CHAPTER 7: Picture

2000 Words
Roxanne Wala namang nagulo sa mga gamit namin dito sa loob ng bus kaya nakahinga ako ng maluwag. Ibinaba ko na si Crystal at tinungo ang kinalalagyan ng aming lutuan at mga kaserola. "Saan ka natulog, anak? Paggising mo kanina, nasaang silid ka?" "Nasa malaking kuwarto po." "Saang kuwarto? Wala ba ako sa tabi mo paggising mo?" "Tabi ko si daddy sa kama." Napalingon akong bigla sa kanya sa sinabi niyang 'yon. "Magkatabi kayo sa kama? Magkasama kayong natulog? Anong hitsura ng kuwarto?" "Malaki po. Maganda!" Maka-ilang ulit akong napakurap habang nakatitig sa kanya. Ibinuka pa niya ang mga braso niya at ni-demonstrate sa akin kung gaano kalaki ang kuwartong sinasabi niya. "May mga gamit ba ng pan-lalaki kang nakita sa loob? Mga damit niya or mga picture niya?" "Meron po! Saka may rarawan siya ng babae na kasama. Nanay, bakit hindi ikaw 'yong nandoon sa rarawan?" Napabuntong-hininga ako ng malalim sa tanong niyang 'yon. Ibig lang sabihin ay doon siya natulog sa kuwarto ng sira-ulong Delavega na 'yon. "Iyon 'yong babaeng dapat ay pakakasalan niya," sagot ko naman kay Crystal bago ako nagpatuloy sa ginagawa ko. Wala na akong nakitang kanin sa kaldero kaya nagtingin naman ako sa bigasan namin. Ngunit gano'n na lamang ang panghihina ko nang makita kong said na said na rin pala ang bigas namin. Paano kami nito kakain ngayon? "Di po ba niya tayo lab, nanay? Bakit wala tayo sa rarawan niya?" Muli akong napalingon kay Crystal. Paano ko ba ipapaliwanag sa kanya 'yon? Hindi niya pa naman 'yon maiintindihan. "Sinabi ko naman sa iyo, 'di ba? Hindi siya ang tatay mo." "Kamuka niya po si daddy ko." Muli na naman siyang sumimangot. Napakakulit talaga niya. Hindi na nga niya talaga siguro malilimutan pa ang mukha ng lalaking 'yon sa picture. "Miss Robel." Napalingon akong bigla sa pinto at nabungaran ko doon ang dalawang kasambahay na may bitbit na tray na naglalaman ng mga pagkain. Ang isa naman ay may dalang dalawang pitchel na naglalaman ng orange juice at tubig naman ang sa isa. "Heto daw po ang pagkain niyo. Ipinapadala po ni Sir Claude." "Wala po bang lason 'yan?!" malakas na tanong naman sa kanila ni Crystal na siyang ikinanganga ko. "Baby, wala naman itong lason. Kami ang nagluto nito. Kumain din kami nito kanina," nakangiti namang sagot sa kanya ng kasambahay. Lumingon sa akin si Crystal habang nakatingala. Mukhang naghihintay siya ng desisyon ko. Wala naman akong iba pang pagpipilian dahil wala na kaming bigas. Ilang piraso ng noodles at de lata na lamang ang mayroon kami dito ngayon. Magugutom kami kung magmamatigas ako. Hindi ko rin alam kung kailan ako hahayaang makalabas ni Claude upang hanapin ang nobya niya. Okay lang sana kung ako lang ang magugutom pero hindi ang anak ko. "Salamat." Kaagad ko na ring tinanggap ang tray at inilapag sa mesa. Gano'n din ang mga pitchel. "Huwag po kayong mag-alala, Miss Robel. Malinis po ang pagkain." "Anong pangalan niyo?" tanong ko sa kanila. "Ako po si Beth," sagot ng babaeng may hawak kanina ng tray. "Ako naman po si Olga," sagot naman ng kasama niya. "Tawagin niyo na lang akong ate Roxanne. Salamat sa inyo." "Wala pong anuman. Pero baka po pagbawalan kami ni Sir Claude kung tatawagin namin kayong ate." "Kapag wala na lang siya sa paligid natin," nakangiti ko namang sagot sa kanila. "Sige po, ate Roxanne." "Kung kailangan niyo nga po pala ng banyo, magtungo lang po kayo sa likod-bahay. May laundry room po doon at may banyo." "Salamat ulit." "At kung nagugutom naman po kayo, sabihan niyo lang po kami kaagad." "Sige." Napangiti na lamang ako sa kabaitan nila. Paano kaya sila naging katulong ng demonyo nilang amo? Mabuti na lang at hindi sila nahawa. Naisip ko lang din na kahit papaano ay may titingin sa anak ko kapag nakalabas na ako ng lugar na ito. Lumabas na sila ng bus namin. Hinarap ko na ang mga pagkain sa mesa. May sinangag na kanin, fried chicken, at pritong itlog. Mayroon ding dalawang magkapatong na tinapay na may palaman. "Nanay, paano kung may lason mga 'yan?!" "Wala naman siguro, anak. Narinig mo ba 'yong sinabi nila?" "Sabi mo sa akin, huwag maniniwala sa mga stranger." Natawa naman ako sa sinabi niya. "Oo nga pero... Sige ganito na lang, si nanay na muna ang titikim bago ikaw." "Paano kung ikaw naman ang malason?" "Hindi malalason si nanay. Matibay ang sikmura ko. Halika, maupo ka na." Hinila ko ang isang silya mula sa ilalim ng mesa. Binuhat ko siya at iniupo doon. "Si nanay na muna, ha? 'Di ba, gusto mo itong chicken?" "Opo. Baka may lason, eh." "Titikman ko muna." Kumurit ako ng kapiraso mula sa isang legs ng chicken. Inamoy ko muna ito at napakabango naman niya. Kaagad ko na rin itong isinubo at nginuya. "Hmm... masarap. Juicy," aniko kay Crystal habang nginunguya ito. "Sarap, nanay?" Nakatitig naman siya sa akin habang lumulunok-lunok. "Opo. Masarap, anak. Kumain ka na. Magtatanghali na." Mabilis na rin siyang dumampot ng isang legs ng chicken at kaagad itong kinagatan. "Hmm! Sarap!" bulalas naman niya habang ngumunguya na rin siya. Si nanay at tatay kasi ang nagturo sa kanya noon na huwag tatanggap ng anumang pagkain mula sa ibang tao lalo na kung hindi kilala. Maaari daw may lason ang pagkain kaya naman natatak na 'yon sa isip niya. Okay naman sa akin 'yon kaysa mapahamak ang anak ko. Nagpatuloy kami sa magana naming pagkain. Ngayon lang ulit kasi kami nakatikim ng maayos na pagkain simula noong nabubuhay pa ang mga magulang ko. Kung bibili man ako ng masarap-sarap ay para na lamang sa anak ko dahil sa kakapusan namin sa pera. Nasa kalagitnaan kami nang pagkain nang bigla na lamang pumasok sa pinto ng bus namin si Claude. Napahinto ako kasabay nang pagkalabog ng puso ko. "Nanay!" Kaagad na lumipat sa kandungan ko si Crystal na para bang natakot sa pagdating niya. "Tss. Why? Afraid of me? Sa akin naman galing 'yang mga pagkaing 'yan," kaagad na singhal ni Claude sa anak ko. Niyakap ko naman nang mahigpit ang anak ko at sinamaan siya nang tingin. "Anong nigagawa mo dito sa bahay namin?" tanong ni Crystal sa kanya. "The house you're talking about is in my yard. Besides, it's not a house. Paano naging bahay itong bus?" "Bahay namin 'to! Dinala mo dito!" Lihim akong napangiti sa sinabing 'yon ng anak ko. Napakatalino niya para maisip niya 'yon. "Napakatabil din naman talaga ng dila ng batang 'to. Alam mong may kasalanan kayo sa akin kaya kayo naririto sa lugar ko." "'Di na nga ikaw ang daddy ko, eh. Maghahanap na lang ako ng ibang daddy. Bad ka." "Ssh, tama na, anak. Kakain ka pa ba?" mahinang saway ko na sa kanya habang yakap ko rin siya. "Ayaw ko na po, nanay." Bigla na lamang ibinalik ni Crystal ang chicken sa plato. Kalahati na rin ang nakain niya doon. Nakaramdam ako ng awa para sa kanya. Kahit gustong-gusto niya ang chicken kung galing naman sa ibang tao ay hindi pa rin niya kakainin. Lalo na kung sa isang tulad ni Claude ito magmumula. "Ipagluluto na lang kita ng noodles, okay? Iinom ka na lang ng maraming tubig," bulong ko sa tainga niya. "Opo." Yumakap na lang siya sa akin at hindi na umalis sa kandungan ko. Mabuti na lang at marami-rami na rin ang nakain niyang kanin. "Tsk. Bakit feeling ko ako pa ang magpapaamo sa isang batang sutil?" dinig kong bulong ni Claude bago siya nagdiretso sa dulong bahagi ng bus namin habang lumilinga-linga sa buong paligid. Nalalanghap ko mula sa kanya ang alak na ininom niya. Ang aga-aga pero alak kaagad ang inatupag niya. "Where the hell did this bus come from? Bulok na 'to. It should be thrown away," aniya kasabay nang paghiga niya sa kama naming naroroon. Eh, bakit siya humihiga d'yan kung bulok na? "Nanay." Bigla na lamang bumaba mula sa kandungan ko si Crystal at tumakbo patungo sa kinaroroonan ni Claude. "Di pa 'to bulok! Bakit ka nahihiga sa kama namin ni nanay?" Bakit parang pareho kami nang naiisip ni Crystal? "Bakit, bawal ba? Humiga ka rin naman sa kama ko, ah." "Para kang si tatay, lashenggero!" "Sinong tatay?" "Si tatay na tatay ni nanay." Napasampal sa noo si Claude sa sagot na 'yon ni Crystal sa kanya. Tumayo na ako at tinakpan na lang muna ang mga pagkain sa mesa. "Nasaan ang tatay mo?" "Wala na si tatay. Nilibing na sa lupa kasama si lola." "Lolo naman dapat ang tawag mo do'n, hindi tatay." "Gusto ko tatay, eh. Ngengelam ka!" "Tsk. Feisty girl." Bahagya akong lumapit sa kinaroroonan nila at nagbukas ng durabox. Iniwasan kong tumingin kay Claude at hinayaan ko na lang silang mag-usap ni Crystal. Kumuha ako ng ilang pirasong damit namin bilang pamalit. Basa pa rin kasi hanggang ngayon ang likuran ng dress ko. Sinadya ko naman talaga kanina ang umihi sa kama na 'yon para alisin nila ako mula sa pagkakagapos ko do'n. Wala akong pakialam kung magmukha akong dugyot. "Saan ka nagmana ng katarayan mo?" "Baka sa iyo. Ikaw daddy ko, eh. Pero ayaw ko na pala sa iyo." Lumakas na naman ang kabog ng dibdib ko sa isinagot na 'yon ni Crystal sa kanya. Ramdam ko naman sa gilid ng mga mata ko ang pagtitig sa akin ni Claude. "Paano mo nasabi na ako ang daddy mo, sige nga?" "Ikaw 'yong ando'n sa rarawan!" Mas lalo pang dumoble ang kabog ng dibdib ko sa sinabing 'yon ni Crystal. "A-Anak--" "Anong larawan?" Kaagad din namang napabangon si Claude habang matiim nang nakatitig sa akin ngayon. "Dito po, oh! Rarawan! Daddy, dito, oh!" Kaagad na lumapit si Crystal sa isa pang durabox at mabilis na binuksan ang nasa pinakaibabang bahagi niyon. "A-Anak, w-wala na d'yan. Walang larawa--" Tinangka ko siyang pigilan sa ginagawa niya ngunit bigla na lamang humarang sa harapan ko si Claude kaya't napahinto ako. Tumayo siya sa harapan ko habang nakatitig sa akin ng taimtim ngunit namumungay na mga mata. Kamuntik na akong mawalan ng balanse. Napakalapit niya sa akin at nalalanghap ko na ang magkahalong pabango at alak mula sa katawan niya. "Show me the picture," aniya sa akin ngunit hindi ko siya masagot. Pakiramdam ko ay lalabas na mula sa dibdib ko ang puso ko dahil sa napakalakas na kabog nito. "Daddy, ito po, oh! Ito rarawan mo!" Bigla na lamang lumabas mula sa likod niya si Crystal habang hawak na ang luma kong wallet at dinudukot na niya mula sa loob niyon ang larawan niyang hindi ko pa rin naitatapon. "Give me that," sagot niya sa anak ko habang nananatiling nakatitig sa akin. Inilahad niya ang kamay niya sa harapan ni Crystal at kaagad din namang inilagay ni Crystal ang larawan niya doon. Ilang ulit akong napalunok at nanigas na ako mula sa kinatatayuan ko. Unti-unti na niyang itinaas ang kamay niya hawak ang larawan kasabay nang pagbaba na rin ng paningin niya doon. Tinitigan niya ang larawan na iyon kasunod ang unti-unting pagkunot ng noo niya. Larawan iyon noong gabing nakasama ko siya sa ibang bar matapos naming lumabas sa bar kung saan ako nagtatrabaho naman noon. Nakangiti siya doon habang nakatitig sa camera ng phone ko ngunit sobra pa siya sa bangag noong gabing 'yon dahil sa sobra niyang kalasingan. "This is madness. Where did you get this picture? Do you think I'm going to believe it just because of this piece of f*****g picture?" aniya sa akin kasabay nang paggalaw ng ugat niya sa sentido niya. Napahugot ako ng isang malalim na buntong-hininga. "Wala akong sinasabi... Hindi ikaw ang ama ng anak ko. At hindi rin kami nagpunta dito sa Manila para hanapin siya... Gagawin ko lang ang napagkasunduan natin. Pagkatapos no'n ay aalis na kami. Hinding-hindi na kami manggugulo pa sa iyo." Hinila ko na ang kamay ni Crystal palayo sa kanya bitbit ang ilang piraso ng mga damit namin. Naiwan naman si Claude sa kinatatayuan niya habang nakatitig pa rin sa amin. Ngunit hindi na siya nakasagot pa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD