CHAPTER 7

1572 Words
PUMIKIT nang mariin si Anje at marahas na ibinagsak ang katawan sa kama. She did it again. Idinaan na naman niya sa pagsusungit at galit ang pakikipag-usap niya kay Ted. Naiinis siya sa sarili na parang hindi siya nag-mature. Dapat ay kaya na niya itong harapin na tila walang anuman. Kaya naman niyang makipag-usap sa ibang lalaki nang normal. Pero bakit pagdating kay Ted, pakiramdam niya ay hindi niya magawang umakto nang normal? Sa tuwina, upang itago ang pagkakagulo ng mga emosyon sa loob niya ay idinadaan niya sa pagsusungit ang usapan. Katulad kanina. Kahit pa iyon ang unang beses na nagkita uli sila. But this time, it’s his fault, bulong ng nagre-rebeldeng bahagi ng isip niya. Tama. Because he was acting like her parents. Pati ito, sinasabihan siyang bumalik sa pagpi-piano. Pati ito, gustong iwan niya ang banda niya. Hindi ba naiintindihan ng mga ito na masaya siya sa career niya? Na ang musika nilang magkakaibigan ang buhay niya? That the Wildflowers made her happy? Na kahit ano ang gawin ng mga ito, kahit pilitin pa siya ng mga ito na bumalik sa piano at mag-concentrate sa classical music ay hindi siya magiging gaya ng ate niya. Kung nandoon lang ang ate niya, tiyak na pinagalitan na siya nito. “Ako ay ako at ikaw ay ikaw. Stop letting them compare you to me because we are different. You are fine just the way you are.” Napangiti siya nang maalala ang palaging sinasabi nitong iyon. Naniniwala siya rito. Kaso, hindi ang ibang tao, lalo na nang mawala ang ate niya. Bigla lahat ng tao sa paligid nila, kahit ang mga magulang niya, ay determinadong pasunurin siya sa yapak ng ate niya. At masakit mang isipin, mukhang pati si Ted. Huminga siya nang malalim. Pagkatapos ay dumapa siya sa kama at isinubsob ang mukha sa unan. Ano pa ba ang aasahan niya? Noon pa man ay ang ate niya ang priyoridad ni Ted. Matagal na niyang tanggap iyon. She felt a pain in her heart that was so familiar to her and she did not even bother to pay attention to it. Lumaki na siyang nararamdaman ang sakit na iyon kaya nakasanayan na niya. Natawa siya nang pagak. Ang pathetic isipin na nakakasanayan pala ang sakit na iyon. Iyon pa rin ang iniisip niya hanggang sa makatulog siya.   KUNG hindi pa sa sunod-sunod na katok sa pinto ng silid ni Anje ay hindi pa niya mamamalayan na nakatulog pala siya. “Anje, open up,” malakas na sabi ni Ted mula sa labas ng pinto. Muli itong kumatok. Nakakunot ang noong bumangon siya at marahas na binuksan ang pinto. “Bakit ba—” Bumara sa lalamunan niya ang sasabihin niya nang manuot sa ilong niya ang bagong paligong amoy ni Ted. It teased her senses and nearly turned her mind into mush. Nearly. Dahil nang mapatingin siya rito at makitang basa pa ang buhok nito at ang makapal na mga pilik-mata nito at ang suot nito ay simpleng puting T-shirt na humahakab sa katawan nito at shorts na hanggang mga tuhod ay tuluyan nang natunaw ang utak niya, pati na ang mga tuhod niya. Why must he still look like the prince of her dreams after all these years? Bakit ba hindi na lang ito pumangit para mamatay na ang unrequited love niya rito? Bakit hindi na lang ito naging grumpy o kaya ay sumama ang ugali para hindi niya nakikita ang noon ay laging sinasabi ng ate niyang magagandang katangian ni Ted? “Hindi mo siya puwedeng agawin sa akin.” Nagtagis ang mga bagang niya nang maalala ang sinabing iyon ng ate niya. Alam ko, Ate, paghihimutok niya sa isip habang nakatitig pa rin sa mukha ni Ted. Gusto niya itong suntukin at sunggaban nang sabay. Nagalit siya sa sarili sa isiping iyon. “What?” sikmat niya rito. Akmang magsasalita na ito nang bumaba ang tingin nito sa katawan niya at kumunot ang noo. “Hindi ka pa nagbibihis?” nagtatakang tanong nito na nakatingin pa rin sa suot niya. Ang ayaw niya sa lahat ay iyong tinitingnan siya nang may malisya. Pero sa pagkakataong iyon ay mas nainis siya na walang kislap ni katiting na interes sa mga mata nito habang nakatingin sa kanya. Patunay na hindi siya nito nakikita bilang babaeng magugustuhan nito. “Nakatulog ako. Pero bakit ka ba kumakatok?” naiinis pa ring tanong niya. Umangat ang tingin nito sa mukha niya na tila noon lang uli naalala ang dahilan kung bakit ito nasa pinto niya. “Ah, we have a problem,” sabi nito. “Ano?” Bumuga ito ng hangin at humalukipkip. “It seems like we are the only people in the house. Walang katulong kahit isa at wala rin si Nanay Ida. At tumawag si Mama kani-kanina lang para sabihing bukas pa sila makakauwi dahil may biglaang event na kinailangan nilang puntahan. She also told me that she forgot to tell us na pinagbakasyon niya ang mga kasambahay. So there, tayong dalawa lang dito hanggang sa dumating sina Mama.” Umawang ang mga labi ni Anje sa sinabi ni Ted. Silang dalawa lang doon? Anong klaseng biro iyon ng tadhana?     “SO, ANG problema natin ay walang kahit anong pagkain sa kusina. We need to go out and buy groceries,” patuloy ni Ted sa sinasabi nito. Napakurap si Anje at naitikom ang bibig. Iyon ang problemang sinasabi nito? Dahil lang wala silang pagkain? Kung alam lang nito na mas matindi pa roon ang pinoproblema niya. Na hindi siya kumportableng silang dalawa lang ang nasa bahay. Na baka hindi iyon kayanin ng puso niya. Malamang, tatawanan ka niya kapag sinabi mo `yan, pambubuska ng nakakainis na bahagi ng isip niya. Humalukipkip din siya. “Puwede naman tayong um-order na lang ng pagkain kapag nagugutom na tayo. Hindi `yon problema.” Tumaas uli ang mga kilay ni Ted. Naningkit ang mga mata niya. Ito lang yata ang lalaking nakita niyang lalong gumuguwapo kapag ginagawa iyon. `Kakainis. “Balak mong magpa-deliver na lang ng pagkain hanggang bukas?” namamanghang tanong nito. “Bakit hindi? Mas convenient `yon, hindi ba?” Pumalatak ito at tinapik siya sa ulo na tila isang bata. Lalo siyang nainis pero hindi niya magawang palisin ang kamay nito sa kanya. After all, sa mga ganoong pagkakataon lang naman niya nararamdaman ang kamay nito sa kanya. His touch, no matter how casual it was, was a treasure for her longing heart. “Hindi `yon convenient, Anje, Magastos. Come on, let’s go out. Mag-grocery tayo,” wika ni Ted. Kumunot ang noo niya. “Palalabasin mo ako?” “You are talking like a superstar, do you know that?” Itinaas niya ang noo para lang inisiin ito. “Excuse me, I am a superstar.” Amused na tumaas ang sulok ng mga labi nito. “Is the fame getting into your head now, brat?” Umismid siya. “Para namang ikaw hindi sikat. Don’t tell me, naggo-grocery ka sa Paris?” “I do,” bale-walang sagot nito. Nanlalaki ang mga matang napatingin siya sa mukha nito upang tingnan kung seryoso ito. Tumango-tango ito. “Mas malumanay ang mga classical music fans kaysa sa fans ninyo. At hindi kasinlaki ng kinikita mo ang kinikita ko para ma-afford magpa-deliver ng pagkain palagi. Mas convenient ang magluto sa bahay.” Hindi makapaniwalang tiningnan niya ito. Mas malaki nga siguro ang kinikita nilang banda. Pero malabong hindi nito kayang um-order ng pagkain palagi. After all, he was one of the highest payed pianists in the world. Kasama na ang mga magulang niya. “Isa pa, kailan ka huling nagpunta sa grocery, ha?” tanong ni Ted. Halatang hindi nito pinansin ang tinging ipinukol niya rito. Hindi siya nakasagot. Matagal na. Noong bago pa sila manalo ng banda nila sa contest ng Diamond Records na naging tulay nila sa kasikatan. “See? Maganda ring ma-experience mo uli ang ilan sa mga bagay na hindi mo na nagagawa. Now, let’s go,” yaya nito. Bago pa siya makapagreklamo uli ay hinawakan na siya nito sa braso at hinila palabas ng silid niya. Sa sobrang pagkagulat niya sa ginawa nito ay nawalan siya ng balanse at napasubsob siya sa dibdib nito. Bumilis ang t***k ng puso niya. Pakiramdam niya ay huminto ang oras dahil lang sa munting pagdadaiti na iyon ng mga katawan nila. Ngunit alam ni Anje na siya lang ang nakaramdam ng ganoon. Dahil bale-walang hinawakan ni Ted ang mga balikat niya at walang anumang inilayo siya sa katawan nito. “Inaantok ka pa yata. Are you okay?” puna nito. Hindi niya tinangkang tingnan ito. She was afraid of what she will not see in his eyes. And she was afraid of what he will see in hers. Lumunok siya upang alisin ang bara sa lalamunan niya. “Magbibihis lang ako. Susunod ako sa ibaba, promise,” sabi niya rito. Pagkatapos ay tumalikod siya at mabilis na pumasok sa silid niya. Naramdaman niyang tila may sasabihin pa ito pero agad na isinara na niya ang pinto. Ilang sandaling nakasandal lang siya roon bago ito nagsalita. “Okay. Hihintayin kita sa ibaba.” Pagkatapos ay narinig niya ang papalayong yabag ng mga paa nito. Napabuntong-hininga siya at nanghihinang napadausdos sa sahig. Pagkatapos ay pumikit siya nang mariin. Kailangan niyang kontrolin ang mga reaksiyon niya rito, kung ayaw niyang malaman nito kung ano ang nararamdaman niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD