EPISODE 1
AVA
“NAY, bakit ngayon lang po kayo umuwi? Hindi ba dapat kaninang alas-sais ng hapon?” Tanong ko sa Nanay ko na kauuwi lang galing ng trabaho. Alas-diyes y media na ng gabi. Alas-sais dapat nandito na siya sa bahay.
Isang factory worker ang ina sa pagawaan ng delata ng sardinas. Magmula nang mamatay si Tatay ay naghirap kami. Tanging si Tatay lang ang nagtatrabaho noon. Si Nanay naman ay nasa bahay lang at inaalagaan kaming tatlong magkakapatid. Hindi namin akalaing mamamatay nang maaga ang ama. Nasa unang baitang pa lang ako noon sa high school nang pumanaw si Tatay dahil sa isang aksidente sa pinagtatrabahuan nitong construction site.
Foreman ang trabaho ni Tatay. Maganda ang buhay namin noon. May sarili kaming lupa at bahay na binili ni Tatay nang makaipon. Si Nanay naman ay may tindahan sa harapan ng bahay namin na pinagkukunan ng pambaon naming magkakapatid sa araw-araw.
Naibenta ang lupa namin nang mamatay si Tatay dahil hindi na kayang tustusan ni Nanay ang pangangailangan naming magkakapatid. Wala pang trabaho noon si Nanay, kapos kami sa pera. Nagpasya kaming lumipat sa squatter’s area, kung saan mas mura ang upa kumpara sa ibang upahan. Sa una ay hindi talaga kami sanay sa pamumuhay sa squatter’s area. Takot ang nangingibabaw sa amin sa tuwing lumalabas kami sa maliit na inuupahang bahay. Madumi ang paligid at mabaho. Wala ring privacy ang bawat bahay dahil halos pader na lang ang pagitan. Sa nagdaang taon ay nasanay na rin kami sa ganoong pamumuhay.
Nagtrabaho si Nanay sa factory ng delata. Maayos naman ang naging trabaho ni Nanay. Ngunit kung minsan ay kinakapos din sila dahil maraming bayarin sa school at iba pang pangangailangan. Kaya napilitan na rin akong magtrabaho ng part time habang nag-aaral, upang makatulong kay Nanay.
Umupo si Nanay sa maliit na kahoy na upuan. Maliit lang ang bahay na tinitirhan namin.
“Pinag-overtime kami ng boss namin. Kailangan kasi ng madaming production ngayon, In demand sa merkado ang mga produkto namin. Lalo ngayon, malapit na ang pasko,” sabi ni Nanay.
Kababakasan ng pagod at hirap ang mukha ni Nanay pero nakukuha pang ngumiti. Napakabuti niyang ina sa aming magkakapatid kahit nahihirapan na positibo pa rin ang kanyang pananaw sa buhay. Umupo ako sa tabi nya at niyakap s’ya.
“Pahinga na po kayo, ’Nay, pero bago ’yan kumain na muna kayo. Alam kong gutom na gutom na kayo.” Nakangiting saad ko sa kanya. Napangiti ang Nanay sa akin.
“Naku naglalambing itong anak ko, ah? Salamat sa pang-unawa kundi ko man kayo naalagaan. Hayaan niyo, kapag may oras na ako, ipapasyal ko kayo.” Malawak akong napangiti. Kailan ba kami huling namasyal kasama si Nanay? Matagal na iyon noong buhay pa si Tatay.
“Ayos lang, ’Nay. Ako ang dapat magpasalamat sa inyo dahil kahit nahihirapan ka na, hindi ka napapagod sa amin ng mga kapatid ko. Para sa akin you’re the best Nanay in the whole world.”
Masaya ako dahil nakikita ko ang ngiti ni Nanay. Ito ‘yung ngiti niya noong nabubuhay pa ang Tatay.
“Ikaw talaga binobola mo naman ang Nanay. Basta para sa inyo gagawin ko ang lahat.” Sabi niya. Hinaplos niya ang buhok ko.
Alam kong nahihirapan na s’ya, hindi man niya sabihin, ramdam ko ang pagod niya. Kaya nga lahat kaming magkakapatid ay nag-aaral ng mabuti para roon man lang maging proud si Nanay sa mga hirap niya sa amin.
****
Napatingin ako sa gawi ng nakatambay na estudyanteng mga lalaki. Nagtago ako sa puno at lihim kong pinagmasdan ang isang lalaki. He is Jaxson, my ultimate crush sa school namin. Mas ahead lang siya sa akin ng isang taon. Graduating na sila sa Senior High kung kaya nalulungkot ako dahil hindi ko na siya makikita. Kahit mayaman ang pamilya ni Jaxson ay mas pinili nitong mag-aral sa pampublikong paaralan.
Nagulat ako nang may kumalabit sa akin. Napalingon ako. “Uy, tinitingnan mo na naman ang crush mo no, Ava?” Nanlaki ang mga mata ko dahil ang lakas ng boses ng kaibigan ko. Pinatahimik ko siya gamit ang daliri ko. Napanguso naman ang kaibigan. Hinila ko siya at lumayo kami.
“Ano ka ba ang lakas ng boses mo, Kara. Baka marinig ka niya!” Angil ko.
“Ano naman? Mas maganda nga malaman niya ang sinisinta mong purorot sa kanya. Ayie!” Kinikilig na aniya at saka ako kinurot sa tagiliran habang nangingiti. Inirapan ko lang siya.
“Nakahihiya kapag nalaman niya! Saka crush lang naman. Baka magalit ang girlfriend niya kapag nalamang may ibang nagkakagusto sa boyfriend niya.”
Hanggang crush lang naman ako dahil hindi na puwede si Jaxson. Ibig sabihin kapag walang nobya si Jaxson, ipagpapatuloy mo ’yang nararamdaman mo? Singit ng isipan ko.
Ang nobya ni Jaxson ang pinakamaganda rito sa school namin. Inilaban siya sa beauty pageant at nanalo. Kaya sobrang sikat niya rito sa school.
“Iyon? Nilandi lang naman niya si Jaxson kaya napasagot niya. Sa totoo lang ha, hindi naman si Jaxson nanligaw sa kanya kundi ang haliparot na Candy!” sabi ng kaibigan ko na mukhang mas inis pa sa akin.
“Totoo? Baka naman nanligaw naman ang tao, hindi lang natin alam. Sa ganda ba naman ni Candy, hindi siya liligawan ni Jaxson? Saka pareho naman silang may kaya sa buhay, kaya bagay silang dalawa. Hindi naman papatol sa mga katulad nating mahirap na hindi pa kagandahan.” Parang may kumurot sa puso ko sa sinabi ko. Minsan nagse-self pity ako. Paano kaya kung buhay pa si Tatay hindi kami magiging ganito kahirap? Sigurado ako roon.
“Grabe ka naman makaapi sa sarili mo. Ako pa siguro hindi kagandahan pero ikaw mas maganda ka pa kay Candy. Diyos ko! Ang kapal kaya ng makeup niya. E, ikaw natural beauty. Hindi mo lang kasi nakikita ang kagandahan mo dahil iniisip mo ang estado mo sa buhay. Ang nasa isip mo mahirap ka kaya tuloy naiisip mong pangit ka na,” sabi ng kaibigan ko. Sumilay sa akin ang pagpipigil kong mapangiti sa sinabi niya.
“Halika ka na nga baka ma-late pa tayo. Binobola mo lang naman ako.” Pag-iiba ko na lang ng usapan. Hinawakan niya ang kamay ko at sabay kaming pumunta sa room namin.
Pagkalabas ng gate ng school nakita ko si Jaxson sa waiting shed, tila may hinihintay. Kumabog bigla ang dibdib ko pagkakita ko pa lang sa kanya. Kapag ganitong nakikita ko s’ya tuwing uwian ay hindi ko mapigilang kabahan. Nagdadalawang-isip ako kung lalapit ako roon o mamaya na lang kapag wala na siya. Sinaniban ako ng hiya at kaba. Halos lumabas sa dibdib ko ang puso ko sa sobrang t***k.
Aalis na lang siguro ako. Mamaya na lang ako pupunta sa waiting shed. Nahihiya ako sa kanya. Tumalikod na ako.
“Miss!” Napahinto ako sa paglalakad nang may tumawag sa akin. Hindi ako makagalaw sa kinatatayuan ko nang makilala ko kung kaninong boses iyon. Walang iba kundi si Jaxson.
Kung kaba at bilis ng t***k ng puso ang naramdaman ko pagkakita ko sa kanya kanina lang. Ngayon naman ay para akong nanghihina. Parang gusto ko na lang tumakbo.
Dahan-dahan akong lumingon. “A-Ako ba ang tinatawag mo?” Nauutal na tanong ko. Napahawak ako nang mahigpit sa strap ng bag ko.
He nodded. “I just want to ask if you saw a black car a while ago.” Hala, bakit tinatanong niya ako? Kadarating ko lang naman. Mas nauna pa nga siya sa akin. I shook my head. Pagkatapos niyon ay hindi na niya ako kinausap. Hinarap na nito ang cellphone na mukhang may ka-text. Dumistansya na ako dahil naiilang akong kasama siya.
May humintong itim na sasakyan sa tapat ni Jaxson. Baka ito na ’yung hinihintay niya. Bumukas sa bandang passenger seat ang pinto ng sasakyan. ’Agad namang pumasok sa loob ng sasakyan si Jaxson at umalis na nang makasakay ito.
Napakasuwerte ni Jaxson dahil bukod sa binigyan ng kakisigan, mayaman pa ang pamilya nito. Hindi siya nababagay sa katulad kong mahirap. Inisip kong hindi dapat ipagpatuloy ang nararamdaman ko para rito. Baka sa huli ako lang ang masasaktan.