Naghilom man ang mga sugat sa katawan ni Isagani ilang oras makapos siyang makabalik sa kaniyang mundo ay hindi naman nawawala ang kirot na kanyang nararamdaman sa puso. Paulit ulit na bumabalik ang mga salitang binitawan ng dalaga sa kanyang isipan na sa bawat pag ulit ay lalo itong humahapdi.
Tanaw ni Isagani ang malawak na kalupaan sa tapat ng banging kinatatayuan ng kanyang bahay. Ang makulimlim na kalangitan ay tila ba nakikiayon sa kanyang hinaing.
Bagsak ang kanyang mga balikat at malalalim ang bawat paghina. Sa bawat oras na lumipas ay wala siyang ibang naiisip kundi si Eeya.
Nang ibigay niya ang kanyang pangalan sa dalaga ay naselyohan ang isang kasunduan. Isang kasunduan na magtatagal habambuhay. Kasunduan sa pagitan ng isang mortal at ng isang elemento. Habambuhay niyang pagsisilbihan ito at susunod sa bawat bitawan niyang salita.
Hindi man nais ni Isagani ang iwan si Eeya ay hindi niya kayang labanan ang selyado nilang kasunduan.
"Para akong walang buhay kung hindi ko nakikita si Eeya," aniya sa kanyang buntong hininga. "Pinabalik mo ako sa mundo ko dahil ba para protektahan ako?"
Ang lungkot na kanyang nararamdaman ay nagbago nang maalala niya ang babaylan. "O para protektahan ang babaylan?
Kasabay ng galit na unti unting namumuo sa kanyang damdamin ay siya ring pamumuo ng bagyo sa kaniyang mundo.
"Eeya..."
"Bakit ngayon ka lang? Kanina pa kami naghihintay!" bulalas ni Rea pagdating ni Eeya sa paaralan.
Sumapit na ang araw ng kanilang bakasyon at tulad ng kanilang napag usapan ay isasama nila si Eeya sa kanilang grupo. Ngunit bago pa man sumapit ang araw ay kabi kabila na ang utos at habilin ni Rea sa mga dapat dalhin ng dalaga.
"Pasensya na. Ang bigat kasi nitong dala kong mga gamit," ani Eeya nang ibaba ang malaking supot kung saan nakapaloob ang iba't iba gamit na habilin ni Rea.
"Sigurado ka bang kumpleto 'yan? Baka naman may kulang pa."
"Sigurado. Nilista ko at tinignan ko nang maayos para walang maiwan." Inilabas ni Eeya ang mahabang listahan mula sa kanyang bulsa.
"Bakit ba kasi hindi mo na lang ginamit ang kapangyarihan mo bilang tagapangalaga ng templo? Hindi ka sana nabigatan. Kaya mo naman iyon hindi ba?" pambubuyo ni Eeya.
Bahagya siyang siniko ni Amalia na siya na ang nahihiya sa mga pinanggagawa ng kababata.
"Bakit ba? Totoo naman ah," taas kilay na reklamo ni Rea. "Bahala ka na nga. Bitbitin mo 'yan. Bagong linis ang mga kuko ko at ayokong masira."
Naglakad palayo si Rea para magtungo na sa sasakyang nakalaan para sa kanila. Sumunod si Amalia at binuhat na rin ni Eeya ang mga dala para sumunod na rin.
"Eeya."
Ngunit natigilan ang dalaga nang marinig ang boses na tumawag sa kanyang likuran. Hindi man niya tignan ito ay alam niya si Joaquin iyon.
Pinigilan ni Eeya na lingunin ito ngunit hindi nagtagal ay naramdaman niya ang paghawak ng binata sa kanyang kamay.
"Sandali. Pwede ba tayong mag usap? May gusto sana akong sabihin."
Hindi na hinintay pa ni Joaquin ang sagot ng dalaga. Hinila niya ito dahilan upang mabitwan niya ang mga dala.
Kalansing na lang ng mga gamit ang narinig at ang pagkahulog ng mga ito ang nakita nina Rea at Amalia sa mabilis na pagkawala ng dalawa.
Dinala ni Joaquin ang dalaga sa likod ng isang gusali sa kanilang paaralan upang doon niya ito kausapin nang masinsinan.
Nang tumigil ang dalawa ay agad na hinila ni Eeya ang kamay niya pabalik. "Eeya, nais kong humingi ng tawad sa mga nangyari."
Inilinis ni Eeya ang kanyang tingin. "Hindi mo na kailangang humingi ng tawad."
Alam ni Joaquin na sa kabila ng sinabi ng dalaga ay kailangan pa rin niyang magpaliwanag. "Inaamin ko na dahilan ko nga ang paghahanap sa elemento nang lapitan kita. Pero kung wala ang elemento at kung hindi ko trabaho ang paghahanap sa kanya ay nanaisin ko pa ring mapalapit sa 'yo."
Pilitin man ni Eeya na ilihis ang kanyang tingin sa binata ay bumabalik ang mga mata nito sa kanya.
"B-Bakit?"
Malambing na ngumiti si Joaquin. "Isa kang tagapangala ng templo at isa naman akong babaylan. Akma tayo para sa isa't isa."
Alam ni Eeya na sa mga sinabi ng nagugustuhan binata ay dapat siyang maging masaya. Ngunit nang dahil sa mga nangyari ay hindi nita naiwasang lalong makaramdam ng lungkot.
"A-ano bang ibig mong sabihin?"
"Gusto kita, Eeya. Kalmado ako sa tuwing kasama kita. Mabait ka at madali kang pakisamahan. Marami tayong pagkakahalintulad. Kaya nais kong manatiling malapit sa 'yo, kung hahayaan mo ako."
Nanataling tahimik si Eeya hindi dahil ayaw nitong pumayag kundi dahil naghahalo ang oo at hindi sa kanyang isipan.
Masakit pa rin para sa kanya nang malaman na totoong nilapitan lamang siya ng binata dahil sa elementong naka aligid sa kanya. Ngunit nang makita niya itong muli ay hindi niya mapigilan ang sarili.
"Hayaan mo akong samahan ka sa bakasyon. Hindi naman siguro magagalit ang mga kaibigan mo kung sasama ako sa grupo n'yo 'di ba?"
Nakahalukipkip at naiinip na sa paghihintay si Rea sa pagbabalik ni Eeya para ipabuhat muli ang mga gamit na iniwan niya. Ngunit laking gulat niya nang makita ito na kasama si Joaquin.
"Anong ginagawa niya? Bakit kasama niya si Joaquin at bakit namumula ang mukha niya?" aniya sa isip.
"Pasensya kung bigla na lang akong nawala. Gusto sana ni Joaquin na sumama sa grupo natin, ayos lang ba iyon sa inyo?" ani Eeya nang makalapit sa dalawa.
Hindi napigilan ni Amalia ang matuwa nang marinig iyon. Bilang sikat at hinahangaan si Joaquin ng buong paaralan ay malaking karangalan na sumama ito sa kanila.
"Walang problema," nakangiting tugon ni Rea.
Nakangiti man ito ay iba naman ang takbo sa kanyang isip. "Magandang pagkakataon ito para ipahiya ko si Eeya sa harapan ni Joaquin," aniya sa isip.
Nagkakantahan ang mga ibon na nagpapahinga sa mga malalabong na puno sa paligid ng bundok na destinasyon ng bakasyon para sa mga mag aaral.
Maririnig ang kalmadong lagaslas ng ilog sa hindi kalayuan. Ang malawak na patag na nakukulayan ng matingkad na berdeng mga d**o ay lalong nagpapaganda sa kapaligiran.
May kalayuan man ang byahe ay napawi ang pagod nang makita iyon ng mga mag aaral.
"Narito tayo para magbakasyon. Para mabuhay ang mga loob ninyo sa darating na pagsusulit!" sigaw ng kanilang guro. "Tutal ay narito na rin tayo ay nais kong matutunan ninyo ang nabuhay sa ganitong lugar." Sinipa niya ang malaking kahon upang ipakita ang mga kagamitang hinanda niya para sa kanyang mga estudyante.
"Matututo kayo ngayong maghanap ng pagkain mula sa kalikahan. Gamitin ninyo ang mga ito at mga alituntunin na pinag aralan natin nitong nakaraan kung paano manatiling buhay sa gitna ng kawalan!"
Hindi napigilan ng mga mag aaral ang magreklamo sapagkat inisip nila na masasaya lamang sila sa kanilang bakasyon. Ngunit wala rin silang nagawa dahil kailangan nilang sumunod sa kanilang guro.
"Tandaan ninyo ang pinag aralan natin. Maging mapagmatyag sa mga nakalalasong bunga at lamang gubat! Huwag saktan ang mga hayop at protektahan ang mga puno!"
Sinimulan ng bawat grupo ang pag aayos ng mga gamit na ibinigay sa kanila ng kanilang guro. Naghanap na rin ang grupo ni Eeya ng mga tuyong kahoy upang gawing panggatong.
"Handa na ang ito," ani Amalia matapos ayusin ang lutuan at mga panggatong. "Maghanap na tayo ng pakain sa gubat," dugtong niya.
Kinuha niya ang dalawang bulso at kahit pa hindi pa tinatanong ang kababata ay isinukbit niya ito sa kanyang likod at hinala para isama siya.
Hindi man utusan si Eeya ay alam niyang kailangan niyang tumulong sa paghahanap ng pagkain. Kinuha niya ang buslo at isinukbit iyon sa kanyang balikat at pumasok nang mag isa sa kalakip na gubat.
Sa hindi kalayuan ay namataan nita ang mga halamang maaaring gamiting pampalasa sa lutuin. Lumapit siya rito at bahagyang umupo upang simulan ang pamimitas sa mga ito.
Laking gulat niya nang sa kanyang pagpitas ay siya ring pagpitas ni Joaquin na bigla na lamang sumulpot mula sa kung saan.
"Delikado ang pumasok nang mag isa gubat. Samahan na kita."
Mabilis na hinila ni Eeya ang halaman ay agad itong tumayo. Bahagya lamang siyang tumango at agad ring naglakad palayo sa binata.
May pagtatampo man ay unti unting lumalambot ang kanyang puso sa mga ipinapakita ng binata. Aminado si Eeya na nagugustuhan na niya si Joaquin. Masaya ito sa tuwing magkasama sila. Sang ayon siya sa sinabi nito na marami silang pagkakahawig. Dahil sa kanilang mga katayuan sa buhay ay tiyak na marami silang gawi na magkapareho. Hindi mahirap para sa kanilang dalawa ang magkasundo.
Nakahanap si Eeya ng puno ng bayabas ngunit mataas ang nga bunga niyon. Tumingkayad siya upang maabot ang mga ito.
Nakita ni Joaquin iyon kaya naman lumapit ito saka inabot ang sangga kung saan naroroon ang nga bunga. Nginitian niya ang dalaga na bahagyang umiwas ng tingin sa kanya.
Kumuha ng ilang bunga si Eeya at agad ring lumayo. Naramdaman niya ang pag init ng kanyang mukha. Hindi man sila nag uusap ay nararamdaman niya na sa bawat pagtulong nito ang pagpapakita nito ng sinseridad sa kanya.
Huling pinuntahan ng dalawa ang ilog kung saan nais nilang manghuli ng isda. Hindi alam ni Eeya kung ano ang maaaring gawin upang makahuli sila ng isda.
Sinubukan niyang lumublob sa tubig upang mano manong hulihin ang mga ito ngunit sadyang mailap ang mga isda.
Tinanggal ni Joaquin pansamantala ang mga laman ng buslo saka nita iyon inilublob sa pagitan ng dalawang bato sa gitna ng ilog.
Inakay niya ang dalaga pabalik sa damuhan at sinabihan na maghintay muna. Basang basa ang mga binti ni Eeya dahil sa paglublob sa tubig. Kaya naman namulsa si Joaquin at ibinigay ang dala nitong panyo sa dalaga.
"Salamat."
Nanatiling tahimik si Eeya habang naghihintay. Umupo si Joaquin sa bato na may distansya mula sa kinaroroonan ng dalaga.
Batid ni Joaquin na hindi la handa si Eeya para kausapin siya at nirerespeto niya iyon. Gayunpaman ay nanatili siya malapit rito upang sa oras na handa na siya ay naroroon lamang ang binata.
Ilang minuto pa ang lumipas ay bahagyang gumalaw ang buslo. Tumayo si Joaquin para puntahan iyon at nang ianggat niya ito ay dalawang naglalakihang isda ang nahuli niyon.
Hindi napigilan ni Eeya ang matuwa sa kanyang nakita. Agad siyang tumayo para salubungin si Joaquin na dala na ang buslo.
"Ang galing ng naisip mo! Ang lalaki ng mga isda na nahuli mo! Ang saya naman!" Malawak ang ngiti ni Eeya nang tignan ang mga isda na walang tigil sa paglilikot sa loob ng buslo.
"Napakaganda ng ngiti mo."
Ikinasaya man ng damdamin ni Eeya ang narinig ay agad rin iyong naglaho. Hindi niya mawari kung bakit.
"Pati ako sumasaya makita ka lang nakagiti, Eeya."
Alam ng dalaga na ang bawat salitang bitawan ni Joaquin ay may sinseridad. Ramdam niya iyon at ipinagpapasalamat.
"Joaquin," bulong ni Eeya.
Tinignan niya sa mata ang binata. Alam niyang ang pagsama nito sa kanyang grupo ay paraan niya ng paghingi ng tawad. May hindi man pagkakaintindihan ay naramdaman niya na malinis ang hangarin ng binata.
"Salamat sa pagsama akin." Kalakip ng malalim na paghinga ang malawak na ngiti ng dalaga. Muli pa sana itong magsasalita nang ibuka niya ang bibig ngunit muli niya itong isinara nang maramdaman ang pag aalinlangan na pumitik sa kanyang damdamin.