NALIGO at nagpalit ng damit si Anje bago bumaba sa living room kung saan naroroon si Ted.
“Ready?” tanong nito.
Tumango siya at lumapit dito. Proud siya sa sarili niya na kalmado na uli siya. “Kung alam ko lang na lalabas ako ng bahay, sana nagdala ako ng kahit anong pang-disguise,” wika niya rito.
Ngumiti ito. “You look fine. Mas mapapansin ka kung pinipilit mong huwag mapansin. Kapag may lumapit na lang sa `yo at sinabing ikaw si Anje, sabihin mo na lang na kamukha mo lang siya,” sabi nito.
Tumaas ang isang kilay niya. “Ganyan ba ang palagi mong palusot sa mga lumalapit na fan sa `yo?”
Hindi ito sumagot. He just gave her a knowing smile that made her stomach flutter.
Umismid siya at nag-iwas ng tingin. “I get it. Tara na nga.” Nagpatiuna na siya sa paglabas sa bahay.
Mayroong supermarket sa labas lang ng subdivision nila kaya nilakad lang nila iyon. Ilang minuto silang tahimik lang at pinagmamasdan ang tinatahak nilang daan.
“Hindi natin ginagawa ito dati,” mayamaya ay sabi ni Ted.
Napatingin si Anje rito. “Ang mag-grocery?”
Amused na tumingin din ito sa kanya. “Ang maglakad nang ganito. Just the two of us.”
Napatitig siya rito. At muli ay wala siyang nakikita sa mga mata nito kundi amusement at brotherly affection. Paano nito nasasabi ang mga bagay na iyon na nagpapalipad sa mga paruparo sa sikmura niya habang ito ay walang ibang nararamdaman? At bakit ba siya asa nang asa na mag-iiba ang pagtingin nito sa kanya? Alam naman niyang hindi iyon mangyayari.
Inalis niya ang tingin dito at nagkibit-balikat na lang. Mabuti na lang at dumating na sila sa supermarket. Nagkaroon siya ng dahilan na ibahin ang usapan nila. Natuon na sa kung ano ang dapat nilang bilhin.
Dahil halata na mas may alam ito sa paggo-grocery kaysa sa kanya, siya na lang ang nagtulak ng pushcart nila habang ito ang naglalagay ng laman doon. Maaga pa nang magpunta sila roon kaya wala pang gaanong tao. Ang mga staff naman na kahit titig na titig sa kanilang dalawa ay hindi nagtatangkang lumapit sa kanila.
“Miss, kayo ho ba si Anje ng Wildflowers?” tila hindi na nakatiis na tanong ng cashier nang nasa counter na sila.
Napatingin siya rito at sa expectant na mukha ng mga kasama nito roon. Sumulyap siya kay Ted na nakaangat ang mga kilay habang nakatingin sa kanya. Tumikhim siya at nginitian ang babae. “Yes.”
Kumislap ang mga mata nito at sa isang iglap ay lumapit na sa kanila ang iba pang staff doon. Dahil wala pang ibang customers ay pumayag ang manager ng mga ito na magpa-picture sa kanya. Sa isang iglap ay naging official photographer na nila si Ted na ngingisi-ngisi lang habang kumukuha ng larawan. Kung alam lang ng mga ito na isa sa mga nirerespeto at hinahangaang tao sa Europa ang ginawang photographer ng mga ito. Subalit mukhang kahit hindi kilala ng mga ito si Ted ay hindi naman naitago ng mga babae roon ang kilig sa kaguwapuhan nito. Nagpa-picture din kay Ted ang mga ito.
Pareho silang tahimik ni Ted nang makalabas sila ng supermarket bitbit ang mga pinamili nila. Pagkatapos ay nagkatinginan silang dalawa saka nagkatawanan. The kind of laugh children had whenever they did something silly. The kind of laugh they used to have when they were kids. It was… refreshing.
“Hindi mo ginawa ang sinabi ko sa `yong gawin mo kapag may nagtanong sa `yo kung sino ka,” naa-amused na sabi ni Ted.
Nakangising napailing si Anje. “I can’t. Me and my bandmates never ignore our fans,” wika niya.
Tinitigan siya nito saka ngumiti nang maluwang.
Nahigit niya ang hininga nang mapatitig din siya rito. Again, the world seemed to stop spinning while she was staring at his beautiful face.
“That’s nice,” wika nito sa malamyos na tinig. Pagkatapos ay dumeretso ito ng tayo at nag-iwas ng tingin.
And that magical moment was gone.
Kumurap siya at nang maglakad ito ay tahimik na umagapay na lamang siya rito. Napabuntong-hininga na lang siya at muling sumulyap kay Ted na gaya ng dati ay walang kamalay-malay sa nangyayari sa kanya.
Hindi bale na nga. I don’t expect him to know anyway. It’s better this way.
Dapat ay pakunsuwelo niya iyon sa sarili. Unfortunately, it did not make her feel any better.
NAGING maayos ang buong araw para kay Anje. Sa katunayan, natagpuan niya ang sariling nag-e-enjoy kasama si Ted. Ito ang nagluto ng tanghalian nila dahil pareho nilang alam na hindi siya marunong magluto. Dahil dalawa lang sila, sa kusina sila kumain. Pagkatapos ay nanatili pa sila roon at nagbalitaan sa mga nangyari sa isa’t isa sa nakalipas na mga taon.
They never talked about their younger years though. Na para bang may tahimik na pagkakaunawaan sila na huwag magbabanggit ng kahit na anong magpapaalala sa kanila na may isang taong mahalaga sa kanilang dalawa ang wala na sa mundo. Marahil ay dahil pareho nilang alam na siguradong mawawala ang kumportableng sandali kapag binanggit nila iyon.
Kinagabihan ay siya naman ang naghanda ng hapunan. Pareho silang hindi heavy eater sa gabi kaya naghalo na lang siya ng vegetable salad para sa kanilang dalawa. Pagkatapos nilang magligpit sa kusina ay bigla na lang itong nawala. Nagdesisyon siyang umakyat na sa ikalawang palapag. Hindi niya maipaliwanag kung bakit, subalit may pakiramdam siyang doon niya ito matatagpuan.
Nakumpirma ang hinala ni Anje nang nasa pasilyo na siya ng second floor at marinig niya ang tunog mula sa piano. Napakurap siya at napabilis sa paglalakad nang makilala niya ang tinutugtog nito.
Her heart skipped when she finally reached the music room. Nakangiti ito habang malumanay na tinutugtog ang piano part ng “Salut de Amour” ng composer na si Elgar. Iyon ang unang piano piece na narinig niyang tinugtog nito sa stage kasama ang isang violinist na anak ng kakilala ng mga magulang niya. She was only eleven at the time.
Pinanood lang niya ito roon, tila napako ang mga paa niya sa sahig. Ang puso niya ay hindi na bumalik sa normal ang t***k. It was painful, watching him like this, knowing that he will never be hers.
Tumingala ito sa kanya at ngumiti. Pagkatapos ay huminto ito sa pagtugtog at tumayo. “Why don’t you play something, too?”
Kumurap siya at napatitig sa piano.
“For sure, kahit maraming taon na ang lumipas, may piyesa ka pa ring hindi nakakalimutan?” giit pa ni Ted.
Lumunok siya at iniangat ang tingin sa mukha nito. Pagkatapos ay umiling siya. “No. Magpapahinga na ako. Ikaw na lang ang tumugtog.” Pagkasabi niyon ay tinalikuran na niya ito.
Nakakailang hakbang na siya palayo sa music room nang mapasinghap siya sa biglang paghawak nito sa braso niya. Napalingon siya rito. Bahagya pa siyang nagulat nang makitang seryoso ang mukha nito habang nakatingin sa kanya.
“Why are you running away?” tanong nito sa mababang tinig.
Huminga nang malalim si Anje. “I’m tired,” sagot niya.
“No. I mean why are you running away from playing the piano? You’re good at it, Anje. Pero mas pinili mong sumali sa isang rock band kaysa ang i-pursue ang piano career mo. I’m sure you can do it,” wika nito.
Napatitig siya rito. Mayamaya ay bumuntong-hininga siya at ngumiti. “Ted, mali ka ng iniisip. I’m not running away from anything. It’s just that I love my band more than anything else. Mas masaya ako sa musika namin at hindi ko iiwan `yon. You know that, right?” tanong niya rito.
Ilang sandaling nanatili lang itong nakatitig sa kanya. Pagkatapos ay bumuntong-hininga ito at lumuwag ang pagkakahawak sa braso niya.
Umatras ito. “I understand. Pero huwag mo pa ring kalimutan ang piano. Play a piece once in a while. Malulungkot si Eve kapag hindi ka na tumugtog.”
Napakurap siya sa nahagip niyang lungkot sa tinig nito.
So, that’s the reason.
Ang akala niya, masasaktan siya sa realisasyong iyon. Ngunit natagpuan niya ang sariling napangiti sa debosyon nito sa ate niya.
Ate, ang suwerte mo talaga. I wish you were still alive. Mas kaya kong makita kayong dalawa na masaya kaysa ganito.
Huminga siya nang malalim saka tumango. “Okay. Goodnight, Ted.”
Ngumiti ito. “Goodnight, Anje.”
Tumalikod siya at tuluyang pumasok sa silid niya. Nang sumulyap siya rito ay nakatayo pa rin ito sa kung saan niya ito iniwan at nakatingin sa kanya. Tumango ito. Tumango siya. Pagkatapos ay isinara na niya ang pinto.
Wala sa loob na napahawak siya sa bahagi ng braso niya na hinawakan nito. Nararamdaman pa rin niya ang mga daliri nito roon.
“The touch of your fingers against my flesh… reminds me of the first time we met…” bulong niya.
Kumurap si Anje at mabilis na lumapit sa study table niya roon. Hinalughog niya ang bag niya at kinuha ang notepad at ball pen niya. Pagkatapos ay isinulat ang mga linyang naisip niya.
When everything around us became blurry. And all I could see was you.
Huminto siya at tumingin sa labas ng bintana.
But the world stopped not for me. For you were looking at her and not me.
Mapapakinabangan din pala niya ang damdaming iyon. Malungkot siyang napangiti.