V.
“SOSHMITTA IS SO lucky to have the Lord Vincent. Ang magagawa lang natin for now ay ang magsabi ng sana lahat,” nakangiting sabi ni Caitlyn. Bumuntonghininga pa siya natapos masabi iyon.
Si Caitlyn Dela Cruz ay ipinanganak na may gintong kutsara. Bunso siya sa apat na magkakapatid kaya nakatuon sa kaniya lagi ang atensiyon ng mga magulang. Kahit abala sa kumpanya nila ang mga magulang niya ay hindi naman siya ng mga ito pinabayaan. May oras talaga ang mga ito sa kaniya. Iyon din ang isa sa nagustuhan niya sa mga magulang niya. Kaya hindi siya iyong tipo na malulungkot na abala sa trabaho ang mga magulang. Tuwing gabi, kapag umuwi na ang mga ito ay palagi siyang hinahanap sa kaniyang kuwarto. Kinukumusta siya sa mga aktibidades na ginawa niya buong araw kaya palaging alam ng mga magulang niya ang nangyayari sa buhay niya. Kahit sa mga lalaking gusto niya, ipinapaalam niya sa mga ito. Madalas nga ang kinukuwento niya ay sana makatagpo siya ng katulad ng nag-iisang Lord Vincent.
Kahit maraming nagkakagusto sa kaniya, wala siyang oras para kilalanin ang mga ito. Para sa kaniya, marami pang magagawa ang ganda niya at hindi lang paghahanap ng kasintahan sa edad niya. Hanggang sa paghanga lang muna siya at ayaw niyang pumasok sa isang relasyon na kailangan talaga ng oras para tumagal.
May ugaling mayumi si Caitlyn, pero inaarte niya lang ito para mas magmukhang maganda sa paningin ng mga lalaki. Marami namang nahulog sa ipinapakita niyang iyon. Isa sa kinahuhumalingan ng mga lalaki sa kaniya ay ang kaniyang magandang mga mata na parang nang-aakit. Agaw atensiyon rin ang pisngi niya na malaman at magandang hulma ng labi. May ilalaban din ang tangos ng kaniyang ilong. Sa gandang meron siya, kumportable siya sa lahat ng bagay. Pakiramdam niya, siya ay Diyosa.
“Indeed. Sa ating apat, tayo naman ang pinakamaganda, ’di ba? Pero siya ang gusto ng lalaking gusto natin,” sabi ni Hope. Sumipsip pa ito ng milktea pagkatapos.
“Grabe! Dinamay niyo pa ako. Kayo lang naman ang patay na patay sa boy best friend ko,” si Lady. Kinuha niya ang milktea sa kamay ni Hope at sumipsip din doon.
“Paano niyo iyon nakayanan, Lady? Na hindi kayo mahulog sa isa’t isa. To be honest, you look good together. Mas may chemistry—malakas.”
“Kasi we are best friends since then. Aware kami sa isa’t isa na hanggang doon lang.”
“Sana all nag-set ng boundaries. Kung ako siguro ikaw? Baka naghubad na ako sa harapan niya,” pagbibiro ni Caitlyn.
Napayak si Hope sa kaniya. “Kunin ka na sana ni God.”
“Baliw talaga kayong dalawa. Magkaibigan nga tayo,” sabi ni Lady.
Natawa si Caitlyn sa sinabi nito. “Mas mabuti pang bumalik na tayo sa classroom.”
“Later na muna, okay? Baka nag-uusap pa iyong dalawa,” si Lady. Gusto muna nito na magkaroon pa ng oras na magkasama ang dalawang tao na malapit dito.
“Sige,” pagsang-ayon ni Caitlyn. “Ganito na lang, magtatanong na lang kami tungkol kay Lord. But this time iyong mga flaws niya.”
“Go. Akin na lang itong fries, Hope.” Kinuha ni Lady ito sa harap ng kaibigan.
“Ikaw na nga umubos niyan. Diet ka pa sa kalagayan iyan, ha?” irap na sabi ni Hope.
“Ang damot, ha? Cheat day, okay? Wala pa namang pageant.”
“Shall I start? Hmm, mabaho ba ang hininga ni Lord?” tanong ni Caitlyn.
“Oo. Depende sa kinakain,” sagot ni Lady.
Napatawa naman sina Hope at Caitlyn. Ang saya lang nila na marinig ang ganoon tungkol sa lalaking hinahangaan nila.
“Pero wait—hindi masama sa ilong, okay? Understable,” si Lady.
“May putok ba?” Inilapit pa ni Hope ang mukha sa kaibigan.
“Wala, e. Mas maasim pa nga akin.”
“Ano ba ’yan! Mukhang wala namang flaws ang taong iyon,” reklamo ni Caitlyn.
“Ito na lang. . . pinakaayaw mong ugali niya?” tanong ni Hope. Nagbabakasakali na itong makarinig ng hindi maganda.
“Too innocent. Hindi ko naman siya boyfriend pero he doesn’t want me to wear too revealing clothes. Kahit iyong two piece pictures ko sa InstaGlow at Facegrammer ay binura niya. Pinapagalitan niya rin ako kapag nagsasalita ng mga kabastusan. Nakakasakal siyang maging best friend.”
Bumuntonghininga si Caitlyn. “Mukhang mahihirapan talaga tayo nito, Hope. Mas lalo tuloy akong nahulog dito. Ang protective lang. Sana lahat si Soshmitta.”
Nagpabuntonghininga rin si Hope. “Ang sarap mag-downgrade ng mukha. Sana lahat ay si Soshmitta.”
“Ang sama mo, Hope!” natatawang sabi ni Lady.
“Agreed, Hope,” si Caitlyn.
“Kaibigan pa ba tayo nito?” tanong ni Lady. Hindi pa rin nito mapigilan ang sarili na matawa.
“Standard of friendship—the pretty girls. Hindi naman ito gossiping. Ipapaalam ko naman ito sa kaniya,” si Hope.
Muling nagtawanan ang lahat. Hindi lang nila mapigilan ang sarili. Napatigil naman sila nang nabilaukan si Caitlyn sa kinain na fries.
“Karma,” natatawang sabi ni Lady.
Nang umayos na ang lalamunan ni Caitlyn ay muli siyang tumawa. Natatawa lang siya sa sinabi ni Hope. Ang maganda sa pagkakaibigan nilang apat, kahit naglalaitan ay malakas pa rin ang pagmamahal nila sa isa’t isa.
•••
NASA GYMNASIUM ANG magkakaibigang sina Troy, Earl, Markus, at Lord at naglalaro muna silang ng basketball, ang paborito nilang laro. Nagpapawis lang din silang apat at pangtanggal stress nila sa academics. Kakampi ni Troy si Earl at sina Markus at Lord naman ang kalaban nila. Ito ang madalas nilang nilalaro kapag gusto nilang magpapawis. Kahit papaano, masaya si Troy na nagkaayos na ang dalawang kaibigan niya na nagkainitan kanina. Akala niya ay mahihirapan si Earl na humingi ng patawad pero nagkamali siya roon. Pagkauwi talaga nila mula sa kinainang restaurant ay dumiretso ito sa kinauupuan ni Lord at taos pusong humingi ng patawad.
Habang naghihintay si Troy sa bola na maipasa sa kaniya, napasilip siya sa grupo nila Lady na nandoon sa bench. Panay sigaw ang apat sa kaibigan niyang si Lord. Hindi naman siya naiinggit sapagkat alam niyang galit ang apat sa kanila maliban na lang kay Lord na may mabuting puso. Tinitigan niya si Lady, nang nagtama ang mga mata nila ay kinindatan niya ito.
“Yucksss!” sigaw ni Lady sa inis sabay pakita ng kamao.
“Troy,” sigaw ni Earl sabay pasa ng bola sa kaniya.
Nang nasalo niya ito ay agad niya itong nilaro sa kamay niya. Muli niyang tiningnan si Lady at balak niya sanang magpasikat ngunit mukhang wala itong balak tingnan pa siya. Nang napansin niyang seryosong nakatitig sa kaniya si Soshmitta, napangiti na lang siya. Sa mga titig nito sa kaniya, alam niyang gusto siya nito. Bagaman nakikita niya rin na tinitingnan nito si Lord pero madalas niyang nahuhuli sa kaniya ito palagi.
“Ouch!” sigaw ni Troy nang maagaw ang bola sa kamay niya.
“’Di ka kasi tumitingin! Tanga lang?” pang-aasar ni Earl.
“Sino ba ang tinitingnan mo, Troy?” tanong ni Markus. Hinihingal ito.
“W-Wala.” Tiningnan niya si Lord. “Ang galing mo ngayon, ha? May pinopormahan ba?”
“Wala,” mabilisang sagot ni Lord. Nahihiya lang itong aminin ang totoong nilalaman ng puso nito.
“Kilala kita.”
“Meron iyan. Kilala ka namin.” Inakbayan nito si Lord.
Lumapit si Earl. “Sino?”
“Wala nga,” naiinis na sagot ni Lord. Hindi talaga ito aamin.
“Namumula ka Meron nga! Si Soshmitta? Boom! Tama ako, ’di ba?” panghuhula ni Earl.
“S-Si S-Soshmitta? ’Di nga Lord? Silence means yes? Confirmed! Crush mo.” Tiningnan nito ang pretty girls. Kinindatan niya muli si Lady.
“Oo na,” nakangiting sabi nito.
“Pumapag-ibig ka na, Lord, ha? Binata ka na! We’re so happy for you,” paghirit ni Markus
“Kusa lang itong tumibok.” Ang lapad ng ngiti nito.
Nagkasalubong ang kilay ni Troy sa narinig. “Badoy! Maupo na nga tayo.”
“Doon muna tayo umupo kina Lady at sa mga kaibigan niya.”
“Sige ba,” mabilisang sagot ni Markus.
Nang narinig ni Troy ang sagot ni Markus ay napalingon siya rito. Sa boses nito na may pananabik ay nabigyan niya iyon ng kahulugan. Sa tingin niya, hindi lang si Lord ang may gusto sa pretty girls.
Nang nagsimula na silang humakbang patungo sa pretty girls ay tipid siyang ngumiti nang makita ang iritableng mukha ni Lady. Sa titig nito, naramdaman niya na ayaw nitong lumapit sila. Wala naman siyang pakialam doon. Ang gusto niyang mangyari ay mainis ito sa kanila lalo na sa kaniya. Masaya lang siya na makita ang reaksiyon nito.
~~~