Chapter Two

2091 Words
"Hah! Grabe! Kapagod!" Sambit niya sa gitna nang paghahabol sa kaniyang sariling hininga si Audrey. Hindi na nga niya nagawang lingunin kung sino ang kasama niyang tumakbo at kung bakit bigla siyang tumakbo.   Kapos ang hininga siyang sumalampak ng upo sa lupa habang pilit na nagtatago sa likod ng mga nakatambak na malaking kutson sa isang maliit na eskinitang kaniyang nilusutan. Pasalampak ding naupo sa kaniyang tabi ang isang lalaki na hinahabol din ang sariling hininga.   "Bakit ka tumakbo?" tanong nito sa kaniya.   "Ewan ko, sabi n'yo takbo e," pabalang niyang sagot.   "Mukhang nawala ang kalasangan mo," anitong muli na ikinairap niya.   "Ano ba'ng ginawa n'yo at hinabol kayo ng guard? May tinakasan kayo no?" tanong niya rito.   "Mapanghusga ka rin e no?" balik-tanong nito na ginaya pa ang kaniyang tono. "Hindi ko alam kung ano ang ginawa nina Jonas. Ang gusto ko lang naman sana e makapunta rito sa Burnett."   "Huh?" Kunot-noo siyang napatingin dito. "Bakit? First time mo bang makapunta rito sa Burnett?"   Ngumiti ito bilang tugon. Napatingin nalang si Audrey sa lalaki. Tagasaan ba ito at first time lang nitong makapunta ng Burnett?   "Matunaw ako niyan," saad nito na halos ikalaglag ng panga niya.   "Hindi ka rin assuming 'no?" banat naman niya.   "I'm Art, by the way." Inilahad ng lalaki ang kamay nito sa kaniya.   "Tsk. Audrey," tugon naman niya kasabay nang pagtanggap niya sa kamay nito.   Matangkad si Art. Siguro, kung pagtatabihin sila, hanggang balikat lang siya. Matangos din ang ilong nito, may singkiting mga mata at maninipis na mga labi. Bumagay dito ang maganda nitong jaw line. Makinis din ang maputi nitong balat na nagsusumigaw na mula ito sa buena familia. Kita rin kasi sa branded nitong suot.   Nasa ganoong tagpo sila nang matagpuan sila ng iba pang kaibigan ni Art.   "Alam mo bang nag-alala kaming baka naligaw ka na?" litanya ng isa sa mga kaibigan ni Art. Natigilan lang ito nang mapansin ang magkahawak nilang mga kamay na kaagad ding binawi ni Audrey kasabay ng kaniyang pagtayo.   Tumayo na rin si Art at hinarap ang mga kaibigan nito. "Bakit ba hinahabol tayo ng guard?" Inis na tanong ni Art sa mga ito.   "Bakit magkasama kayo?" tanong naman ng isa sa mga kaibigan nito.   Napatingin naman siya sa mga ito na parang inaarok kung ano ang magandang dahilan nang pagtakbo rin niya nang mayroon siyang maalala.   "Si Divine? Hindi n'yo kasama?" tanong niya sa tatlong lalaki.   Nagkatingin naman ang tatlo saka magkakasabay na umiling.   "Si Audrey," pagpapakilala ni Art sa kaniya. Naiilang nalang siyang ngumiti. "Si Manex," tukoy niya sa lalaking pinakamaliit sa tatlo. Kulay abo ang buhok nito. "Jonas," tukoy naman nito sa lalaking mukhang masiyahin. Mataas si Art dito ng kaunti. "At Ace," tukoy naman nito sa lalaking kasing-taas ni Art. Ito ang sa palagay ni Audrey ay pinakaseryoso at pinakatahimik. Singkit din ang mga mata nito. Bahagya itong yumuko nang dumako ang mga mata niya rito.   "Sa tingin ko, wala na iyong guard. Kailangan mo nang bumalik ngayon, A-art," ani Ace sa pinakapormal nitong paraan. Parang napakagalang ng lalaking ito.   "Tss. Ang KJ mo talaga, Ace. Minsan ka lang lumabas e," sabad naman ni Manex.   "Maghahating-gabi na rin, pero kailangan n'yong ipalinawag sa akin kung bakit kayo hinabol ng guwardiya. Sa ngayon, ihatid muna natin si Audrey kahit sa sakayan lang," ani Art.   Tiningnan naman siya ng tatlo na parang may kakaibang nangyayari. Bahagya tuloy siyang kinabahan. Subalit, nawala rin iyon nang tumunog ang kaniyang cellular phone.   Si Divine.   "Hello, Dev!" Sambit niya pagkasagot niya sa tawag nito. Dev, ang palayaw ni Divine.   "Gaga ka, nasaan ka ba?"   "Ako pa ang gaga, papunta na ako sa sakayan. Magkita nalang tayo roon?"   "Gege. Ingat."   Hinarap niya ang apat. "Mauuna na ako. Hindi n'yo na rin ako kailangang ihatid." Ngumiti lang siya saka tumalikod nang may pumigil sa kaniya.   Humarap siya kay Art na hawak ang kanang braso niya. "Kailangan ko na ring mauna bago pa malaman nilang umalis ako. Hayaan mong ihatid ka ni Ace."   "Tayo na, Miss Audrey," ani naman ni Ace.   "Huh? Uhhh, s-sige," naguguluhan niyang sagot. Nagpatiuna siyang naglakad palabas ng eskinita habang naiwan naman sina Art, Jonas at Manex. Si Ace naman ay tahimik lang na nakasunod sa kaniya. Nilingon niya ang tatlo at nakita niyang nakatingin pa rin sa kaniya si Art. Bagay na hindi niya maintindihan.   "Pagpasensyahan mo na si Art."   Boring. Iyon ang first impression ni Audrey kay Ace. Akala nga niya ay hindi ito magsasalita hanggang sa makarating sila sa sakayan kaya bahagya siyang nabigla nang magsalita ito.   "Uhh, wala namang dapat ipagpasensya sa kaniya," sagot naman niya.   "First time kasi niyang magpunta rito kaya medyo wirdo ang datingan niya," hayag nito.   Natawa siya. "Saang bundok ba siya galing at parang napag-iiwanan siya ng kabihasnan?" Huminto sa paglalakad si Ace at nang lingunin ito ni Audrey ay seryoso itong nakatingin sa kaniya. "Ahh! Joke! Nagbibiro lang ako," maagap niyang saad. Baka na-offend niya ito.   "Hindi ka maniniwala kapag sinabi ko kung sino siya at kung saan siya nakatira. Mas maigi na kung hindi mo nalang malalaman," sagot naman ni Ace sa kaniya.   "Kung gan'on naman pala, e 'di sana hindi mo nalang binanggit. Tss. Alam mo, pare-pareho kayong magkakaibigan na wirdo," saad niya saka kumaway nang makita si Divine na naghihintay sa waiting shed kung nasaan ang sakayan. Hinarap niya si Ace upang magpaalam. "Anyway, nice meeting you at gan'on na rin sa mga kaibigan mo. Salamat sa paghatid."   Tumikhim lang si Ace saka bahagyang tumango. Iniwan niya ito saka tumakbo patungo kay Divine na sinalubong naman siya ng isang malakas na hampas.   "Aray naman," sambit niya kasabay nang paghimas sa nasaktang braso.   "Gaga ka talaga! Bakit ka tumakbo?"   "Ewan ko, sabi kasi ni Jonas, takbo e. E nawala ako sa sarili ko kaya sumunod ako," natatawa niyang tugon. "Saan ka naman pumunta?"   "Ano'ng saan pumunta? Hindi ako tumakbo 'no!"   "Ano'ng hindi? Sumunod ka kaya sa akin!"   Umirap ito. "Fine. Tumakbo ako ng mga limang counts lang. Na-realize ko kasi kaagad na wala namang dahilan para tumakbo."   "Ow?" reaksiyon niya na napapatango. "Tumakbo ako kasi nalasing ako."   "Mukha namang natanggal ang tama mo sa pagtakbo e. Sino 'yong naghatid sa 'yo?"   "Ahh. Si Ace? Isa siya sa mga nasa kabilang mesa kanina. Nagkasabay kami n'ong friend niyang si Art tapos, ayon."   "Ano'ng ayon?" tanong muli nito.   "Y'on. Yun na yun. Kailangan ba ikuwento ng buo?"   "Naturalmente! Alangang yun na yun," giit nito   "Tss. Yun nga lang yun. Basta nagpresinta lang na ihatid ako. Wala pa bang sasakyan?" tanong niya kasabay nang pagsipat niya sa relos. "Alas dose na."   Ilang sandali lang at dumating na rin ang bus na dadaan sa lugar nila. Isang masayang kaganapan ang nangyari kay Audrey sa araw na iyon. Hindi maikakailang malayo iyon sa pang-araw-araw niyang gawain. Malayo sa nakakasuffocate na opisina. Kagaya ni Art, first time rin niya sigurong nagenjoy ang crowd.   Speaking of Art, alam ni Audrey na imposible na sigurong magkrus muli ang kanilang mga landas.   ***   Thank god it's Friday!   Naghuhumiyaw ang isip ni Audrey sa bagay na iyon. Siyempre, sino ba ang hindi ganadong mabuhay kapag Biyernes? Parang ang bilis naman kasing lumipas ang araw kapag biyernes, hindi gaya ng lunes na parang umaabot yata ng bente-kuwatrong oras ang isang buong maghapon sa sobrang bagal nang pag-usad.   Pinauna niya ang ibang mga kasama bago siya nagtime out. Hindi niya nga lamang kasama si Divine dahil may lakad daw ito. Nagmadali na siyang nagtungo sa sakayan ng bus. At dahil nga Biyernes, maraming tao ang nag-aabang sa sakayan. Sari-sari na nga amoy pagdating niya. Nagugutom na rin pati siya.   Ilang beses na siyang nabalda, natapakan, nasiko at nahipuan dahil sa siksikan sa sakayan hanggang sa loob ng bus. Ni hindi na nga niya halos maigalaw ang sarili dahil sobra na siyang naiipit. Natapat siya sa dalawang lalaking prenteng nakaupo at sa wari niya ay nagtutulog-tulugan lang. Hindi na lang niya iyon pinansin.   Naging maalwan ang sumunod na byahe. May mga ilang nag-alok ng upuan ngunit hindi sa kaniya. Alam na niya iyon. Hanggang makita niya ang isang matandang lalaki na nakatayo rin kagaya niya. Sa tapat nito ay mga estudyanteng nakaupo at ilang mga bata pang pasahero. Kagaya ni Audrey, ilang beses ding nabubunggo at nasisiko ang matanda. May pagkakataon pang nakakabitaw ito sa hawakan sa upuan kapag biglang pumipreno ang bus.   Madalas, kapag ganoon ang senaryo, mas pinipili niyang manahimik nalang. Ayaw niyang mangialam. Ayaw din niyang magmaangas.   Pero ewan niya rin kung bakit tila bigla siyang nagkaroon ng lakas ng loob. Siguro ay dahil sa buong maghapon na iyon, maghapon din siyang walang kibo at nananahimik nalang.   Lumapit siya sa dalawang estudyanteng magnobyo na magkatabing nakaupo sa tapat ng matanda. Nagtatawanan ang mga ito.   "Tss. Iba na talaga ang mga kabataan ngayon. Ano nga ang tawag n'yo sa henerasyon n'yo? Millennials? Hindi n'yo na ba nakikita ang matanda sa gilid n'yo na halos matumba na maibalanse lang ang sarili sa aalog-alog na bus na 'to? Nagagawa n'yo pang magharutan habang ang matanda e kanina pa nahihirapang tumayo rito. Hindi ba kayo nahihiya sa mga sarili n'yo? Nag-aaral kayo pero ang pag-alok lang ng upuan sa nakatatanda, hindi n'yo pa natutunang gawin?" Litanya niya sa dalawang nabigla rin sa kaniya. Oh, kailangan niyang batiin ang sarili sa kabayanihang ginawa niya!   Mukha namang nakuha kaagad ng dalawa ang nais niyang iparating dahil kaagad itong tumayo at inalalayan ang matandang lalaki na maupo sa puwesto ng mga ito. Bilang pasasalamat, nginitian niya ang dalawa. Maski ang matanda ay napangiti sa kaniya.   Tumango nalang siya saka tumingin sa labas ng bintana. Saka lamang niya napansin ang lugar.   "Shemay! Manong, para!" sigaw niya.   'Tss. Ang layo tuloy ng lalakarin ko pabalik. Perks of being pakialamera. Lumalagpas sa ruta.'   Wala siyang nagawa kundi lakarin ang highway na may kalayuan na rin hanggang sa kanto kung saan dapat siya bababa. Madilim pa naman at mangilan-ngilan na lang ang sasakyan at taong nagdaraan. Kailan ba niya huling nagamit ang natutunan niya mula sa tatay niya na self-defense? Kaya pa naman niya siguro.   "Lubos akong nagalak sa iyong ginawa kanina."   "Huh?!" Nilingon niya ang nagsalita.   Natawa naman ang lalaking nakasunod sa kaniya. Inihanda niya ang sarili sakaling bigla siya nitong tutukan ng ice pick at sabihan ng hold up 'to. Sinipat niya ang lalaki. Hindi naman mukhang hold-up'er. Disente nga ito sa suot na black suit. Guwapo rin ito at sa tantiya niya mukhang nasa early forties ang lalaki.   "Ikaw si Audrey Angeles?" tanong nito.   Kunot ang noong tumango siya. "Paano n'yo ako nakilala?" tanong niya.   "Naniniguro lang. Kilala ko ang ama mong si Delfin. Nagtatrabaho siya sa bilang guwardiya sa Palasyo ng Mortown. Ako'y isang Ministro."   "Ahh. Hindi pa po siya umuuwi. Baka sa isang linggo pa."   Natawa ang nagpakilalang Ministro ng Palasyo. "Alam ko. Nagkita na kami kanina lang. Mayroon lamang akong nais makita kaya ako narito. Ikinagagalak kong makilala kita Audrey."   Kunot-noo lamang na nakatingin si Audrey sa lalaki. Hindi niya maintindihan kung bakit ang pormal nitong makipag-usap sa kaniya. Base sa tindig nito at pananamit, mukha naman itong matino at nasa wasto pang pag-iisip. Nalilito lamang siya sa inaasta nito sa kaniya.   "Kung wala naman pong kinalaman sa akin ang dahilan nang pagpunta n'yo rito, mauuna na ho ako," magalang niyang paalam dito.   Ngumiti naman sa kaniya ang lalaki. "Mag-iingat ka na lamang Audrey. Natutuwa rin ako at nagkakapalagayan na kayo ng loob. Hihintayin ko ang pagdating ng itinakda sa loob ng palasyo."   Muli ay naguluhan siya sa tinuran nito. At kahit wala siyang naiintindihan sa mga sinasabi nito, magalang niya pa rin itong iniwan.   "Audrey, ikaw ang babaing nakasaad sa propesiya. Ang babaing nakatakda mapangasawa ng Prinsipe," pahabol na saad nito.   Nilingon niya ito sa bigla. Kababakasan ang litanyang Ano raw? sa kaniyang mukha. Nasisiraan na yata ito ng bait.   "Maaari mong isawalang-bahala ang aking mga tinuran, ngunit hinding-hindi mo mababago ang iyong kapalaran," pahayag nitong muli.   Babaing nakasaad sa propesiya? Propesiya sa Year 2015? Propesiya tungkol sa buhay niya?   Babaing nakatakdang mapangasawa ng Prinsipe? Prinsipe ng Filipos? Siya?   "Weh?"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD