Chapter Six

2085 Words
Naiinis siya. Sobrang naiinis siya. Paano na ngayong nasa kaniya na ang selyadong imbitasyon, hindi, mali, selyadong kautusan ng Hari at ng Prinsipe? Ang Prinsipe. Bakit niya ito sinelyuhan? "Ang kailangan mo lang ay sumunod sa mga ipapagawa nila. Gawin mo lang iyon ng maayos at patas, Audrey," ani ng kaniyang ina nang sumunod ito sa kaniyang kuwarto upang tulungan siyang magbalot ng kaniyang mga gamit. "Bakit nag-iempake ka na, Ma?" tanong niya. "Dahil bukas na bukas ay ipapatawag na ang mga kalahok para sa unang pagsusulit, Audrey," sagot nito. Siya nga. Hindi niya na napansin ang iba pang detalye na nakasulat sa liham. Hindi niya kasi maarok ang nangyayari nang mabasa niya ang linyang nagsasabing kasali siya sa mga pagpipilian. "Paano kapag kunwari, nakasama ako sa Top 6? Tapos, hindi naman ako masasama sa Top 3? E 'di forever na akong alone?" nag-aalala niyang saad. Ngumiti ang kaniyang ina. "Audrey, gawin mo lang ang lahat. Hindi upang manalo, kundi para na rin sa sarili mo. Hindi ko naman hinahangad na sana maging parte ka ng Royal Family. Ang sa akin lang, maging maayos ka sa bawat landas na tatahakin mo." Hindi siya umimik, bagkus ay niyakap niya ang ina saka ito hinalikan sa pisngi. "Gagawin ko po ang lahat." *** "Akala ko ba ayaw mo'ng sumali? Ang ipokrita mo talaga e," bati sa kaniya ni April. Nasa balcon siya ng mga sandaling iyon. Nagpapahangin. Nag-iisip. Madalas, panira ng moment din itong pinsan niya. "Bakit, threatened ka ba sa akin?" tanong niya rito. "No." Buong kumpiyansang sagot nito kasabay ng pag-upo nito sa tapat niyang upuan. "I think, hindi naman ikaw ang magiging kakumpitensya ko roon. Pang-g**o ka lang." Natawa siya. Siya pa talaga ang pang-g**o. Mayroong pribilehiyo ang lahat ng kadalagahan na sumali sa magaganap na pagpili. Siyempre, hindi lang naman para iyon sa mga dalagang mula sa prominenteng mga pamilya lang. Bukas ang palasyo para sa sinuman. Ngunit, iilan lamang ang piling binibigyan ng kautusan upang sumali. Gaya niya. Ang sabi ng kaniyang ama, binigyan din ng imbitasyon ang anak ng Ikalawang Ministro, ang anak ng Heneral, at iba pang mula sa prominenteng pamilya sa negosyo man o sa pulitika. Dalawa lamang silang mula sa middle class. Siya at si Lora na taga-kabilang bayan. Anak ito ng isang tinyente na pinarangalan dahil sa angking katapatan sa serbisyo. Habang siya naman ay dahil lang sa nakasaad sa propesiya na hanggang ngayon, hindi pa rin niya mawari kung bakit siya. "Galingan mo sa exam bukas, cousin. Mas madalas ka pa namang sabit kaysa sa kumpyansang pasado," anito. Nginitian lang niya ang pinsan. Aaminin naman niyang pagdating sa academics, madalas nga ay sabit lang ang mga nagiging scores niya. Minsan naman ay bagsak siyang talaga. Lalo na noong nasa kolehiyo siya. Siguro ay dahil hindi niya alam kung ano ba talaga ang gusto niyang gawin. "Well, goodluck to us." "Goodluck to you, Audrey. Mukhang aasa ka nalang sa swerte." "Alam mo minsan ang sarap mong yakapin sa leeg," aniya, "ng lubid. Matulog ka na ng maaga. Baka ma-late ka pa bukas." Iniwan niya na ito. *** Eksaktong alas ocho ng umaga, nasa bulwagan na ng palasyo ang mga babaing sasabak na sa unang pagsusulit. Hindi inakala ni Audrey na marami pala ang sumali. Mahigit tatlumpo yata silang nandoon. "Sumunod kayo sa akin," ani ng isang lalaki. Kilala iyon ni Audrey. Si Mang Pilo na binati siya sa pamamagitan ng pagtango at simpleng pagngiti. Dinala sila nito sa labas ng palasyo. Napansin niya ang kakaibang pagkilos ng kaniyang mga kasama. Halatang pinipilit ng mga itong maging mayumi sa kilos. Napansin din niya ang pinsan na taas-noo at mayuming naglalakad sa unahan. Parang gusto niya tuloy bumulanghit ng tawa. Nakasunod pa rin sila kay Mang Pilo na umikot sa likod ng palasyo. Tumawid din sila sa tulay. Lingid sa kaalaman ng kaniyang mga kasama, nanggaling na siya roon kahapon. Otomatikong nagawi ang tingin niya sa gusali kung saan niya nakita sina Ace. At nandoon nga ang mga kumag. Well, minus Art. "Ang gugwapo ng mga iskolar," dinig niyang sambit ng mga babaing kasabay niya sa paglalakad. "Lalo na iyong may hawak na libro," sagot naman ng isa na ang tinutukoy ay si Ace. Dinala sila ni Mang Pilo sa isa pang gusali. Nakatayo roon ang isang magandang babae na nasa mahigit singkwenta na ang edad. Kung hindi siya nagkakamali, iyon ang Inang Reyna ng bayan nila. Si Inang Reyna Elisa. "Sila na po ang mga kalahok, Mahal na Inang Reyna," ani ni Mang Pilo. Humarap ito sa kanila. "Batiin ninyo ang Mahal na Inang Reyna." "Magandang Araw po, Mahal na Inang Reyna," nakayuko at sabay-sabay na bati nila. "Pumwesto na kayo sa mga mesang nakalaan sa bawat isa sa inyo," ani ulit ni Mang Pilo. Ewan niya, pero mukhang nawala ang pagiging mayumi ng mga ilang babae dahil nag-unahan ang mga ito sa pag-upo. Akala yata ay first come, first serve ang policy. Nagulat maski ang Inang Reyna sa ikinilos ng ilan. Napapailing nalang siyang umakyat nang makaupo na ang iba. Naupo siya sa unahan sa gawing kanan, katabi ang anak ng Ikalawang Ministro, na sikat sa siyudad. Marami ang umaalalay at kumakausap dito. "Uumpisahan na natin ang unang pagsusulit," ani ng Inang Reyna. Ibinahagi ng alalay nito ang may kakapalan na papel sa bawat isa sa kanila. Nalula siya sa kapal. Kaunti nalang kasing kapal na iyon ng thesis niya noong college. Mukhang babagsak na yata siya sa unang pagsusulit palang. "Tapusin n'yo 'yan sa loob ng tatlong oras," ani ng alalay ng Inang Reyna. "Simulan n'yo na," utos ng Inang Reyna. "Masusunod po, Kamahalan," sabay-sabay na tugon nilang lahat. Lihim siyang napadasal. May mga sandali talagang napapahingi ka nalang ng tulong sa mga dios. *** "Malalaman ninyo ang resulta ng pagsusulit bukas ng umaga," ani ni Mang Pilo. "Magpahinga na muna kayo sa kwartong inilaan para sa inyo. Susunduin kayo ng mga tagasilbi para mananghalian." Inihatid sila ng isang tagasilbi sa kani-kanilang silid. Tig-tatlo at tig-apat ang magkakasa sa iisang silid. Siya, si Lora, April at Max ang magkakasama sa silid. "Mas gusto kong kasama si Francine sa kuwarto," rinig niyang sambit ni Max. Kapag minamalas ka nga naman. Dalawa pang nagpapainit ng ugat niya ang kasama niya sa kuwarto. Si April at Max. Si Max ay kaklase niya noon sa kolehiyo at madalas silang magclash noon. "Oo nga e," sang-ayon naman ni April. At nagkasundo pa talaga ang dalawa. Naiiling nalang siyang humiga sa kama. "Ikaw si Audrey Angeles?" tanong ni Lora. Magkatabi ang kanilang mga kama habang nasa tapat naman sina Max at April. Ngumiti siya rito. "Narinig ko kay Papa ang tungkol sa iyo. Mukhang isa ka sa mga---" "Lora," tumawa siya, "tara, mag-ikot muna tayo." Hinila niya ang babae. Kesehodang maging feeling close siya rito. Baka kung ano pa kasi ang masabi nito. "Hmmmnnn. Lora, hindi kasi nila alam ang tungkol sa akin. Pwedeng atin-atin nalang?" tanong niya rito. "Alam nila Francine ang tungkol sa'yo," sagot nito. "Ah, siguro, kasi 'di ba anak siya ng Ikalawang Ministro?" Ngumiti ito. "Sige, kung yan ang gusto mo, Audrey." And just that, she found a new friend. *** Ilang sandali lang ay tinawag na sila ng tagasilbi upang mananghalian. Hindi siya masyadong nakakain ng maayos dahil kasabay nila sa pagkain sina Inang Reyna Elisa at Reyna Lucia. Mga tila nagbabantay sa kani-kanilang kilos. Ang pinaka napanatili lamang ang kilos ay si Francine at iba pang babaeng mula sa prominenteng pamilya. "Nagustuhan mo ba ang iyong silid, Francine?" tanong ng Reyna kay Francine. Mahinhing ibinaba ni Francine ang kaniyang kubyertos saka pinunasan ng panyo ang kaniyang bibig bago ito nakangiting humarap sa Reyna at nagwika, "opo, Kamahalan. Masyado pong malaki ang silid na ibinigay ninyo para sa akin. Salamat po." "Mabuti naman kung ganoon," saad naman ng Reyna. "Bakit si Francine lang ang tinatanong mo, Reyna? Baka isipin ng mga bata mayroon kang pinapaboran," sambit ng Inang Reyna. "Alam ko namang kumportable silang lahat, Mahal na Inang Reyna. Narinig ko ang ilan na nag-uusap kanina tungkol sa kani-kanilang silid. Mukha namang nagustuhan nilang lahat," katwiran naman ng Reyna. *** "Feeling ko favorite ng Reyna si Francine," ani ng isang babaing kalahok. Kasalukuyan silang nagpapahinga, nagsa-sightseeing, naglilibot sa paligid ng palasyo. Magkasama sila ni Lora na nakaupo sa isang hardin na may mangilan-ngilang mga mesa at upuan. Ang sabi-sabi rito raw madalas magawi si Prinsesa Rheyn, ang kapatid ni Prinsipe Rhys sa babae ng Hari. Nag-aaral sa labas ng palasyo ang Prinsesa kaya wala ito roon ngayon. "Paano'ng hindi e anak siya ng ikalawang Ministro," sagot naman ng isa. "Malakas ang kapit, bes. Kaya tingnan mo, marami ang kumakaibigan sa kaniya," saad naman ng isa pa. Parehas na nilingon nina Audrey at Lora ang kabilang grupo kung saan naroroon si Francine. May mga umaaligid dito habang nagbabasa ng libro. Mayroong tagapaypay. Napapailing nalang siya. Kasama kasing bumubuntot dito ay ang pinsan niyang si April at si Max. "Akala naman nila, matutulungan sila ni Francine na makapasa," saad ni Lora kaya napalingon siya rito. "Maganda lang 'yang si Francine." "May issue kayo?" Natatawa niyang tanong. "Ayoko lang sa kaniya. Kung umasta kasi siya akala mo kung sino e anak lang naman siya ng ikalawang Ministro. Wala naman kasi dapat na paligsahan na magaganap e. Sabi ni Papa, mapilit lang itong si Ministro Isagani. May gusto kasi itong si Francine sa Prinsipe." "Kilala niya ang Prinsipe?" 'di makapaniwalang tanong niya. "Hindi ko alam pero posible raw sabi ni Papa. Gusto lang talaga ni Francine maging Reyna ng Filipos. Pero, ikaw yata ang sinusuportahan ni Ministro Dan." "Ssshh! Huwag kang maingay," saway niya rito. "Ikaw ba, hindi mo ba pinangarap mapabilang sa Royal Family?" Tipid na ngumiti sa kaniya si Lora. "May boyfriend ako." Bahagya siyang nabigla sa rebelasyon nito. "E, bakit ka sumali?" "Kasi kailangan mo ng kasama," deretsong sagot nito na ikinakunot ng noo niya. "Audrey, hindi ganoon kadali ang buhay. Hindi porke ikaw ang itinakda, magiging mabait na rin sa 'yo ang kapalaran. Hindi biro ang pagdadaanan mo rito. Kung mag-isa ka lang, mas lalo ka nilang pahihirapan." "Ano'ng ibig mong sabihin? Dahil sa akin kaya ka nandito?" Tumango ito. "Nakiusap si Ministro Danny kay Papa. Nakiusap sa akin si Papa. Ang gusto lang naman kasi nilang mangyari, matupad ang nakasaad sa propesiya." "Sandali lang, Lora. May pupuntahan lang ako. Mauna ka na sa silid natin." Kailangan itong ipaliwanag ni Ministro Danny sa kaniya. Kaagad siyang dumeretso sa tanggapan nito. Dahil yata sa suot niya kaya hindi na nagtanong pa ang tagabantay kung sino siya nang magtanong siya kung nasa opisina ba nito si Ministro Danny. Kaagad niyang nakita ang matanda sa upuan nito. "Hindi ba dapat ay nagtatrabaho ka? Sayang ang pinasasahod sayo," bati niya rito kasabay nang pag-upo niya sa tapat ng mesa nito. "Kumusta ang exam ng itinakdang prinsesa?" Hindi niya malaman kung may himig pang-aasar ba sa tono nito dahil ganoon na talaga ito magsalita. "Mahirap. Feeling ko, bagsak agad ako," aniya. "Hmmmnn. Sayang naman ang tatak ng Prinsipe kung babagsak ka agad." Masama niya itong tiningnan. "Ginoyo mo 'ko! Akala ko kung ano ang laman ng sobre!" "Kunwari ka pang ayaw mo. Pero nag-aalala ka naman sa exam," panunudyo nito. "Tigilan mo 'ko. May concern lang ako kaya ako naparito," simula niya. "Si Lora, sabi niya nandito raw siya dahil sa akin. Bakit nandamay ka pa?" "Close na pala kayo? Masyadong mabait talaga ang batang iyon." "Kaya nga. Bakit sinali mo pa ang batang iyon sa kalokohan mo?" "Hindi ito isang kalokohan lang, Audrey." Sumeryoso ang tinig nito. "Sa tingin mo ba, basta lang kami pipilit ng babae na ipakasal sa Prinsipe dahil lang gusto namin? Kinabukasan ng bansa ang nakasalalay rito." "At ano naman ang kinalaman ko ro'n? Ano'ng alam ko sa pagpapatakbo ng bansa? Ministro, hindi na umuubra ang propesiya sa panahon ngayon!" "Hindi lang ito tungkol sa propesiya, Audrey." "E, ano? Bakit kasi ayaw n'yo akong deretsahin? Bakit hindi n'yo ipaliwanag sa akin ang lahat?" "Dahil nais din ng Prinsipe na sumali ka." Napahilamos siya ng mukha. "Alam mo, ang dami mong kwento." Naiinis niyang saad. "Hindi pwedeng manalo ang anak ng Ikalawang Ministro, Audrey. Siya lang ang bukod-tanging kakumpetensiya mo sa buong paligsahang ito. Kailangan mo siyang talunin." "Tss. Pulitika na naman 'to," reklamo niya. "Kapag naipanalo mo ito, ipinapangako ko na sasagutin ko lahat ng mga katanungan mo. Kahit na ba ang pinaka itinatagong lihim ng Prinsipe." "Ano'ng mapapala ko sa lihim na iyon?" sarkastiko niyang sagot. "Malaki. Ikaw ang sunod na hihiranging bagong Reyna ng Filipos!"  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD