PROLOGUE
PROLOGUE
NANLAKI ANG MGA mata ni Lord sa nalaman. Hindi niya lubos maisip na nagawa iyon ni Soshmitta sa kaniya. Hindi siya makapaniwala. Habang tinitingnan niya ang kasintahan at ang matalik niyang kaibigan, walang tigil ang pagpatak ng luha sa mga mata niya. Nanghina siya sa natuklasan. Mahal niya ang dalawa pero niloko lang siya ng mga ito.
“M-Mahal,” sambit ni Troy habang nag-aalalang tiningnan si Soshmitta. Niyakap pa nito ang dalaga sa harapan ng kaibigan.
Parang bulkang sumabog si Lord sa narinig. Kaagad niyang sinugod ang kaibigan at sinakal. Nanlilisik ang mga mata niya sa galit.
“M-Mahal? G*go ka! Sa harapan ko pa talaga!? Ang kapal ng mukha mo, Troy! Naturingan pa kitang kaibigan pero ikaw na g*go ka! Ninakaw mo ang girlfriend ko!” galit na sabi ni Lord. Pinigilan siya ni Soshmitta na sugurin ito pero wala itong nagawa sa lakas niya.
Nang dumating sina Earl at Markus sa classroom. Napatingin ang dalawa sa isa’t isa dahil sa nasaksihan. Napatakbo naman ang mga ito para awatin ang dalawang kaibigan nilang nag-aaway. Wala silang ideya sa nangyari.
Nang dumating sila sa kinatatayuan ng dalawa. Pinigilan ni Earl si Lord habang si Markus naman ang pumigil kay Troy. Nagtagumpay naman silang paghiwalayin ang dalawa.
“Ano ang meron?” takang tanong ni Earl. Pero walang pumansin dito.
“Lord, ito lang ang sasabihin ko. ’Wag mong sisihin si Soshmitta at kahit na ako. Instead, you should’ve blamed yourself! Ikaw lang ang pwedeng sisihin dito!” sigaw ni Troy.
“T-Troy!” singhal ni Markus. Kahit wala itong alam sa nangyari, sinuway pa rin nito ang kaibigan. Hindi nito nagustuhan ang sinabi.
Nang narinig iyon ni Lord, lalong kumulo ang dugo niya. Hindi niya lubos maisip kung bakit siya ang dapat sisihin ng lahat? Para sa kaniya—siya ang biktima. Siya ang inagawan. Siya ang niloko. Siya ang nasaktan.
“W-what? A-Ako pa ang dapat sisihin? Kakaiba ka rin, Troy!” sigaw ni Lord.
Susugurin niya na sana ang kaibigan ngunit hinarangan siya ng kaniyang kasintahan kaya napahinto siya sa binabalak na gawin.
“Tama na, Lord!” sigaw ni Soshmitta.
Tinitigan ito ni Lord nang masama. “Umalis ka sa harapan ko, Mitta, baka makalimutan kong babae ka!”
Nagpupunas ng luha si Soshmitta sa harapan ni Lord. Pagkatapos, tiningnan na nito sa mga mata ang kasintahan. Kahit sinaktan nito ang kasintahan, nakaramdam pa rin ito ng awa.
“Tama si Troy, Lord! Ikaw ang dapat sisihin! Bakit? Ginawa ko iyon dahil sa iyo!”
“D-Dahil sa akin?” hindi makapaniwalang tanong ni Lord. Lumapit siya sa kasintahan niya at hinawakan ang balikat nito. “Bakit, Mitta? Bakit ako? Bakit ako?! Sabihin mo! Ano ang kasalan ko sa iyo? Minahal lang naman kita nang higit pa sa buhay ko! Pero bakit mo ako ginanito? Ngayon mo sabihin na kasalanan ko pa ang pagtataksil mo?! Grabe ka!”
Tinanggal ni Soshmitta ang kamay ni Lord sa paghawak dito. “Oo Lord, minahal mo ako nang higit pa sa buhay mo. Alam ko iyon at naramdaman ko iyon!”
“Minahal mo ba talaga?” humagulgol na tanong ni Lord.
“Oo, minahal kita. Sobra.” Yumuko ito. “Pero nakakasawa na. Dahil sa sobrang perfect mo, Lord, hindi mo namalayan na boring ka na, nakakaantok kang kasama.” Tiningnan na nito sa mga mata ang kasintahan. “At sobrang hindi na ako masaya.”
Napanganga si Lord sa sinabi ni Soshmitta habang walang tigil sa pagpatak ang luha sa mga mata niya. Hindi niya mapaliwanag ang sakit na nararamdaman ng kaniyang puso. Parang siyang sinaksak ng kutsilyo sa mga sinabi nito. Hindi niya sukat akalain na wala pa lang saysay ang pagmamahal niya na inalay para rito.
“Ang sama mo, Mitta,” bulong ni Lord sa sarili niya.
~~~