigan. Hindi siya sa wala siyang kasundo, siguro ay dahil ayaw niyang magkaroon ng kaibigan. Ayaw niya ng kasama. Mas sanay siyang mag-isa. Sa trabaho nga, wala siyang nakakasama. Palagi siyang mag-isa.
Isang bukod-tanging kaibigan lang ang mayroon siya. Si Divine. Kaibigan niya na ito mula pa noong first year college. At hindi na ito nasundan pa. Magkasundo sila ni Divine dahil siguro sa pagkakatulad nila kahit ng kanilang kaarawan.
Dito na ako. Saan ka na?
Basa niya sa text message ni Divine.
Coming. Pababa na ako ng bus.
Reply naman niya.
Sa sobrang close nila, sabay silang nag-apply at natanggap sa Inktel Publishing. Araw-araw ay lagi silang sabay kung pumasok. Naghihintayan at sabay maglalakad patungo sa building na pinapasukan.
Gradweyt si Divine ng MassCom kaya naassign ito sa broadsheet section, habang siya naman ay sa graphics and design na assign. Hindi dahil graduate siya nang may kinalaman sa Art kundi dahil kulang ang tao roon at walang taga-ligpit ng gamit ng artists. Trabahong walang kinalaman sa degree niya na Office Administration. Pero, mainam na ito kaysa wala.
"Audrey, kape!"
"Audrey, pakuha ng supply sa Logistics."
"Audrey, 'pag lumabas ang mga commos for signature, pakipareceive na sa taas."
Kakalapag lang niya sa bag sa mesa, iba't-ibang nagliliparang utos na ang dumapo sa kaniya. Mukhang, umpisa na ng kaniyang araw.
***
February 14, 2015
Valentine's Day; Araw ng mga Puso
Literal.
Hindi na nga tukoy ni Audrey ang okasyon ng araw na iyon dahil sa sobrang abala ng kaniyang maghapon. Kung hindi nga lang siya inaya ni Divine sa Burnett City, hindi niya pa maaalalang Valentine's Day pala.
Ang Burnett City ang central ng Mortown. Naroroon ang malalaking malls at pasyalan ng mga Filipians. Dito ginaganap ang pagdiriwang ng iba't-ibang okasyon sa bansa. Kagaya na lamang ngayong Araw ng mga Puso. May malaking party ang ginaganap sa Burnett. Doon kasi nagtitipon-tipon ang mga kadalagahan at mga binata upang magkadaupang-palad at magkakilanlan. Isang tradisyon na kinalakihan na nilang mga taga-Filipos.
At doon siya dinala ni Divine.
"Pagod na pagod na ako," reklamo niya sa kaibigan.
"Bawal ang magpadala sa pagod, Audrey. Minsan lang naman 'to at kailangan mo ring mag-enjoy paminsan-minsan. Don't worry, nagpaalam ako kay Tita Rosanna."
"Iyon na nga e, mas nag-ienjoy pa akong matulog kaysa maggala e," angil naman niya.
"Ang kj mo talaga," sagot naman ni Divine. "Pero, sige, kakain lang tayo tapos kaunting sight-seeing lang then uuwi na tayo," nakangiting saad nito.
Wala na siyang nagawa kundi ang mapabuntong-hininga nalang at tumango. Nagpaalam na rin naman si Divine sa mama niya. Tatalakan lamang siya nito kapag umuwi siya nang maaga. Wala naman sigurong masama ang huminga minsan.
Hindi akalain ni Audrey ang sobrang dami ng tao sa Burnett City. Hindi lamang mga dalaga at binata kasi ang nandoon. May mga mag-anak din na namamasyal. Idagdag mo pa ang mga tumutugtog na banda, mga nagtatanghal, mayroon ding mga bargain ng samu't-saring mga bilihin. Napili nila ang isang tindahan malapit sa bandang nagtatanghal sa entablado. Umorder si Divine ng makakain nila habang siya naman ay nagreserve na ng mesa nila.
"Isang bucket ng San Mig Light," sigaw ng lalaki sa katabi nilang mesa.
"Sigurado ka ba diyan?" tanong naman ng isa pang lalaking kasama nito.
"Mamaya, darating na si Art, maigi na iyong may maabutan siya kaysa magalit siya sa atin," tugon naman ng naunang lalaki.
Napabuntong-hininga naman siya saka inilibot ang paningin sa paligid.
"May inaasahan ka ba?" tanong ni Divine kasabay nang pag-upo nito sa tapat niya at paglapag ng tray ng mga inorder nito.
Umiling siya rito. "Wala. Naghahanap lang ako ng bakanteng upuan."
Nagtataka naman siyang tiningnan nito. "Bakit? Okay na rito. Malapit tayo sa stage. May fireworks display din mamaya. Mas maganda ang view rito."
Tinapunan niya ng tingin ang katabing mesa kung saan nakapwesto ang dalawang lalaking nag-uusap kanina. Dalawang bucket na ng alak ang nasa mesa ng mga ito. Tiyak siyang kapag nalasing na ang mga ito'y mag-iingay na ang mga ito. Ang masaklap baka magkagulo.
"Tss. 'Wag kang mag-alala. Maraming sekyu rito," bulong ni Divine.
"Baka magkagulo. Mga lasing na yung mga nasa kabilang mesa," aniya.
"Okay lang 'yan. Enjoy lang," paniniguro sa kaniya ni Divine.
Sinulyapan lamang niyang muli ang katabing mesa bago nagsimulang kumain.
Lumalalim na ang gabi. Halatang nag-ienjoy ang mga tao sa kaganapan ng mga sandaling iyon. Makikita ang kasiyahan sa bawat mukha ng bawat isa. Maging si Audrey ay hindi mapigilang mapaindak sa saliw ng musikang tinutugtog ng banda sa entablado. Oo. Lasing na nga yata siya. Napapasigaw na nga rin siya. Kailan niya ba huling naramdaman ang maging masaya? Hindi na niya maalala.
Hindi na niya alintana ang mga nangyayari. Basta siya, masaya siya. Kahit hindi niya alam kung ano ang pamagat ng kantang tumutugtog. Sige lamang siya sa pagtalon, pagsigaw at pagsayaw. Ganoon din ang kaibigan niyang si Divine. Nagkakatawanan na lamang sila kapag sadyang pinagbubunggo ang kanilang mga baywang. Sabay na sisigaw. Sabay na itutungga ang kani-kanilang beer. Literal na silang walang pakialam sa paligid.
Sa sobrang kawalan ng pakiramdam sa paligid, hindi sinasadyang mabuwal si Audrey sa mesa ng katabing mesa nila.
"Aist!" Dinig niyang reklamo ng isang lalaki.
"Hehe." Marahan lang siyang ngumiti rito saka inayos ang sarili, subalit dahil sa kalasingan ay muli siyang nabuwal.
Napatayo ang tatlong lalaki habang ang isa'y pinilit siyang inalalayan. Mabilis namang lumapit si Divine para saluhin siya. Aware siya sa nangyayari, hindi lang niya makontrol ang bigat niya.
"Pasensya na," dispensa ni Divine saka siya pilit na inilalayo sa mga lalaki.
"Iuwi mo na siya. Lasing na siya," ani ng lalaking umalalay sa kaniya.
Hanggang isang insidente ang hindi nila inasahan. Isang nakaunipormeng lalaki ang pumito at itinuro ang gawi nila. Nagtatakang nagkatinginan ang apat na lalaki at maski sina Audrey at Divine ay nagkatinginan na rin.
"Ano na naman ba'ng ginawa n'yo?" Inis na tanong ng isang matangkad na lalaki.
Nagkatinginan ang dalawang lalaki na unang nakita ni Audrey saka magkapanabay na umiling.
"Wala kaming ginawa," tugon ng isa.
"Wala nga ba?" tanong naman ng isa.
Lumapit ang lalaking umalalay kay Audrey sa matangkad na lalaking tila naiinis na sa maaaring maganap. "Kailangan n'yo nang umalis."
"Tss. Takbo!" Sigaw ng isang lalaking kasama nila.
"Ha?" Tanong naman ni Audrey na hindi na namamalayang kanina pa pala pinapanuod ang apat.
"Takbo!" Saad ng isa saka kumaripas ng takbo.
Muling pumito ang nakaunipormeng lalaki at tumakbo na palapit sa kanila. Dala na rin ng kalituhan sa nangyayari ay nakitakbo na rin sina Audrey at Divine kasama ng apat na lalaki sa magkakaibang direksyon na binagtas ng kani-kanilang mga paa.