Kabanta 1
"Nabuhay ang mga elemento mula sa takot ng mga tao. Magkakaiba ang kanilang hugis at taglay na kapangyarihan. Kaya nilang magpanggap na tao at makihalubilo sa mga ito. At sa bawat isang daang taong lumipas, sa pagtakip ng buwan sa araw. Sama-samang maglalakbay ang mga elemento sa bawat sulok ng mundo na nagbigay takot sa lahat. Hindi nagpadaig ang mga tao sa takot at lagim na dala ng mga ito. Lumaban ang mga katulad nating nangangalaga sa mga templo gamit ang dasal at mga panang may basbas. Matapos ang libu-libong taong pakikipaglaban, tuluyang nawala ang mga elemento at nakapamuhay nang matahimik ang mga tao."
Taimtim na nakaupo ang pitong taong gulang na si Eeya sa tabi ng kanyang lola Esting habang nakatanaw sa kanilang maliit na hardin sa harapan ng templong kanilang pagmamay-ari.
Ilang beses nang narinig ni Eeya ang kuwentong ito mula sa kaniyang lola ngunit nanatili pa ring nagniningning ang kaniyang mga mata sa tuwing matatapos ito.
Hawak ang magkabilang mapuputing pisngi ay hindi napigilan ni Eeya ang tuwang nararamdaman. Napangiti ito. "Gusto ko po talagang makakita ng elemento, Lola! Nakakatuwa po sigurong makakita ng ganoon `di ba po?"
Naniningkit ang maliliit na mata ng kanyang Lola Esting sa galak sa tuwing makikita niya ang apo na nawiwili sa mga elemento. "Nakakatakot din ang mga elemento, Apo. May mga pagkakataon na nakakapanakit ang mga ito."
Nawala ang tuwa sa mukha ni Eeya at bumaliktad ang kanyang nguso. "Ngunit huwag kang mag-aalala, Apo. Ang pamilya natin ay nakatakdang maglingkod sa templo. Taglay natin ang banal na kapangyarihang ipinagkaloob sa atin. Gamitin mo iyon sa pana na ibinigay ko sa 'yo upang malinis mo ang kaluluwa ng masasamang elemento."
Hinawakan ni Lola Esting ang ulo ng apo upang maalis ang takot nito saka siya humugot mula sa bulsa ng kanyang suot na bestida. "Tanggapin mo ito, Apo. Mapangangalagaan ka nito. Huwag mo itong iwawala." Isang parihabang mutya na may pulang tali ang iniabot niya kay Eeya na malugod na tinanggap ng bata.
Lumipas ang labing-isang taon ay tuluyang namaalam ang kanyang Lola Esting. Bagamat labing-walong taong gulang na ay labis pa rin itong ikinalungkot ni Eeya dahil pakiramdam niya ay naiwan siyang mag-isa sa buhay.
Naninirahan sa siyudad ang mga magulang ni Eeya na halos hindi man niya nakakasama. Ang Lola Esting niya na ang kinilala niyang ama't ina.
Lumaking magandang dilag si Eeya at marami na ring mga kalalakihan na kanyang ka-edad ang nangahas na umakyat ng ligaw sa kanya ngunit tuon ang atensyon ng dalaga sa pagsunod sa yapak ng kanyang lola. Nais ni Eeya na maging tapat na tagapaglingkod ng templo.
Kasama ang mga magulang ni Eeya ay hinatid nila ang mga nakiramay matapos ang libing at seremonya. Kapansin-pansin pa rin ang pamumugto sa mga marikit na mata na dalaga.
Lumingon ang kanyang ina na wagis niya. "Sumama ka na lamang sa amin sa siyudad, Eeya."
Sumang-ayon ang kanyang ama. "Maari ka namang bumalik-balik dito paminsan-minsan."
"Patawad po pero nais ko pong manatili rito sa templo." Magkatuon ang dalawang kamay sa kanyang mga hita ay yumuko si Eeya. "Nais ko pong magsilbi sa templo katulad ni Lola."
Hindi naitago ng kanyang ina ang pagkadismaya sa naging desisyon ng kanyang anak. "Eeya, paniniwala lamang ng mga tao tungkol sa mga iyan! Lumang kuwento na napatunayan mo na sa pagdaan ng mga panahon! Hindi mo dapat sinasayang ang kinabukasan mo para sa templong ito!"
"Tama ang iyong ina, Eeya. Magiging mas makabuluhan ang hinaharap mo kung mananatili ka nalang sa siyudad kasama namin."
Huminga nang malalim si Eeya. Hindi man niya magawang tingin sa mga mata ang mga magulang. "Buo na po ang desisyon ko. Sana po maintindihan ninyo."
Humagulgol nang iyak ang kanyang ina na agad namang niyakap ng kanyang asawa. "Iyan ba talaga ang gusto mo?" galit niyang tanong. "Sige! Dumito ka hanggang gusto mo!"
"Mahal, kumalma ka. Emosyonal din ang anak natin ngayon. Kakausapin natin ulit siya sa ibang araw."
Wala ng nagawa pa ang mga magulang ni Eeya kundi ang iwan siya nang mag-isa sa lumang templong kinalakihan niya. Buo na ang desisyon ni Eeya at kahit ano pa ang sabihin nila ay hindi siya papayag na paalisin siya sa templong kinalakihan at minahal niya. Naroon lahat ng mga masasayang alaala niya kasama ang kanyang Lola Esting.
Bagamat marupok na ang ilan sa mga pundasyon ng templo ay napanatili nilang dalawa ang ganda ng istruktura nito. Makaluma man ang mga materyales na ginamit sa paggawa ng templo ay nanatiling matatag ang pangunahing silid nito sa paglipas ng maraming panahon.
Nagluluksa at nangungulila man si Eeya sa pagkawala ng kanyang lola ay pinanatili niyang matatag ang loob nang muling harapin ang templo. "Simula ngayon, ako na ang mangangalaga sa templong ito. Makakaasa ka, Lola na hinding-hindi ko ito pababayaan."
Upang mawala kahit man lang panandalian ang bigat ng puso ng dalaga ay nagsimula siyang maglinis sa paligid ng templo. Madalas magwalis ang kanyang Lola Esting sa labas ng templo dahil sa patuloy na paglalagas ng kulay lilang mga bulaklak ng puno ng Banaba na nakapalibot doon.
Suot pa ang bestidang regalo ng kanyang lola sa kanyang ikalabing-walong kaarawan ay sinimulan ni Eeya ang pagwawalis. Hindi nagtagal ay natapos niya iyon at isinunod niya ang pagkuskos sa sahig at mga kagamitan sa loob ng templo. Tila hindi nakakaramdam ng pagod si Eeya hanggang sa sumapit ang gabi.
Malungkot na umupo sa hapag-kainan si Eeya. Hindi sukat akalain na sa gabing iyon ay mag-isa siyang kakain ng hapunan. Nakakabingi ang katahimikan sa paligid na hindi niya nakasanayan dahil madalas napupuno ng mga halakhak ang hapag-kainan sa tuwing kasama niya ang kanyang lola.
May bahid ng pagsisisi sa puso ni Eeya dahil hindi niya napansin na may iniinda na pa lang sakit ang kaniyang Lola Esting. Bagamat alam niyang sinadya iyon ng matanda upang hindi mag-aalala sa kanya ay labis pa rin siyang nagsisisi.
Binitawan niya ang hawak na kutsara sa mesa upang pahirin ang luhang muling kumawala mula sa kanyang mga mata. "Kung nalaman ko lang sana nang maaga ay naalagaan ko pa sana ang lola nang mas maayos."
Hindi alam ni Eeya kung magagawa ba niyang magampanan nang mag-isa ang araw ng paghahandog na nalalapit ng sumapit. Kahit pa alam na niya ang lahat ng gagawin dahil naituro na iyon sa kanyang ng kanyang lola ay hindi niya maiwasan ang mangamba.