Kabanata 4

1728 Words
Hindi makapaniwala si Eeya na natakasan niya ang tiyak na kamatayan sa kamay ng isang malakas na elemento. Hindi man malinaw sa kanya ang dahilan kung bakit siya hinayaang mabuhay nito ay malaki pa rin ang pasasalamat niya dahil buhay pa rin siya. Buong gabing pabalik balik si Eeya sa tulog at gising. Pakiramdam niya ay babalik ang elemento para tuluyan siyang patayin. Nagising si Eeya na ilang minuto na lang at mag uumpisa na ang kanilang klase. Mabilis pa sa alas-kwarto ay naligo at nagbihis si Eeya. Hindi na niya nagawang makapag almusal o makapagsuklay man lang. Matulin niyang tinakbo ang daan patungo sa kanyang paaralan. Sa bilis niya ay nauunahan pa niya ang mga sasakyang nakakasabay sa daan. Sa kanyang pagliko sa ikalawang kanto bago ang kanyang paaralan ay natigilan ito nang mabungo ang isang tao. “Patawad. Hindi ko sinasadya.” Namula ang kanyang mga pisngi na sa kanyang pagtingala ay napag alaman niyang si Joaquin ang kanyang nabunggo. “J-Joaquin!” Batid ni Eeya na hindi maganda ang kanyang ayos lalo pa’t nagmamadali ito. Agad niyang sinuklay ang kanyang mahabang buhok gamit ang kanyang mga kamay. “Eeya. Magandang umaga. Mukhang nagmamadali ka.” Bahagyang ngumiti si Eeya at umiwas ng tingin sa binata. “Huli na kasi ako sa klase.” “Ganoon ba? Kung gayon ay hindi na kita aabalahin pa.” Malambing ang ngiti na ipinakita ni Joaquin na hindi napigilan ni Eeya na pagmasdan. Bahagyang tumango ang dalaga. “S-sige. Salamat.” Nagpatuloy sa pagtakbo si Eeya patungo sa kanyang paaralan nang maalala niyang maging si Joaquin ay huli na rin sa kanyang klase. Laking pagtataka lamang nito na mukhang hindi nag aalala ang binata. “Sa lahat ng taong makakasalubong ko, si Joaquin pa talaga,” bulong niya sa sarili. “Ganito pa man din ang itsura ko. Nakakahiya!”   Sa wakas ay narating na ni Eeya ang kanilang paaralan. Wala ng ibang estudyante sa labas at alam niyang sermon na naman ang bungad sa kanya sa pagpasok nang huli sa klase. Hangos hangos pa si Eeya nang pumasok sa paaralan nang makita niyang muli si Joaquin. “Paanong nauna pa siya sa akin gayong isa lang naman ang daan papunta rito?” pagtataka niya. Batid niyang imposible iyon dahil iniwan niya si Joaquin dalawang kanto bago ang paaralan. Mabilis siyang tumakbo para agad makarating at imposibleng hindi niya makikita ang binata dahil iisa lamang ang daan patungo roon.   Hindi na pinapasok si Eeya sa kanilang unang klase sapagkat  halos tatlongpung minuto na siyang nahuhuli. Bilang parusa ay pinatayo si Eeya sa labas ng klase. Nasa paaralan man ay hindi pa rin mawaglit sa kanyang isip ang malakas na elementong kanyang nakilala nang nakaraang gabi. Noon pa man ay nais na niyang makakita ng elemento. Buong akala niya ay handa siya sa oras na mangyari iyon ngunit wala siyang nagawa nang makaharap naman ito. Nalagay pa sa alanganin ang kanyang buhay. “Tama bang ganito ang nararamdaman ko? Bakit parang talo na agad ako?” bulong niya sa sarili. Lingid sa kanyang kaalaman ay nakangiti siyang tinatanaw ng nakahalubilong elemento mula sa labas na kung saan nagtatago ito gamit ang kanyang kapangyarihan. Sadyang natutuwa si Isagani sa babaeng mortal na kanyang nakilala. Kaiba ito sa mga babaeng nakikita niya. Sa kabila ng pagiging tagapangalaga ng templo ay wala sa kanya ang mga katangiang dapat nitong taglay.   Sa pagtapos ng unang klase ay nakapasok na rin si Eeya sa kanilang silid-aralan. Alam niyang kailangan niyang makahiram ng kwaderno upang mapag aralan ang leksyon na hindi niya napasukan. Tila ba alam ng isa sa mga kaklase niya ang kailangan nito ay lumapit ito dala ang kanyang kwaderno. “Kailangan mo bang humiram nito?” aniya. Ngumiti si Eeya at kukunin na sana ito nang ilayo ito sa kanya. “Sa isang kundisyon. Ikaw ang maglilinis ng silid pagkatapos ng klase.” May ngisi man ay ngumiti si Eeya. Kailangan niya ang mga iyon at hindi na nito nagawang makatanggi sa kundisyon ng kanyang kaklase. Sa dami ng kailangan niyang isulat ay sa loob na ng silid-aralan kumain ng pananghalian si Eeya. Hindi na bago kay Eeya iyon dahil madalas naman siyang kumain nang mag isa. May mga kaibigan man ay madalang niya lang makasama ang mga ito sa loob ng paaralan. Bagay na ipinagtataka niya ngunit pinipili niyang baliwalain. Sa pagkaabala ni Eeya sa pagkopya sa kwaderno ng kaklase ay hindi niya alam na pinagmamasdan pa rin siya ni Isagani. Sinundan niya ang dalaga hanggang sa paglabas nito sa silid-aralan. Noong una ay inakala niyang makikihalubilo ito sa ibang mag aaral sapagkat nagtungo ito sa paralaruan ngunit laking gulat nito nang umupo lamang si Eeya sa ilalim ng malaking puno saka nagbuklat ng babasahin. “Wala ka bang kaibigan?” bulong ni Isagani na bahagya pang nilingon ang dalaga. Agad na lumayo si Isagani nang lumingo si Eeya. Ginagamit man ni Isagani ang kanyang kapangyarihan upang hindi makita ng iba ay tila ba naramdaman pa rin ng dalaga ang kanyang prisensya. Ninais makita ni Eeya si Joaquin upang sumaya ito kahit kaunti lamang ngunit wala ito sa paligid. Madalas mag isa si Eeya sa loob ng paaralan. Siya na mismo ang umiiwas dahil noon pa man ay tampulan na ito ng tukso sa pagiging tagapangalaga niya sa templo. Walang naniniwala sa kanyang mga paniniwala. Hindi naman sila masisi ni Eeya sapagkat sa tuwing manghihingi ang mga ito ng pruweba na totoo ang mga elemento ay wala itong maipakita. Naging katatawa si Eeya sa buong paaralan dahil sa mga paniniwala niya. Katulad ng bilin ng kanyang lola ay pinapabayaan na lamang niya ang mga ito at siya na mismo ang umiiwas sa gulo.   Abala na si Eeya sa paglilinis ng silid bilang kapalit ng kinopya iyang leksyon sa kamag aral. May kalakihan ang silid kaya kailangan niyang bilisan kung hindi ay aabutin siya ng takip silim. Nakapagwalis na siya at kakatapos lamang sa pagkuskos ng pisara nang sa kanyang pagtalikod ay nakita niyang malinis at maayos na ang mga upuan. Laking gulat niya nang makita ang mga iyon. Alam niyang hindi niya pa nakukuskos ang mga iyon. “Ganito na ba talaga kalinis ang mga ito? Baka hindi ko lang napansin kanina.” May kadiliman ang silid sapagkat patay na ang mga ilaw nang magsimula itong maglinis. Malaking ginhawa sa kanya na maayos at malinis na ang mga upuan  dahil nakabawas ang mga iyon sa kailangan niyang gawin. Niligpit na lamang ni Eeya ang basurang naipon at kanyang inilabas sa likod ng silid-aralan. Natigilan si Eeya nang akmang aalis na sana ito nang makarinig ng boses. Bahagyang sumilip si Eeya sa gilid at doon ay nakita niya si Joqauin na kausap si Mona na isa sa mga kilala babae sa paaralan dahil sa matalino na, maganda pa. Alam ni Eeya na mali ang makinig sa usapan ng iba ngunit si Joqauin ang lalaking kasama ni Mona. Unang tingin pa lang ay malaki na ang kanyang hinala na magtatapat si Mona. Tahimik na lumapit si Eeya at nagtago sa likod ng malaking basura na malapit sa kinaroroonan ng dalawa. “Joaquin, alam kong hindi pa tayo lubos na magkakilala pero nais kong malaman mo na gusto kita. Sana pumayag ka na lumabas kasama ako.” Animo’y nawarak ang puso ni Eeya sa pagtatapat ni Mona kay Joaquin. Halos ipagdasal nito na tumanggi ang binata. Muling sumilip si Eeya dahil biglang tumahimik ang dalawa. “Pasensya ka na, Mona. Malayo pa sa isip ko ang mga ganyang bagay. Maunawaan mo sana.” Nakahinga nang maluwag si Eeya sa naging sagot ni Joaquin. Bagama’t kilala si Mona sa kanyang mga katangian ay hindi nadala si Joaquin sa mga ito. Nagulat man si Mona ay ngumiti pa rin ito. “Bilib ako sa kapatapat mo. Maari pa rin naman tayong maging magkaibigan `di ba?” Malambing niyang ngiti na tinanguhan naman ni Joaquin. Hindi makapaniwala si Eeya na tinanggihan si Mona sa kabila ng mga katangian nito. Bagama’t natuwa ang dalaga sa pagtanggi ni Joaquin ay hindi niya maiwasang maramdaman ang lungkot. “Mabuti pa si Mona kayang magtapat sa taong gusto niya. Samantalang ako, narito nagtatago lang.“ Kahit kailan ay hindi pa nagawa ni Eeya na magtapat sa kanyang nararamdaman. Wala man siyang nagugustuhan sa mga kamag aral ay hindi pa rin niya magawang nasabi sa mga kaklase at mga kaibigan na may mga pagkakataon na sasaktan na ito sa mga katutuwang idinidikit sa pangalan niya. Umuwi si Eeya nang may bigat sa kanyang puso. Hindi niya maintindahan ang nararamdaman sapagkat dapat ay masaya ito dahil sa pagtanggi ni Joaquin kay Mona. Ibig sabihin lamang ay mag pag asa pa ito sa puso ng binata. At upang mawala ang bigat na iyon sa kanyang dibdib ay nagpasya si Eeya na maglinis na lamang na kanyang gawi sa tuwing uuwi sa kanilang templo.   Nagtapat man si Mona kay Joaquin ay wala na iyon sa kanyang isip pag iwan pa lamang niya nito sa paaralan. Tuon ang atensyon ni Joaquin sa kanyang misyon bilang isang babaylan. Nanatili si Joaquin sa isang matandang bahay na ipinagkaloob sa kanya ng mga katulad niyang babaylan upang magawa ang kanyang misyon. Pagbukas pa lamang niya sa malaking pinto na gawa sa kahoy ay sinalubong na siya ng kanyang mga kasamahan. “Maligayang pagbabalik, Ginoo.” Bahagyang yumuko ang marikit na babae habang masaya namang nakangiti ang isang batang lalaki na nakatayo sa kanyang gilid. “Handa na ang hapunan.” “Ginoo! Namatay na naman ang tanim ko halaman! Inupuan na naman kasi ito ni Chacha!” sumbong sa kanya ng batang lalaki na si Nume. Lumipad ang isang puti at maliit na nilalang at kumapit sa braso ni Joaquin. “Hindi ko sinasadya, Ginoo. Maniwala ka.” Pagsusumamo nito. “Paanong hindi sinasadya? Nakita kita! Talagang gusto mong patayin ang halaman ko! Pinaghirapan kong buhayin `to!” Tumakbo si Nume nang muling lumipad si Chacha palayo dahil alam nitong aawayin na naman siya. “Hindi ko nga sinasadya!” Napabuntong hininga na lamang si Joaquin. Sa kabila ng pag aaway ng dalawa ay nasanay na rin ito dahil ganoon lagi ang salubong ng dalawa sa kanya. Tinungo ni Joaquin ang naka pasong bulalak na nalanta na. Sa bahagyang paghawak niya sa nalantang bulalak ay nagkaroon muli ito ng buhay na mas tumingkad pa ang kulay pula nitong mga talulot.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD