Bata pa lang pangarap ko nang maging isang lisensyadong doktor ng mga hayop pero hindi naging madali ang buhay kaya bumagsak ako sa pagtatrabaho sa corporate.
Hindi naman 'yun masama pero kapag wala sa lugar na kinaroroonan mo ang puso mo, apektado ang buong sistema mo. Kaya nga pagkalipas ng ilang taong pagtitiis, pananalangin at pagpapalakas ng loob, sumugal ako.
Nang makaipon ako ng pera, kumuha ako ng short term course para magkaroon ng sertipiko at maging isang vet assistant. Oo, malayo ito sa pangarap kong maging doktor pero nang makapagtrabaho ako sa vet clinic kasama ang mga pasyente naming stray cats and dogs, pakiramdam ko unti-unting nagbalik ang buhay sa katawan ko. Dumaloy ang dugo sa mga ugat ko at gumanda ang disposisyon ko. Kung tatanungin n'yo ako kung masaya ako sa ginagawa ko, oo ang isasagot ko.
"Hays. Ang hirap. Hindi ko na kaya." Napalingon ako kay Isay matapos n'yang sabihin ang mga katagang 'yun.
Magkasama kami ngayon at ako ang nakatokang magluto ng lunch namin. Busy kasi sa pag-e-edit ng video nila for short film presentation ang girlfriend ko.
"May problema ba, Lovely?" Agad kong binitiwan ang ginagawa ko saka ko s'ya nilapitan. Tapos dumungaw ako sa laptop n'ya para silipin ang kan'yang ginagawa.
"Hindi ko kasi maintindihan 'tong outline ko, Baby. Hindi sila nagtutugma ng mga clips namin tapos wala pa akong maisip na magandang effects for transition. Parang hindi gumagana ang artistic and creative juices ko, mababaliw na ako!" Sabi n'ya tapos tumingala s'ya saka nag-pout. So, no choice, kiniss ko s'ya para hindi na s'ya sumimangot.
"Bakit amoy sibuyas ka? Eme lang, mabango ka pa rin saka expensive ang sibuyas so luxury na meron tayo n'yan ngayon." Anya kaya humalakhak ako. Baliw amp.
"Puro ka talaga kagagahan." Sabi ko tapos hinampas n'ya ako sa braso. Grabe, mapanakit ang bebe ko! Pero balik tayo sa problema n'ya.
Nag-decide akong tabihan s'ya pansamantala since pinapakulo ko pa ang ulam namin. Nang magtama ang aming paningin, muli na naman s'yang sumimangot habang nakapangalumbaba.
"Puede ba akong maging honest sa 'yo, Liway?" Tumango ako bilang pagsang-ayon saka matamang nakinig.
"Ang totoo, hindi ko na alam kung may future ba ako sa ginagawa ko."
"Ano'ng ibig mong sabihin?"
"Nagdududa na kasi ako if magiging successful ako pagdating ng panahon lalo na sa field na pinag-aaralan ko. Paano kung wala naman palang sense ang lahat? Na pag nagtrabaho na ako, hindi maging okay o mahirapan ako? Saan na lang ako pupulutin, Love? Ayokong biguin ang sarili ko."
Awww.
Bakas sa tono ng boses n'ya ang frustration at pag-aalala sa mga bagay na hindi pa naman nangyayari. Lately, masyadong stress at worried si Isay dahil sa demand ng college. Masipag at matalino ang girlfriend ko. Nakikita ko rin na committed s'ya sa pag-aaral pero at the same time nahihirapan s'yang mag-focus dahil sa uncertainty.
"Okay, darling. Una mong gawin mag-inhale ka..." Nang magkatinginan kami ay dinemo ko sa kan'ya ang pag-i-inhale para masabayan n'ya.
"Tapos exhale." Sabi ko bagay na ginawa rin n'ya. Tatlong beses namin 'yung inulit bago ko s'ya tinapik sa balikat at malumanay na hinaplos sa pisngi. Napangiti naman s'ya sabay halik sa kamay ko. So, napa-ngiti na rin ako.
"Thank you. Medyo kumalma na ako, Darling." Sabi n'ya sa 'kin.
"Pero worried pa rin ako. Paano kung wala akong marating sa buhay at hindi ako maging successful?"
Okay, time for the pep talk.
"Isay, gets ko na nag-aalala ka sa future mo. Sino ba namang tao ang hindi, 'di ba? Kaya nga tayo nagsisikap at nagsasakripisyo dahil meron tayong pangarap. Tungkol naman sa sinasabi mo na paano kung 'di ka maging successful? Love, una sa lahat, 'yan ang dapat mong alisin sa isip mo."
"Walang kahit na ano o kahit na sino sa mundong ito ang makakapigil sa 'yo kapag may isang bagay kang gusto. Basta hindi yun masama, makukuha mo 'to sa takdang panahon na inadya ng kalawakan na mangyari 'to."
"Minsan, matagal dahil merong pinagdadaanang proseso pero sa huli palagi pa rin natin itong nakukuha. Tingnan mo ako, pangarap kong makapagtrabaho sa vet clinic at natupad 'yun dahil isa na akong vet assistant ngayon. Oo, hindi ako naging doktor gaya ng pangarap ko pero na-realize ko na may mga bagay na hindi eksaktong ipinagkakaloob sa 'tin 'di dahil hindi tayo karapat-dapat para sa pangarap nating 'yun kundi dahil may mas magandang dahilan ang tadhana na nakalaan para sa 'tin."
"Sinasabi ko 'to dahil gusto kong maging mabuti ka sa sarili mo. Na kapag may mga pagkakataon o bagay na hindi umaayon sa gusto mo, wag kang ma-discourage na sumubok ulit. Magtiwala ka sa kakayahan mo na makakamit mo anomang hilingin mo dahil kayang-kaya mo. At the same time, hindi rin naman masamang sumubok ng ibang bagay. That way, mas makikilala mo ang sarili mo. Mas madi-diskubre mo na may iba ka pa palang kayang gawin kesa sa mga karaniwan mong ginagawa." Napangiti ako saka masuyong hinaplos at pinisil-pisil ang kamay n'ya. Gusto ko sanang matawa kasi mangiyak-ngiyak na s'ya sa mga sinasabi ko. Kahit kelan, napaka-lambot ng puso ng babaeng 'to.
"Trust the process and the universe, sweet love. Aside from that, nandito lang ako sa tabi mo para magpaalala sa 'yo na kaya mo at i-cheer ka sa mga down moments mo. Okay ba 'yun?"
"Okay na okay, Liway. Thank you kasi nandyan ka. Baka kung wala, nabaliw na ako." Pag-amin n'ya. Di ko na napigilang wag matawa.
"Akala ko 'di ka pa baliw? Kasi ang alam ko, baliw na baliw ka sa 'kin." Sumimangot naman s'ya sabay hampas sa 'kin. Aba! Nakakadalawa na s'ya, ah?
"Eme ka. Ikaw kaya ang baliw na baliw sa 'kin."
"Sa true naman." Sabi ko. Nagkatawanan kami tapos hinapit ko s'ya saka inayang maupo sa lap ko. Tapos iginilid ko ang mga nagkalat na buhok sa kan'yang mukha at isinabit 'yun sa tenga n'ya.
"Kumain muna tayo tapos saka mo na ituloy ang pag-e-edit. Tutulungan kita para hindi ka na mahirapan, okay?" Tumango s'ya bilang pagsang-ayon. Hindi na ako nakasagot dahil siniil na n'ya ako ng halik.
"I love you, baby. Salamat dahil pinagagaan mo ang lahat sa buhay ko." Sinsero n'yang saad dahilan para kulang nalang ay tumalon sa hustong kaligayahan ang puso ko. Di n'yo ako masisisi, lagi pa rin akong kinikilig sa mga litanya n'ya! Gan'to ba talaga kapag in-love?
Kaloka!
"Love you more, sweet girl." I-score pa sana ako ng isa pang halik kaso pareho kaming napahiyaw nang umapaw ang sabaw sa niluluto ko dahil kumukulo na 'to. Natawa na lang tuloy kami.
Universe naman, isang kiss lang eh! Damot amp.