AVA
NARATING namin ang bahay ng lola ni Jaxson. Iba itong bahay na pinuntahan namin last time. Talagang mayaman ang pamilya ni Jaxson dahil ang dami nilang bahay. Samantalang kami ay walang pagmamay-ari dahil nangungupahan lang kami. Buhay ng isang mahirap.
Bumaba na kaming dalawa sa sasakyan at pumasok sa loob ng bahay. May kalumaan na ang bahay at pati ang mga gamit sa loob, pero malinis ang loob at pati sa labas ng bahay. Pansin kong malinis ang lawn at alaga sa gupit ang mga halaman sa paligid.
“May naglilinis ba rito?” Tanong ko habang nililibot ang mga tingin sa paligid.
“Yes. Sabado at linggo ay naglilinis sila rito. O kapag darating ako ay lilinisin nila agad ito. Bumibili rin sila ng mga pagkain kapag alam nilang mag-stay ako rito nang matagal. I always” Napatango ako sa sinabi niya. Dumiretso kami sa kusina kung saan ang pakay namin.
“Upo ka muna at panoorin akong magluto.” Utos nito. Malinis ang kusina. May lumang stove na nasa tabi ng lababo. Tiles naman ang lababo at maging ang sahig pero may kalumaan na dahil sa kulay nito. Ang mahabang lamesa na nasa gitna ay mukhang luma na rin. Nangungupas na ang barnish na ginamit.
“Puwede naman kitang tulungan para hindi ka mahirapan.” Presinta ko. Nakakahiya namang puro kain lang ako at hindi man lang tumulong sa pagluluto. Marunong naman ako sa paghiwa ng mga sangkap. Basta sasabihin niya lang kung ano’ng luto. May alam din naman ako sa pagluluto kaso kaunti nga lang ang alam ko.
“No need to. Just sit there and watch me,” sabi nito at kinindatan ako.
Nag-init ang mukha ko. Nagyuko ako ng ulo dahil nahiya ako. Sa totoo lang hindi ako sanay na ganito sa akin si Jaxson. Maasikaso at sweet kasi ito sa akin. Hindi ko alam kung sa ibang babae ay ganito siya.
Kagaya ng sinabi niya nanood ako habang nagluluto ito. Kung pagmamasdan si Jaxson para siyang bihasa na sa pagluluto. Napakagaling niya sa paghihiwa ng gulay at karne.
“Ang galing mo naman.”May paghangang sabi ko. Ang bilis ng kamay niya. Natawa lang si Jaxson sa sinabi ko.
“Madalas kasi akong manood habang naghihiwa ang lola ko. Cook ang lola ko noong kabataan niya. Kaya siguro namana ko sa kanya ang galing sa pagluluto. I grew up with my grandmother.” Kuwento nito. Kaya pala. Mabuti pa siya nakasama ang lola niya. Samantalang ako ni hindi ko pa sila nakita sa personal. Maaga kasing namayapa ang lola ko sa side ni Tatay. Kay Nanay naman ay wala akong alam kung namatay na rin sila. Kasi wala naman kinukwento si Nanay tungkol sa magulang niya. Lumaki kasi si Nanay sa Auntie niya.
Habang hinahain ni Jaxson ang niluto nitong Caldereta ay hindi ko maiwasang titigan siya. Napakaguwapo niya kasi sa suot nitong apron na puti. Maagulo ang buhok.
“Gutom ka na ba? Hindi ako pagkain. Alam ko namang guwapo ako kaya huwag mo akong titigan, baka matunaw ako,” sabi nito at natawa ako. Ako naman ay nanlaki ang mata.
“Hindi ka naman nagbubuhat ng upuan niyan?” Biro ko rin sa kanya. Totoo namang guwapo siya at hindi maikakaila iyon. Nagulat ako nang si Jaxson ang naglagay ng kanin pati ulam sa plato ko.
“Ako na ang maglalagay, kaya ko na ito.” Pagtanggi ko at saka inilayo ang plato sa kanya. Ngunit hinila pabalik ni Jaxson ang plato ko at nilagyan pa nito ng ulam. Wala na akong nagawa kundi gawin na lang nito ang gusto.
Habang kumakain ay nakikita ko sa peripheral vision ko ang pagtitig ni Jaxson sa akin. Sobrang bilis ng t***k ng puso ko. Ayokong tumingin sa kanya dahil ayokong salubungin ang mapang-akit nitong titig at baka bumigay ako. Ayokong mangyari iyon. Marami pa akong pangarap na dapat tuparin. Pinangako ko sa sarili na magtatapos muna ako bago magka-nobyo. Priority ko ang pag-aaral ko kaysa ang love kahit na may gusto ako kay Jaxson. Ayoko munang seryosohin. At saka may fiancee na si Jaxson.
Hindi rin kami nagtagal sa bahay ng lola ni Jaxson dahil tumawag ang Daddy niya na meron daw emergency meeting sa company nila. Hinatid na lamang ako ni Jaxson sa bahay.
JAXSON
PUMASOK ako sa opisina ni Daddy. Nakita ko siyang abala sa pagbabasa ng mga papeles.
“Dad.” Tawag ko rito.
“Where have you been?” Tanong niya sa akin.
“School.” Tipid na sagot ko.
“Lumiban ka muna sa klase mo bukas kailangan ka sa meeting. You’ll be handling your Mom’s share in the company. Ikaw na ang kukuha niyon dahil kung hindi mo gagawin iyon kukunin ng ibang shareholder ang share ng Mommy mo.”
Nainis ako sa sinabi ni Daddy. Hinahamon niya ba ako? Sa tingin niya hindi ko kukunin ang share ni Mommy? Hindi ko hahayaang mapunta sa iba ang pinaghirapan ni Mommy. Sa ngayon hindi ko pa priority ang share ni Mommy dahil kamamatay lang nito at gusto kong makuha ang hustisya sa pagkamatay ni Mommy. Hindi ako papayag na magpapakasaya si Daddy kasama ng babae niya. Alam kong masaya ito na mawala si Mommy.
“Okay.” Tipid na sagot ko.
Pagkatapos ng ilang briefing sa akin ni Daddy kung paano ako magsalita sa meeting bukas ay umuwi na rin ako. Nagpaiwan si Daddy at may aayusin pa raw. If I know magkikita lang sila ng babae niya.
May nasalubong akong babae na pamilyar sa akin. Tingnan mo nga naman mahuhuli ko pa sila sa akto. Imbes na umuwi ay sinundan ko ng palihim ang babae na papunta sa opisina ni Daddy. Buti na lang ay wala na ang sekretarya ni Daddy kaya hindi ako mapapansing nakasunod sa babae.
Pumasok ang babae sa loob ng opisina ni Daddy. Lumapit ako sa pinto ay dinikit ang tainga ko sa pinto. Pinakinggan kong mabuti kung ano’ng ginagawa nila sa loob. Wala naman akong naririnig na kakaiba maliban sa usapan nila. Mahina kasi ang dating sa tainga ko kaya hindi ko maintindihan ang pinag-uusapan nila.
Kailangan kong malaman kung may ginagawa silang di kanais-nais. Hinawakan ko ang seradura at bigla kong binuksan ang pinto. Nangunot ang noo ko sa nakita.