Kabanata 3

1451 Words
Suot ang magarang damit na sadyang sa espesyal na sa pagdiriwang lamang inilalabas ay taimtim na nag-ensayo ng sayaw si Eeya sa harapan ng templo. Marami pa rin naman ang nagdarasal sa kanilang templo kaya kailangan niyang magawa iyon nang maayos.   Nang sa kalagitnaan ng kanyang pagsasayaw ay nakarinig siya ng pagpalakpak sa hindi kalayuan.   "Hindi ko inaasahan na may tagapangalaga pa ang abandonadong templong ito. Nakatutuwa."   Sa paglabas ng taong pumapakpak mula sa matataas na halaman ay tumambad kay Eeya ang isang lalaking may mahabang buhok. Magara ang kanyang suot na makalumang kasuotan na siyang isinusuot ng lahat para sa pagdiriwang. Ngunit kaiba iyon sa pakiramdam ni Eeya.   "Sino ka?"   Maliit lamang ang probinsya nila kaya kilala ni Eeya ang mga taong naninirahan dito ngunit ang lalaking nasa kanyang harapan ay ngayon lamang niya nakita.   "Napadaan lang ako." Mabilis na tumalikod ang lalaki at naglakad palayo.   Ngunit iba ang nararamdaman ni Eeya. May kung anong kumalabit sa kanya upang pigilan ang lalaki. "Sandali lang!"   Ngunit hindi tumigil ang lalaki at nagpatuloy pa rin sa kanyang paglayo. Agad na sumunod si Eeya, hindi niya inalis ang tingin sa malapad na likod ng misteryosong lalaki.   "Paumanhin sa magiging tanong ko, pero..." Tumigil ang lalaki sa pagkakatong iyon at bumaling ng tingin sa kanya. "Hindi ka tao, `di ba?" Napalunok si Eeya. Alam niyang sensitibo ang kanyang naging tanong ngunit hindi siya mapakali kung hindi niya iyon masasabi. "Isa kang elemento?"   Ngumiti ang lalaki at tuluyang humarap sa kanya. Agad na nakita ng lalaki ang suot na mutya ni Eeya. Kailangan niyang maging mapagmasid sa mga nakakahalubilong tao dahil alam niyang sa kabila ng makabagong panahon ay may mga iilan pa ring naniniwala na may buhay pang katulad niya.   Tumaas ang isang kilay ng lalaki. Bakas sa kanyang mukha ang pagkamangha sa taglay na pakiramdam ng dalaga sa isang katulad niya. Ngunit naawa ito dahil hindi magsisilbi sa kanya ang mutyang suot ng dalaga.   Sa hindi kalayuan ay mag dalawang babaeng kamag-aral ni Eeya na nagmamadaling makarating sa sentro ng pagdiriwang upang marating nila ang magandang puwesto upang pagmasdan ang mga paputok.   Masuwerte si Eeya na may dumating na ibang tao. Nagdesisyon ang lalaki na iwan si Eeya upang maiwasan na makita siya ng mga babaeng dumating. Ngunit bago pa man tuluyang umalis ay bigla na lamang nakalapit ang lalaki sa mukha ni Eeya. Hindi iyon maintindihan ng dalaga sapagkat malayo ito nang kausapin niya.   "Maganda ang mga maputok ngayong gabi. Pagmasdan mong mabuti." Babala nito bago tuluyang naglaho.   Naiwang tulala si Eeya sa naiwang bakas ng usok mula sa lalaki. Nakita siya ng dalawang kamag-aral na tinawanan pa siya. "Anong ginagawa mo sa gitna ng gubat, Eeya? May ka-date ka bang elemento?" Kapwa humagikgk ang dalawa.   "Tigilan mo nga `yan! Wala ng elemento sa panahon ngayon!" Takot na wika ng kanyang kasama.   "Pa`no naman kasi itong si Eeya nagpapaniwala pa rin sa mga elemento kahit pa siya mismo wala pang nakikita `di ba?  Guniguni lang pala `yong ka-date niya!" Tumatawang umalis ang dalawang babae.   "P-papunta ako... Gusto ko lang makita ang mga paputok." Sumagot man si Eeya ay wala ng nakakarinig sa kanya. "Babalik nalang ako."   Hindi nagagawa ni Eeya na maipagtanggol ang sarili sa mga ganoong sitwasyon. Totoo na wala pa siyang nakikitang elemento at lahat ng alam niya ay naringi lang niya mula sa kanyang lola.   Marami sa kanyang mga kamag-aral ang ginagawa siyang katatawanan dahil sa mga paniniwala niya. Ngunit hinabilinan siya ng kanyang lola na huwag na lang silang pansinin dahil lahat ng tao ay may kanya-kanyang paniniwala.   Hindi alam ni Eeya na sa kanyang pagbabalik sa templo ay hindi pa tuluyang nawala ang lalaki at nanatili lamang sa paligid upang pagmasdan siya. Bilang isang elemento ay kailangan niyang masiguradong hindi magsasalita ang babae tungkol sa kanya dahil kung hindi ay kakailanganin niyang patayin ito.     Hindi na nagawa ni Eeya na makita pa ang mga paputok. Nawalan na siya ng gana dahil sa pinagtawanan lamang siya ng dalawa niyang kamag-aral. Ngunit liban pa roon ay hindi mawala sa kanyang isipan ang lalaking nakita. Ngayon ay tiyak na siya na hindi tao ang lalaking iyon. Nawala na lang iyon bigla sa kanyang harapan. Tanging elemento lamang ang makakagawa noon.   Kakatapos lamang magbabad ni Eeya sa bukal na nasa loob ng kanilang templo. Tumayo si Eeya mula sa mainit-init na tubig at nagtapis ng puting tuwalya.   "Tama si Lola. May mga elemento ngang umaaligid sa mundo pero... malayo ang itsura ng lalaking iyon mula sa mga kwento ni Lola."   Tanging mga nakakatakot na itsura ng mga elemento ang alam ni Eeya. Mga duguan, mahahaba ang leeg, matatalim ang mga kuko, nanlilisik ang mga mata, at kung anu-ano pang nakakatakot na paglalarawan ang alam niya.   Ngunit ang lalaking elementong nakita niya ay may maamong mukha. Alam niyang mali ngunit nais niyang makita ulit ang elemento.   Sa paglakad palayo ni Eeya sa bukal ay nakaramdam siya ng tila ba mayroong nagmamasid sa kanya. Hindi nagkamali si Eeya dahil bigla na lamang bumukas ang pinto at iniluwa niyon ang lalaking elemento.   "Nagkita tayong muli, Binibini."   Mariin ang tingin ng lalaking elemento sa kanya. Agad na tinakpan ni Eeya ang kanyang dibdib. "H-Huwag kang tumingin!"   Bahagyang nagtaka ang elemento. "Bakit?"   "Hindi ka ba nakakaintindi?" Lalong hinigpitan ni Eeya ang pagkakahawak niya sa tuwalyang tanging suot niya.   Umiling ang lalaki. "Hindi ko maintindihan. Pwede kong makita ang ibang mga nilalang sa mundo pero hindi kita pwedeng tignan?"   "A-Anong klasing pagdadahilan iyan?" sigaw ni Eeya.   Nagwaswas ang tubig mula sa bukal sa mabilis na paglipad ng lalaking elemento patungo kay Eeya. Mahigpit niyang hinawakan ang batok nito gamit ang kanyang kamay na may matutulis na mga kuko.   "Wala ka posisyon para magsalita sa akin nang ganyan. Bilang isa kang tao at isa akong elemento, hindi ako makakapayag na manatili sa isip mo ang tunay kong katauhan. Narito ako para patayin ka."   Napalunok na lamang si Eeya. Malakas ang pakiramdam niyang hindi sapat ang mutya na meron siya para mabasbasan ang elementong may hawak sa kanya. Isa na lamang ang paraan na alam niya at iyon ay ang sumuko.   "H-Hayaan mo muna akong makapagbihis. Tatanggapin ko ang hatol mo."   Hindi inaasahan ng elemento ang naging desisyon ni Eeya. Lalo itong humanga sa kanya. Tuluyang binitwan ng elemento ang mahigpit niyang pagkakahawak kay Eeya. "Wala ka na rin namang takas."   Hinayaan ng elemento na makapagbihis si Eeya. Sumunod ito sa kanya sa isa pang silid. Nang makapagbihis ay lumuhod si Eeya sa harapan ng elemento. Inilapad niya ang dalawang kamay upang tanggapin ang hatol ng elemento sa kanya.   "Gawin mo na."   Noong una ay inisip ng elemento na baka panlilinlang lamang iyon sa kanya ng dalaga ngunit nang makita niya itong lumuhod sa kanyang harapan ay napagtanto niyang seryoso ito na tanggapin ang kanyang kamatayan.   Lumuhod ang elemento at hinawakan ang sa panga ang dalaga upang iangat ito at kanyang mapagmasdan. "Mukhang handa ka ng mamatay. Hindi ka man lang ba lalaban?"   "Alam kong malakas kang elemento. Walang kwenta ang mutya ko at hindi kita matatalo." Lakas loob na wika ni Eeya.   Bagamat matapang ang kanyang postura sa panlabas ay nanlalambot ito sa kanyang kaloob-looban.   "Malayo ang templo sa mga kabahayan. Ako lang ang nakatira rito at kahit anong pagsigaw ang gawin ko ay tiyak na walang makakarinig sa akin."   Lumakad ang kamay ng elemento sa leeg ni Eeya. Alam niyang isinuot nito ang mutya. Ngunit katulad ng hinala ng dalaga ay wala iyong epekto sa kanya. Malayang nahawakan  ng lalaki ang mutya. Panandalian lamang itong umilaw ngunit nawala rin kalaunan. Hinablot nito ang mutya at kuyumos.   "Mahusay. Naiintindihan mo ang sitwasyon mo at kalmado ka sa pagharap sa kamatayan."   Bumaling sa gilid si Eeya upang iwasan ang muling paghawak ng elemento sa kanyang mukha. "Hindi ako kalmado at ayoko pang mamatay. Kung makikiusap ba ako, hahayaan mo ba akong mabuhay?"   Umayos nang tayo ang elemento nang may ngisi sa mga labi. "Isa kang tagapangala ng templo pero nakikiusap ka sa isang elemento para sa buhay mo? Nasaan ang dignidad mo?"   Hindi nagpadaig si Eeya. "Maaari akong mabuhay muli bilang isang elemento matapos mo akong patayin at sa oras na mangyari iyon ay magkakaroon ako ng sapat na lakas at kapangyarihan para kalabanin ka."   Humalukipkip ang elemento at nanatiling nakatitig sa mga matatapang na mata ni Eeya. "Natutuwa ako sa `yo. Anong pangalan mo?"   "Eeya. Eeya ang pangalan ko."   Umigting ang mga panga ng elemento. Hindi nagtagal ay itinapon niya pabalik kay Eeya ang mutya na agad namang sinalo ng dalaga.   "Ako si Isagani."   Tuluyang lumabas at umalis ang elemento matapos magpakilala. Nanlambot ang buong katawan ni Eeya nang makaalis ang elemento. Hindi siya makapaniwala na ligtas pa rin siya matapos makasalamuha ng isang malakas na elemento.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD