Kabanata 5

1836 Words
Suot ang mahabang puting baro ay umupo si Joaquin sa hapag kung saan nakahanda na ang pagkain na inihanda ni Lyxa. Inaayos ni Lyxa ang pagkain na kanyang inilalagay sa plato ng kanyang amo. “Nagkamali ba tayo sa pagkaintindi sa banal na libro? Ilang linggo na tayong narito ngunit magpahanggang ngayon ay wala pa ring elemento.” “Sa palagay ko ay tama ang banal na libro. May naninirahang malakas na elemento sa lugar na ito. Ang hindi ko lang maintindihan ay kung paano nila nagagawang magtago.” Kumuha ng piniritong baboy si Joaquin na kanyang isinawsaw sa toyo bago kainin. “Nararamdaman ko nang malapit ko ng malaman ang misteryo sa bayan na ito. May nakilala akong  babaneg tagapangalaga ng templo. Mayroon siyang banal na kapangyarihan.” “Isang babae?” Bahagyang tumaas ang kilay ni Lyxa.  Hindi niya mawari kung ano ba ang pumitik na kirot sa kanyang dibdib. Narinig lamang niyang may nakilalang ibang babae ang kanyang amo ay nagkaganoon na ang kanyang pakiramdam.   Inabot na ng gabi si Eeya sa pagwawalis sa dami ng nalagas ng dahon. Panahon na ng paglalagas kaya hindi na nagtaka si Eeya. Ngunit sa kanyang pagwawalis ay may nakita itong kakaibang dahon na siyang nalagas sa puno kung saan ito malapit. "Magandang gabi, Binibini." Sa itaas ng puno ay nakita niya ang elementong kanyang nakadaupang palad. Ang kinang ng buwan sa kanyang likuran ay nagpaningning sa kanyang matipid na ngiti kay Eeya. "Bakit mo pa tinanong ang pangalan ko kung binibini lang din pala ang itatawag mo sa akin?" pagsusungit ni Eeya. Lumawak ang ngiti sa labi ng elemento. Talagang natutuwa ito sa lakas ng loob na ipinapakita sa kanya ng dalaga. Mula sa itaas ng puno ay marahang bumaba ang elementong si Isagani gamit ang kanyang kapangyarihan. "Nais ko lang ibigay ang pangalan ko sa iyo." Nagpumewang si Eeya nang maramdamang muli ang inis sa elemento. "Ano ba namang klaseng pakikitungo iyan? Ganyan ba talaga ang mga elemento?" Ngumiti si Isagani nang makalapag ito sa lupa. May katangkaran ang elemento kumpara kay Eeya kaya naman nakatingala pa rin ang dalaga sa kanya. "Bakit ka ba narito? Tatapusin mo na ba ako ngayon?" Lakas loob na sabi ni Eeya. Malakas lamang ang loob niya sapagkat sa pagkakataong iyon ay handa siya. Nakasukbit ang banal na pana sa kanyang likuran na kanyang kinuha at agad na ikinasa. Makinang ang dulong talim nito hindi lamang dahil iyon ay gawa sa pilak kundi dahil pinaghandaan ni Eeya ang pagbabalik ng elemento. Dinasalan niya ito upang lumakas ang banal na kapangyarihang nakapaloob rito. "Hindi na ako papayag sa gusto mo ngayon!" Matikas man ang tindig ng dalaga ay basang basa naman ni Isagani na malakas ang kaba nito sa dibdib. Walang anu ano ay humakbang si Isagani at sa pagdampi lamang ng dulo ng kanyang daliri sa palaso ay naputol ito. "Talaga ba?" Ngumisi si Isagani at sa dalang takot nito kay Eeya ay napaurong ang dalaga hanggang sa matigilan ito nang masandal siya sa puno. Ang kaba sa dibdib ni Eeya ay lalong nabalot ng takot sa malapitang pagharap ng elemento sa kanya. "Wala pa naman akong balak na patayin ka sa ngayon. Mas nanaig ang kuryosidad ko sa iyo." Napalunok na lamang si Eeya nang maramdaman ang paglapit ni Isagani sa kanyang mukha. Batid niya ang panganib sa pagharap sa malakas na elementong katulad niya ngunit iba ang kiliti na kumabid sa kanya sa paglapit ni Isagani sa kanyang mukha. Kaiba ang pakiramdam na iyon na sa pagkabigla ay lumipad ang kanyang kamay patungo sa pisngi ng elemento. Gayunman ay agad na nakaiwas si Isagani saka sinangga ang kamay ng dalawa gamit ang kanyang braso saka pa ito ngumiti. "Malamang ay hindi mo alam na sa oras na makita ng isang mortal ang isang elemento ay kailangan niya itong patayin. Kung hindi man ay kailangan niya itong bantayan upang masigurado ang kanyang pananahimik hanggang  kamatayan." Marahang inilapit ni Isagani ang kanyang kamay sa mukha ni Eeya. "At pinili ko ang pangalawa." Agad na ikinilig ni Eeya ang mukha upang iwasan ang kamay ng elemento. "Hindi mo na ako kailangang bantayan. Sinisigurado ko sa 'yo na hindi ko ipagsasabi ang katauhan mo." Humakbang paurong si Isagani nang alalahanin ang kanyang nasaksihan sa paaralan ni Eeya. "Base sa nakita ko ngayong araw ay wala ka namang nakakausap. Siguradong mahihirapan kang makahanap ng pagsasabihan tungkol sa akin." Tila ba tinarak ang puso ni Eeya sa katotohanang narinig niya mula kay Isagani. Hindi maitago sa kanyang mukha ang hiya na ikinatuwa ng elemento. "A-anong sinabi mo? Paano mong? Sinusundan mo ako?!" Humalukipkip si Isagani. "Oo. Buong araw akong nagmasid sa 'yo." "B-Buong araw?" Hindi maiwasan ni Eeya na isipin na maging sa paggamit niya sa palikuran ay nakamasid si Isagani sa kanya. Tinakpan niya ang kanyang palda. "Manyak! Bastos! Imoral!" "Hindi ko alam kung ano ang nasa isip mo para magalit ka nang ganyan." Tumalikod si Isagani at bago ito tuluyang naglaho ay muling naglagas ang mga puno. Muling napuno ng mga nalagas na dahon ang paligid ng templo na katatapos lamang niyang nilinis. Hindi magawang iwan ni Eeya nang ganoon kakalat ang templo. Sa kabila ng kalaliman ng gabi ay nilinis niyang muli ang mga nagkalat na dahon dahilan upang hindi niya magawa ang kanyang takdang aralin. Halos apat na oras lamang ang tulog ni Eeya at pinilit niyang magising nang maaga para sa paaralan na lamang gawin ang kanyang takdang aralin. Gayunpaman ay maraming tanong ang kanyang hindi nasagot at ang iba naman sa kanyang nasagutan ay mali pa. Alam ni Eeya na hindi siya matalino tulad ng iba. Mababa ang mga markha niya. Nais niyang mag aral pa nang mas mabuti para tumaas ang mga markha niya. Batid niyang maaaring ipatawag ang kanyang mga magulang  at iniiwasan niya iyong mangyari dahil abala iyon para sa kanila. Nakiusap siya sa kanyang guro na bigyan pa ng oras at nangako itong ipapasa ang kanyang takdang aralin bago matapos ang araw. Alam ng kanyang guro na abala si Eeya sa pagpapalakad ng templo nang mag isa kaya pumayag ito at binigyan siya ng pag-asa. Nasusing nakinig at nagsulat si Eeya sa kanyang mga klase sa umaga at pagsapit ng tanghalian ay hindi na ito kumain matapos lamang ang ipinangako niya sa kanyang guro. Nagkalat ang mga libro sa kanyang maliit na mesa. Mag isa na lamang siya sa silid aralan habang ang kanyang mga kamag aral ay tapos na pagkain at nagsasaya na sa labas. “Eeya!” Halos napalundag si Eeya nang sumulpot na lamang si Rea sa may bintana ng kanyang silid aralan. “Hindi ka ba kakain?” “Mamaya na. Malapit na akong matapos,” ani Eeya na nagpatuloy sa pagsulat. Humaba ang leeg ni Rea sa pagsilip sa ginagawa ni Eeya. “Hindi ka na naman nakapagpasa ng takdang aralin `no?” Hindi na sumagot si Eeya sapagkat kinailangan niyang intindihin ang tanong nang masagot niya ito nang maayos. Kaibigan man ang turing ni Eeya kay Rea ay taliwas naman iyon sa tunay na damdamin ni Rea. Mga bata pa lamang ay inis na inis na ito kay Eeya lalo na sa tuwing magkasama sila ng kanyang lola. Sinubukan niya noon na mapalapit kay Eeya upang mapalapit rin siya sa kanyang lola ngunit iba pa rin ang naging turing nito sa kanya. Kinaibigan man niya ito ay iba naman ang kanyang hangarin, at iyon ay ang gawing miserable ang buhay eskwela ni Eeya na kung saan kayang kaya niyang gawin ang kanyang nais. Nagsibalikan na ang mga kamag aral ni Eeya nang bumalik ito sa silid aralan matapos maghilamos at uminom ng tubig. Hindi na nakakain pa si Eeya dahil kinailangan niyang muling siguruhin na tama ang mga sagot niya. Hindi na siya maaaring magkamali. Ayaw na niyang mapahiya sa klase. Handa na si Eeya sa muling pagpasok ng kanyang guro. Alam niyang siya ang unang tatawagin nito para malaman kung natapos na niya ang ipinangako. “Eeya.” Pagkarinig pa lang ni Eeya sa kanyang pangalan ay binuksan na niya ang kanyang gamit para hanapin ang ibigay ang kanyang takdang aralin. “Tapos ka na sa takdang aralin mo?” Unti unting nawala ang lakas ng loob ni Eeya nang hindi niya mahanap ang kanyang kwaderno. Inalis na niya ang lahat ng laman ng kanyang kustal ngunit wala iyon doon. “N-Nawawala po.” Dismayado ang kanyang guro. Hindi ito maniniwala kay Eeya. “Hindi mo na naman ginagawa, Eeya. Paulit ulit na lang ang parusang ibinibigay ko sa `yo. Siguro sa susunod kailangan ay mas mabigat na. Hala, sige! Lumabas at tumayo ka sa may pintuan.” “P-Pero ginawa ko po talaga. Natapos ko na po iyon pero wala ito sa mga gamit ko.” Muling inisa isa ni Eeya ang mga gamit niyang nasa mesa at nasa sahig na. “Tumigil ka na. Hindi mo natapos ang takdang aralin mo,” giit ng kanyagng guro. “Natapos ko po. Hindi po ako nagsisinungaling.” “Hindi sa hindi ako naniniwala sa `yo. Pero sa estado mo sa klase at sa paaralang ito, paano ako makukumbinsi? Hindi ka nag aaral nang mabuti. Mas pinagtutuunan mo nang pansin ang templo at mga elementong pinaniniwalaan mo. Malaking problema ito, Eeya hindi lamang ngayon kundi maging para sa hinaharap mo.” Napayuko na lamang si Eeya sa lungkot at hiyang nararamdaman. Madalas man siyang mapagalitan at mapahiya sa klase ngunit iba ang sitwasyon ngayon dahil pinaghirapan niyang gawin ang takdang aralin para matuwa ang kanyang guro.  Sandali lang siyang lumabas ng klase at alam niyang iniwan niya iyon sa kanyang gamit at sa kanyang pagbalik ay nawala na lang iyon bigla. “H-Hindi ko po talaga alam ang nangyari. Nandito lang po--” “Ganyan ba talaga humawakan ng ganitong sitwasyon ang mga guro rito?” Napalingon na lamang ang lahat sa lalaking nagbukas ng pinto ng silid aralan. Doon ay nakatayo ang isang binatang may katangkaran at mahabang buhok. “S-Sino ka? At anong karapatan mong kwestyunin ang pamamalakad ko sa klase ko?!” sigaw ng guro. “Isagani?” bulong ni Eeya. Iba ang pananamit ng elemento. Normal ang suot niyang damit at hindi mahahaba ang kanyang mga kuko. Laking pagtataka niya na nakikita siya ng lahat. “Pumunta lang ako rito para ihatid ito.” Unang tingin pa lang sa hawak na kwaderno ni Isagani ay alam na ni Eeya na iyon ang nawawalang takdang aralin niya. “Hindi mo ba papansinin na ginugulan ng oras ni Eeya ang paggawa sa tambak na takdang aralin na ibinigay mo? Hindi na niya nagawa ang dapat niyang gawin sa akin para lang matapos ito.” Nasigawan ang mga kamag aral ni Eeya sa kanilang narinig. Maging si Eeya ay hindi makapaniwala sa mga pinagsasabi ni Isagani. Bilang elemento ay marahil wala lang iyon sa kanya ngunit iba ang pagkaintindi ng iba roon. “Eeya!” galit na tumingin ang guro nito sa kanya. “Sumama ka sa akin sa opsina at doon ka magpaliwanag!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD