“Ganon ba?” ani Joaquin matapos pakinggan ang kwento ni Eeya sa nangyari. “Mukhang matagal ka ng inaayaw ng mga kamag aral natin. Mas makakabuti kung dito ka na lang magpalipas ng gabi.”
Marahang dumako ang mga mata ni Eeya kay Joaquin mula sa pagtitig sa sahig. “Pero…”
“Kung babalik ka ngayon, baka gumawa na naman sila ng hindi maganda. Huwag kang mag aalala. Matutulog ako sa ibang higaan.” Nakikita ng binata ang pag aalala sa mukha ni Eeya. “Gagawa ako ng harang para mas kumportable ka.”
Nag aalinlangan man ay alam ni Eeya na maaaring tama si Joaquin. Kung makakasama niya sina Rea at Amalia sa iisang silid ay maaaring may gawin na naman ang mga ito sa kanya.
Gumawa ng harang si Joaquin sa pagitan ng dalawang higaan sa loob ng silid ng binata. Bagamat hindi nila nakikita ang isa’t isa ay nararamdaman ng binata ang pagkabalisa ng kanyang kasama. Inalis ni Joaquin panandalian ang harang upang kausapin si Eeya.
”Hindi ka ba makatulog?” Bahagyang ikiniling ni Joaquin ang kanyang ulo patungo sa dalaga.
“Sa tuwing ipipikit ko ang mga mata ko. Naalala ko ang nangyari kanina.”
Marahang umupo ang binata at sa paggalaw ng kanyang mga daliri ay may mga maliit na bilog na umilaw ang kumawala mula sa mga ito. Hindi nagtagal ay lumitaw ang isang maliit na nilalang na kulay puti. Maihahambing ito sa isang kuneho ngunit bibilugin ang kanyang katawan.
Tumingin ang nilalang na ito kay Eeya sa kanyang mapupungay na mga mata. “Yakap.”
“Ano ito?” ani Eeya nang pagmasdan ang nilalang.
“Siya si Chaha. Isa siyang elemento na nagsisilbi sa akin.”
Bago pa muling makapagsalita si Eeya ay bigla na lamang siyang nilundagan ng yakap ni Chacha. Ang malambot na kalatawan nito ay agad na niyakap ng dalaga. Kahit pa paano ay napakalma nito ang kanyang pakiramdam.
“Salamat, Joaquin. Susubukan ko ulit matulog.”
Sa muling pagsara ng binata sa harang ay muling pinagmasdan ni Eeya ang nilalang na nakadagan sa kanyang dibdib. “Malayo ang itsura mo sa mga elementong kwento ni Lola,” aniya matapos yakapin si Chaha. “Mukhang ang isang ito ay magaan ang loob kay Joaquin. Marahil may awa pa rin si Joaquin sa mga elemento.”
Batid ni Eeya na bilang isang babaylan ay tungkulin niyang basbasan ang mga elementong nagkalat pa rin sa mundo ng mga tao. Kadalasan kasabay ng pagbabasbas ay ang pagkawala ng mga elemento nang tuluyan o `di kaya naman ay pag alila sa mga ito ngunit sa marahas na paraan.
Pagkatok sa pintuan ng silid ni Joaquin ang kumuha sa kanyang atensyon. Sadyang maagang nagigising ang binata. Mainggat siyang naghilamos at naghanda ng mainit na tsaa upang hindi magising si Eeya.
Isang kamag aral niya ang kumatok. “Ano `yon?” bungad ni Joaquin.
“Ipapaalam ko lang na ipinapatawag na tayo sa loob ng limang minuto.” Bahagyang gumilid ang tingin ng lalaki sa likod ni Joaquin. Nanlaki ang mga mata niya nang makita si Eeya na mahimbing ang tulog.
Hindi niya magawang maituloy ang nais sabihin dala ng pagkagulat sa kanyang nakita. Mahigpit na bilin na bawal matulog ang babae at lalaki sa iisang silid.
“Huwag mo nang tangkain ipagsabi ang nakita mo,” babala ni Joaquin. Mabilis na tumango ang lalaki saka kumaripas nang takbo.
Sa pagsarang muli ni Joaquin sa pinto ay siya namang paggising ni Eeya. Malambing na ngiti ang pagbati niya sa dalaga. “Narito na ang mga gamit mo. Lalabas na ako. Magbihis ka na at kitain ang klase mo. Pagkatapos ay hanapin mo ako. Wala na akong tiwala sa mga kaibigan mo.”
Napayuko na lamang si Eeya nang muling maalala ang nangyari sa kanya. Nilapitan siya ng binata at bahagyang niyakap upang pagaain ang loob nito. “Salamat, Joaquin. Kung wala ka baka kung ano na ang nangyari sa akin.”
Sa pagpupulong ng lahat ng mag aaral ay sandali lamang nagpakita si Eeya sa kanyang guro at matapos ay agad niyang hinanap si Joaquin. Hindi na rin siya kumportable na sumama pa kina Rea at Amalia. Pakiramdam niya ay anumang oras ay maaaring may gawin na namang ang mga ito para ipahiya siya.
Lingid sa kaalaman ni Eeya ay pinagmamasdan siya ni Mona. Isang taon ang taas nito sa kanyang grado. Bagamat hindi tinaggap ni Joaquin ang alok nitong pakikipag relasyon sa kanya ay hindi pa rin sumusuko ang dalaga. Nakita ni Mona ang paglabas ni Eeya mula sa silid ni Joaquin na lalo niyang ikinagalit. Hindi siya makapaniwala na iyon ang naging kapalit ng pagkuha niya sa damit ni Eeya sa bukal.
Bilang pag protekta kay Eeya ay hindi siya hinayaan ni Joaquin na mapag isa. Sa mga huling aktibidad na inibigay sa kanila ng kanilang mga guro ay magkasama pa rin ang dalawa. Marami mang mga matang nakatingin sa kanila ay hindi alintana iyon ni Joaquin. Nais niyang protektahan ang dalaga dahil batid niya sa sarili na nahuhulog na ang loob nito para sa kanya.
“Talagang iniinis ako ng babaeng `to!” nanggagalaiting bulalas ni Rea habang pinagmamasdan si Eeya na kasama si Joaquin sa paglalakad palayo. Nakarating na muli ang lahat sa bayan kalakip ang habilin ng kanilang mga guro na mag aral nang mabuti para sa kanilang papalapit na huling pagsusulit. “Saan ba natulog si Eeya? Hindi ko tuloy nagawa ang plano ko dahil hindi siya bumalik! Malapit ko nang sabunutan ang babaeng `yan!”
Bahagya siyang siniko ni Amalia na nakatayo sa kanyang tabi. Titig siya kay Mona na kapwa rin mariin ang tingin ang tingin kina Eeya at Joaquin. “Pareho kayong galit kay Eeya. Kawawa naman siya,” bulong niya sa sarili.
Sa pagbabalik ni Eeya sa kanilang templo ay muli na naman niyang naramdaman ang pag iisa. Bagamat gumaan na ang loob nito sapagkat malayo na siya sa kapahamakang dala ng kanyang mga kamag aral ay hindi niya pa rin maialis sa sarili ang pakiramdam nang pag iisa. Sa bawat sulok ng templo ay may pangungulila itong nararamdaman.
“Ano ka ba, Eeya? Dati ka pa namang mag isa! Bakit ka ba nagkakaganyan?”
Sa kanyang pagasok sa templo ay nakita niya ang malambot na laruan. Pinilit niya ang sarili na huwag pansinin ang nararamdaman. Huminga siya nang malalim at umiling upang alisin ang lungkot na kanyang naiisip. “Mabuti pa ay maliligo na lang ako.”
Sa pagdampi ng maligamgam na tubig sa kanyang katawan ay kahit pa paano ay kumalma ito. Ngunit muling kumiliti sa kanyang isip ang elemento na pilit niyang inaalis sa kanyang isipan. “Ayoko man siyang isipin pero kahit saan ako tumingin dito ay naalala ko siya.”
Alam ni Eeya na hindi na babalik pa si Isagani dahil siya mismo ang nagtulak rito palayo. May bahid man ng pagsisisi ay alam ni Eeya na iyon ang mas makakabuti para sa kanila. “Dati naman akong sanay mag isa… pero bakit ngayon parang hindi ko na kaya.”
Bigla na lamang napalingon si Eeya sa pintuan nang tila ba may naramdaman itong kakaiba. Hindi man niya mawari kung ano iyon ay mabilis siyang umahon sa tubig at nagsuot ng damit. Kumaripas nang takbo ang dalaga palabas ng templo. Hindi man siya sigurado ngunit sa loob loob niya ay ninanais niyang makita si Isagani.
Ngunit nang tuluyan siyang makalabas ay wala naman siyang makita. Mag isa pa rin si Eeya sa templo. Isang bagay na dapat ay sanay na siya ngunit kanyang ikinakalungkot. Bumagsak ang kanyang mga balikat sa kanyang pagtalikod pabalik sa loob ng templo. Ngunit nang sa pag ihip ng hangin ay muli na naman niyang naramdaman ang prisenya at sa pagkakataong iyon ay sigurado na siya.
“Binibini.”
Nang kanyang lingunin ang boses na kahit hindi niya aminin ay kanyang inaasam asam na muling marinig ay kumislap ang ligaya sa kanyang puso. Naroroon si Isagani sa ilalim ng puno at nakatingin sa kanya.
Masaya man si Eeya na muling makita ang elemento ay muling nagbalik sa kanyang isip ang nakitang paghihirap nito sa laban nila ni Joaquin. Nagkuyom ang kanyang mga palad nang pilitin niyang ibaling ang tingin sa ibang lugar.
“H-Hindi ba’t sinabi ko naman sa `yo na huwag ka ng babalik rito.” Masakit para kay Eeya na muling sabihin iyon. Ayaw na niyang may masaktan pa.
“Ako ang pinuno ng mundo ng mga elemento. Hindi ako basta basta makikinig sa utos ng isang mortal.” Lumipad patungo si Isagani sa kinatatayuan ng dalaga. “At ang mas mahalaga nagkita tayong muli. Natutuwa akong makita kang muli, Eeya.”
Naramdaman na lamang ng dalaga ng mahabang bisig ng binata na yumakap sa kanya mula sa kanyang likuran. Nais ng dalaga na gumanti ng yakap. Hindi man niya aminin ay nangungulila siya sa prisensya ng elemento. Ngunit pinigilan niya ang sarili at ikinalas ang pagkakayap sa kanya nito.
“Bakit, Eeya? May problema ba?”
“Bakit ka ba kasi ganyan?! Bigla ka nalang susulpot tapos yayakapin mo ako! Ano pa bang ginagawa mo rito?!” sigaw ni Eeya.
“Dito muna ako mananatili. Sumabog ang bahay ko.” Walang pagpaalam ay kusang pumasok si Isagani sa loob ng templo.
“A-Ano?” Ngunit muli siyang hinila ni Eeya palabas.
“Medyo mahaba ang kwento pero bilang pinuno ako ng mundo namin, may mga elementong galit at naiingit sa akin. Pinasabog nila ang bahay ko para subukang patayin ako, `yon lang,” paliwanag ng elemento.
“Delikado pala ang buhay mo. Bakit dito ka pa mananatili? Eh `di pati ako madadamay!”
“Siguradong kung sino man siya, hindi niya iisipin na nandito ako sa mundo ng mga tao. At sa oras na masuyod niya ang mundo namin ay tiyak na dito siya pupunta. Mas mapapadali sa akin na makita siya kung naririto kami.”
Bumuntong hininga na lamang si Eeya. Mag isa lamang siya sa templo at hindi naman malaking sagabal ang patirahin niya roon si Isagani pansamantala. May pag aalinlangan may ay sa loob niya ay nais niya ring makasama ito.
“Basta huwag mong hahayaang may masira sa templo!”
May pagdadabog man ay dinala niya si Isagani sa isang silid. “Dito ka nalang. Medyo marumi pa pero lilinisin ko na lang.”
Ngumiti ang elemento matapos isara ang binuksang pinto ng dalaga. “Huwag ka ng mag abala. Hindi naman ako maselan. Ayos lang naman sa akin na sa kwarto mo nalang ako matutulog.”
Hindi pa man nagtatagal ang desisyon ni Eeya na patirahin doon ang elemento ay nagsisisi na ito. “Huwag kang mag isip ng kung anu ano sa pagpapatira ko sa `yo rito. May magawa ka mang hindi ko gusto, talagang palalayasin kita rito!”