VII.
NASA KUWARTO NA si Lady at nagbihis. Nagmamadali naman siya dahil naghihintay na sa kaniya sa sala nila ang best friend niyang si Lord. Nagtali na muna siya ng buhok sa harapan ng salamin. Nang kuminang sa mga mata niya ang makinis na binti ay kumuha siya ng jogging pants at sinuot ito. Alam niya kasing kapag makita iyon ng best friend niya at paakyatin siya muli para pagpapalitin muli ang suot niya. Naiinis siya sa kabigan niyang iyon pero ginagawa niya rin naman ang gusto nito.
Nang natapos, lumabas na siya ng kuwarto nang may ngiti sa labi. Nang nasa tapat na siya ng hagdan nakita na niya ang best friend doon sa sala. Nakapalit na rin ito ng damit. Suot nito ay isang puting sando at isang jogger shorts.
Sinubukan niyang sumayaw para magpapansin, pero bigo siya roon. Hindi man lang siya nilingon nito.
“Hoy!” inis niyang sigaw. May gigil.
Nilingon siya ni Lord. “Halika na.”
“Pansinin mo naman ako!”
“Hi, Lady. Okay na tayo?”
“Kainis!”
Natapos iyon masabi ni Lady ay bumaba na siya ng hagdan. Hindi lang simpleng lakad ang ginawa niya. Para siyang sumali sa pageant kung kumembot habang bumababa. Napatawa naman si Lord sa nakita. Natutuwa lang ito sa kaibigan.
Nang nakababa na si Lady, agad siyang dumiretso sa kinauupuan ng kaibigan. Umupo siya at humiga sa binti nito. Kinuha ni Lady ang cell phone niya at kinunan ang sarili.
“Isali mo naman ako,” sabi ni Lord.
“’Wag na. Puno na ang feed ko sa InstaGlow ng mukha mo. May sawa factor na rin, ha? Sa totoo lang tayo.”
“Ang bastos talaga!”
“Biro lang, Lordo. I love you. Oh, siya!Naka-jogging pants na ako! Bagay ba?”
“Ganyan dapat ang suot mo at ’wag kang palaging nagpapa-sexy kapag kasama mo ako. Iba ang nasa-isip ng mga nakakakita sa atin,” sabi ni Lord. Hinaplos pa nito ang mukha ng kaibigan.
Hinawakan ni Lady ang kamay nito. “Oo na. Salamat sa concern. Saan pala tayo?” Bumangon na ito. “Saan mo ako papagalitan?”
“Sa court tayo.”
Masasabi talaga ni Lady na napakusuwerte niya na magkaroon ng isang Lord Vincent sa buhay niya. Dahil dito, tumaas ang standard niya sa lalaki. Pangarap niya ang magkaroon ng katulad ng ama nito o ito mismo na anak. Sa mga lalaking nagpapakita ng paghanga sa kaniya, agad niya itong binabalewala sapagkat gusto niya ng katulad ng kaibigan kumilos. Sa unang kita pa lang, alam na niyang maalaga sa lahat ng bagay. Ang ikinatutuwa niya, kapag nasa pageant siya at oras na para sa swimsuit ay nawawala ito. Hindi siya nito kayang makitang nagkakaganoon. Ilang beses na rin napaaway ito sa mga lalaking sumisipol sa kaniya. Mabuti na lang malakas itong makipagsuntukan. Minsan, natatawa na lang siyang isipin kung paano sa kama ang kaibigan niya. Siguro, pipikit iyon. Iyon ang nakikita niya.
Papunta na sila sa court at nasa balikat naman niya ang kamay ng kaibigan. Napangiti na lang siya sa kapit nito. Sa kinikilos ng kaibigan, para itong isang ama na pinoprotektahan ang anak.
“Lordo, tanggalin mo na nga iyang kamay mo. Ang bigat!” reklamo ni Lady kahit gusto naman niya. Iinisin niya lang ito.
“Gusto ko kasi sa tabi lang kita,” nakangiting sabi ni Lord.
“’Di ka ba natakot na baka mahulog ka sa ’kin?” seryosong tanong ni Lady.
“Ako nga ang natakot na baka mahulog ka sa akin. Standard mo pa naman ako. Iyon ang sabi mo sa akin.”
“Ang lakas ng hangin, ha? Pero sorry. . . ayaw ko na sa perfect.”
“At lalong ayaw ko rin sa perfect.”
“Anyways, Lordo, ano ang gagawin ko kay Markus?” tanong ni Lady. Siya na ang nagbukas sa usapin.
“Mag-sorry ka lang nang bukal sa iyong puso.” Kinurot nito ang pisngi niya. “Huwag mo ng ulitin iyon, ah?”
“Oo na nga! Paulit-ulit ka na lang. Ang sarap mo rin suntukin, e! Kanina pa ako kinakabahan sa iyo.”
“Basta ipangako mong huwag na talaga dahil magagalit na ako sa iyo. Ang ayaw ko sa lahat, nagpapahiya ng tao. Hindi ka dapat ganoon. Kahit nasa iyo na ang lahat; yaman, ganda, talino, at magandang katawan. Hindi ka dapat ganoon lalo pa at mabait na tao ang pinahiya mo. Lalaki iyon. Gusto ka niya. Respeto na lang sana.”
“Oo na! Ako na si Lady Lou Santibañez, ang pinakamagandang beauty queen sa buong universe ay nangangakong hindi na iyon uulitin dahil magagalit ang mahal na mahal kong best friend.”
“Ganyan dapat! Payakap nga?” hiling ni Lord.
Pumunta si Lord sa harapan niya at hinawakan ang mukha niya. Hinaplos nito iyon kaya napangiti siya. Masaya lang siya na makitang pinapatawad na siya nito. Niyakap na siya nito nang mahigpit. Natutuwa naman siyang marinig ang pintig ng puso nito. Nakadikit kasi roon ang ulo niya.
Bumuwag na sa pagyakap si Lord. Bigla ba naman itong sumayaw sa harap niya kaya napatawa siya. Napahawak naman siya sa tiyan sa katatawa. Natutuwa lang siya sa ginagawa nito. Kahit matigas ang katawan nito, ginagawa pa rin nito iyon para mapasaya lang siya.
“Lordo, tumigil ka na! Ang sakit na ng tiyan ko!” natatawang sigaw ni Lady.
“Magaling ba?” tanong nito.
“Por diyos por santo! Ang laswa! Ang panget!”
“Suportahan mo naman ang best friend mo!” si Lord. Napakamot pa ito sa ulo.
“Sorry, pero riyan lang kita ’di kayang suportahan,” natatawang sagot ni Lady.
Tumigil na sa pagsayaw si Lord. Lumapit naman ito sa kaniya at muli siya niyakap. Hinalikan pa siya nito sa noo.
“Ew! Iyong pawis mo! Kadiri ka!” pagrereklamo ni Lady.
“Punasan mo muna ang pawis ko.”
Kinuha ni Lady ang panyo niya at sinimulan ng pinunasan ang mukha ng kaibigan. Napataas na lang ang kilay nang hinihingal ito. Mukhang napasobra nga ito sa pagsasayaw.
“Magpagupit ka na,” sabi ni Lady. Tinitigan niya ang mukha ng kaibigan.
“Panget na ba tingnan?” nag-aalalang tanong ni Lord.
“Malamang!”
“Sige, samahan mo ako bukas.”
Muli na silang naglakad patungo sa court. Minuto ang lumipas, dumating na sila. Napangiti naman silang dalawa nang makitang walang tao. Iyon din naman ang gusto nila. Iyong tahimik at sila lang dalawa.
Umupo na sila sa stage.
“Ano ang favorite food ni Mitta?” tanong ni Lord.
“Madalas niyang kinakain ay brownies talaga.”
“Okay. Salamat.”
Natapos masabi iyon ni Lord ay humiga ito sa binti ni Lady. Kinuha pa nito ang kamay ng kaibigan at nilagay sa mukha nito. Gusto lang nito na laruin ito ng kaibigan. Habang tinitigan ni Lady ito, napangiti na lang siya. Masasabi niyang tinamaan na talaga ito.
“Lordo, ’pag kayo na ng Mitta mo, ha? ’Wag na ’wag mo iyong sasaktan. Alam ko naman na mabait ka, pero baka matukso ka sa iba.”
“Hindi, ah! Promise! Hinding-hindi. Loyal ito, ’no?”
“Sana nga. Anyways, si Kaito, ang binata na. Baka maunahan ka pa niyon.”
“Binata ka riyan! Palasumbong naman. Mommy, oh! Binata ba iyan?”
Napatawa na lang si Lady. “Inaasar mo kasi!”
“Hindi kaya! Mapagpanggap lang talaga ang batang iyon.”
“Si Kitty, close pa rin ba sa iyo?”
“Oo, pero ngayon ay malihim na rin! Naku! ’Pag malaman ko lang talagang may boyfriend na iyon. Pupuntahan ko talaga iyon sa school nila.”
Pinisil ni Lady ang ilong nito. “Baliw! Sobrang kamukha mo talaga ang Daddy Lord mo, Lordo.”
“Bakit ba sobrang idol mo ang Daddy Lord ko?” nakangiting tanong ni Lord.
“Ang ganda kasi ng love story nila ni Tita Sandra. From enemy to lover to forever.”
“Forever?! E, hindi nga niya ako naabutan,” nalulungkot na sabi ni Lord.
“At least nabuo ka nila. Ikaw iyong forever sa pagmamahalan nila. Kahit wala na siya, hinding-hindi siya malilimutan dahil nandiyan ka.”
“Ang lalim mo kapag si Daddy na ang pinag-uusapan.”
“Mahal ko iyon, e. Sobrang sikat daw ni Tito Lord dati kahit hindi artista. Iyon ang sabi ni Mommy sa akin. Tapos iyong last video niya? Kabisadong-bisado ko na iyon. Sobrang sweet niya talaga!” Napataas ang kilay niya nang makahawak siya ng likido sa mukha ng kaibigan. “Hoy! Umiiyak ka na naman.”
“Masaya lang ako kasi daming nagmamahal sa Daddy ko. Bilang anak, I am much thankful to those who appreciate him.”
“Yes naman. Kahit ’di ko siya naabutan. Mahal na mahal ko siya. Ang saya ko nga kasi naging best friend ko pa ang anak niya at kamukha pa niya, ’di ba?”
“At crush mo pa,” pang-aasar nito sabay punas ng luha sa mga mata nito.
Hinampas ni Lady ang noo niya. “Ang kapal!”
Nagtawanan na silang dalawa. Natutuwa lang sila sa mga pinaggagawa nila sa buhay. Mabuti na lang na napanatili nila ang pagkakaibigan nila kahit nagbinata at nagdalaga na sila. Walang ilangan. Puno lang ng pagmamahalan. Kahit tinutukso silang dalawa ng mga magulang nila, walang nangyayari.
Oras ang lumipas, napagpasyahan na nilang umuwi. Bumangon na si Lord. Bago ito tumayo, ninakawan muna ng halik sa pisngi ang kaibigan.
“Tara na,” si Lord.
“Okay. Pero ano. . .”
“Pero ano? Masakit na naman ang paa mo? Huwag ka na nga magsinungaling at sabihin mong gusto mo lang sumampa sa likod ko.”
Napangiti si Lady. “I love you, best friend. Kilalang-kilala mo na talaga ako.”
•••
LUNCH BREAK NA at lumabas na muna si Lady para pumunta sa flower shop sa harapan ng university nila kasi gusto niyang bumili ng bulaklak para ibigay sa nagtatampong si Markus. Hindi man sila kaibigan pero nasaktan niya ito. Kailangan niyang bumawi man lang sa nagawa niya rito.
Nasa flower shop na siya at pumipili na ng magandang bulaklak. Hindi nagtagal, napakunotnoo na lang siya. Hindi niya alam kung anong bulaklak ang magugustuhan ng isang lalaki.
“Anong occasion, miss?” tanong ng tindera. Napatitig pa ito sa mukha ng dalaga. Nagandahan lang ito.
“Peace offering. Isang dosena. Iyong bagay po sa lalaki.” Tinuro niya ang tulips. “Pwede kaya iyan?”
“Oo. Maganda ito, miss. Sigurado akong matutuwa iyon.”
“Sige ’yan na lang. Salamat.”
Binigay na kay Lady ang bulaklak. Nilagyan pa ito ng disenyo ng tindera. Napangiti naman si Lady sa ganda niyon. Inamoy pa niya ito. Kinuha naman niya ang victoria secret niyang perfume at nilagyan iyon para mas bumango ito. Natapos niyang magbayad ay lumabas na siya.
Nagsimula na siyang maglakad patungo sa overpass. Panay tingin naman ang iilan. Ang iba, hindi napigilang bumati. Kinawayan niya naman ang mga ito habang rumarampa.
Pagpasok ni Lady ng gate ay nagdadalawang-isip na siya kung itutuloy niya ang gagawin. Kinain na siya ng hiya. At isa pa, pakiramdam niya ay hindi niya dapat ito gawin. Isa siyang beauty queen. Siya dapat ang binibigyan ng bulaklak.
Bumuntonghininga siya at nagpatuloy na sa pagrampa. Ang mga mata ay nasa kaniya pero nagpakatapang na siya. Nagbago na ang isip niya. Kailangan na niya iyong gawin. Ibababa na niya ang kayabangan niya.
Napahinto naman siya sa paglalakad nang makakasalumuha niya sina Lord at ang mga kaibigan nito. Nanginginig na ang tuhod niya pero naalala niyang kailangan niyang panatilihin ang tayo ng tunay na beauty queen.
Nang nakita ni Lord ang hawak niya. Nakita niya ang gulat sa mga mata nito. Pero mas tinatagan niya ang loob niya. Muli na siyang rumampa. Pagdating niya sa tapat ng magkakaibigan ay nag-slow motion turn siya sabay abot ng bulaklak sa lalaking nagawan niya ng kasalanan.
“Markus oppa, flowers for you.”
~~~