Madaling araw na pero gising pa rin ang diwa ni Jose. Kahit sabihin pikit ang kanyang mga mata ay hindi pa rin siya nakakaramdam ng antok.
Gustuhin man niyang matulog, pero pasaway ang kanyang nararamdaman. Bagay na ngayon lang niya narasanasa ang hindi agad makatulog, matapos mahiga.
Kinapa niya ang cellphone na nakapatong sa isang maliit na mesa doon.
"Ala una na ng madaling araw, pero hindi pa ako nakakatulog." aniya.
Napangiti naman siya ng maramdaman ang mainit na yakap ni Neri. Pero bigla ding nawala ang kanyang ngiti ng maramdamang kakaiba ang init nito.
Kinapa ni Jose ang noo ni Neri at doon niya napagtantong inaapoy ng lagnat ang dalaga.
"Ano ka ba namang bata ka. Akala ko ba ayos ka lang kanina. Bakit ka naman nilagnat ngayon?" nag-aalala niyang wika ng muling salatin ang noo ni Neri.
Mataas talaga ang lagnat nito sa pakiramdam niya. Akala niya ay nagbibiro lang ito sa sobrang lamig na sinasabi nito kanina kaya nagbalot ng kumot sa katawan iyon naman pala ay nilalagnat na ito.
Babangon sana si Jose ng humigpit ang yakap ni Neri.
"Love, don't go please. Don't leave me." anito na may pagsinghot pa. Sa tingin niya ay nananaginip ito at mukhang maiiyak na.
"L-love. Please stay w-with m-me!" sigaw pa ni Neri at tuluyan ng umiyak.
Hindi naman malaman ni Jose ang gagawin. Gigisingin ba niya ni Neri, o ano. Dahil na rin siguro sa lagnat nito kaya pati pagsasalita ng tulog ay nagagawa nito..
"L-love," humihikbi pa nitong wika ng yakapin ito ni Jose ng mahigpit.
"Nandito lang ako Neri. Hindi naman ako aalis at hindi naman ako mawawala sayo. Tahan na, tulog ka lang." ani Jose at hinalikan pa ang noo ng dalaga.
Nawala naman ang paghikbi ni Neri. Mas naramdaman ni Jose na nakatulog na ulit ito ng maayos. Dahan-dahan namang inalis ni Jose ang kamay niya mula sa pagkakayakap sa dalaga at unti-unting bumaba sa kama.
Inayos din muna ni Jose ang pagkakakumot dito at nilagyan pa ng unan ang tabihan nito.
Hindi na ganoong kalakas ang hangin at ulan. Pero ramdam pa rin ang bagsik ng bagyo. Gamit ang ilaw cellphone ay nagtungo si Jose sa kusina. Kinuha niya ang kandila na inihahanda talaga niya sa panahong katulad ngayon. Ang mawalan ng kuryente ng hindi inaasahan.
Matapos makapagsindi ng kandila ay hinanap niya ang kanyang mga natatagong luya.
"Alam ko bumili ako noong nakaraan eh." pagkausap pa niya sa sarili habang hinahanap sa kanyang lalagyan ang mga luya. "Ayon," masaya niyang wika ng makita niya.
Kumuha siya ng sariwang luya at hinugasan. Hindi na niya iyon binalatan. Mahalaga lang naman ay malinis ito ng mabuti.
Matapos linisan ang mga luya ay pinitpit naman niya iyon para lumabas ang katas. Kumuha din siya ng isang kaldero na siya talagang pinaglalagaan niya ng luya para maging salabat.
Ilang minuto pa lang ang nakakalipas ng bigla niyang marinig ang sigaw ni Neri.
"L-love!" malakas nitong tawag sa pangalan niya kaya naman mabilis siyang napatakbo sa kwarto.
"Anong nangyari?"
"L-love, akala ko iniwan mo na ako. Akala ko ako na lang mag-isa sa madilim na lugar na ito. Love natatakot ako." umiiyak na wika ni Neri ng lapitan ito ni Jose at yakapin.
"Wag ka ng umiyak. Tahan na. Paano kita iiwan kung bahay ko ito." ani Jose ng mapatigil sa pag-iyak si Neri.
Napangiti naman si Jose sa naging reaksyon ng dalaga sa sinabi niya.
"Pangalawa, talagang madilim sa lugar na ito, walang power eh. Di ba?" napatango na lang din si Neri at saglit na napangiti.
"Pangatlo, kagabi ka pang takot kahit wala namang multo. Relax na. Mainit ka pa. Naglalaga lang ako ng luya. Inom ka ng salabat ng bumaba ang lagnat mo. Tapos ay may gamot pa ako dito."
"Masarap ba iyon."
"Oo, para mas pagpawisan ka. Kaya tahan na."
"Opo, sorry love. Nagulat lang talaga ako ng paggising ko unan lang ang nakapa ko."
"Ayos lang, basta wag mong iisipin na umalis ako dito."
"Opo, kasi bahay mo nga pala ito." natatawang sagot ni Neri na kahit madilim ay nangiti si Jose.
"Gusto mo bang sumama sa kusina? O dito na lang kita dadalahan ng ginagawang kong salabat."
"Hindi ko talaga alam kung ano iyong nilagang luya, na salabat na sinasabi mo."
"Luya nga iyon, pero pwedeng lagyan ng honey pampalasa. Wag kang mag-alala sasabayan kita ng pag-inom. Masarap iyon. Isa pa para mas mabilis kang gumaling. Hmmm."
"Okay love, sa kusina na lang tayo. Ayaw kong mapag-isa dito. Madilim." kinikilabutang wika ni Neri na ikinatawa ni Jose.
Nailing na lang si Jose kay Neri. Ramdam talaga niya ang takot nito sa bagay na wala naman sa bahay niya. Higit sa lahat ay hindi naman dapat katakutan.
Kumukulo na ang salabat ng lumabas sila. Naupo si Neri sa isang upuan na nandoon. Hindi na siya ganoong nilalamig dahil suot nita ang isang jacket ni Jose na ipinasuot nito sa kanya.
"Love hindi ka ba nilalamig? Pati itong jacket mo ako ang may suot?"
"Hindi naman. Isa pa hindi na ganoong kalakas ang hangin sa labas. Kaya okay lang ako. Pagpasensyahan mo na lang talaga iyan, lalo na at iisa lang yang jacket ko. Kaya medyo luma na."
"Hindi ako choosy love, masaya akong suot ko ito. Ang bango mo." sabay singhot sa jacket na ikinailing na lang ni Jose.
"Pero wala ka bang ibang dalang jacket bukod doon sa suot mo na nabasa?"
"Ahmm. Meron kaso gusto kong isuot ang gamit mo," nakangiting wika ni Neri kaya natawa na lang si Jose.
"Napakakulit,"
"Matagal na nga akong makulit. Pero love naman ako ni yaya, mommy at daddy, sana ikaw din," napatango na lang si Jose. Napapagod na kasi siyang magsalita, bagay na naiintindihan naman ni Neri.
"Love bakit parang ang spicy naman nito?" tanong ni Neri ng ilapag ni Jose ang tasa ng salabat sa harapan niya.
Umuusok iyon kaya naman amoy na amoy niya ang tapang ng luya. Hindi naman siya umiinom noon. Ngayon pa lang dahil sinabi ni Jose.
"Mas masarap pag ganyan. Lagyan mo na lang ng honey."
Iniabot naman ni Jose sa kanya ang bote ng honey. Pinagmasdan pa niya iyon bago ilagay sa tasa ng kanyang salabat. Nandoon pa rin ang matapang na amoy ng luya. Pero naging masarap ng tikman niya.
Nakahingi pa si Neri ng isa pang tasa ng salabat dahil nagustuhan naman talaga niya iyon. Nabawasan na rin ang kanyang panlalamig. Pinagpapawisan na rin siya kaya kahit papaano ay bumababa na ang kanyang lagnat.
Ilang minuto matapos niyang uminom ng salabat ay noon lang niya kinain ang tinapay na bigay ni Jose. Para may laman ang tiyan pag-inom niya ng gamot ayaw kasi niyang isabay iyon sa salabat. Masyado kasi siyang nasarapan sa mainit na hagod noon sa lalamunan patungo sa kanyang tiyan.
"Love nainom ko na rin ang gamot," aniya ng humarap sa kanya si Jose. Kahit madilim ang paligid ay hinugasan pa rin nito ang kanilang pinag-inuman ng salabat.
"Isa pa love, parang basa na ang damit ko, gusto ko ng magpalit," sinamahan naman siya ni Jose sa kwarto kung saan nandoon ang gamit niya. Pero pinigilan niya ito.
"Damit mo na lang love, para mas komportable."
"Okay,"
"Kaya naman love talaga kita eh," natawa na lang si Jose sa mga sinasabi ni Neri.
Wala sa hinagap na makakatagpo siya ng makulit at maingay na babae. Babaeng dapat magpapairita sa kanya dahil sa kaingayan nito. Pero heto siya ngayon at ipinapahiram pa ang damit niya. Higit sa lahat mayamang babae na nagtitiyaga na makisiksik sa maliit na bahay niya, para lang makasama siya.
Masasabi din niyang maswerte siyang may babaeng tanggap siya. Kahit wala pa itong alam sa nakaraan niya.
Matapos maibigay ang damit niya ay tumalikod na lang siya para hindi makita ang pagpapalit ni Neri ng damit. Ayaw kasi siya nitong paalisin, dahil natatakot daw ito sa dilim.
Basang-basa nga ang suot nitong damit ng kunin niya. Isinampay na lang muna niya iyon sa sandalan ng upuan na nasa kwarto niya.
"Mainit ka pa rin pero hindi na sobra na katulad ng kanina. Matulog ka na ulit."
"Ay ikaw?"
"Matutulog na rin,"
"Okay. Good morning love, tulog na ulit tayo. Maginhawa talaga ang pakiramdam ko ngayon kahit medyo nahihilo ako. Maginhawa kasi kasama kita. Sana sabihin mo din na mahal mo na rin ako. Sana din ulitin mo ulit na tawagin akong love ha." ani Neri ng maramdaman na lang ni Jose ang pantay nitong paghinga.
Hinaplos naman ni Jose ang pisngi nitong halos nakadikit na sa kanyang dibdib. Nang mahiga kasi ito ay inunan ang kanyang braso kaya naman nakayakap na naman ito ngayon sa kanya at mas dikit pa.
"Ite-treasure ko talaga ang araw na nakilala kita, hanggang sa ngayon na kasama kita. Kakaiba ka sa lahat ng babaeng nakilala ko. Kahit napakadaldal mo. Hindi man lang ako nairita sayo. Masaya akong kasama kita ngayon. Kahit ang dahilan lang naman talaga ay ang bagyo. Parang gusto kong wag na lang muna umalis ang bagyo, para kahit papaano, makasama pa kita ng matagal dito," bulong ni Jose sa natutulog na si Neri na nagpangiti sa kanya.
Hindi niya akalain na may side din siyang ganoon. Bagay na kay Neri lang niya nakita, naramdaman, at naranasan.
Ipipikit na sana niya ang mata ng maalala ang pangakong binitawan niya noon. Wala siyang karapatang maging masaya.
"Hindi man habang buhay ang sayang nararamdaman ko ngayon. Alam kong may limitasyon," malungkot pa niyang saad. "Gusto ko lang hayaan ang sarili ko na maging masaya, kahit saglit lang. Kasama ang babaeng natutulog sa tabi ko ngayon," aniya at ipinikit na rin niya ang mga mata.
Hinayaan niyang maging payapa ang kanyang isipan. Para makalimutan kahit saglit ang hirap at sakit na kanyang mga pinagdaanan.
Hahayaan niyang maging masaya ang sarili. Sa piling ng babaeng labis na nagbibigay saya sa kanyang puso.