CALI
Saktong alasnuebe ng umaga ay nakarating kami sa terminal ng Batangas. Nagsibabaan na ang mga tao, huli akong bumaba dahil nasa dulong upuan ako. Anong lugar na kaya ito?
"Ah, excuse po kuya anong lugar na po ito?" Tanong ko sa isa sa mga pasahero na nag-aayos ng gamit dahil bababa na rin siya.
"Nasa Balagtas na tayo otoy, ito laang ang nag-iisang terminal ng mga bus na galing sa mga probinsya, hindi ka pa ga bababa? Saan ga ang iyong tungo?" Sagot nito.
Tagarito siguro siya dahil batangueño ang tono ng pananalita niya.
"Ah, sa ano po, sa Sto. Tomas, Batangas." Nag-aalangan kong sagot.
"Gay-on ga! oh, siya sige ako'y bababa na at sa Lipa pa ang aking tungo ako'y mag-aabang pa ng masasakyan papunta roon." Sabi niya.
Tumango ako sa kanya.
"Sige ho ingat po kayo." At tuluyan na itong bumaba.
Bumaba na rin ako. Nagpasalamat ulit ako kay mamang driver dahil nilibre na niya ang pamasahe ko. Kanina noong sinisingil ako ng konduktor ay sinabi kong wala akong perang pambayad. Nabigla ito at nagtaas ng boses
"Bakit ka sumakay dine kung ika'y walang pamasahe aba'y otoy wala ng libre ngay-on?!" Sabi sa'kin ng konduktor kanina at tonong Batangueño rin siya.
Napahiya ako dahil pinagtitinginan kami ng mga pasahero. Wala na akong nagawa kundi sabihin ang totoo. Para hindi na humaba pa ang usapan.
"Pasensya na po talaga manong wala ho akong kapera-pera dahil p-pinalayas ako ng tatay ko ito lang po ang dala ko." Sagot ko at pinakita ang sakobag na dala.
Napailing siya at tinawag ito ng driver. Napansin ko rin ang pagbubulungan ng mga kasamahan kong pasahero.
"Mario hayaan mo na kakaawa naman yung bata ako na ang sasagot sa kanya." Sabi sa kanya ng driver.
"Salamat po manong driver." Sabi ko.
Tumango lang ito at wala ng nagawa pa ang konduktor. Bumalik ito sa kanyang upuan na pailing-iling ang ulo.
Nagpalinga-linga ako at nakita kong may tindahan sa bandang unahan. Lumakad ako paparoon dahil makikitawag ako pinagtitinginan ako ng mga taong nadadaanan ko dahil siguro sa sakobag na dala-dala ko mukha akong mangangalakal sa paningin nila.
Hindi ko na lang pinansin dahil totoo naman talagang mangangalakal lang ako sa Antique.
"Ate pwede po bang makitawag kahit saglit lang po importante lang?!" Pakiusap ka sa tindera.
Nagdadalawang-isip pa ito bago kinuha ang kanyang cellphone.
"Oh, heto bilisan mo lang ha at pangload ko iyan baka may magpaload." Sabi niya sabay abot sakin ng cellphone.
"Maraming salamat po Ate!" Pagpapasalamat ko sa kanya at dali-daling kinuha ang lukot na papel sa aking bulsa. Tinipa ko ang numerong nakasulat roon at tinawagan.
Isang segundo ang lumipas ay sumagot ito.
"Hello, sino to?" Boses sa kabilang linya.
"Nay, nanay ako to si Cali ang anak niyo!"Naiiyak kong sabi. Dahil na-miss ko ang boses niya.
"Anak! Cali ikaw ba yan anak! Kumusta ka na? Hindi ka ba pinapabayaan ng tatay mo riyan?" Tuluyan ng bumagsak ang mga luha ko. Hindi ko alam kung bakit ang bilis tumulo ng luha ko kapag si tatay ang pinag-uusapan.
"Nay, saka na po tayo mag-usap. Sunduin niyo po ako dito sa Balagtas sa terminal po ng bus nandito po ako. Hintayin ko kayo rito nakitawag lang ako nay." Sabi ko sa kanya.
"Ano? Paano ka napadpad diyan? Sige hintayin mo ako anak." Sagot niya.
"Sige po nay." At binaba ko na ang cellphone at binalik sa tindera.
"Maraming salamat po ulit." Sabi ko.
Tumango ito. Pumunta ako sa bench sa ilalim ng mahogani at umupo. Dito ko na lang hintayin si nanay mabilis niya akong makikita rito.
Makalipas ang tatlong oras na paghihintay ay dumating si nanay at nakita niya ako kaagad.
"Cali anak!" Sinalubong niya kaagad ako ng yakap at mga halik, umiiyak siya at ganun rin ako.
"Nanay, nanay ko! Miss na miss na kita nay!" Sabi ko sa gitna ng pag-iiyakan namin.
"Miss na miss rin kita anak." Halika umuwi na tayo at marami tayong pag-uusapan. Marami akong gustong malaman kung anong nangyari sa inyo sa Antique." Saad niya.
Tumango ako at pinunasan ang mga luhang dumaloy sa pisngi. Sobrang nagpapasalamat ako sa panginoon dahil ginabayan niya ako at hindi pinabayaan. Sobrang saya ko dahil sa wakas ay nagkita na kami ni nanay.
"Salamat po Diyos ko!" usal ko.
Lumakad kami ni nanay habang magkaakbay patungo sa sakayan ng van. Van na lang daw ang sasakyan namin para makarating ng mabilis sa Sto. Tomas dahil sa expresss way ito dadaan.
Nakarating kami sa bahay niya. Maliit lang din ang tinitirhan niya magkarugtong ang kusina at sala at may iisang kwarto nasa labas pa ang banyo.
"Dito ako nangungupahan nak, halika pasok at kumain ka muna dahil sigurado akong pagod ka at galing ka sa mahabang byahe."
"Sige po nay." Sagot ko. Kumain ako dahil sobrang gutom na gutom ako. Yung huling kain ko pa ay yung tirang kanin na binigay ni ate sakin kahapon sa bus.
"Nay sabayan niyo na po ako." Yaya ko sa kanya.
"Sige lang nak kumain ka lang busog pa ako." Tanggi niya.
Pagkatapos kung kumain ay nagbihis ako at narito pa rin sa katawan ko ang mga pasa na gawa ni tatay.
"Cali, Anong nangyari sayo bakit ang dami mong pasa? Saan mo nakuha to anak?!" Nagulat siya sa nakita hinawakan niya ako sa braso at masusing tiningnan.
"Kay tatay ho nay." Maiksi kong tugon.
Bakas sa mukha niya ang pagkabigla.
"Ano? Stinasaktan ka pa rin ng tatay mo anak? Hanggang ngayon?" Tanong niya.
Tumango ako sa kanya.
"Napakawalang-hiya talaga ng taong yon! hayop! Hindi pa rin nagbabago! Sana hindi na lang kita iniwan sa kanya! Napakasinungaling! Nangako siya sakin na hindi ka na niya sasaktan!" Sigaw niya.
Bumuntong hininga ako. Nalulungkot din ako sa nangyari sa pamilya namin.
"Hayaan niyo na po nay tapos na po yon ang mahalaga magkasama na po tayo ngayon. At magsisimula tayo ng bagong buhay."
"Oo nak at babawi ako sayo sa mga panahong wala ako sa tabi mo. Tingnan mo oh binata na ang anak ko ah. May nobya ka na ba?" Biro niya.
"Si nanay talaga, wala ho nay dise-syete pa lang ho ako nay at wala rin ako masyadong kaibigan roon dahil busy ako sa pangangalakal para makakain sa araw-araw."
"Pero nagpapadala ako ng pera sa tatay mo para sa pag-aaral mo labis-labis yon para mangalakal ka pa!" Inis niyang sabi.
"Pinangsasabong at pinang-iinom niya pa rin ho nay. Minsan nagdadala rin ng babae sa bahay kahit alam niyang naroon ako. Tinatakpan ko na lang po ang tenga ko kapag naririnig ko sila sa kwarto. Hinahayaan ko na lang kesa mabugbog pa ako." Malungkot kong sagot.
Niyakap ako ni nanay ng mahigpit alam kung naawa siya sa naging kalagayan ko sa piling ni tatay.
"Hayaan mo anak dahil narito ka na, hindi kita papabayaan pag-aaralin kita dito." Napapaluha niyang sabi.
Niyakap ko rin siya ng mahigpit. Bilang pasasalamat.
Lumipas ang mga araw ay unti-unti kong nakalimutan ang mapait na karanasan sa piling ni tatay. Pinag-enrol ako ni sa isang paaralan sa San-Agustin isa sa mga bayan sa Sto. Tomas. Doon ko rin nakilala si Rico, magkapit-bahay sila ni nanay at sa parehong paaralan kami nag-aaral.
First year High school ako at siya naman ay nasa third year na. Sabay kaming pumapasok at umuuwi galing eskwela. Magkatropa na kami dahil magkasundo kami sa lahat ng bagay pati sa chicks! Joke!