Disoras man ng gabi nakauwi si Eeya ay maaga naman itong nagising at hindi nahuli sa kanyang klase. Bagamat nasa klase ay kasalukuyang nagtuturo ang kanyang guro ay si Isagani ang kanyang nasa isip.
Unang pagkakataon niyang makapanuod ng sine na may kasamang iba liban sa kanyang pamilya at mga kaibigan. Natutuwa pa rin siya sa natanggap na regalo mula sa elemento. Simula nang mawala ang kanyang lola ay noon niya lamang muling naramdaman na hindi siya nag iisa.
Simula pagkabata ay madalas ng maradaman ni Eeya na nag iisa siya. Nag iisang anak lamang siya ng kanyang ina na nag iisang anak lamang din. May mga pinsan man mula sa mga kapatid ng kanyang ama ay nasa malalayong lugar naman ang mga ito at minsan lang niya nakilala. Nakakalaro man niya noon sina Rea at Amalia ay hindi pa rin niya maiwasang maramdaman na kaiba siya kumpara sa kanila at sa ibang bata sa kanilang lugar.
Noon pa man ay naiisip niya kung tama bang makipag kaibigan pa. Bata pa ay laging sumasagi sa kanyang isip na maaaring hindi talaga siya maaaring maging masaya, hindi katulad ng iba.
“May pag asa pa kaya akong sumaya?” aniya sa isip.
Hindi niya mawari kung bakit mukha ni Isagani ang sumasagi sa kanyang isip na napailing na lamang ito na agad namang napansin ng kanyang guro.
Itinaas ng guro ang kanyang kilay at nagpumewang pa. “Anong iniiling iling mo r`yan, Eeya?”
Tinapik ni Eeya ang kanyang mga pisngi sa hiya. “W-Wala po.”
Napailing na lamang ang kanyang guro. Sa kanyang isip ay tuluyan na itong nawawalan ng pag asa para sa dalaga. “Makinig kayong lahat, bumababa ang markha ng inyong klase kaya naman magbibigay ako ng pagsusulit ngayon. Pagbutihin ninyo dahil ang mga babagsak ay maglilinis ng silid aralan sa loob ng isang buwan. Maliwanag ba?”
Katulad ni Eeya ay hindi rin sang ayon ang kanyang mga kamag aral sa surpresang pagsusulit. Kilala nilang magbigay ng pagsusulit ang kanilang guro. Mitikulosa ito at pinapahirap ang mga simpleng tanong.
“Saka huling pagsusulit n`yo na sa susunod na buwan. Pinapaalalahan ko kayo na ang mga babagsak ay uulit ng grado kaya pagbutihan ninyo ngayon pa lang.”
Nagbigay ng isang oras ang kanilang guro upang makapagbasa ang mga mag aaral. Aligaga ang lahat sa pagsasaulo ng iba’t ibang asignatura upang makapasa. Ngunit magbasa man si Eeya ay agad niyang nakakalimutan ang mga ito. Mahina si Eeya pagdating sa pag aaral. Nahihirapan siyang isaulo ang mga salita lalo pa’t hindi niya gaanong nakukuha ang paksa sa tuwing magpapaliwanag ang kanyang guro. Nahihiya naman itong magtanong sapagkat pakiramdan niya ay siya lamang ang hindi nakaka intindi sa kanilang klase.
Bagsak ang mga balikat ni Eeya nang ibigay ng kanyang guro ang resulta ng kanyang pagsusulit. Bagsak ang apat na asignaturang sinagutan niya. Bagamat ginawa niya ang lahat ay nagkulang pa rin.
“Kung hindi ko maipapasa ang huling pagsusulit sa isang buwan siguradong hindi na ako papayag na makapag aral pa rito.”
Lingid sa kaalaman ni Eeya ay pinagmamasdan siya ni Joaquin nang makita niya itong lumabas sa kanyang silid aralan.
“Eeya, narito ka rin,” ani Joaquin nang sadyain ang dalaga.
Nais mang matuwa ng dalaga sa pagkausap sa kanya ni Joaquin ay hindi niya maiwasang mahula dahil sa mababang markhang kanyang nakuha. “Joaquin, anong gagawin ko? Tiyak na babagsak ako sa huling pagsusulit sa susunod na buwan.”
Bahagyang sinilip ni Joaquin ang papel na hawak ng dalaga. “Maaari ko bang tignan?”
Inabot ni Eeya ang papel at nang makita iyon ni Joaquin ay napaniwala ito na siya ngang babagsak si Eeya sa darating nitong pagsusulit. “Gusto mo bang turuan kita?”
Tila ba muling hinigop ng kanyang mata ang mga nangingilid niyang luha. “T-Talaga? Tuturuan mo ako?” Malaki ang bilb ni Eeya kay Joaquin lalo na pagdating sa pag aaral.
“Oo. Kung gusto mo, pagkatapos ng klase simulan na natin ang pag aaral mo. Mas mabuting ngayon pa lang ay makita ko na ang mga dati mong aralin.”
Mabilis na pumayag si Eeya. Alam niyang malaki ang maitutulong sa kanya ni Joaquin. Matapos ang klase ay hinintay ni Eeya na matapos ni Joaquin ang pakikipag usap sa kanyang guro. Sinama niya ito sa kanilang templo.
Hindi iyon ang unang pagkakataon na makita ng binata ang templo. Matagal na niya itong sinisilip dahil malaki ang hinala niyang nasa paligid niyon ang elementong kanyang hinahanap.
“Pasensya ka na sa abala ah. Nahihiya man ako pero kailangan ko talaga ng tulong mo,” ani Eeya nhabang inaayos ang kanyang mga gamit sa maliit na mesa kung saan nakaupo na si Joaquin.
Panay ang silip niya sa binata habang binubuklat nito ang mga kwaderno at mga nakaraan niyang pagsusulit. HIndi na niya naisip ang mahiya sa mga mababang markha dahil mas nananaig ang kaba na kanyang nararamdaman. Hindi siya makapaniwala na makakasama niya si Joaquin sa kanilang templo nang silang dalawa lamang.
“Mabababa nga ang mga marka mo sa mga dati mong pagsusulit. Bukas ay maghahanap ako ng mga libro na makakatulong sa `yo na maintindihan ang mga ito. Gagawan na rin kita ng buod para agad mong masaulo.”
“Akala ko kailangan kong umpisahan mula sa unang leksyon.” Bahagyang tumawa si Eeya na agad na binawi ng pamumula ng kanyang mga pisngi nang lingunin siya ni Joaquin.
“Nakikita ko naman na naiintindihan mo ang ibang leksyon. Kailangan mo lang malaman ang ibang mas maiksi paraan para makuha ang sagot. Ituturo ko na rin `yon sa `yo. Isaulo mo lang at siguradong papasa ka sa huling pagsusulit mo.” Lalong lumakas ang t***k ng puso ni Eeya nang ngumiti si Joaquin sa kanya.
Muling nagbuklat ng kwaderno si Joaquin. “Mag aaksaya lang tayo ng oras kung babalikan pa natin ang mga leksyon na naiintindihan mo na. Gagawan kita ng mga simpleng tanong ngayon. Umpisahan natin dito.” Bahagayang lumapit si Joaquin kay Eeya upang ipakita kay Eeya ang leksyon na ituturo niya.
Nakikinig man ay hindi maiwasan ni Eeya ang pasimpleng lingunin ang binata. Napupuno ang puso niya sa tuwa sa pagtaas ng respeto at pagtingin niya sa binata.
Sa paglalim ng gabi sa ilalim ng bilog na buwan ay papalapit si Isagani sa templo upang muling bisitahin ang dalaga. Walang pag aalinlangan itong sumilip sa bukas na binata. “Magandang gabi, Binibini.”
Agad itong natigilan nang makitang hindi nag iisa ang dalaga. Mabilis siyang nagtago nang tumingin sa kanya ang babaylan na kanyang iniiwasan.
Ang kaba sa dibdib ni Eeya ay napalitan ng takot dahilan upang mapatayo siya.
Hindi man nakikita ni Joaquin ang elemento ay sigurado siyang may sumilip sa may bintana. Nagulat man ay hindi siya nagpahalata sa kanyang kasama. “May problema ba?”
“Ah. Eh. W-Wala. Isasara ko lang ang bintana. Lumalamig na rin kasi baka sipunin ka pa,” pagpapalusot ni Eeya. Tinungo nito ang bintana saka ito mahigpit na isinara.
“Gano`n ba?” Ibinaba ni Joaquin ang kwadernong natapos na niyang sulatan ng mga simpleng tanong para sa dalaga. “Natapos ko na ang leksyon dito. Intindihin mo at sagutin.” Tumayo si Joaquin at inayos ang kanyang damit. “Hindi na kita aabalahin pa. Lumalalim na rin ang gabi.”
“Ihahatid na kita.”
“Huwag na. Alam ko na ang daan palabas. Mas mabuting umpisahan mo na itong basahin. Magkita na lang tayo bukas.”
Sa paglabas ni Joaquin sa templo ay muli niyang pinagmasdan ang kabuoan nito. Sigurado siya sa kanyang naramdaman. Alam niyang elemento iyon at hindi lamang basta basta. Alam niyang malakas iyong klase ng elemento. Laking pagtataka lamang nito kung paano nito nagawang mawala na lang nang ganoon kabilis. Sa lahat ng mga elementong nakalaban na niya ay walang nakakagawa ng ganoon.
Sa tulong ng mga iniwang aralin ni Joaquin ay agad natapos ni Eeya ang kanyang takdang aralin at nasagot na rin niya ang mga tanong na iniwan sa kanya ng binata. Babad ang katawan niya sa bukal. Naninibago man siya sa maagang pagkatapos sa mga gawain at masaya ang kanyang puso dahil sa pagkalapit kay Joaquin ay hindi pa rin mawala sa kanyang isip ang biglaang pagdating ni Isagani.
Sa malalim na pag iisip ay nagulantang ang katahimikan ng gabi nang bigla na lamang sumulpot si Isagani mula sa ilalim ng bukas. Agad na tinakpan ni Eeya ang kanyang hubad na katawan gamit ang kanyang mga kamay.
“Bastos kang talaga!”
Sa pagpupumilit ni Eeya na mapaalis si Isagani sa bukal ay nadulas ang kanyang paa dahilan upang mauntog ito at tuluyan itong malublob sa tubig.
“Eeya!”
Dala ng labis na pag aalala ay binuhat ni Isagani ang dalaga upang dalhin ito sa kanyang silid at ihiga sa kama. Agad na nagsuot ng puting balabal ang elemento saka niya sinuotan ng balabal ang dalaga. Sunod niyang itinuon ang pansin sa sugat na natamo ng dalaga sa kanyang ulo mula sa pagkakabagok sa bato. Gamit ang kanyang palad ay naglabas ito ng kapangyarihan upang tuluyan itong mapagaling.
Nauntog man ay hindi nawalan ng malay ang dalaga. Nararamdaman niya ang pagpapasuot sa kanyang katawan dahilan upang pilitin niyang buksan ang mga mata.
Nang makita niya si Isagani sa kanyang harapan ay agad niyang kinuha ang balabal ay tinakpan ang kanyang katawan. Hindi maipaliwanag ang kanilang mga damdamin sa paglalapit ng kanilang mga mukha.
Hindi naiwasan ni Isagani na pagmasdan ang puting balat ng dalaga ha ilang pulgada lamang ang layo mula sa kanyang mukha. Hindi man niya sadyain ay umangat ang kanyang kamay upang hawakan ang pisngi ng dalaga.
Ngunit nang makita niya ang mga mata ni Eeya ay agad siyang tumayo at lumayo. Agad na ring tumayo si Eeya at inayos ang balabal na kanyang suot. Hawak niya ang kanyang dibdib na halos mawarak na sa lakas ng pagtibok ng kanyang puso.
Batid ni Isagani na ang kanyang nagawa ay hindi katanggap tanggap sa isang mortal. Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit niya iyon nagawa. Kalmado man ang kanyang mukha ay hindi naman magkadaumayaw ang kanyang puso na nais mangusap.
Sa kanyang paglingong muli sa dalaga ay tuluyan na itong tumayo at lumabas sa silid. Ang kaba na kanyang nararamdaman ay nadagdagan ng inis sapagkat wala pa kahit na sino, mortal man o elemeto, ang gumawa ng ganoon sa kanya. Pabor ang bawat elemento sa kanya at lahat ay napapasunod niya sa kanyang nais.
Gayunpaman ay hindi niya maintindihan ang sarili na kanyang ikinagagalit. Ang isipin pa lang na galit si Eeya dahil sa kanyang nagawa ay hindi niya maatim. Nagawa niyang sumulpot sa bukal upang masigurado lamang na mag isa si Eeya at wala na ang babaylan. Hindi niya intensyon na magalit ito.
Hindi napigilan ni Isagani na habulin si Eeya na mabilis na naglalakad sa pasilyo sa paligid ng templo. Gamit ang kanyang kapangyarihan ay mabilis niya lamang itong nahabol. Yakap mula sa likod ng dalaga ang ginawa niya upang mapigilan ito sa paglayo.
“Huwag kang lumayo. Hindi ko intensyong mabastos ka dahil sa nagawa ko. Iniiwasan ko lang na makita ako ng ibang mortal kaya sa bukal ako lumabas.”
Galit man ay kahit pa paano ay alam ni Eeya na may dapat pa rin siya ipagpasalamat sa elemento.
“Kailangan kong umiwas sa mga katulad mong mortal. Ikaw lamang ang nais kong makakita sa akin.”
Tuluyang pinakawalan ni Isagani si Eeya mula sa kanyang mga bisig. “Ang umiwas lamang ang kaya kong gawin sa ngayon.” Inilabas ni Isagani ang isang dahon na kanyang pinakaka tago tago. “Nag iisa na lamang ito kaya kailangan kong ingatan.”
Masusing pinagmasdan ni Eeya ang dahon na hawak ng elemento. “Para saan ba iyan?”