Dead air.
Iyon ang nangyari matapos niyang sabihin ang linyang nais niyang sabihin sa Hari. Maski ang Ministro at ang Kalihim ay napatingin din sa kaniya. Hanggang sa magkasabay na humalakhak ang dalawa. Masamang tingin ang ipinukol niya sa mga ito.
"Talagang pinahahanga mo kami, Audrey," saad ng Ministro sa gitna ng pagtawa nito.
"Hindi ka basta-basta hihiling sa Hari, Binibini," sabi naman ng Kalihim.
Kumunot ang noo niya sa dalawa. Wala namang nakakatawa sa sinabi niya. Naiiling, hinarap niya ang Hari na noo'y seryoso ang tingin sa kaniya.
"Bigyan mo ako ng maganda at makabuluhang rason kung bakit hindi dapat ikaw ang ipakasal sa Prinsipe," saad ng Hari.
Huminga siya ng malalim. "Una ho, isa lamang akong ordinaryong nilalang. Ano naman ang alam ko sa pagiging Prinsesa? Pangalawa, tamad ho ako. Siyempre, ayaw n'yo naman siguro sa tamad na manugang. Panghuli, hindi ho totoo ang propesiya. 2015 na ho. Hindi na umuubra ang propesiya sa panahon ngayon. Tsaka, hindi nga ako naniniwala sa bibliya e, sa propesiya pa kaya?"
Napatango-tango ang Hari. Napapailing naman ang Ministro. Nakatingin lamang sa kaniya ang Kalihim. Walang umiimik sa tatlo. Siya naman ay napapakurot sa kaniyang palad. Kailangan niyang maramdaman ang sarili baka bigla siyang mawalan ng malay sa kaba sa kaniyang mga pinagsasasabi. Ilang sandali lang ay nagsalita ang Hari.
"Nakakatuwa kang bata, Audrey. Ikinagagalak kung ika'y aking makita ngayong araw. Maaari ka nang ihatid ng Ministro ngayon sa inyo," saad ng Hari na ikinatulala niya. Iyon lang? Ang tanong niya sa sarili.
Tumayo ang Ministro at buong respetong yumukod sa Hari at nagpaalam. "Tayo na, Audrey," anito.
***
"Ano 'yon? Ganoon lang?" tanong niya sa Ministro habang binabagtas nila ang daan palabas ng Palasyo.
"Ano'ng inaasahan mo, Audrey? Pilitin ka ng Hari?" balik tanong nito.
"Eh, hindi naman sa ganoon."
"Isa pa, hindi rin naman sumusunod ang Hari sa anumang nakasaad sa libro. Sadya lang nahahati ang kaniyang desisyon dahil na rin sa pulitiko."
"Ano'ng ibig mong sabihin?" tanong niya.
"Ayaw mong maging itinakda, hindi ba?" balik tanong na naman nito.
Pinili nalang niyang ibahin ang usapan. "Puwede ba akong maglibot muna? Nandito na rin lang ako." Saad niya nang makalabas sila ng palasyo.
"Maaari," may ibinigay ito sa kaniya, "ipakita mo lang ito upang hindi ka hulihin ng mga rumurondang tagabantay. At huwag na huwag kang basta papasok sa mga gusaling makikita mo. Sa labas ka lang maaaring umikot."
"Salamat," nakangiti niyang tugon.
"Hihintayin kita sa bukana."
Marahan lang niyang tinanguan ang Ministro bago sila nagkaniya-kaniya ng daan. Sinimulan niyang ikutin ang paligid ng palasyo. May mangilan-ngilang dumadaan na mga tagasilbi. Mukhang abala ang mga ito.
Kung saan-saan din siya nakakarating. Nakita niya ang solong gusali na may nakalagay na Aklatan sa itaas nito. Gusto niya sanang pasukin nang maalala niya ang bilin ng Ministro. May dalawa pating nagbabantay sa pinto.
Sobra ang higpit ng seguridad sa buong palasyo. Nakakalula.
Sunod ay dumeretso siya sa likurang bahagi kung saan may nakita siyang maliit na tulay patawid ng isang maliit lamang na ilog. Pakurba ang hugis ng tulay na yari sa semento. Kasunod niyon ay isang malawak lamang hardin. At isang tila pahingahan na kubo na hindi naman kubo dahil yari ito sa matitibay na materyales. Saka lamang niya napansin ang lalaking nakaupo sa loob niyon.
"Ace!" tawag niya sa lalaking nagbabasa ng isang libro habang nakaupo sa bukana ng pintuan. Walang pinto ang gusaling iyon. At ang nagsisilbing dingding niyon ay ang disenyong nasa halos bewang lang ng ordinaryong taas ng isang tao.
Kunot noong Ace ang nabungaran niya nang lapitan niya ito. Mukhang nagtataka kung bakit siya naroroon.
"Audrey, remember?" Baka hindi lang siya nito naalala.
"Kilala kita. Ano ang ginagawa mo rito?" tanong nito sa kaniya. Tumayo ito saka siya inimbitahang pumasok. May pabilog na mesa roon kaya naupo sila.
"Ah, nakipagmeet lang ako sa Hari. Basta, mahabang kuwento. Ikaw? Ano'ng ginagawa mo rito?" Sinipat niya ang itsura nito. "Dito ka ba nagtatrabaho? Ano ka rito? Ministro?"
"Hindi. Isa akong ---"
"Scholar." Sabi ng tinig sa kanyang likuran.
"Uy, nandito rin kayo? Aba naman! Scholar ba kayong lahat? Ay, kulang kayo. Si Art?" bati niya sa dalawang dumating. Sina Manex at Jonas.
"Wala siya rito ngayon," sagot ni Kyle. Nagkatinginan pa sina Jonas at Ace.
"Ay ganon? Nag-aaral kayo? Dito mismo?" tanong niya pa rin.
"Parang ganoon," sagot ni Jonas. "Kumusta ka na, Audrey? Nandito ka ba para mag-audition?" Mapanukso ang paraan ng pagngiti nito.
"Audition? Ano'ng audition?" taka niyang tanong.
"Princess picking," sagot ni Kyle.
"Ah! Hindi 'no. Bagkus ay, tumanggi ako," buong pagmamalaki niyang tugon.
Napatingin sa kaniya si Ace. "Bakit?"
"Ano'ng bakit?" Natatawa niyang tanong. "Sino naman ako para maging prinsesa?"
"Iyon ba ang pinag-usapan n'yo ng Hari kanina?" tanong muli ni Ace.
Bagay na ikinabigla naman ng dalawa. "Nakipag-usap ka sa Hari? Kinaya mo?" ani Jonas.
Nagpapalit-palit siya ng tingin sa tatlo. Siguro naman maaari niyang sabihin sa mga ito ang nangyari. Tutal mga tagarito naman ang mga ito.
Ngumiti siya. "Hindi kayo maniniwala pero mayroon kasing propesiya," simula niya subalit kaagad nagreak si Jonas. Maraming reaksiyon ang isang ito.
"Alam mo rin ang propesiya? Bakit? Paano?"
"Patapusin mo kaya muna siya," sagot ni Manex kay Jonas na biglang-bigla sa sinambit niya.
Nginitian niya ang dalawa. "Oo, alam ko ang propesiya kasi sinabi sa akin ni Ministro Dan. Sabi niya, ako raw ang nakasaad sa propesiya."
"Ikaw?" magkakasabay na tanong ng tatlo na ikinatawa niya.
"Yea, ganyan din ang reaksyon ko. Tumanggi ako kasi hindi naman totoo ang propesiya."
"Sinabi mismo ni Ministro Dan na ikaw ang itinakda? Hindi niya ipinaliwanag kung bakit?" tanong ni Jonas.
"Hindi ka naman masyadong obvious na ayaw mo sa akin bilang itinakda. Hindi niya ipinaliwanag pero mukhang may alam ang mga magulang ko sa mga nangyayari, but then, tumanggi na ako, nakausap ko na ang Hari, so sa tingin ko, okay na 'yon."
"Hindi rin naman naniniwala ang Hari sa nakasaad sa aklat, maging ang Prinsipe, ngunit kinukonsidera pa rin ito ng Hari. Mas marami kasi sa Ministro ang naglalayon na ipatupad ang nakasulat dahil may kinalaman ito sa magiging kapalaran ng Prinsipe," ani Ace. Mukhang ito ang pinakamay sense kausap kahit madalas itong tahimik.
"Pero, curious lang ako. Tutal, nandito naman kayo palagi, nakita n'yo na ba ang Prinsipe? Ano'ng itsura niya?"
Nagkatinginan ang tatlo. Si Ace ay kinuha ang libro at muling nagbasa. Sumipol naman si Jonas. Naiiling naman si Manex.
"Siya na nga yata ang pinaka nakakatakot na nilalang sa mundo," sagot nitong ikinasalubong ng kaniyang kilay.
"Huh? Ano'ng ibig mong sabihin?" tanong niya.
"Bugnutin siya lalo kapag hindi nasusunod ang gusto nito. Maloko. Palaging iniisahan ang mga tagabantay nito. At higit sa lahat, pangit iyon," sabi pa ni Manex na ikinatawa nina Jonas at Ace.
"Wow ha! Hindi naman masama loob mo sa kaniya," komento niya.
"Hindi. Sa totoo lang, nakakatawa siya ngayon. Malamang naiinis iyon kung napapakinggan lang niya tayo."
Naalarma siya. Nagpalingon-lingon siya sa paligid. Baka nasa paligid lang ang Prinsipe at naririnig sila. Hindi niya pa nais mawakasan ng buhay.
"Tama na nga ang usapan tungkol sa kaniya. Mamaya, hindi ako makalabas ng buhay dito e."
"Pero, ang Prinsipe rin ang pinakamalungkot na nilalang sa lugar na ito," ani Ace na ikinatahimik naman ng dalawa.
"Huh? E nasa kaniya na nga ang lahat e," sabi niya. "In a way, nakakainggit nga siya."
"Nasa kanya na nga siguro ang lahat, maliban sa isang bagay." Sinalubong niya ng tingin si Ace. "Ang kaniyang kalayaan." Hindi siya nakaimik sa tinuran nito.
"Wala siyang kalayaan. Maski ang pumili ng mapapangasawa nito'y kailangan pang idaan sa proseso kung saan hindi naman siya kasama sa husgado. Ni hindi nga niya nakikita ang buhay sa labas ng kaniyang tinitirhan. Wala siyang ideya sa suliranin ng kaniyang nasasakupan."
Si Ace ay napakalalim na tipo ng lalaki. Hindi malaman ni Audrey pero lihim niyang hinahangaan ang lalaking ito. Hindi nga yata umubra rito ang kasabihang "first impression lasts". Noong una niya itong makilala, akala niya boring ito dahil hindi ito gaanong umiimik. Pero ngayon, masasabi niyang marunong bumasa at makiramdam si Ace. Bukod pa sa matalino itong likas.
Ngumiti siya rito. "Nakakaawa rin siya," tukoy niya sa Prinsipe. "pero, nasa sa kaniya naman iyon kung pipiliin niyang maging ganoon na nakakulong lang. Hindi niya matatagpuan ang kalayaan niya kung hindi niya ihahakbang ang kaniyang paa palabas."
"Madaling sabihin iyon, Audrey. Pero sa lagay ng Prinsipe, wala siyang magawa. Dahil kung mayroon lang, sa tingin mo ba mananatili pa rin siyang nakatago hanggang ngayon?" ani naman ni Kyle.
Nagkibit-balikat siya. "That's his life. Mas marami pa rin ang may mabibigat na pinagdaanan kaysa sa kaniya."
"Sana lang ay makatagpo siya ng babaing tutulungan siya at hindi iyong pupulitikahin lamang siya," saad ni Jonas.
"Ano ba ang magiging proseso?" tanong niyang muli. Na-curious lamang siya.
"Magkakaroon ng tila paligsahan sa pagpili. Lahat ng kadalagahan sa buong bansa maaaring lumahok. Pipiliin hanggang sa mayroong anim na matitira. Tatlo ang mananalo depende sa magiging ranggo nila sa paligsahan at ang tatlo naman ay maninirahan sa magkakalayong probinsya at aalisan ng karapatang magkapag-asawang muli," paliwanag ni Kyle.
"Bakit? Unfair naman yon. Nireject na nga e," komento niya.
"Iyon talaga ang batas noon pa. Pero, may pag-asa naman. Kung halimbawang dalawin sila ng Prinsipe kapag naging Hari na ito. Puwede silang maging babae nito."
"Kabit, ganoon?" Nakangiwi niyang sambit.
"Well, pribilehiyo iyon ng Hari."
"Sa umpisa palang pala'y mayroon na siyang tatlong babae agad.What a privilege!" sarkastiko niyang saad. "Ano'ng klaseng paligsahan naman?" tanong niya.
"Akala ko ba, tumanggi ka na?" tanong ng isang tinig mula sa likuran. Nang lingunin niya'y ang seryosong mukha ni Art ang nakita niya.
"Uy, kumusta?" nakangiti niyang bati subalit seryoso lamang itong naglakad patungo sa likod ni Ace na akmang tatayo pero pinigilan ni Art. Naupo ito sa katapat niyang upuan. Hindi rin nito pinansin ang pangungumusta niya.
"Kung talagang interesado ka, bakit hindi mo subukang sumali?" tanong nito sa kaniya.
"Ayoko dahil ---"
"Kung gayon ay bakit ka pa nagtatanong? Alam mo naman sigurong may mga bagay na hindi dapat alam ng mga sibilyan."
Ibang Art ang kaharap niya ng mga sandaling iyon. Ibang Art na nakausap niya sa labas ng palasyo.
"Pwede namang hindi sagutin ang tanong ko kung bawal talaga e. Hindi mo kailangang magsungit," sagot naman niya. Porke tagalabas siya at iskolar siya ng palasyo e ganoon na ang asta niya? Yabang lang.
"Sa tingin ko ay kanina ka pa hinahanap ni Ministro Dan," sabi lang ni Art. Sinipat niya ng tingin ang tatlo pero tahimik lang ang mga ito sa kani-kanilang binabasa. Mukhang may protocol sa tatlo na manahimik kapag may dalaw si Art. Tss.
"Okay. Aalis na ako." Tumayo na siya. May sasabihin pa sana siya subalit nagbukas na ng libro si Art. Napabuntong-hininga nalang siya at nilisan ang lugar. Nilingon niya pa ng isang beses ang apat subalit abala na ang mga ito sa pagbabasa.
Naabutan niya sa bukana si Ministro Dan. Ihahatid daw muna siya nito sa bahay nila bago ito umuwi sa bahay nito. Muli siyang sumakay sa sasakyang nagsundo sa kaniya kanina.
"Si Art, biglang ang sungit niya kanina," aniya habang nasa biyahe.
"Nakilala mo na pala silang apat," sabi nito.
"Oo, nung minsang pumuslit ang mga ito."
Ngumiti ito. "Ano naman ang tingin mo sa kanilang apat?"
"Okay naman. Mukhang pang-asar si Jonas. Easy-go-lucky. Si Manex naman simple lang. Si Art, masungit. Si Ace," napahinto siya, "matalino."
"Sa kanilang apat, mukhang si Ace ang nagustuhan mo."
"Walang malisya, Ministro," agap niyang sagot.
May iniabot itong isang envelope. Isang mamahaling envelope.
"Ano ito?" tanong niya habang hawak ng envelope.
"Buksan mo kapag nakarating ka na sa bahay n'yo."
"Bakit 'di nalang dito?" Nagtatakang tanong niya rito.
"Dahil malapit na tayo sa inyo." Nakangiting sagot naman nito.
Mas madalas talagang nakakabnormal kausap ang Ministro kaysa seryoso. Ipinarada nito ang kotse sa tapat ng tarangkahan nila.
"Hanggang sa susunod nating pagkikita, Audrey."
"No. Hindi na ito masusundan pa, Ministro Dan," nakangiti niyang sagot pagkababa.
" Let's see," kumaway pa ito sa kaniya bago pinaharurot ang kotse.
Pumasok siya loob ng bahay nila. Naabutan niya ang mga magulang na nasa salas. Mukhang inaasahan na siya ng mga ito. Dumako ang tingin ng ina sa sobreng hawak niya.
"Tinanggap mo?" tanong nito.
"Ang alin?" Tiningnan niya ang sobre. "Ah. Binigay ng Ministro. Baka may lamang cash." Natatawa niyang sabi.
Binuksan niya ang sobre. Isa iyong kautusan na selyado ng Hari at ng Prinsipe.
You are hereby directed to join the picking of the Princess.
Sa kabuuang nakasulat doon, iyon lamang ang rumihistro sa kaniyang isip. Naisahan siya ng Ministro.
It was not a simple letter. It was a royal command.