“Hi, sweetheart. I miss you.” Napangiti ako matapos mag-appear ng magandang mukha ng darling ko sa phone. Gosh, three minutes rin ang lumipas bago n’ya sinagot ang video call.
“Hi, baby.” Nakangiti n’yang bati sa ‘kin. Nakita ko pa na inalis n’ya ang suot n’yang lab gown bago tuluyang humarap sa phone.
“How are you, sweet girl? Sorry, kakatapos lang ng third operation namin this morning. Medyo nahirapan si Doc sa patient kasi may inalis kaming tumor du’n sa genital nu’ng stray cat. Nainip ka ba?”
“Nope. I understand. Kumusta ang mingming?”
“Maayos naman and for recovery. Medyo groggy lang sa anesthesia. Anyway…” Nakita kong isa-isa n’yang nilabas ang baunan n’ya ng pagkain para sa pananghalian.
“Kumain ka na?” Tumango naman ako sa tanong n’ya.
“Yes, sandwich. Pero kanina pang break time ‘yun. Wala akong gana ngayong lunch.” Pag-amin ko. Agad namang nagsalubong ang kilay n’ya dahil sa sinabi ko.
“At bakit?” Mapang-akusa n’yang tanong dahilan para matawa ako.
“Bago mo isipin na may sakit ako, uunahan na kita. Wala. Ayos lang ako, Love.”
“Bakit wala kang gana?” Bumuntong hininga muna ako at nagtalo sa isip kung sasabihin ko ba sa kan’ya ang totoong dahilan o mag-iimbento na lang ako. Baka kasi isipin n’ya mababaw ako.
“Ano nga? Naghihintay ako, Isay.” Nag-space out na naman ba ako?
“Lumabas na kasi ang result ng exam namin. Out of 100, naka-95 lang ako.”
“O, ang taas nu’n!” Nakita ko s’yang pumalakpak pero agad din n’yang sinaway ang sarili dahil baka maka-eskandalo s’ya. Dahil du’n, natawa ako at nawala ang pagmamaktol ko. Kahit kelan, napaka-kwela ng girlfriend ko.
“Mataas nga pero dapat mape-perfect ko ‘yun. Five points na lang. Mabuti pa ‘yung classmate ko, perfect score samantalang ako, pangalawa lang sa pinakamataas. Sa…” Hindi ko na naipagpatuloy ang sinasabi ko nang kumumpas s’ya. Di kasi s’ya makapagsalita kesyo may lamang pagkain ang bibig n’ya. Pinanuod ko na lang s’yang ngumuya at inantay na malunok ‘yun.
“Darling, ano bang ibig mong sabihin? Pasado ka. Dapat du’n pa lang thankful ka na.” Mahinahon n’yang sabi.
“Thankful naman ako pero nag-review ako nang mabuti, Love. Nag-expect ako na alam ko na ang sagot sa lahat ng tanong kasi nga nabasa ko na. Pero meron pa ring lumabas sa exam na hindi ko alam. I’m so disappointed sa sarili ko.” Pag-amin ko.
Ang totoo, hindi ko talaga makuhang maging masaya kahit na sabihin nating nakapasa naman ako at mataas pa rin naman ang marka ko sa midterm exam namin. Hindi kasi ‘yun ang inaasahan ko sa sarili ko dahil alam kong binigay ko ang best ko. Pero bakit meron pa ring mas magaling sa ‘kin?
“Naiintindihan ko ang nararamdaman mo. Hindi man eksakto kasi ikaw pa rin ang nakakaramdam n’yan, Isay. Ang masasabi ko lang, wag mo masyadong damdamin ang nangyari dahil lang nabigo ka sa inaasahan mo. For sure ginawa mo ang makakaya mo, ‘di ba?” Tumango ako bilang pagsang-ayon.
“Alam ko ‘yun dahil ako ang girlfriend mo. Kitang-kita ko kung paano ka magsunog ng kilay sa pagre-review tuwing may exam kayo. Kulang na lang hindi ka magpahinga kaya nga minsan naaawa na ako sa ‘yo, darling.”
“Nandu’n na tayo sa ginawa ko ang lahat pero kulang pa rin. Kasi kung ginawa ko nga ang lahat, mape-perfect ko ang exam namin. Magiging masaya sana ako.” Katwiran ko.
Nakita kong lumambot ang ekspresyon ng mga mata n’ya na animo’y gusto n’ya akong hagkan kung maaari.
“Puede ka pa rin namang maging masaya kahit second best ka, Isay. Minsan, hindi mo kailangan maging pinaka-the best sa lahat ng aspeto ng buhay. Tandaan mo na meron at meron pa rin namang mas magaling sa ‘yo at ayos lang ‘yun.” Anya dahilan para mangilid ang mga luha ko. Yung tono kasi ng boses n’ya napaka-seryoso! Akala ko ba naiintindihan n’ya ako? Huhu
“Kung sa lahat ng bagay, ikaw ang number one, ano pa ang dapat mong i-improve? Wala na kasi lahat alam mo na. Sinasabi ko ‘to hindi para sumama ang loob mo. Gusto kong malaman mo na may mga pagkakataong okay lang na hindi tayo ang nangunguna sa lahat ng bagay. Oo, medyo masakit sa ego lalo pa kung nag-expect tayo sa sarili natin, hindi tayo nagkulang at ginawa naman natin ang lahat. Pero wag mo rin sanang kalimutan na hindi tayo perpekto at may mga pangyayari na hindi natin kontrolado.” Sa totoo lang, nauunwaan ko ang punto ng mga sinabi n’ya.
Alam ko naman sa sarili ko na kung may mga ganap na hindi ko kontrolado, ang dapat kong kontrolin ay ang emosyon ko. Kaya lang minsan pumapalya ako.
“Okay lang na malungkot, valid ang feelings mo, sweetlove. Pero kahit hindi ka naka-perfect score sa exam mo ngayon, sobrang proud ako sa ‘yo. Kasi ang galing-galing mo!” Nakangiti n’yang wika dahilan para mapangiti na rin ako. Gumaan ang loob ko dahil sa sinabi n’ya.
“Thank you, Love. Gagalingan ko pa sa susunod. Sisiguruhin ko na makaka-perfect score na ako.”
“That’s my girl.” Natawa ako kaya natawa rin s’ya.
“Later sunduin kita sa school kasi magdi-dinner date tayo. Pero sana kumain ka na ngayong lunch kasi may klase ka pa, ‘di ba?” Tanong n’ya. Um-oo ako pero nagtataka pa rin ako kasi may date raw kami?
“Ano’ng okasyon?” Wala naman akong nakakalimutan. Hindi naman namin anniversary o wala namang may birthday sa ‘min kaya ganu’n na lang ang pagtataka sa mukha ko. Nang tingnan ko s’ya ay nakita ko s’yang nag-isip tapbago ngumisi nang napaka-pilya.
“Ise-celebrate natin ang pagiging second best mo! Gosh, ang galing-galing ng mahal ko. Kung ako ‘yan, maka-85 lang ako masaya na ako.” Sabi n’ya sabay tawa, natawa na rin ako habang nasasabik na makita s’ya mamaya.
“I love you, Liway. Salamat kasi nand’yan ka. Salamat kasi lagi mong pinagagaan ang loob ko.”
“Mahal din kita, Isay. At walang anoman. Tungkulin ko bilang girlfriend mo na ipaalala sa ‘yo na magaling ka lalo na kapag nakakalimutan mo ‘yun.” Wala na akong sinabi sa halip ay tumango na lang ako. Pinagpatuloy naman n’ya ang pagkain habang pinagmamasdan ko s’ya. Nang matapos ang video call namin, dumiresto ako sa canteen para bumili ng pananghalian since 1:30 pm pa naman ang next class ko. Aaminin ko, hindi na ako malungkot at dahil ‘yun sa girlfriend ko.
Siguro ganu’n talaga.
Hindi palaging tayo ang pinaka magaling o nangunguna. Minsan, wala namang masama na maging pangalawa. That way, mas makikilala natin ang ating kahinaan at madi-diskubre natin kung saang bagay tayo dapat mag-improve.
Alam ko na marami pa akong pagdadaanan bilang estudyante. Hindi naman kasi talaga biro ang kolehiyo. Mas maraming iyak moments pero meron din namang masasaya lalo na kapag nandyan si Liway para ipaalala sa ‘kin na kamahal-mahal ako kahit hindi ko na-perfect ang exam namin.
At siyempre, kahit hindi ako perpektong tao.