"Anong ginagawa mo dyan Nic?" tanong ni Rozalyn sa asawa ng papasok sana ito ng kusina para kumuha ng tubig. Kararating lang din noon ni Nicardo galing munisipyo.
Ang balak ni Rozalyn ay kumuha ng tubig at ayain ang asawa na magmeryenda sa may garden ng maabutan niya ito sa bungad ng kusina at may kung anong tinatanaw.
Inginuso naman ni Nicardo sa asawa ang nakakapagdudang tanawin sa kusina nila.
Nakaupo si Yaya Flor sa high chair habang tinatanong ng anak kung ano ang sangkap ng lulutuin nito at kung paano iyon gagayatin. Mukha namang nag-eenjoy sa pagtuturo si Yaya Flor sa anak nila.
Bata pa lang si Rozalyn ng maging yaya nito si Yaya Flor. Hindi na ito nakapag-asawa at naglingkod na lang sa pamilya nila. Mula ng makilala niya si Nic at naging asawa ay kinuha nito si Yaya Flor sa mga magulang niya na nagsilbi naman bilang yaya ni Neri. Kaya naman kung tutuusin ay parang ikalawa na niyang magulang ang matanda.
"Mukhang may kasipagang tinataglay ang dalaga natin ah. Kaninang umaga ay siya na nga ang nagluto ng breakfast pati ba naman dinner?" masayang wika ni Rozalyn at inakay pang palapit si Nicardo sa mga ito.
"Mukhang may nagpapasaya na talaga sayo anak ah. Care to share habang nagluluto ka." bati ni Rozalyn kay Neri. Nakita naman nila ang agarang pagsigla ng mukha ng anak. Bagay na tama siya ng hinala.
"Hi, mommy. Hello daddy. Gusto ko lang pong matutong magluto ng ibang recipe. Syempre naman po, nilaga lang ang naluto ko kanina at pritong tilapia. Gusto ko pong magluto ng menudo, para sa dinner natin. Gusto ko pa rin pong matutunan ang ibang bagay na hindi ko alam."
"Para ba sa amin yan ng mommy mo. Kaya gustong mong matutunan ang mga bagay-bagay, o para kay Kuya Jose mo?" may panunudyo pa sa boses ni Nicardo na ikinapula ng pisngi ng anak.
Natawa naman si Yaya Flor pati na rin si Rozalyn sa naging reaksyon ni Neri. Para tuloy itong hinog na kamatis sa pula.
"Mukhang hindi na ako kailangan dito. Magpahinga kaya muna ang matanda." natatawang wika ni Yaya Flor ng ngitian ito ng mag-asawa.
"Ako na ang tutulong kay Neri manang. Alam kong napagod ka din sa maghapon, at siguradong napagod ka din kasasagot sa tanong ni Neri." sagot ni Rozalyn na ipinagpasalamat ng matanda.
"Kami na ang bahala dito manang. Tawagin ka na lang namin pagkakain na." dagdag pa ni Nicardo, bago tuluyang umalis sa kusina si Yaya Flor at hinayon ang kwarto malapit lang din sa kusina.
"Anak, bakit parang nadadalas ang pagluluto mo?" hindi mapigilang pag-uusisa ni Rozalyn. Nakaupo silang mag-asawa habang inaayos ni Neri ang mga sangkap ng menudo na lulutuin niya.
"Masama po ba? Si daddy nga po hindi ako hayaang magtrabaho, kaya naman po gagawa na lang po ako ng ibang bagay na pwede kong mapaglibangan. Nakakasawa na po ang walang ginagawa."
"Sorry anak. Kaya lang napakabata mo pa, para maranasan ang hirap sa trabaho." sagot ni Nicardo.
"Bakit naman po ang iba? May bata pa nga po akong nakikita baka mga sampung taon lang iyon pero banat na ang katawan sa trabaho. Ako naman po ay twenty plus na. Tapos na sa pag-aaral pero hindi ko pa po nararanasan ang magtrabaho." paliwanag ni Neri na ikinabuntong hininga ni Rozalyn.
"Anak, alam mo naman na mula ng ipanganak kita, nagkaroon ng problema sa katawan ko. Kaya maliban sayo. Hindi na ulit kami nabiyayaan ng ibang anak. Ikaw lang ang kayamanan namin Neri. Ayaw ka naming mahirapan. Kaya naman naming ibigay ng daddy mo ang lahat ng pangangailangan mo. Ang taong bayan nga hindi pinapabayaan ng daddy mo. Ikaw pa ba na nag-iisa naming anak at yaman." mahabang paliwanag ni Rozalyn ng yakapin ni Neri ang mga magulang.
"Naiintindihan ko naman po, kaya naman po sobrang mahal na mahal ko po kayo. Pero pwede na po ba akong magkaroon ng boyfriend? Total ayaw naman po ninyo akong magtrabaho?"
Nagulat naman ang mag-asawa na natigilan sa sinabi ng anak.
"Bakit anak? May boyfriend ka na ba? O may nanliligaw na sayo? Pwede ba naming malaman ng mommy mo?"
Hindi pa rin makapaniwala si Nicardo sa sinabing iyon ni Neri. Wala naman silang nababalita na manlilugaw nito. Isa pa, sobrang open ni Neri sa kanila. Kaya nakakapagtaka ang tanong nito na iyon.
"Nagtatanong lang naman po ako. Bagay po ba kami?" ipinakita ni Neri ang wallpaper niya sa mga magulang. Bagay na hindi inaasahan ng mga ito.
"Anak! May masama bang ginawa ang lalaking ito sayo? Bahay ba niya ito? Bakit mukhang wala kaming alam na nagpunta ka sa bahay ng lalaki? Pinilit ka ba niya?" may diing tanong ni Nicardo. Nakadama siya ng pagkairita sa nakitang larawan sa cellphone ng anak. Kahit naman siguro sinong magulang ang makakita ng ganoon ay talagang mag-iinit ang bumbunan.
Ang nag-iisang anak niya, habang nakahiga sa kama kasama ang lalaking nito lang naman nakilala ni Neri. Tapos ay nakahalik pa sa pisngi. Sinong magulang ang hindi magwawala ang kalooban? Isa siyang ama na sobra ang pag-iingat sa anak, kaya hindi niya mapapalampas ang kung sino man ang mananakit sa anak niya.
Tahimik lang namang nakatingin si Rozalyn sa larawan. Tulad ng kanyang asawa ay nabigla din siya sa nakita. Hindi niya magawang makapagsalita. Gusto niyang marinig ang paliwanag ng anak. Ayaw niyang humantong sila sa hindi pagkakaunawaan. Kaya kahit nagsisikip ang dibdib ay hinintay na lang niyang sagutin ni Neri ang mga tanong ng kanyang asawa.
"Daddy wala pong masamang ginawa sa akin si Kuya Jose. Actually hindi po siya nakapasok sa trabaho dahil may sakit siya ngayon. Nabasa po siya ng ulan ng ihatid po ako kahapon doon sa may guard house. Isa pa po yang larawan na iyan. Sorry na po mommy, daddy kinuhanan ko po ng palihim si Kuya Jose habang natutulog. Ang ganda po ng kuha po namin di po ba?" kinikilig pang wika ni Neri ng hindi malaman ng mag-asawa kung matatawa o maaawa sa anak.
"Ibig sabihin wala siyang alam dyan? Ay bakit parang hinahalikan ka?" hindi mapigilang tanong ni Nicardo.
"Daddy tulog nga. Napabaling lang sa tabi ko. Ang galing nga po. Ang ganda ng kuha. May pamblackmail na ako kay love." halos pabulong na lang ang huli niyang sinabi. Kaya hindi narinig ng mga magulang niya.
"Kasintahan mo na ba anak ang lalaking iyan? Baka naman, mamaya gawan ka niyan ng masama?" pagtatanong pa ng daddy niya pero wala namang halong pagtutol.
"Daddy tingnan mo po." ipinakita naman ni Neri ang mga mensaheng ipinadala niya kay Jose, pero isang malaking K lang ang natanggap nitong sagot sa lahat ng sinabi ng anak.
"Kita po ninyo, hindi na nga nagsasalita napakatamad pang magreply. Daddy 160 character po ang isang text pero isang letra lang ang ginamit." sumbong pa ni Neri sa ama na tinawanan nito.
Nangingiting hindi naman maipaliwanag ni Rozalyn ang nararamdaman para sa anak. "Napakainosente mo anak sa larangan ng pag-ibig. Kung darating na magmamahal ka ngayon at diyan ka kay Kuya Jose mo magkakagusto, eh may gusto ba sayo?"
"Mommy naman eh! Kita mo? Kung hindi pa dahil sa pambablackmail ko baka pinalitan na niya ang wallpaper niya. Ewan ko lang din po pagmagkikita ulit kami. Papayagan po ba ninyo ako na magkita ulit kami?" tanong ni Neri sa mga magulang na may halong pakikiusap.
"Pero anak, ano bang nagustuhan mo sa lalaking iyan? Ang tanong gusto ka ba ng gusto mo?" ani Nicardo.
"Daddy naman eh." reklamo pa niya. "Hindi nga po alam. Sinabi ko lang po na pagpinalitan niya ang wallpaper niya, ipapamalita ko na girlfriend niya ako. Kita po ninyo kung ilang oras bago sumagot ng tuwid na tuwid na K. Tatlong oras daddy. Three hours." halos ipagduldulan pa ni Neri tagal ng pagrereply ni Jose.
"Pero sinabi mo bang girlfriend ka n'ya?"
"Hindi nga po daddy. Sa pambablackmail ko lang nasabi. Tulog nga po si Kuya Jose ng umalis ako ng bahay niya. Si Kuya Cy po amg naghatid sa akin kanina sa labas ng subdivision. Nakakatuwa po na makilala ang mga kaibigan ni Kuya Jose. Si Kuya Igo at Kuya Cy, kasama ang mga asawa nila. Kilala po ba ninyo sila? Lahat po sila dati kargador sa palengke. Pero kahit naman daw ngayon." tanong ni Neri sa ama na mas napagtanto ni Nicardo na mabubuting tao talaga ang nakilala ng anak.
Simple lang naman ang pamumuhay ng magkakaibigan na iyon, at makikita mo talaga ang kabutihan ng kalooban.
"Alam naman ng mga kaibigan niya na girlfriend ka ni Kuya Jose mo?" natatawang tanong pa ni Nicardo. Halata naman ni Rozalyn na inaasar na ng asawa ang anak.
"Hindi nga po." nakapout pang sagot ni Neri.
Natawa na lang ang mag-asawa sa inasta ng anak. Hindi nila malaman kung kanino maaawa. Kay Jose ba na natagpuan ng kanilang anak o sa kanilang anak, na naging instant girlfriend ng lalaking gusto nito kahit ang lalaking iyon ay walang alam sa nararamdaman ng kanilang anak.
Kung kanina ay halos kumawala ang galit sa puso ni Nicardo sa nakitang larawan. Ngayon naman ay naubusan siya ng sasabihin sa kagustuhan ng anak na sana ay magustuhan din ito ng lalaking gusto nito.
"Pasaan ka Nic?" may diing tanong ni Rozalyn sa asawa ng mapansin nitong unti-unting, umaalis si Nicardo sa kinauupuan nito.
"Sa kwarto magbibihis lang. Kanina pa ako dito sa bahay pero hindi pa ako nakakapagpalit ng damit." paliwanag niya.
"Hindi, samahan mo ako sa kwento ng anak mo. Walang aalis o sa ibang kwarto ka matutulog?"
"Sabi ko nga, sige anak magkwento ka pa. Patapos na ba 'yang niluluto mo? Parang gusto ko na talagang kumain at magpahinga. Nakakapagod ding makinig anak. Bakit naman pati aso kinausap mo pa?" hindi makapaniwalang wika ni Nicardo habang nakikinig sa kwento ng anak habang nagluluto.
Palihim namang tumawa si Rozalyn sa reklamo ng asawa.