Roxanne
"Il conto, per favore!"
"Hey, Rox!" Isang malakas na palakpak ang bigla na lamang nagpagising sa akin mula sa malalim kong pag-iisip.
Napahugot akong bigla ng isang malalim na buntong-hininga. Pakiramdam ko ay may isang malaking bato ang nakadagan ngayon sa dibdib ko dahil sa bigat na nararamdaman ko.
"Ayos ka lang? Parang hindi maarok sa lalim 'yang iniiisip mo, ah. May humihingi na ng check," ani Aileen habang pa-simple niyang isinisenyas sa akin ang isang lalaking nasa harapan ko na pala ngayon ngunit hindi ko pa napapansin.
"Ciao, bella," nakangiti niyang bati sa akin habang nakatitig.
"Ciao. Come ti chiami di nuovo?" nakangiti ko namang tanong sa pangalan niya.
"Fabio," nakangiti pa rin niyang sagot habang nakatitig pa rin sa akin ng malagkit.
Pinanatili ko rin naman ang magandang ngiti ko sa kanya kahit naaalibadbaran na ako sa kanya. Mukha na siyang singkuwenta anyos sa hitsura niyang 'yan pero mukhang may kahiligan pa rin siya.
Kaagad ko nang kinuwenta ang mga nakuha niyang alak at iniabot sa kanya ang check. Kaagad niya rin naman itong tinanggap ngunit kay bagal pa rin niya itong tingnan dahil sa malagkit niya pa ring pagkakatitig sa akin.
Tinanaw ko sa kaliwang bahagi ang table na inuukupa niya.
Natanaw ko doon ang lalaking kasama niya na ngayon ay halos nakayukyok na sa mesa. Hindi na mabilang ang mga bote ng alak na naroroon. Pero dito sa resibo niya ay umabot sila ng fifty bottles at nagkakahalaga ng two hundred euro or eleven thousand five hundred forty-seven pesos sa Philippine money.
Grabe! Silang dalawa lang ang uminom ng mga 'yon? Para silang mga sawi sa pag-ibig kung makainom ng ganito ka-raming alak. Parang wala nang bukas. Tsk.
"Ecco. Tieni il resto, bella."
Muli akong napalingon sa lalaking nasa harapan ko at ngayon ay iniaabot na niya sa akin ang three hundred euro o mahigit seventeen thousand two hundred pesos sa Philippine money.
Kaagad akong nagdiwang.
"Grazie mille, bello!" pasasalamat ko sa kanya na may halo na ring pambobola. Bello means handsome and bella means beautiful.
Kita ko kung paano lumawak ang pagkakangiti niya sa akin.
"Prego, amore," aniya bago siya tumalikod at tuluyan nang umalis sa harapan ko.
"Ang laki na ng tip mo ngayong gabi, ha," biglang bulong sa akin ni Aileen kasabay nang pagbangga ng puwet niya sa akin.
Abala pa rin siya sa pagsasalin ng alak sa mga basong nakahilera sa harapan niya. Sa harapan naman ng bar counter ay nakahilera din doon ang ilan na lamang sa mga customer namin.
Isa rin siya sa mga Pinay waitress na kasama ko dito sa bar dito sa Italy at pinaka-close ko sa lahat.
"Ikaw din naman," nakangiti ko ring sagot sa kanya kahit muli na namang bumalik ang bigat na nararamdaman ko sa loob ko.
Kahit pa yata gaano kalaki ang tip na natanggap ko ngayong gabi ito ay hindi pa rin niyon mapupunan ang sakit na nararamdaman ngayon ng puso ko.
Kung puwede lang na maglaho na lang akong bigla.
LUMIPAS pa ang mahabang oras hanggang sa sumapit na ang alas dos ng madaling araw. Oras na para sa pagsasara.
Nagsilabasan na rin ang ilan na lamang na natitira pa naming mga customer. Hahapay-hapay na rin sila sa paglalakad. Tatlo na lamang din kaming naririto dahil nauna nang mag-out ang iba sa mga kasama namin.
Kaagad kong inilabas ang ilan sa mga tip ko bago ako kumuha ng isang bote ng Peroni beer at patagong uminom sa likod ng bar counter.
Hindi ko na napigilan pa ang mapaiyak sa sakit na nararamdaman ko.
Hindi ko akalaing sa pagtungo ko dito sa Italy ay magiging katapusan na rin ng relasyon namin ni Sandro. Nalaman ko na lamang na nagpakasal na siya sa iba at sigurado akong doon niya ginamit ang mga perang hiniram niya sa akin.
Wala siyang kasing-sama! Napakawalanghiya niya!
Inubos ko ang laman ng bote ng beer na hawak ko bago ako tumayo at lumabas na rin ng bar counter. Bahagya akong nahilo pero kaya ko pa naman ang sarili ko.
Naabutan ko sila Aileen at Jessa na nakatayo lamang habang nakatitig sa isang customer na hanggang ngayon ay nakayukyok pa rin sa mesa. Mukhang tulog na siya.
Teka, siya 'yong kasama no'ng isang Italiano na nagbigay sa akin ng malaking tip kanina. Bakit niya iniwan 'yan d'yan? Hindi man lang niya isinama pauwi. Wala man lang ba siyang malasakit?
"Roxanne, ikaw na ang mag-asikaso sa kanya. Napapagod na ako, eh, Masakit na ang likod ko," kaagad na sabi sa akin ni Aileen.
"Ako rin. Antok na antok na 'ko. Tapusin na natin 'to," saad din ni Jessa bago sila nagsimula nang maglinis.
Napahinga na lang ako ng malalim. Alam ko namang nahihirapan lang silang kumausap at sumuyo sa mga ganitong lasing na customer. Wala akong choice kundi ang lapitan na rin ito.
Sinimulan ko itong uyugin sa balikat niya.
"Hey, Sir. Wake up. Time for us to close the bar."
"Hmm..." mahina lamang itong umungol.
Hindi ko pa makita ang mukha niya dahil nakatakip dito ang isa niyang braso.
"Sir, I'm sorry but you need to wake up and get out of this bar. We can't leave you here." Ipinagpatuloy ko ang pag-ugoy sa balikat niya ngunit muli lamang din siyang umungol at hindi man lang kumilos kahit na bahagya.
Narinig ko ang mahinang pagtawa ni Aileen mula sa likuran ko.
"Buhusan mo kaya ng malamig na tubig," aniya.
Nakaisip naman akong bigla ng isang idea. Kaagad kong inilabas ang panyo ko at nagtungo sa loob ng bar counter. Kinuha ko ang stainless steel ice bucket na naglalaman pa ng mga natunaw ng yelo pero malamig pa naman ito.
Inilabas ko na rin ito at dinala sa table kung saan naroroon ang tulog na customer. Isinawsaw ko sa malamig na tubig ang panyo ko at bahagyang pinigaan.
"Sir." Sinubukan ko pa rin muna itong gisinging muli ngunit tulog na tulog talaga siya.
Kaya wala akong choice kundi ang pihitin siya paharap sa akin. Inalis ko ang pagkakaharang ng braso niya sa mukha niya hanggang sa tuluyan ko na siyang matunghayan.
Bigla akong napahinto at napatitig sa guwapo niyang mukha.
Maputi at namumula-mula ang makinis niyang pisngi. Nagpipilantikan ang mahahaba niyang pilik-mata. At parang nang-aakit ang natural na mapupula niyang mga labi.
Italiano din kaya siya? Parang malayo naman sa hitsura niya.
"Oh, ano? Guwapo ba?" Bigla na lamang lumapit si Jessa sa kinaroroonan namin.
"Baka naman matunaw na 'yan sa lagkit nang titig mo?" Gano'n din si Aileen.
Parang bigla naman akong natauhan. Sinimulan ko nang ilapat ang basa kong panyo sa pisngi ng lalaki.
"Hmm... What the f**k?" paungol niyang anas na parang biglang nagulat sa lamig na naramdaman niya.
Ngunit nananatili pa rin siya sa posisyon niya. Saglit lamang ding nagmulat ang namumungay niyang mga mata bago muling bumalik sa pagtulog niya.
"Ang guwapo nga! Lasing na lasing talaga siya," tila kinikilig na saad ni Jessa.
"Buti buhay pa siya," sagot din naman ni Aileen bago sila muling nagpatuloy sa paglilinis nila.
Ipinagpatuloy ko na lamang ang pagpupunas ng panyo ko sa mukha ng guwapong lalaki. Nagpatuloy din ito sa pag-ungol niya.
"Athena..."
Napahinto ako nang bigla siyang bumigkas ng tila pangalan ng isang babae.
"A-Athena..."
"Sir?"
"Thena..." Napansin ko ang unti-unting pagdilat ng mga mata niya at nagagawa na rin niyang itaas ang braso niya.
Sa tingin ko ay medyo nabubuhayan na siya sa ginagawa kong pagpunas sa kanya.
"Sir, I'm just letting you know that you're here at the bar now and you need to get out. We're closed," kalmado ko pa ring saad sa kanya.
"Athena..." Ngunit nagulat ako nang bigla na lamang yumakap sa baywang ko ang braso niya at kinabig ako palapit sa kanya.
Oh, s**t!
Dumilat bigla ang aking mga mata at isang hindi pamilyar na silid ang sumalubong sa akin.
Nasaan ako?
Sa una ay parang wala akong maintindihan hanggang sa tuluyan nang luminaw ang memorya ko. Nanaginip lang ako ngunit totoo ang mga nagyaring iyon sa akin sa Italy noong ako ay naroroon pa.
Ngunit nasaan ako ngayon? Bakit bigla akong napunta sa silid na wala namang halos kagamit-gamit?
Kaagad akong bumangon ngunit napahinto ako nang hindi ko maigalaw ang mga braso ko. Kaagad ko ang mga itong nilingon at gano'n na lang ang pagnganga ko nang makita ko ang mga itong nakaposas sa magkabilang kanto ng kama.
Bigla na lamang lumakas ang kabog ng dibdib ko.
"H-Hindi...A-Ano 'to? Crystal?!" Kaagad kong hinanap sa paligid ang anak ko ngunit hindi ko ito makita.
Mas lalo lamang akong binalot ng matinding takot at kaba, na may kasamang panlalamig ng buo kong katawan.
Hindi...
Nasaan ang anak ko? Nasaan ako?
"CRYSTAAALLL!!!"