#TPSKKabanata18
Haircut
OCTAVIA ‘V’
“V!”
“Ano? Saan ang sunog? Ouch!”
Sinamaan ko ng tingin si Portia na nagawa pang tumawa kahit na parang naalog ata ang utak ko sa lakas ng pagkakauntog ko sa biglang tayong ginawa ko.
“Bwisit ka Apat!” saad ko’t hinimas-himas ang nasaktan kong ulo.
“Gosh, V, you never change talaga, you’re so clumsy pa din. But why ba parang puyat na puyat ka? Wala ka namang work since pinagpapahinga ka nga di ba?”
“Gosh, P, you never change din, so conyo pa din,” panggagaya ko sa maarte niyang pananalita pero tumawa lang siya kaya natawa na lang din ako bago humikab at kinusot-kusot ang mga mata ko.
Ang sarap pang matulog at humilata buong araw sa kama ko pero etong babae na ‘to ay binulabog ang katahimikan ko. Need ko na daw talaga magpagupit at papakulayan niya na rin daw ako.
Siyempre ayoko noong una…pero sinong makakatanggi sa libre?
Sponsorship din daw niya iyong salon na pupuntahan namin, siyempre grab the opportunity na.
“So, why ka nga puyat?” tanong niya habang papasok kami ng mall.
Kuha agad namin ang atensyon ng mga tao dahil sa kanya. Hindi naman ako kinakabahan na dudumugin ang artista kong kaibigan dahil sa mga nakasunod na bodyguard sa amin.
Napapangiwi nga lang ako dahil parang nangangampanya si Portia na kumakaway-kaway pa.
“Wala naman si Kuya kaya wala dapat na pupuyat sa ‘yo, si Kuya Grant din busy sa hospital. Do you have a boyfriend ba ulit?”
Sinimangutan ko si Portia. “Anong kinalaman ng dalawang tolonges na ‘yon kapag puyat ako, Portia?”
“Duh. Si Kuya hilig kang hilahin no’n out of nowhere para lang kumain ng bulalo sa Tagaytay, samantalang si Kuya Grant naman ikaw ang naiisip na isama kapag may mga party siyang dadaluhan. Tapos kapag may boyfriend ka naman–”
“Hep hep, tama ka na. Kung magsalita ka diyan, parang lalaki lang ang pwedeng pumuyat sa akin. May pinanood kasi akong GL series kagabi, ayon hindi ko natigilan. Halos umaga na akong natulog!”
“GL series? What’s that?”
“Girl’s love,” kinikilig kong sagot nang maalala ang pinanood ko kagabi.
“Oh, girl’s love, like girl to girl, you mean?”
Nilingon ko siya at inilingan nang mapalakas ang boses niya. Ito talagang babaeng ‘to. Hindi lang dahil artista at modelo kaya kuhang-kuha ang atensyon ng mga tao eh. Akala mo may microphone ang bibig eh.
“Hmmm, so are you like liking a girl na ba kaya ka nanonood na ng ganyan?” kuryoso niyang tanong.
Nakaisip ako ng kalokohan para pampawala ng antok. Inakbayan ko si Portia. “What if I tell you I like you, Por?”
“Well, I like you, too, V. But as much as I hate Kuya’s guts, ayokong agawin ka sa kanya.”
Naglaho ang ngiti sa labi ko at sinamaan siya ng tingin. “Ikaw na babaita ka, hindi mo na talaga kami tinantanan ng Kuya mo. Halos isang dekada na kaming magkaibigan niyang Kuya mo, hanggang ngayon nilalagyan mo pa din kami ng malisya.”
“Can you blame me? You and Kuya were inseparable, and he’s willing to ditch everything on his plate just for you.”
Inilingan ko siya. “Best friends nga kami, natural lang ‘yon, kahit ako din naman basta para sa kaibigan ko iiwanan ko lahat-lahat–”
“He named his first chocolate launch after you.”
“Dahil wala na daw siyang maisip na pangalan, saka gamit na gamit niya ako sa tasting no’n oy!” saad ko inaalala ang unang labas na chocolate ng kompanyang pinamamahalaan ng babaero kong best friend.
“How about–”
“Andito na tayo! Buhok lang ang gagawin natin, Portia, ah. Ayokong maubos ang buong araw dito sa mall, may tatapusin pa akong palabas,” putol ko sa sasabihin niya dahil nasa mood na naman siyang asarin kami ng Kuya niya na best friend ko.
Best friend nga eh.
Ayokong mag-ala Kim, the syinota mo ang best friend mo.
Besides, kahit minsan ay iniinis ako ng lalaking ‘yon, I don’t want to lose him. I can’t lose him.
“Welcome to Luxe and Hair, Miss Portia, and Miss V,” bati sa amin ng manager ng salon.
Hindi na ako nagulat nang hindi lang buhok ang papakialaman sa akin. Pati mga nananahimik kong kuko, muntik pa kong palagyan ng nail extension ni Portia, mabuti na lang napigilan ko. Baka maputol lang ‘yon sa trabahong meron ako.
Nakarating na ako sa dreamland nang may tumapik sa balikat ko. “Ma’am, ano pong gupit n’yo?”
Malabo ang mga mata na itinuro ko iyong display nila. “Iyon na lang ang init eh,” saad ko at muling ipinikit ang mga mata ko.
“Po? Ganoon kaikli?”
Tumango na lang ako, mabilis naman humaba ang buhok ko. Walang masama sa itaas na balikat na buhok.
“Omygoshhhhh!”
Napapitlag ako at biglang napatayo sa tili ni Portia. “Ano? Anong nangyayari?”
“Your hair…”
“Oh–” namilog ang mga mata ko sa gulat nang makita ang buhok ko na maikli. Napahawak ako ro’n.
Pixie cut!
“Po? Ayon po ang t-tinuro n’yo Ma’am,” nanginginig ang boses ng hair tech na nag-gupit sa akin sa display ng mga haircut nila.
Lumapit sa amin ang manager at kitang-kita ko ang takot sa mga mata no’ng gumupit sa akin.
“Why? Mali ba siya nang nagawa, V? That’s too short pero it’s bagay naman to you.”
Tumikhim ako. “A-ah oo nga bagay-bagay, hindi antok lang ako. Tama naman. Wala pong problema,” saad ko sa manager na mukhang anumang segundo ay bubugahan na ng sermon iyong staff.
Sa huli’y ang hanggang balikat na binabalak ko’y naging pixie cut. Pina-abo na rin ni Portia ang kulay para mas bagay daw sa akin.
Ngalay na ngalay tuloy ang pwetan ko at batok ko. Gusto pa nga kaming bigyan ng spa ni Portia pero mabuti naman at ipinagpa-next time na lang ‘yon ng kaibigan ko. Gutom na gutom na rin kasi ko.
“We should change our clothes, then let’s eat at my favorite restaurant!” hagikhik ni Portia at hinila ako sa mamahaling clothing shop.
Wala na ring magagawa ang pagpoprotesta ko. Hinayaan ko na lang siya na bihisan akong parang manika.
“OMG, you are so hot, V!” matinis ang boses niyang saad matapos kong isuot ang satin dress na may kababaan ang neckline.
“Por, ang ikli nito! Ayoko–”
“Please, it really looks good on you, let’s hit a club after na din. I’m so lonely and I want to unwind naman, go with me,” naglalambing niyang saad at niyakap-yakap pa ako.
Pinagmasdan ko ang sarili ko sa salamin, napapailing. “Kanina restaurant, ngayon bar na. Hanep ka talagang babae ka.”
Tumawa siya. “Yieee, love mo talaga ako. I love you, V!” matunog niya pang hinalikan ang pisngi ko na ikinangiwi ko.
Napatitig ako sa haircut ko at may alaalang dumaloy sa isip ko. Nakangising hinarap ko si Portia nang may maisip.
“Picture tayo.”